Masayang Pamumuhay

41/62

Ang Iglesya sa Ngayon

Ang talinhaga tungkol sa ubasan ay hindi lamang sa bansang Hudyo maikakapit. Ito'y may ibinibigay na aral sa atin. Ang iglesya sa panahong ito ay binigyan ng Diyos ng malalaking mga karapatan at mga pagpapala, kaya umaasa naman Siya ng mga katumbas na ganti. MP 311.1

Tinubos tayo nang napakamahal. Sa pamamagitan lamang ng kalakhan ng itinubos na ito makukuro natin ang mga bunga nito. Sa mundong ito, na ang lupa ay dinilig ng mga luha at ng dugo ng Anak ng Diyos, ay dapat makitang lumalabas ang mahahalagang bunga ng Paraiso. Sa mga kabuhayan ng bayan ng Diyos ay dapat mahayag ang kaluwalhatian at kagalingan ng mga katotohanan ng Kanyang salita. Sa pamamagitan ng Kanyang bayan ay maipakikita ni Kristo ang Kanyang likas at ang mga simulain ng Kanyang kaharian. MP 311.2

Pinagsisikapan ni Satanas na labanan ang gawain ng Diyos, at lagi niyang inuudyukan ang mga tao na tanggapin ang kanyang mga simulain. Ang bayang hinirang ng Diyos ay inilalarawan niyang isang nadayang bayan. Siya'y tagapagsumbong o tagapagparatang sa mga kapatid, at ang kapangyarihan niya sa pagsusumbong o pagpaparatang ay ginagamit niya laban sa mga nagsisigawa ng katwiran. Sa pamamagitan ng Kanyang bayan ay hangad ng Panginoong sagutin ang mga paratang ni Satanas sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga bunga ng pagtalima sa matwid na mga simulain. MP 311.3

Ang mga simulaing ito ay dapat makita sa bawa't isang Kristiyano, sa pamilya, sa iglesya, at sa bawa't institusyong itinatag upang paglingkuran ang Diyos. Lahat ay dapat maging mga sagisag ng kung ano ang maaaring magawa para sa sanlibutan. Sila'y dapat maging mga sagisag ng nagliligtas na kapangyarihan ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Lahat ay mga kasangkapan sa ikatutupad ng dakilang panukala ng Diyos para sa sangkatauhan. MP 311.4

May pagmamalaking tiningnan ng mga pinunong Hudyo ang kanilang marilag na templo, at ang nakapagkikintal na mga rito o seremonya sa kanilang serbisyong relihiyoso; subali't kulang iyon sa katarungan, kahabagan, at sa pag-ibig ng Diyos. Ang kaluwalhatian ng templo, at ang karilagan ng kanilang serbisyo ay hindi makapagrekomenda sa kanila sa Diyos; sapagka't yaon lamang may halaga sa Kanyang paningin ay hindi nila inihandog. Hindi nila dinalhan Siya ng haing isang mapagpakumbaba at nagsisising diwa. Sa panahong nawawala ang mahahalagang simulain ng kaharian ng Diyos ay doon nagiging maraming tao at malabis ang mga seremonya. Sa panahong nakakaligtaan ang pagtatayo ng likas, sa panahong nagkukulang ang kagayakan ng kaluluwa, sa panahong nawawala na ang kapayakan ng kabanalan, ay doon naman humihingi ang kapalaluan at ang pag-ibig sa pagkatanghal ng maririlag na gusali ng iglesya, ng maririkit na kagayakan, at ng nakapagkikintal na mga seremonya. Sa lahat nang ito ay hindi napararangalan ang Diyos. Ang relihiyong maka-moda na binubuo ng mga seremonya, ng pagkukunwari, at ng pagtatanghal, ay hindi Niya tinatanggap. Ang mga serbisyo nito ay hindi sinasagot ng mga sugong buhat sa langit. MP 312.1

Ang iglesya ay napakahalaga sa paningin ng Diyos. Pinahahalagahan Niya ito, hindi dahil sa panlabas na mga kalamangan nito, kundi dahil sa tapat na kabanalang ikinaiiba o ikinabubukod nito sa sanlibutan. Pinahahalagahan Niya ito ayon sa paglago ng mga kaanib sa pagkakilala kay Kristo, at ayon sa pagsulong nila sa karanasang espirituwal. MP 312.2

