Masayang Pamumuhay

40/62

Kapitulo 23—Ang mga Kasama y Nagkaroon ng Pagkakataon

Ang Bansang Hudyo

ANG talinhaga tungkol sa dalawang anak na lalaki ay sinundan ng talinhaga tungkol sa ubasan. Sa una, ipinakilala ni Kristo sa harap ng mga gurong Hudyo ang kahalagahan ng pagsunod o pagtalima. Sa ikalawa, Kanyang itinuro ang mayamang mga pagpapalang ipinagkaloob sa Israel, at sa mga ito'y ipinakilala ng Diyos ang hinihingi Niyang pagtalima nila. Iniharap Niya sa kanila ang kaluwalhatian ng panukala ng Diyos, na sa pamamagitan ng pagtalima'y dapat sanang nagampanan nila. Nang hawiin Niya ang tabing na tumatakip sa hinaharap, ay ipinakita Niya kung paanong dahil sa di nila pagtupad ng Kanyang panukala, ay nawawalan ang buong bansa ng Kanyang pagpapala, at inihahatid ang sarili sa pagkapahamak. MP 296.1

“May isang tao na puno ng sambahayan,” sabi ni Kristo, “na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punungkahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain.” MP 296.2

Ang larawan ng ubasang ito ay ibinibigay ng propeta Isaias: “Ngayo'y aawit ako sa aking pinakamamahal ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa isang mainam na burol; at kanyang binambangan ang palibot, at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, at nagtayo ng isang moog sa gitna niyaon, at tinabasan din naman ng isang pisaan ng ubas; at kanyang hinintay na magbunga ng ubas.”1 MP 296.3

Pumipili ang magsasaka ng isang piraso ng lupa sa ilang; ito'y kanyang binabakuran, hinahawan at binubungkal, at ito'y tinatamnan niya ng mga piling puno ng ubas, at siya'y umaasa ng isang masaganang ani. Sapagka't ang lagay na lupang ito ay nakahihigit sa di-nalilinang na ilang, inaasahan niyang pararangalan siya nito sa pamamagitan ng ipakikitang mga bunga ng kanyang pagaalaga at pagpapagal sa paglilinang. Ganyan din pumili ang Diyos ng isang bayan mula sa sanlibutan upang sanayin at turuan ni Kristo. Sinasabi ng propeta, “Ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang Kanyang maligayang pananim.”2 Nagkaloob ang Diyos sa bayang ito ng malalaking karapatan, at sila'y masaganang pinagpapala ng mayaman Niyang kabutihan. Hinintay Niyang Siya'y parangalan nila sa pamamagitan ng pagbubunga. Dapat nilang ihayag ang mga simulain ng Kanyang kaharian. Sa gitna ng nagkasala't masamang sanlibutan ay dapat nilang ipakita ang likas ng Diyos. MP 297.1

Bilang ubasan ng Panginoon ay dapat silang magbigay ng bungang ganap na kaiba sa bunga ng mga bansang pagano. Ang mga taong itong mapagsamba sa mga diyos-diyusan ay nagpakalulong na sa gawang kasamaan. Nagpakalayaw sila nang walang pagpipigil sa paggawa ng karahasan at krimen, sa katakawan, paniniil, at sa pinakamasasamang gawain. Katampalasanan, pagiging-hamak, at kahirapan ang mga ibinubunga ng masamang punungkahoy. Ibang-iba naman ang dapat maging bunga ng puno ng ubas na tanim ng Diyos. MP 297.2

Naging karapatan ng bansang Hudyo na ipakita ang likas ng Diyos gaya ng pagkakapagpakita nito kay Moises. Bilang tugon sa panalangin ni Moises na, “Ipakita Mo sa akin ang Iyong kaluwalhatian,” ay nangako ang Panginoon, “Aking papangyayarihin ang Aking buong kabutihan sa harap mo.” “At ang Panginoo'y nagdaan sa harap niya, at itinanyag, Ang Panginoon, ang Panginoong Diyos, na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kabutihan at katotohanan, na gumagamit ng kaawaan sa libu-libo, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalansang at ng kasalanan.”1 Ito ang bungang ninanais ng Diyos sa Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng kalinisan ng kanilang likas, sa kabanalan ng kanilang mga kabuhayan, sa kanilang kaawaan at kagandahang-loob at pakikiramay, ay dapat nilang ipakilala na “ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa.”2 MP 298.1

