Masayang Pamumuhay
Kapitulo 24—Angkop sa Kasalan
ANG talinhaga tungkol sa damit kasalan ay naghahayag sa harap natin ng isang aral na may pinakamataas na kahalagahan. Inilalarawan ng kasalan ang pagsasama o pagkakaisa ng tao at ng Diyos; ang damit kasalan ay kumakatawan sa likas na dapat taglayin ng lahat na maibibilang na karapat-dapat na mga panauhin sa kasalan. MP 325.1
Sa talinhagang ito, gaya rin naman ng sa malaking hapunan, ay inilalarawan ang paanyaya ng ebanghelyo, ang pagtanggi rito ng bayang Hudyo, at ang tawag ng kaawaan sa mga Hentil. Datapwa't sa mga nagsisitanggi sa paanyaya, ay ipinakikita ng talinhagang ito ang isang lalong malalim na paghamak at ang isang lalong nakatatakot na kaparusahan. Ang panawagang dumalo sa piging ay anyaya ng isang hari. Buhat ito sa isang may kapangyarihang makapag-utos. Nagbibigay ito ng malaking karangalan. Subali't ang karangalan ay di-pinahahalagahan. Ang kapangyarihan ng hari ay hinamak. Samantalang ang anyaya ng puno ng sambahayan ay ipinagwalang-bahala, ang sa hari naman ay tinugon ng paghamak at pagpatay. Pinakitunguhan nila ang kanyang alipin nang may paglibak, at nilait sila at pinagpapatay sila. MP 325.2
Nang makita ng puno ng sambahayan na di-pinansin ang kanyang anyaya ay sinabi niyang sinuman sa mga taong pinagsabihan ay hindi dapat makatikim ng kanyang hapunan. Nguni't sa mga gumawa ng paglait sa hari, ay higit pa sa pagpapalayas sa harap niya at dipagpapadulog sa hapag niya ang ipinag-utos. “Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamatay-taong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.” MP 325.3
Sa dalawang talinhaga ang piging ay ipinag-anyaya ng mga panauhin, subali't ipinakikilala ng ikalawang talinhaga na may paghahandang dapat gawin ang lahat ng mga dadalo sa piging. Ang mga kumakaligta o nagpapabaya sa paghahandang ito ay itinatapon sa labas. “Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin,” at “doo'y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan; at sinabi niya sa kanya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid. Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at dalhin ninyo siya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.” MP 326.1
Ang panawagan o paanyaya sa piging ay ibinigay ng mga alagad ni Kristo. Isinugo ng ating Panginoon ang labindalawa at pagkatapos ay ang pitumpu, na itinatanyag na ang kaharian ng Diyos ay malapit na, at tinatawagan ang mga tao na magsipagsisi at magsisampalataya sa ebanghelyo. Nguni't ang panawagan ay hindi pinansin. Ang mga inanyayahan sa piging ay hindi nagsidalo. Nang dakong huli'y isinugo ang mga alipin na ipinasasabing, “Narito, inihanda ko na ang aking hapunan; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayup na pinataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan.” Ito ang pabalitang inihatid sa bansa ng Hudyo pagkatapos na si Kristo ay ipako sa krus; datapwa't ang bansang nagsasabing sila ang tanging bayan ng Diyos ay tumanggi sa ebanghel- yong dinala sa kanila na nasa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Marami ang nagsigawa nito sa paraang lubhang kalibak-libak. Ang iba naman ay lubhang nagalit sa iniaalok na kaligtasan, at sa iniaalok na kapatawaran sa pagkakapagtakwil sa Panginoon ng kaluwalhatian, na anupa't dinaluhong nila ang mga nagdadala ng pabalita. Nagkaroon ng “isang malaking pag-uusig.”1 Maraming mga lalaki at mga babaeng pinagpipiit sa bilangguan, at ang ilan sa mga tagapagbalita ng Panginoon, gaya ni Esteban at ni Santiago, ay pinagpapatay. MP 326.2