Kinasasabikan ni Kristong makatanggap mula sa Kanyang ubasan ng bunga ng kabanalan at di-kasakiman. Naghihintay Siya ng mga simulain ng pag-ibig at kabutihan. Hindi lahat ng ganda ng sining ay maihahambing sa ganda ng kahinahunan at ng likas na dapat mahayag sa mga kinatawan ni Kristo. Simoy ng biyayang pumapaligid sa kaluluwa ng sumasampalataya, at ang Banal na Espiritung gumagawa sa kanyang diwa at puso, ang gumagawa sa kanya na maging isang samyo ng buhay sa ikabubuhay, at ikinapagpapala ng Diyos sa kanyang gawain. MP 312.3

Ang isang kapulungan ay maaaring siya nang pinakadukha sa lupa. Maaaring ito'y walang anumang panlabas na pang-akit; subali't kung ang mga kaanib naman ay nagsisipagtaglay ng mga simulain ng likas ni Kristo, ay mapapasakanilang mga kaluluwa ang Kanyang kagalakan. Makikiisa ang mga anghel sa kanilang pagsamba. Ang pagpupuri at pagpapasalamat ng mga pusong kumikilala ng utang na loob ay paiilanlang sa Diyos na isang matamis na alay. MP 313.1

Nais ng Panginoong banggitin natin ang Kanyang kabutihan at sabihin ang tungkol sa Kanyang kapangyarihan. Siya ay napararangalan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng papuri at pasasalamat. Sinasabi Niya, “Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa Akin.”1 Ang bayang Israel, nang sila'y naglalakbay sa ilang, ay nagsipuri sa Diyos sa pamamagitan ng banal na awit. Ang mga utos at mga pangako ng Panginoon ay nilagyan ng tugtugin, at sa buong panahon ng paglalakbay nila ay inawit ang mga ito ng mga nagsisipaglakbay. At sa Canaan nang sila'y magkatipon sa kanilang mga banal na kapistahan, ay inilahad na muli ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos, at inialay sa Kanyang pangalan ang pasasalamat. Nais ng Diyos na ang buong buhay ng Kanyang bayan ay maging isang buhay ng pagpupuri. Sa gayong paraan ang Kanyang daan ay “maipaaalam sa ibabaw ng lupa,” at ang Kanyang “panligtas na kagalingan sa lahat ng mga bansa.”2 MP 313.2

Ganyan din ang dapat mangyari ngayon. Sumasam- ba sa mga di-tunay na diyos ang mga tao ng sanlibutan. Dapat silang mapatalikod sa kanilang maling pagsamba, hindi sa pamamagitan ng pagtuligsa sa kanilang mga diyus-diyusan, kundi sa pamamagitan ng pagtingin sa bagay na lalong mabuti. Dapat maipaalam ang kabutihan ng Diyos. “Kayo ang Aking mga saksi, sabi ng Panginoon, na Ako ang Diyos.”1 MP 313.3

Nais ng Panginoon na pahalagahan natin ang dakilang panukala ng pagtubos, na ating damahin ang mataas nating karapatan bilang mga anak ng Diyos, at tayo'y magsilakad sa harap Niya na may pagtalima, at may pagpapasalamat. Nais Niyang paglingkuran natin Siya sa kabaguhan ng buhay, na may kagalakan araw-araw. Pinananabikan Niyang makita na nag-uumapaw sa ating mga puso ang pagkilala ng utang na loob dahil sa ang mga pangalan natin ay nangakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero, at dahil sa mailalagak natin ang lahat nating kabalisahan sa Kanya na nagmamalasakit sa atin. Inaatasan Niya tayong mangatuwa dahil sa tayo'y mana ng Panginoon, dahil sa ang katwiran ni Kristo ay ang maputing damit ng Kanyang mga banal, at dahil sa mayroon tayong mapalad na pag-asa ng malapit nang pagdating ng ating Tagapagligtas. MP 314.1