Panukala ng Diyos na sa pamamagitan ng bansang Hudyo ay maibigay Niya sa lahat ng mga tao ang masaganang mga pagpapala. Ang daan ay dapat mahanda para sa ikalalaganap ng Kanyang liwanag sa buong sanlibutan sa pamamagitan ng Israel. Ang mga bansa sa sanlibutan ay nawalan na ng pagkakilala sa Diyos dahil sa pagsunod sa masasamang gawain. Gayunpaman sa kahabagan ng Diyos ay hindi Niya sila nilipol. Pinanukala Niyang bigyan sila ng pagkakataong makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang iglesya. Pinanukala Niya na ang mga simulaing nahayag sa pamamagitan ng Kanyang bayan ay maging daan upang ang larawan ng Diyos ay maibalik sa tao. MP 298.2

Sa ikatutupad ng panukala o layuning ito kaya tinawag ng Diyos si Abraham na lumabas o umalis sa kamag-anakan niyang mapagsamba sa mga diyus-diyusan, at inatasan siyang tumahan sa lupain ng Canaan. “Gagawin kitang isang malaking bansa,” sinabi ng Diyos, “at ikaw ay Aking pagpapalain, at padadakilain Ko ang iyong pangalan; at ikaw ay magiging isang pagpapala.”1 MP 298.3

Ang mga anak ni Abraham, si Jacob at ang kanyang mga supling, ay pawang ilinusong sa Ehipto, upang sa gitna ng malaki at masamang bansang yaon ay maihayag nila ang mga simulain ng kaharian ng Diyos. Ang integridad o kalinisang-budhi ni Jose at ang kahangahanga niyang gawain ng pag-iingat sa kabuhayan ng buong bansang Ehipto, ay isang larawan ng buhay ni Kristo. Si Moises at ang marami pang iba ay naging mga saksi ng Diyos. MP 299.1

Sa paghango at paglalabas sa Israel mula sa Ehipto, ay ipinakita uli ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan at kaawaan. Ang mga kagila-gilalas na gawa Niya sa pagkakahango sa kanila mula sa pagkaalipin at ang mga ipinakitungo Niya sa kanila sa kanilang paglalakbay sa ilang, ay hindi para sa ikabubuti lamang nila. Ang mga ito ay dapat maging isang nagtuturong aral sa mga bansang nakapalibot. Inihayag ng Panginoon ang Kanyang sarili na isang Diyos na nakahihigit sa lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng tao. Ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa Niya alang-alang sa Kanyang bayan ay nagpakilalang ang Kanyang kapangyarihan ay nakahihigit sa katalagahan at sa pinakadakila sa lahat ng mga sumasamba sa katalagahan. Nagsagawa ang Diyos ng lubos na pagsasaalang-alang at pagsusulit sa palalong lupain ng Ehipto gaya ng gawain Niyang lubos na pagsasaalang-alang at pagsusulit sa lupa sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng apoy at unos, ng lindol at kamatayan, ay tinubos ng dakilang AKO NGA ang Kanyang bayan. Inilabas Niya sila mula sa lupain ng pagkaalipin. Pinatnubayan Niya sila sa “malaki at kakila-kilabot na ilang, na tinatahanan ng mga makamandag na ahas, at mga alakdan, at uhaw na lupa na walang tubig.” Naglabas Siya sa kanila ng tubig mula sa “batong pingkian,” at pinakain Niya sila “ng trigo ng langit.”2 “Sapagka't,” wika ni Moises, “ang bahagi ng Panginoon ay ang Kanyang bayan; si Jacob ang bahaging mana Niya. Kanyang nasumpungan siya sa isang ilang na lupain, at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; Kanyang kinanlungan siya sa palibot, Kanyang nilingap (tinuruan), Kanyang iningatang parang salamin ng Kanyang mata. Parang agila na kumikilos ng kanyang pugad, na yumuyungyong sa kanyang mga inakay, kanyang ibinubuka ang kanyang mga pakpak, kanyang kinukuha sila, kanyang dinadala sila sa ibabaw ng kanyang mga pakpak: ang Panginoon na mag-isa ang pumatnubay sa kanya, at walang ibang diyos na kasama siya.”1 Sa ganitong paraan dinala Niya sila sa Kanyang sarili, upang sila'y makatahan sana na parang nasa ilalim ng lilim ng Kataastaasan. MP 299.2