Sa ganitong paraan tinatakan ng bansang Hudyo ang pagtatakwil nila sa kaawaan ng Diyos. Ang bunga ay pauna nang sinabi sa talinhaga. “Sinugo” ng hari “ang kanyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamatay-taong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.” Ang hatol na iginawad ay dumating sa mga Hudyo sa pagkakawasak sa Jerusalem at sa pagkakapangalat sa bansa. MP 327.1
Ang ikatlong panawagan o paanyaya sa piging ay kumakatawan sa pagbibigay ng ebanghelyo sa mga Hentil. Sinabi ng hari, “Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan.” MP 327.2
Ang mga alipin ng haring nagsitungo sa mga likuang lansangan ay “tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti.” Iyon ay isang halu-halong pulutong. Ang ilan sa kanila ay walang higit na pagpapahalaga sa nagpipiging kaysa mga nagsitanggi sa paanyaya. Ang uri ng unang inanyayahan, naisip nila, ay hindi makagawa ng pagsasakripisyo sa anumang kapakinabangang pansanlibutan alang-alang sa pagdalo sa bangkete ng hari. At sa mga nagsitanggap naman sa anyaya, ay may ilan doon na ang isip lamang ay ang pakikinabangin ng kanilang mga sarili. Nagsidalo sila upang makabahagi sa mga inihanda sa piging, subali't wala silang hangaring parangalan ang hari. MP 327.3
Nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, ay nahayag ang tunay na likas ng lahat. Sapagka't ang bawa't panauhin sa piging ay pinaglaanan ng isang damit-kasalan. Ang damit-kasalang ito ay kaloob ng hari. Sa pagsusuot nila nito ay ipinakikilala nila ang kanilang paggalang sa nagpiging. Datapwa't isang tao ang nakadamit ng karaniwang damit ng mamamayan. Tinanggihan niya ang paggawa ng paghahandang hiningi ng hari. Ang damit-kasalang inilaan at inihanda sa kanya na may malaking halaga ay hindi niya isinuot. Sa gayo'y hinamak niya ang kanyang panginoon. Sa tanong ng hari na, “Ano't pumasok ka rito na walang damitkasalan?” ay wala siyang maisagot na anuman. Siya na ang humatol sa kanyang sarili. Nang magkagayo'y sinabi ng hari, “Gapusin ninyo ang mga paa at kamay niya, at dalhin ninyo siya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas.” MP 328.1
Ang pagsisiyasat ng hari sa mga panauhing nasa piging ay kumakatawan sa gawain ng paghuhukom. Ang mga panauhin sa piging na pang-ebanghelyo ay ang mga nagsisipagpanggap na naglilingkod sa Diyos, na ang mga pangalan ay nangasusulat sa aklat ng buhay. Subali't hindi lahat ng mga nagpapanggap na mga Kristiyano ay mga tunay na alagad. Bago ibigay ang panghuling gantimpala, dapat munang pasiyahan kung sino ang mga karapat-dapat makabahagi sa mana ng mga matwid. Ang kapasiyahang ito ay dapat gawin nang una sa ikalawang pagdating ni Kristo sa mga alapaap ng langit; sapagka't sa pagdating Niya, ay taglay na Niya ang Kanyang gantimpala, “upang bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon sa kanyang gawa.”1 Samakatwid, bago Siya dumating, ang likas o uri ng gawain ng bawa't tao ay napagpasiyahan na, at sa bawa't isa sa mga tagasunod ni Kristo ay may naitakda nang gantimpala ayon sa kanyang mga gawa. MP 328.2
Samantalang naninirahan pa sa lupa ang mga tao ay sa panahong yaon ginaganap ang masiyasat na paghuhukom sa mga korte sa langit. Ang mga kabuhayan ng lahat Niyang nagpapanggap na mga tagasunod ay sinusuri sa harap ng Diyos. Lahat ay sinisiyasat alinsunod sa nakatala sa mga aklat sa langit, at ayon sa kanyang mga gawa ay magpakailanman nang pinapasiyahan ang kapalaran o kahihinatnan ng bawa't isa. MP 328.3