Ang pumuri sa Diyos sa kapuspusan at katapatan ng puso ay tungkulin ding gaya ng pananalangin. Dapat nating ipakita sa sanlibutan at sa lahat ng mga anghel sa langit na pinahahalagahan natin ang kahanga-hangang pag-ibig ng Diyos sa nagkasalang sangkatauhan, at tayo'y nagsisiasang tatanggap ng lalong malaki at lalo pang malaking mga pagpapala mula sa Kanyang walang-hanggang kapuspusan. Higit pa kaysa ginagawa natin, kailangan nating magsalita ng tungkol sa mahahalagang kabanata sa ating karanasan. Pagkatapos ng pagbubuhos ng Espiritu Santo, ang ating kagalakan sa Panginoon at ang ating kahusayan sa paglilingkod sa Kanya ay lubhang mararagdagan sa pamamagitan ng pagbilang ng Kanyang kabutihan at ng Kanyang mga kagila-gilalas na mga gawa alang-alang sa Kanyang mga anak. MP 314.2

Ang mga palatuntunang ito ay nagtataboy sa kapangyarihan ni Satanas. Inaalis nito ang diwa ng pagbubulung-bulong at pagrereklamo, at nawawalan na ng pagkakataon ang manunukso. Pinayayabong nito ang mga katangiang yaon ng likas na magpapagindapat sa mga tumatahan sa lupa para sa mga tahanan sa langit. MP 315.1

Ang ganitong patotoo ay makakaimpluwensiya sa mga iba. Wala nang higit na mabisang paraang magagamit para makahikayat ng mga kaluluwa kay Kristo. MP 315.2

Dapat nating purihin ang Diyos sa pamamagitan ng nadaramang paglilingkod, sa pamamagitan ng paggawa ng buo nating makakaya upang mapasulong ang kaluwalhatian ng Kanyang pangalan. Nagbibigay ang Diyos sa atin ng Kanyang mga kaloob upang tayo'y makapagbigay rin naman, at sa gayo'y maipaalam natin ang Kanyang likas sa sanlibutan. Sa ilalim ng kapamuhayang Hudyo, ang mga kaloob at mga handog ay isang mahalagang bahagi ng pagsamba sa Diyos. Tinuruan ang mga Israelita na italaga sa paglilingkod sa santuwaryo ang ikasampung-bahagi ng lahat nilang kita. Bukod dito'y dapat din silang magdala ng mga handog sa pagkakasala, ng mga kusangloob na mga kaloob, at ng mga handog ng pagpapasalamat. Ito ang paraan upang maitaguyod ang ministeryo ng ebanghelyo sa panahong yaon. Umaasa ang Diyos sa atin nang walang kulang kaysa inasahan Niya sa Kanyang bayan nang una. Dapat maipagpatuloy ang dakilang gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa. Pinaglaanan Niya ang gawaing ito sa pamamagitan ng ikasampung-bahagi, na kasama ng mga kaloob at mga handog. Sa ganitong paraan panukala Niyang itaguyod ang ministeryo ng ebanghelyo. Sinasabi Niyang Kanya ang ikasampung-bahagi, at ito'y dapat laging ituring na isang banal na panlaan, na dapat ilagay sa Kanyang ingatangyaman para sa kapakinabangan ng Kanyang gawain. Hinihingi rin Niya ang ating mga kusangloob na mga kaloob at mga handog ng pasasalamat. Labat ay dapat italaga sa pagpapadala ng ebanghelyo hanggang sa kadulu-duluhang mga bahagi ng lupa. MP 315.3

Kasama sa paglilingkod sa Diyos ang personal na paglilingkod. Sa pamamagitan ng personal na paggawa ay dapat tayong makipagtulungan sa Kanya sa ikaliligtas ng sanlibutan. Ang tagubilin ni Kristong, “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal,”1 ay sinasalita Niya sa bawa't isa Niyang mga tagasunod. Ang lahat ng mga itinatalaga sa buhay ni Kristo ay pawang itinatalaga sa gawain ng pagliligtas ng kanilang mga kapwa-tao. Ang mga puso nila'y titibok na kasabay ng puso ni Kristo. Ang pananabik ding yaon sa mga kaluluwa na Kanyang nadama ay makikita sa kanila. Hindi lahat ay mailalagay sa iisang lugar sa gawain, nguni't may isang lugar at may isang gawain para sa lahat. MP 316.1