Si Kristo ang nanguna sa mga anak ni Israel sa kanilang paglalakbay sa ilang. Nalililiman ng haliging ulap kung araw at ng haliging apoy kung gabi, Kanyang inakay at pinatnubayan sila. Kanyang iningatan sila sa mga panganib sa ilang, Kanyang dinala sila sa loob ng lupang pangako, at sa paningin ng lahat ng mga bansang hindi nakakakilala sa Diyos ay Kanyang itinatag ang Israel bilang sarili Niyang piniling pag-aari, na ubasan ng Panginoon. MP 300.1

Sa bayang ito ipinagkatiwala ang mga orakulo ng Diyos. Sila'y binakuran sa palibot ng mga utos ng Kanyang kautusan, ng walang-hanggang mga simulain ng katotohanan, katarungan, at kalinisan. Ang pagtalima sa mga simulaing ito ay siya nilang magiging sanggalang, sapagka't ito ang magliligtas sa kanila sa pagwasak nila sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng mga makasalanang gawain. At bilang pinaka-moog sa ubasan. ay inilagay ng Diyos sa gitna ng lupain ang Kanyang banal na templo. MP 300.2

Si Kristo ang naging guro nila. Kung paanong Siya'y nakasama nila sa ilang, gayon mananatili pa rin Siyang kanilang guro at patnubay. Sa tabernakulo at sa templo ang kaluwalhatian Niya ay tumahan sa banal na kinaroroonan ng Diyos na nasa ibabaw ng luklukan ng awa. Alang-alang sa kanila ay patuloy Niyang ipinakita ang mga kayamanan ng Kanyang pag-ibig at pagtitiis. MP 300.3

Ninais ng Diyos na ang Kanyang bayang Israel ay gawing isang kapurihan at isang kaluwalhatian. Bawa't kalamangang espirituwal ay ibinigay sa kanila. Walang ipinagkait ang Diyos sa kanila na anumang bagay na makatutulong upang mahugis ang kanilang likas sa pagiging mga kinatawan Niya. MP 301.1

Ang pagtalima nila sa kautusan ng Diyos ay gagawin silang mga kagilalasan sa kasaganaan sa harap ng mga bansa ng sanlibutan. Siya na makapagbibigay sa kanila ng karunungan at kasanayan sa lahat ng gawang kadalubhasaan ay patuloy na magiging guro nila, at sila'y padadakilain at itataas sa pamamagitan ng pagtalima sa Kanyang mga kautusan. Kung sila'y magiging masunurin, maiingatan sila sa mga sakit na nagpapahirap sa ibang mga bansa, at sila'y pagpapalain sa pagkakaroon ng lakas at lusog ng kaisipan. Ang kaluwalhatian ng Diyos, ang Kanyang kamaharlikaan at kapangyarihan, ay dapat makita sa lahat nilang kasaganaan. Dapat silang maging isang kaharian ng mga saserdote at mga prinsipe. Pinagkalooban sila ng Diyos ng lahat ng pasilidad upang maging pinakadakilang bansa sa ibabaw ng lupa. MP 301.2

Sa tiyak na tiyak na paraan ay iniharap sa kanila ang panukala ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, at pinakaliwanag ang mga itinatadhana o mga kondisyon ng kanilang ikasasagana. “Ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos,” sabi Niya, “pinili ka ng Panginoon mong Diyos upang maging isang tanging bayan sa Kanyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa. . . . Talastasin mo nga na ang Panginoon ninyong Diyos, ay siyang Diyos, ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at nag- gagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa Kanya at tumutupad ng Kanyang mga utos hanggang sa isang libong salin ng lahi. . . . Iyo ngang iingatan ang mga utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na Aking iniutos sa iyo sa araw na ito, na iyong ganapin. At mangyayari, na sapagka't iyong dininig ang mga kahatulang ito, at iyong tinutupad, at iyong ginaganap, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang tipan at igagawad ang kagandahang-loob na Kanyang isinumpa sa iyong mga magulang; at Kanyang iibigin ka, at pagpapalain ka, at pararamihin ka: Kanya rin namang pagpapalain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan, sa lupain na Kanyang isinumpa sa iyong mga magulang upang ibigay sa iyo. Magiging mapalad ka kaysa lahat ng mga bayan. . . . At ilalayo sa iyo ng Panginoon ang lahat ng sakit, at wala Siyang ihuhulog sa inyo sa masasamang sakit sa Ehipto, na iyong nalalaman.”1 MP 301.3

Kung tutuparin nila ang Kanyang mga utos, ipinangako ng Diyos na ibibigay sa kanila ang pinakamaiinam na trigo, at bibigyan sila ng pulutpukyutan mula sa bato. Bibigyan Niya sila ng mahabang buhay, at ipakikilala sa kanila ang Kanyang pagliligtas. MP 302.1