Kinakatawanan ng damit-kasalan sa talinhaga ang malinis, walang-dungis na likas na tataglayin ng mga tunay na tagasunod ni Kristo. Sa iglesya'y ipinagkaloob “na damtan ang kanyang sarili ng mahalagang lino, malinis at maputi,” “na walang-dungis, o kulubot, o anumang gayong bagay.” Ang mahalagang lino, sinasabi ng Kasulatan, “ay ang katwiran ng mga banal.”1 Ito ang katwiran ni Kristo, ang Kanyang sariling walang-dungis na likas, na sa pamamagitan ng pananampalataya ay ibinibigay sa lahat ng mga tumatanggap sa Kanya bilang sarili nilang Tagapagligtas. MP 329.1
Ang maputing damit ng kawalang-sala ay isinuot ng ating unang mga magulang nang sila'y ilagay ng Diyos sa banal na Eden. Namuhay sila na lubos na nakikiayon sa kalooban ng Diyos. Ang buong lakas ng kanilang pagibig ay iniukol nila sa kanilang Amang nasa langit. Isang marikit at malambot na liwanag, ang liwanag ng Diyos, ang nakalukob sa banal na mag-asawa. Ang nakabalabal na liwanag na ito ay sagisang ng kanilang mga espirituwal na damit ng kawalang-salang makalangit. Kung nanatili lamang silang tapat sa Diyos, disin sana'y namalagi iyong nakalukob sa kanila. Nguni't nang makapasok na ang kasalanan, naalis ang pagkakaugnay nila sa Diyos, at ang liwanag na nakabalot sa kanila ay nawala. Hubad at nahihiya, pinagsikapan nilang palitan ang mga damit ng langit sa pamamagitan ng pagtahi ng mga dahon ng igos upang kanilang maipanakip sa kanilang kahubaran. MP 329.2
Ito ang ginawa ng mga mananalansang ng kautusan ng Diyos sapul nang araw na sumuway sina Adan at Eba. Tumahi sila ng sama-samang mga dahon ng igos upang takpan ang kahubarang likha ng pagsalangsang. Nagsuot sila ng mga damit na sarili nilang gawa, at sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawa ay pinagsikapan nilang mapagtakpan ang kanilang mga kasalanan, at mapagindapat ang kanilang mga sarili sa Diyos. MP 329.3
Subali't ito'y hindi nila kailanman magagawa. Walang anumang magagawa ang tao upang mapalitan ang nawala niyang damit ng kawalang-sala. Walang kasuutang dahon ng igos, ni damit man ng mamamayan ng sanlibutan, ang maaaring isuot ng mga nauupong kasama ni Kristo at ng mga anghel sa hapunan ng kasalan ng Kordero. MP 330.1
Tanging ang damit na si Kristo na rin ang naghanda, ang makatutugon upang tayo'y makatayo sa harapan ng Diyos. Ang damit na ito, ang balabal ng Kanyang sariling katwiran, ang ibibihis ni Kristo sa bawa't nagsisisi at sumasampalatayang kaluluwa. “Ipinapayo Ko sa iyo,” wika Niya, “na ikaw ay bumili sa Akin . . . ng mapuputing damit, upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiya-hiyang kahubaran.”1 MP 330.2
Ang damit na ito, na hinabi sa habihan ng langit, ay walang isa mang sinulid na gawa ng tao. Gumawa si Kristo ng isang sakdal na likas nang Siya'y magkatawang-tao, at ang likas na ito ay iniaalok Niya upang ibigay sa atin. “Lahat nating katwiran ay parang basahang marumi.”2 Lahat ng bagay na magagawa ng ating sarili ay dinudungisan ng kasalanan. Nguni't ang Anak ng Diyos ay “nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa Kanya'y walang kasalanan.” Ang kasalanan ay sinasabing “ang pagsalansang sa kautusan.”3 Datapwa't si Kristo ay naging masunurin sa bawa't hinihingi ng kautusan. Tungkol sa Kanya ay sinabi Niya, “Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kalooban, Oh Diyos Ko; oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng Aking puso.”4 Nang Siya'y nasa lupa pa ay sinabi Niya sa Kanyang mga alagad, “Tinupad Ko ang mga utos ng Aking Ama.”1 Dahil sa Kanyang sakdal na pagtalima ay ginawa Niyang maaari para sa bawa't tao na matalima ang mga utos ng Diyos. Kapag ipinasasakop natin ang ating mga sarili kay Kristo, ang puso natin ay napapakatnig sa Kanyang puso, ang kalooban natin ay napapalakip sa Kanyang kalooban, ang isip natin ay nagiging kaisa ng Kanyang pag-iisip, ang mga iniisip natin ay naipabibihag sa Kanya; at tayo'y namumuhay ng Kanyang kabuhayan. Ito ang ibig sabihin ng nararamtan ng damit ng Kanyang katwiran. Kung magkagayon sa pagtingin sa atin ng Panginoon, ang nakikita Niya, ay hindi ang damit na dahon ng igos, hindi ang kahubaran at kapangitan ng kasalanan, kundi ang sarili Niyang damit ng katwiran, na ito ay ang sakdal na pagtalima sa kautusan ni Jehoba. MP 330.3