Noong unang panahon, sina Abraham, Isaac, Jacob, Moises na may taglay na kaamuan at karunungan, at si Josue na may iba't ibang mga kakayahan, ay nangapatalang lahat sa gawain ng Diyos. Ang tugtugin ni Miriam, ang katapangan at kabanalan ni Deborah, ang pagibig ni Ruth sa kanyang biyenang-babae, ang pagtalima at katapatan ni Samuel, ang mahigpit na pagtatapat ni Elias, ang nagpapalambot at sumusupil na impluwensiya ni Eliseo,—lahat ay kinailangan. Kaya ngayon ang lahat ng pinagkalooban ng pagpapala ng Diyos ay dapat magsitugon sa pamamagitan ng aktuwal na paglilingkod; bawa't kaloob ay kailangang gamitin sa ikauunlad ng Kanyang kaharian at sa ikaluluwalhati ng Kanyang pangalan. MP 316.2

Lahat ng tumatanggap kay Kristo bilang sarili nilang Tagapagligtas ay dapat magpakita sa kanilang kabuhayan ng katotohanan ng ebanghelyo at ng nagliligtas nitong kapangyarihan. Hindi humihingi ang Diyos nang hindi gumagawa ng paglalaan para sa ikatutupad nito. Sa pamamagitan ng biyaya ni Kristo ay maaari nating magampanan ang lahat ng bagay na hinihingi ng Diyos. Ang buong kayamanan ng langit ay dapat mahayag sa pamamagitan ng bayan ng Diyos. “Sa ganito'y lumuluwalhati ang Aking Ama,” wika ni Kristo, “na kayo'y magsipagbunga nang marami; sa gayon kayo'y magiging Aking mga alagad.”1 MP 316.3

Inaangkin ng Diyos ang buong lupa bilang Kanyang ubasan. Bagama't ito'y nasa mga kamay na ng mangaagaw, ito'y sa Diyos pa rin. Ito'y sa Kanya dahil sa Kanyang pagtubos at paglikha nito. Dahil sa sanlibutan, nagsakripisyo si Kristo. “Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak.”2 Dahil sa isang kaloob na yaon kaya ang bawa't iba ay ibinibigay sa mga tao. Araw-araw ay tumatanggap ang sanlibutan ng pagpapala mula sa Diyos. Bawa't patak ng ulan, bawa't sinag ng liwanag na isinasabog sa ating lahing walang-utang-na-loob, bawa't dahon at bulaklak at bunga, ay nagpapatotoo sa maluwat nang pagtitiis ng Diyos at sa Kanyang dakilang pag-ibig. MP 317.1

At ano ang mga iginaganti sa dakilang Tagapagbigay? Paano pinakikitunguhan ng mga tao ang mga inaangkin ng Diyos? Kanino ipinaglilingkod ng napakarami sa mga tao ang kanilang mga buhay? Sila'y nagsisipaglingkod sa kayamanan. Kayamanan, katungkulan, at kalayawan sa sanlibutan, ang hangarin nila. Natatamo ang kayamanan sa pagnanakaw, hindi sa tao lamang, kundi sa Diyos din naman. Ginagamit ng mga tao ang mga kaloob Niya sa pagbibigay-kasiyahan sa kanilang kasakiman. Bawa't bagay na nahahawakan nila ay ipinaglilingkod sa kanilang katakawan at sa kanilang pag-ibig sa makasariling kalayawan. MP 317.2

Ang kasalanan ng sanlibutan ngayon ay ang kasalanang siyang naghatid ng kapahamakan sa Israel. Kawalan ng utang na loob sa Diyos, ang pagpapabaya sa mga pagkakataon at mga pagpapala, ng makasariling paggamit ng mga kaloob ng Diyos,—ang mga ito ay nabubuo sa kasalanang siyang nagpasapit ng galit sa Israel. Ang mga ito ay naghahatid ng kagibaan sa sanlibutan ngayon. MP 317.3

Ang mga luhang dumaloy kay Kristo doon sa Bundok ng Olibo nang Siya'y nakatayong pinanununghan ang siyudad na hinirang, ay hindi para sa Jerusalem lamang. Sa kapalarang sasapit sa Jerusalem ay nakita Niya ang pagkawasak ng sanlibutan. MP 319.1

“Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong I sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan! datapwa't ngayo'y pawang nangatatago sa iyong mga mata.”1 MP 319.2