Dahil sa pagsuway sa Diyos, nawala kina Adan at Eba ang Eden, at dahil sa kasalanan ay sinumpa ang lupa. Nguni't kung sinunod ng bayan ng Diyos ang Kanyang tagubilin, naibalik sana ang katabaan at kagandahan sa kanilang lupain. Diyos na rin ang nagbigay sa kanila ng mga tagubilin tungkol sa ikalilinang ng lupa, at dapat silang makipagtulungan sa Kanya sa ikapanunumbalik ng katabaan at kagandahan nito. Sa gayon ang buong lupain, sa ilalim ng pangangasiwa ng Diyos, ay magiging isang nagtuturong aral tungkol sa espirituwal na katotohanan. Kung paanong sa pagtalima sa Kanyang mga katutubong kautusan ay magbibigay ang lupa ng mga kayamanan nito, gayundin naman sa pagtalima ng mga tao sa Kanyang kautusang moral ay maiaaninag ng kanilang mga puso ang mga katangian ng Kanyang likas. Maging mga pagano o mga hentil ay kikilala sa kahigitan o kalamangan ng mga nagsisipaglingkod at nagsisisamba sa buhay na Diyos. MP 302.2

“Narito,” wika ni Moises, “aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Diyos, upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga bansa, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan. Sapagka't anong dakilang bansa nga ang may Diyos na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Diyos kailanman tayo'y tumawag sa Kanya? At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napakatutuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na to?”1 MP 303.1

Dapat akupahan o ariin ng mga anak ni Israel ang lahat ng teritoryong itinakda ng Diyos sa kanila. Ang mga bansang nagsitangging sumamba at maglingkod sa tunay na Diyos, ay dapat alisan ng lupain. Subali't panukala ng Diyos na sa pamamagitan ng pagpapakita ng Israel ng Kanyang likas ay mailapit sa Kanya ang mga tao. Dapat ibigay sa buong sanlibutan ang pabalita ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagtuturo ng paglilingkod ukol sa pagsasakripisyo, ay dapat maitaas si Kristo sa harap ng mga bansa, at ang lahat ng titingin sa Kanya ay mabubuhay. Ang lahat na, tulad ni Rahab na Cananea, at ni Ruth na Moabita, na nagsitalikod sa pagsamba sa mga diyus-diyusan at nagsibaling sa pagsamba sa tunay na Diyos, ay dapat makipagkaisa sa Kan- yang bayang hinirang. At sa pagdami ng bilang ng Israel, ay dapat nilang palawakin ang kanilang mga hangganan, hanggang sa masaklaw ng kanilang kaharian ang sanlibutan. MP 303.2

Hinangad ng Diyos na maipailalim sa Kanyang mahabaging pagpupuno ang lahat ng mga tao. Hinangad Niyang ang lupa'y malipos ng kagalakan at kapayapaan. Nilikha Niya ang tao upang lumigaya, at pinananabikan Niyang punuin ang puso ng mga tao ng kapayapaan ng langit. Ang nais Niya'y maging isang sagisag ng dakilang sambahayan sa langit ang mga sambahayang nasa lupa. MP 304.1

Nguni't hindi tinupad ng Israel ang panukala ng Diyos. Sinabi ng Panginoon, “Tinamnan kita ng mahal na puno ng ubas, na pawang mabuting binhi: bakit ka nga naging bansot na ibang puno ng ubas sa Akin?” “Ang Israel ay isang walang-saysay na puno ng ubas, nagbubunga siya para sa kanyang sarili.”1 “At ngayon, Oh mga nananahan sa Jerusalem, at mga tao sa Juda, hatulan ninyo, isinasamo Ko sa inyo, Ako at ang Aking ubasan. Ano pa ang magagawa Ko sa Aking ubasan na hindi Ko nagawa? Ano't nang Aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, ay nagbunga ng ubas gubat? At ngayo'y Aking sasaysayin sa inyo ang gagawin Ko sa Aking ubasan: Aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; Aking ibabagsak ang bakod niyaon, at mayayapakan: at Aking pababayaang sira; hindi kakapunin o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: Akin ding iuutos sa mga alapaap na huwag nilang ulanan. Sapagka't . . . Siya'y naghintay ng kahatulan, nguni't narito, kapighatian; ng katwiran, nguni't narito, daing.”2 MP 304.2