Ang mga panauhin sa piging ng kasalan ay siniyasat ng hari. Ang mga tinanggap lamang ay yaong nagsitalima sa kanyang mga hinihingi at nagsipagsuot ng damit-kasalan. Ganyan din naman sa mga panauhin sa piging na pang-ebanghelyo. Lahat ay dapat makalampas o makapasa sa pagsisiyasat ng dakilang Hari, at ang mga tinatanggap lamang ay ang mga nagsipagsuot ng damit ng katwiran ni Kristo. MP 331.1
Ang katwiran ay paggawa ng matwid, at ang lahat ay hahatulan sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Inihahayag ng ating mga ginagawa ang ating mga likas. Ipinakikilala ng mga gawa kung tunay ang pananampalataya. MP 331.2
Hindi sapat na sampalatayanan nating si Jesus ay hindi isang impostor, at ang relihiyong sinasabi ng Biblia ay hindi buong katusuhang kinatha. Maaaring sumasampalataya tayo na ang pangalan ni Jesus ay siya lamang pangalan sa silong ng langit na sa pamamagitan nito'y maliligtas ang tao, at gayunpaman sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi natin Siya ginagawang ating personal na Tagapagligtas. Hindi sapat na sampalatayanan lamang ang teoriya ng katotohanan. Hindi sapat na gumawa lamang ng pagpapanggap ng pagsampalataya kay Kristo at mapatala ang ating mga pangalan sa aklat ng iglesya. “Ang tumutupad ng Kanyang mga utos ay nananahan sa Kanya, at Siya ay sa kanya. At dito'y nakikilala natin na Siya'y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na Kanyang ibinigay sa atin.” “Sa ganito'y nalalaman natin na Siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang Kanyang mga utos.”1 Ito ang tunay na katibayan ng pagkahikayat. Anuman ang ginagawa nating pagpapanggap, ay wala itong kabuluhan malibang si Kristo ay nahahayag sa ating mga gawa ng katwiran. MP 331.3
Ang katotohanan ay dapat itanim sa puso. Dapat nitong supilin ang isip at isaayos ang mga nararamdaman ng damdamin. Ang buong likas ay dapat matatakan ng mga salita ng Diyos. Ang bawa't tuldok at kudlit ng salita ng Diyos ay dapat isakabuhayan araw-araw. MP 332.1
Ang taong nagiging kabahagi ng likas ng Diyos ay magiging kaayon ng dakilang pamantayan ng katwiran ng Diyos, ang Kanyang banal na kautusan. Ito ang tuntuning sa pamamagitan nito sinusukat ng Diyos ang mga gawa ng mga tao. Ito ang magiging subukan ng likas sa Paghuhukom. MP 332.2
Marami ang nagsasabi na sa pagkamatay ni Kristo ay pinawi na ang kautusan; nguni't dito'y sinasalansang nila ang sariling pangungusap ni Kristo na, “Huwag ninyong isiping Ako'y naparito upang sirain ang kautusan, o ang mga propeta. . . . Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit sa anumang paraan ay hindi mawawala sa kautusan.”2 Kaya nag-alay si Kristo ng Kanyang buhay ay upang tubusin ang pagkakasalansang ng tao sa kautusan. Kung binago na ang kautusan o kaya'y isinaisantabi, kung gayo'y hindi na sana kinailangan ni Kristo na mamatay. Sa pamamagitan ng Kanyang buhay sa lupa ay pinarangalan Niya ang kautusan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay itinatag Niya ito. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay na isang hain o sakripisyo; hindi upang sirain ang kautusan ng Diyos, hindi upang lumikha ng isang mababa-babang pamantayan, kundi upang mapamalagi ang katarungan, upang ang kautusan ay maipakilalang di-mababago, at upang ito'y makatayong matibay magpakailanman. MP 332.3