“Sa araw na ito.” Ang araw ay malapit nang matapos. Ang panahon ng kaawaan at karapatan ay halos tapos na. Nag-iipun-ipon ang mga alapaap ng paghihiganti. Ang mga nagsitanggi sa biyaya ng Diyos ay malapit nang masangkot sa mabilis at di-mababawing kagibaan. MP 319.3

Gayunma'y nahihimbing pa rin ang sanlibutan. Hindi nalalaman ng mga tao ang panahon ng pagdalaw sa kanila. MP 319.4

Sa krisis na ito, saan matatagpuan ang iglesya? Nakatutugon ba ang mga kaanib nito sa mga hinihingi ng Diyos? Tinutupad ba nila ang Kanyang utos, at inilalarawan ba nila sa sanlibutan ang Kanyang likas? Tinatawag ba nila ang pansin ng kanilang mga kapwa-tao sa huling mahabaging pabalita ng pagbababala? MP 319.5

Nanganganib ang mga tao. Napakarami ang nangapapahamak. Nguni't kakaunti sa mga nagsisipagpanggap na mga sumusunod kay Kristo ang nagmamalasakit sa mga kaluluwang ito. Ang kapalaran ng isang sanlibutan ay nakabitin sa timbangan; subali't bahagya nang maantig yaong mga nagsisipag-angking sumasampalataya sa lalong malawak-ang-saklaw na katotohanang kailanma'y naibigay sa mga tao. Nawawala ang pag-ibig na yaong umakay kay Kristo na iwan ang tahanan Niya sa langit at nagbihis ng likas ng tao, upang mahipo ng tao ang mga tao, at mailapit sa Diyos ang sangkatauhan. Nahihimbing at manhid ang bayan ng Diyos, kaya nga hindi nila mapag-unawa ang tungkulin sa panahong ito. MP 319.6

Nang pasukin ng Israel ang Canaan, hindi nila tinupad ang panukala ng Diyos na ariin nila ang buong lupain. Pagkasakop nila ng isang bahagi, ay nanahanan na sila roon upang tamasahin ang bunga ng kanilang mga pagtatagumpay. Sa kanilang di-paniniwala at pagibig sa kaalwanan, nagpisan-pisan sila nang sama-sama sa mga dakong nasakop na, sa halip na magpatuloy sa pagsakop ng iba pang teritoryo. Sa ganitong paraan nagpasimula silang humiwalay sa Diyos. Dahil sa hindi nila pagsasakatuparan ng Kanyang panukala, ay hindi Niya natupad sa kanila ang Kanyang pangakong pagpapala. Hindi ba ganito rin ang ginagawa ng iglesya sa ngayon? Samantalang ang buong sanlibutan ay nasa harapan nila na nangangailangan ng ebanghelyo, ay nagpipisan-pisan namang magkakasama ang mga nagpapanggap na Kristiyano sa dakong doo'y makapagtatamasa sila ng mga pribilehiyo ng ebanghelyo. Hindi nila nadarama ang pangangailangan ng pag-okupa ng mga bagong teritoryo, at ang paghahatid ng pabalita ng kaligtasan sa mga purok na nasa dako roon. Ayaw nilang tuparin ang utos o tagubilin ni Kristong, “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal.”1 Hindi ba sila gasinong nagkukulang kaysa iglesya ng mga Hudyo? MP 320.1

Ang mga nagpapanggap na tagasunod ni Kristo ay nililitis o sinusulit sa harap ng sangkalangitan; nguni't ang lamig ng kanilang kasiglahan at ang hina ng kanilang mga pagsisikap o paggawa sa paglilingkod sa Diyos, ay nagpapakilalang sila'y mga di-tapat. Kung ang kanilang ginagawa ay siya nang pinakamabuting abot ng kanilang kakayahan, ay hindi nga sila mahahatulan; subali't kung ang mga puso lamang nila ay nasa gawain, makagagawa pa sila nang malaki. Alam nila, at alam din ng sanlibutan, na nawala na sa kanila ang malaking antas ng diwa ng pagkakait sa sarili at ng pagpapasan ng krus. Sa tapat ng mga pangalan ng maraming naroroon ay masusumpungang nakasulat sa mga aklat sa langit ang ganito, hindi mga tagagawa, kundi mga tagaubos. Sa maraming nagtataglay ng pangalan ni Kristo, ay malabo ang Kanyang kaluwalhatian, nalalambungan ang Kanyang kagandahan, at napagkakaitan ang Kanyang karangalan. MP 320.2