Sinabi ni Satanas na di-maaaring matalima ng tao ang mga utos ng Diyos; at sa sarili nating lakas ay tunay ngang hindi natin matatalima ang mga ito. Subali't naparito si Kristo sa kaanyuan ng tao, at sa pamamagitan ng lubos Niyang pagtalima ay pinatunayan Niyang kung magkasama ang tao at ang Diyos ay matatalima nito ang bawa't isa sa mga utos ng Diyos. MP 333.1
“Ang lahat ng sa Kanya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban Niya sila ng karapatang (kapangyarihang) maging mga anak ng Diyos, samakatwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa Kanyang pangalan.”1 Ang karapatan o kapangyarihang ito ay wala sa tao. Ito ay ang kapangyarihan ng Diyos. Kapag tinatanggap ng isang tao si Kristo, tumatanggap din siya ng kapangyarihan upang maipamuhay ang kabuhayan ni Kristo. MP 333.2
Hinihingi ng Diyos ang pagpapakasakdal ng Kanyang mga anak. Ang Kanyang kautusan ay isang salin ng sarili Niyang likas, at ito ang pamantayan ng lahat nang likas. Ang walang-hanggang pamantayang ito ay ipinakikilala sa lahat upang walang magkamali tungkol sa uri ng mga taong ibig ng Diyos na bumuo ng Kanyang kaharian. Ang buhay ni Kristo sa lupa ay naging isang sakdal na pagpapahayag ng kautusan ng Diyos, at kapag ang mga nagsasabing sila'y mga anak ng Diyos ay nagiging katulad na ni Kristo sa likas, ay magiging masunurin sila sa mga utos ng Diyos. Kung magkagayo'y mapagtitiwalaan na sila ng Panginoon upang maka- bilang sa mga bubuo ng sambahayan sa langit. Nararamtan ng maluwalhating damit ng katwiran ni Kristo, sila'y mayroong lugar sa piging ng Hari. May karapatan silang makisama sa karamihang hinugasan ng dugo. MP 333.3
Ang taong dumalo sa piging nang walang suot na damit-kasalan ay kumakatawan sa kalagayan ng maraming nasa ating sanlibutan ngayon. Nagpapanggap silang mga Kristiyano, at sinasabi nilang sila'y karapatdapat sa mga pagpapala at mga karapatan ng ebanghelyo; subali't hindi naman sila nakakaramdam ng pangangailangan ng pagbabago ng likas. Hindi sila kailanman nakaramdam ng tunay na pagsisisi dahil sa kasalanan. Hindi nila nararamdamang kailangan nila si Kristo o sumasampalataya man sila sa Kanya. Hindi nila napananagumpayan ang kanilang namana o nalinang na mga hilig sa paggawa ng kamalian. At gayunpama'y iniisip nilang sila'y mabubuti na, at sumasandig sila sa sarili nilang mga kagalingan o mga kabutihan sa halip na magtiwala kay Kristo. Palibhasa'y mga nakikinig ng salita, sila'y dumadalo sa bangkete, subali't wala naman silang suot na damit ng katwiran ni Kristo. MP 334.1
Ang marami na ang tawag sa kanilang mga sarili ay mga Kristiyano ay mga taong moralista lamang. Tinatanggihan nila ang kaloob na siya lamang makapagbibigay-kaya sa kanila upang maparangalan nila si Kristo sa pamamagitan ng pagiging kinatawan Niya sa sanlibutan. Ang gawain ng Espiritu Santo ay isang kakatwang gawain sa ganang kanila. Hindi sila mga tagatupad ng salita. Ang mga simulain ng langit na siyang ikinaiiba o ikinabubukod ng mga nakikiisa kay Kristo sa mga nakikiisa sa sanlibutan ay halos hindi na makilala. Ang mga nagpapanggap na sumusunod kay Kristo ay hindi na isang nakahiwalay at natatanging bayan. Ang guhit ng pagkakahiwalay ay malabo na. Ang mga tao'y sumusunod na sa sanlibutan, sa mga ginagawa nito, sa mga kaugalian nito, at sa pagkamakasarili nito. Ang ig- lesya'y sumasama na sa sanlibutan sa pagsalansang sa kautusan, gayong ang sanlibutan sana ang dapat na sumama sa iglesya sa pagtalima sa kautusan. Araw-araw ay nahihikayat sa sanlibutan ang iglesya. MP 334.2