Maraming pangalan ang nasa mga aklat ng iglesya, nguni't wala naman sa ilalim ng paghahari ni Kristo. Hindi nila pinapansin ang Kanyang turo ni ginagawa man ang Kanyang gawain. Kaya nga sila'y nasa ilalim ng kontrol ng kaaway. Wala silang ginagawang tiyak na mabuti, kaya nga gumagawa sila ng di-matatayang kapinsalaan. Sapagka't ang impluwensiya nila ay hindi isang samyo ng buhay sa ikabubuhay, ito nga'y isang samyo ng kamatayan sa ikamamatay. MP 321.1

Sinasabi ng Panginoon, “Hindi baga dadalaw Ako dahil sa mga bagay na ito?”1 Dahil sa hindi nila tinupad ang panukala ng Diyos, ang mga anak ni Israel ay isinaisantabi, at ang panawagan ng Diyos ay ipinaabot sa ibang mga tao. Kung ang mga ito man ay hindi magiging mga tapat, hindi ba sila itatakwil din naman sa ganito ring paraan? MP 321.2

Sa talinhaga tungkol sa ubasan ay ang mga magsasaka ang hinatulan ni Kristo na mga maysala. Sila ang ayaw magbalik sa kanilang panginoon ng bunga ng kanyang lupa. Sa bansang Hudyo, ang mga saserdote at mga guro ang siyang sa pamamagitan ng pagsisinsay sa mga tao, ay ninakawan ang Diyos ng paglilingkod na Kanyang hinihingi. Sila ang nagpahiwalay sa bansa kay Kristo. MP 321.3

Ang kautusan ng Diyos, na walang-halong sali't saling sabi ng mga tao, ay iniharap ni Kristo bilang siyang dakilang pamantayan ng pagtalima. Ito ang ikinagalit ng mga rabi. Inilagay na nila sa ibabaw ng salita ng Diyos ang turo ng mga tao, at pinahiwalay na nila ang bayan sa Kanyang mga utos. Hindi nila maitatakwil ang mga utos nilang gawa ng mga tao upang talimahin lamang ang mga hinihingi ng salita ng Diyos. Hindi nila maisasakripisyo, alang-alang sa katotohanan, ang yabang ng pangangatwiran at ang kapurihan ng mga tao. Nang dumating si Kristo, na ipinakikilala sa bansa ang mga inaangkin o mga hinihingi ng Diyos, ay pinagkaitan Siya ng mga saserdote at mga matatanda ng karapatan Niyang mamagitan sa kanila at sa bayan. Hindi nila matanggap ang Kanyang mga suwat at mga babala, at ipinasiya nilang udyukan ang bayan laban sa Kanya at pagsabuwatanan ang Kanyang ikapapahamak. MP 321.4

Sila ang mananagot sa pagkakapagtakwil kay Kristo, at sa mga bungang sumunod. Ang pagkakasala ng isang bansa at ang pagkapahamak ng isang bansa ay dapat isisi sa mga lider ng relihiyon. MP 322.1

Hindi ba ganito ring mga impluwensiya ang gumagawa sa ating kapanahunan? Tungkol sa mga magsasaka sa ubasan ng Panginoon, hindi ba marami ang sumusunod sa mga hakbang ng mga pinunong Hudyo? Hindi ba pinahihiwalay ng mga guro ng relihiyon ang mga tao sa maliliwanag na hinihingi ng salita ng Diyos? Sa halip na turuan sila ng pagtalima sa kautusan ng Diyos, hindi ba tinuturuan nila sila ng pagsalansang? Buhat sa maraming pulpito ng mga iglesya ay tinuturuan ang mga tao na hindi na nila tungkuling sundin ang kautusan ng Diyos. Ang itnataas ay ang mga sali't saling sabi, mga palatuntunan, at mga kaugalian ng mga tao. Pinayayabong ang kapalaluan at ang kasiyahan-sa-sarili dahil sa mga kaloob ng Diyos, samantalang ang mga hinihingi ng Diyos ay di-pinapansin. MP 322.2