Lahat ng mga ito ay nagsisiasang sila'y ililigtas ng kamatayan ni Kristo, kahit na ayaw nilang mamuhay ng Kanyang kabuhayang mapagsakripisyo sa sarili. Lubha nilang niluluwalhati ang kasaganaan ng walang-bayad na biyaya, at pinagsisikapan nilang mapalitaw ang kanilang mga sarili na may anyo ng kabanalan, sa pagasang matatakpan nila ang mga kapintasan ng kanilang likas; subali't mawawalan ng kabuluhan ang mga pagsisikap nila sa araw ng Diyos. MP 335.1
Hindi tatakpan ng katwiran ni Kristo ang kahit isang minamahal-mahal na kasalanan. Maaaring sa puso ng isang tao ay siya'y isang manlalabag ng kautusan; gayunman kung hindi siya nakikitang gumagawa ng pagsalansang, maaaring siya'y ituring ng sanlibutan na nagaangkin ng dakilang integridad. Subali't ang kautusan ng Diyos ay nakatunghay sa mga lihim ng puso. Bawa't gawa ay hinahatulan sa pamamagitan ng adhikang nagudyok niyon. Yaon lamang kasang-ayon ng mga simulain ng kautusan ng Diyos ang makatatayo sa Paghuhukom. MP 335.2
Ang Diyos ay pag-ibig. Ipinakita Niya ang pag-ibig na yaon sa kaloob na si Kristo. Nang “ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sa Kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan,”1 ay wala Siyang ipinagkait sa binili Niyang pag-aari. Ibinigay Niya ang buong sangkalangitan, na doo'y makakukuha tayo ng lakas at kasanayan, upang tayo'y hindi maitaboy o madaig ng ating dakilang kaaway. Subali't ang pag-ibig ng Diyos ay hindi umaakay sa Kanya na pagpaumanhinan ang kasalanan. Ito'y hindi Niya pinagpaumanhinan kay Satanas; ito'y hindi Niya pinagpaumanhinan kay Adan o kay Cain; ni pagpapaumanhinan man Niya ito sa ka- ninumang iba sa mga anak ng mga tao. Hindi Niya pagpipikitan ng mata ang ating mga kasalanan o kaya'y dipapansinin ang mga kapintasan ng ating likas. Inaasahan Niyang tayo'y mananagumpay sa Kanyang pangalan. MP 335.3
Ang mga nagsisitanggi sa kaloob na katwiran ni Kristo ay nagsisitanggi sa mga katangian ng likas na magtatatag sa kanila sa pagiging mga anak na lalaki at mga anak na babae ng Diyos. Tinatanggihan nila ang bagay na siya lamang magpapagindapat sa kanila para sa isang lugar sa piging ng kasalan. MP 336.1
Sa talinhaga, nang magtanong ang hari, “Ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan?” ay naumid ang tao. Magkakaganyan din sa dakilang araw ng Paghuhukom. Maaaring ngayo'y di-pinapansin ng mga tao ang mga kapintasan ng kanilang likas, subali't sa araw na yaon ay wala silang maibibigay na dahilan. MP 336.2
Ang mga nagpapanggap na iglesya ni Kristo sa lahing ito o sa panahong ito ay ibinubunyi sa pinakamatataas na mga karapatan. Inihayag sa atin ang Panginoon sa laging-nararagdagang liwanag. Ang mga karapatan natin ay higit na malaki kaysa mga naging karapatan ng unang bayan ng Diyos. Hindi lamang nasa atin ang malaking liwanag na ipinagkatiwala sa Israel, kundi nasa atin din naman ang naragdagang katibayan ng dakilang kaligtasang inihatid sa atin sa pamamagitan ni Kristo. Yaong bagay na sa mga Hudyo ay anino at simbolo lamang ay katotohanan na sa atin. Nasa kanila noon ang kasaysayan ng Matandang Tipan; nasa atin na iyon at gayundin ang Bagong Tipan. Nasa atin ang katiyakan tungkol sa isang Tagapagligtas na pumarito na, isang Tagapagligtas na ipinako sa krus, na nabuhay na mag-uli, at sa ibabaw ng nabuksang libingan ni Jose ay nagsabing, “Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang kabuhayan.” Sa pagkakilala natin kay Kristo at sa Kanyang pag-ibig ay inilalagay sa gitna natin ang kaharian ng Diyos. Si Kristo'y inihahayag sa atin sa mga sermon at dinadalit sa atin sa mga awit. Masaganang-masaganang inihaharap sa atin ang espirituwal na bangkete. Ang damit-kasalan, na inihanda sa di-matingkalang halaga, ay walang-bayad na iniaalok sa bawa't kaluluwa. Sa pamamagitan ng mga tagapagbalita ng Diyos ay inihahandog sa atin ang katwiran ni Kristo, ang pagkaaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, ang lubhang dakila at mahahalagang pangako ng salita ng Diyos, ang malayang paglapit sa Ama sa pamamagitan ni Kristo, ang pag-aliw ng Espiritu, at ang matibay na katiyakan sa pagkakaroon ng buhay na walang-hanggan sa kaharian ng Diyos. Ano ang magagawa pa ng Diyos para sa atin na hindi pa Niya nagagawa sa paghahanda ng malaking hapunan, ng bangkete sa langit? MP 336.3
Sa langit ay ganito ang sinasabi ng mga nagsisipaglingkod na anghel: Ang gawaing iniatas sa aming tuparin namin ay amin nang nagampanan. Pinagpilitan naming mapaurong ang hukbo ng masasamang mga anghel Nagpadala kami ng ningning at liwanag sa mga kaluluwa ng mga tao, at binuhay ang kanilang alaala sa pag-ibig ng Diyos na nahayag kay Jesus. Inakit namin ang kanilang mga mata sa krus ni Kristo. Labis na nakilos ang mga puso nila sa pagkadama ng kasalanang nagpako sa Anak ng Diyos doon sa krus. Nasumbatan sila. Nakita nila ang mga hakbang na dapat gawin sa pagkahikayat; nadama nila ang kapangyarihan ng ebanghelyo; lumambot ang kanilang mga puso nang mamalas nila ang katamisan ng pag-ibig ng Diyos. Namasdan nila ang kagandahan ng likas ni Kristo. Nguni't sa marami ang lahat nang ito ay walang-kabuluhan. Hindi nila ibig isuko ang sarili nilang mga kaugalian at likas. Ayaw nilang hubarin ang mga damit na panlupa upang sila'y madamtan ng damit ng langit. Lulong na sa pag-iimbot ang kanilang mga puso. Higit nilang iniibig ang samahan sa sanlibutan kaysa pag-ibig nila sa kanilang Diyos. MP 337.1
Magiging solemne ang araw ng huling pagpapasiya. Sa paningin ng hula ay inilalarawan ito ni Apostol Juan: “Nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa Kanyang harapan ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng Diyos; at nangabuksan ang mga aklat; at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay; at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.”1 MP 337.2
Magiging malungkot ang pagbubulay-bulay ng mga pangyayaring nakaraan sa araw na yaon kapag ang mga tao ay nakatayo na nang harap-harapan sa walanghanggan. Mahahayag ang buong buhay doon ayon sa kalagayan nito. Ang mga kalayawan, ang mga karangalang pansanlibutan ay magiging parang hindi na lubhang mahalaga sa panahong yaon. Mapag-uunawa nga ng mga tao na ang katwirang kanilang hinamak ay siya lamang mahalaga. Makikita nilang hinugis nila ang kanilang mga likas sa ilalim ng mapanlinlang na mga pang-akit ni Satanas. Ang mga damit na kanilang pinili ay siyang tatak ng kanilang pagkatig sa unang dakilang tumalikod. Kung magkagayo'y makikita nila ang mga bunga ng kanilang pinili. Malalaman nila kung ano ang ibig sabihin ng pagsalansang sa mga utos ng Diyos. MP 338.1
Hindi na magkakaroon ng palugit na panahon ng pagsubok upang makapaghanda para sa walang-hanggan. Sa buhay na ito dapat nating isuot ang damit ng katwiran ni Kristo. Ito ang pagkakataon lamang natin na makapaghugis ng mga likas para sa tahanang inihanda ni Kristo para sa mga nagsisitalima sa Kanyang mga utos. MP 338.2
Ang mga araw ng pagsubok sa atin ay mabilis nang natatapos. Malapit na ang wakas. Sa atin ay ibinibigay ang babalang, “Mangag-ingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo.”1 Mangag-ingat nga kayo baka kayo'y masumpungang hindi handa. Mangag-ingat nga kayo baka kayo'y masumpungang walang damit-kasalan sa piging ng Hari. MP 338.3
“Paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.” “Mapalad siyang nagpupuyat, at nag-iingat ng kanyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kanyang kahihiyan.”2 MP 339.1