Sa pagsasaisantabi sa kautusan ng Diyos, ay hindi nalalaman ng mga tao ang kanilang ginagawa. Ang kautusan ng Diyos ay siyang salin ng Kanyang likas. Na- bubuo rito ang mga simulain ng Kanyang kaharian. Ang ayaw tumanggap sa mga simulaing ito ay inilalagay ang kanyang sarili sa labas ng daluyang doo'y dumadaloy ang mga pagpapala ng Diyos. MP 322.3

Ang maluwalhating mga posibilidad na inilagay sa harapan ng Israel ay magkakatotoo lamang sa pamamagitan ng pagtalima sa mga utos ng Diyos. Iyon ding tayog ng likas, iyon ding puspos na pagpapala,—pagpapala sa isip at sa kaluluwa at sa katawan, pagpapala sa bahay at sa bukid, pagpapala sa buhay na ito at sa buhay na darating,—ay maaaring mangyari sa atin sa pamamagitan lamang ng pagtalima. MP 323.1

Sa sanlibutang espirituwal at sa sanlibutang pangkalikasan, ang pagtalima sa mga kautusan ng Diyos ay siyang kondisyon ng pagbubunga. At kapag tinuturuan ng mga tao ang mga tao na huwag pahalagahan ang mga utos ng Diyos, ay kanilang hinahadlangan sila sa pagbubunga para sa Kanyang kaluwalhatian. Nagkakasala sila ng pagkakait sa Panginoon ng mga bunga ng Kanyang ubasan. MP 323.2

Sa atas ng Panginoon ay lumalapit sa atin ang mga tagapagbalita ng Diyos. Sa kanilang paglapit ay sinasabi nila, gaya ng ginawa ni Kristo, na ating talimahin ang salita ng Diyos. Inihaharap nila ang Kanyang pagangkin sa mga bunga ng ubasan, ang mga bunga ng pag-ibig, at pagpapakumbaba, at paglilingkod sa sakripisyo ng sarili. Katulad ng mga pinunong Hudyo, hindi baga marami sa mga magsasaka sa ubasan ang nangagalit? Kapag ang inaangkin ng kautusan ng Diyos ay inihaharap sa mga tao, hindi baga ginagamit ng mga gurong ito ang kanilang impluwensiya upang maakay ang mga tao na ito'y tanggihan? Ang mga ganitong guro ay tinatawag ng Diyos na mga di-tapat na alipin, MP 323.3

Ang mga sinalita ng Diyos sa unang Israel ay may solemneng babala sa iglesya at sa mga lider nito ngayon. Tungkol sa Israel ay sinabi ng Panginoon, “Sinulat Ko para sa kanya ang mga dakilang bagay ng Aking kautusan; nguni't kanilang inaring parang kakatwang bagay.”1 At sa mga saserdote at mga guro ay sinabi Niya, “Ang Aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman; sapagka't ikaw ang nagtakwil ng kaalaman, Akin namang kalilimutan ang iyong mga anak.”2 MP 323.4

Palalampasin ba ang mga babalang buhat sa Diyos nang di-papansinin? Ang mga pagkakataon ba para sa paglilingkod ay di-pagbubutihin? Ang paglibak ba ng sanlibutan, ang kapalaluan ng katwiran, ang pakikiayon sa mga kaugalian at mga sali't saling sabi ng mga tao ay makapipigil sa mga nagpapanggap na tagasunod ni Kristo sa paglilingkod sa Kanya? Itatakwil ba nila ang salita ng Diyos na gaya ng pagkakapagtakwil ng mga pinunong Hudyo kay Kristo? Ang bunga ng pagkakasala ng Israel ay nasa harapan natin. Tatanggapin ba ng iglesya sa panahong ito ang babala? MP 324.1

“Kung ang ilang mga sanga'y nangabali, at ikaw, na isang olibong ligaw, ay isinanib ka sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo; huwag kang magpalalo. . . . Sa kawalan nila ng pananampalataya ay nangabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magpalalo, kundi matakot ka; sapagka't kung hindi nga pinatawad ng Diyos ang mga talagang sanga, ikaw man ay hindi patatawarin.”3 MP 324.2