Sa pamamagitan ni Moises ay iniharap ng Panginoon sa Kanyang bayan ang bunga ng di-pagtatapat. Sa pagtanggi nilang tumupad ng Kanyang tipan, ay inihihiwalay nila ang kanilang mga sarili sa buhay ng Diyos, at hindi makasasapit sa kanila ang Kanyang pagpapala. “Mag-ingat ka,” sabi ni Moises, “na baka iyong malimutan ang Panginoon mong Diyos, sa hindi mo pagtupad ng Kanyang mga utos, at ng Kanyang mga kahatulan, at ng Kanyang mga palatuntunan, na Aking iniuutos sa iyo sa araw na ito: baka pagka ikaw ay nakakain at nabusog, at nakapagtayo ng mabubuting bahay, at iyong natahanan; at pagka ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami, at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami, at ang lahat ng tinatangkilik mo ay dumami; ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Diyos. . . . At baka iyong sabihin sa iyong puso, Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito. . . . At mangyayari, na kung iyong kalilimutan ang Panginoon mong Diyos, at ikaw ay susunod sa ibang mga diyos, at iyong paglilingkuran sila, at iyong sasambahin sila, ay Aking pinatototohanan laban sa inyo sa araw na ito na kayo'y tunay na malilipol. Kung paano ang bansang nilipol ng Panginoon sa harap ninyo, ay gayon kayo malilipol; sapagka't hindi ninyo dininig (tinalima) ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos.”1 MP 304.3

Ang babala ay hindi pinansin ng bansang Hudyo. Kinalimutan nila ang Diyos, at nawaglit na sa kanilang isip ang tungkol sa dakila nilang karapatan bilang mga kinatawan Niya. Ang mga pagpapalang kanilang natanggap ay hindi naghatid ng pagpapala sa sanlibutan. Lahat nilang mga kalamangan ay ginamit nila para sa sarili nilang ikaluluwalhati. Ninakawan nila ang Diyos ng paglilingkod na hiningi Niya sa kanila, at ninakawan din nila ang kanilang mga kapwa-tao ng patnubay na ukol sa relihiyon at ng isang banal na halimbawa. Katulad ng mga nananahan sa lupa noong bago magkaroon ng delubyong pansanlibutan, ay sinunod nila ang bawa't haka ng kanilang masasamang puso. Sa ganitong paraan ginawa nilang walang-kabuluhan at isang katuyaan ang mga bagay na banal, na sinasabi, “Ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ay ang mga ito,”1 samantalang kaalinsabay nito ay binibigyan nila ng di-mabuting paglalarawan ang likas ng Diyos, na nilalapastangan ang Kanyang pangalan, at dinudungisan ang Kanyang santuwaryo. MP 305.1

Ang mga magsasakang pinagkatiwalaan ng ubasan ng Panginoon ay hindi naging mga tapat sa ipinagkatiwala sa kanila. Ang mga saserdote at mga guro ay hindi naging mga tapat na tagapagturo sa mga tao. Hindi nila iniharap sa kanila nang palagian ang kabutihan at kahabagan ng Diyos at ang pag-angkin Niya sa kanilang pag-ibig at paglilingkod. Hinanap ng mga magsasakang ito ang sarili nilang ikaluluwalhati. Hinangad nilang gamitin ang mga bunga ng ubasan. Ang pinag-aaralan nila ay kung paano sila makaaakit ng pansin at ng pagpipitagan ng mga tao. MP 306.1

Ang pagkakasala ng mga pinunong ito ng Israel ay hindi katulad ng pagkakasala ng karaniwang makasalanan. Tumayo ang mga taong ito sa ilalim ng pinakasolemneng kapanagutan sa Diyos. Nangako silang magtuturo ng “Ganito ang sabi ng Panginoon,” at gagawa ng mahigpit na pagtalima sa kanilang praktikal na kabuhayan. Sa halip na gawin ito ay mali ang ginagawa nilang pagpapaliwanag ng mga Kasulatan. Pinabigat nila ang mga pasan ng mga tao, na nagpapatupad ng mga seremonyang nakaabot hanggang sa bawa't baytang ng buhay. Nabuhay ang mga tao na laging di-panatag; sapagka't hindi nila matupad ang mga hinihingi ng mga rabi. Nang makita nilang hindi nila matutupad ang mga utos na gawa ng tao, ay naging pabaya na sila sa pagpapahalaga sa mga utos ng Diyos. MP 306.2

Itinuro ng Panginoon sa Kanyang bayan na siya ang may-ari ng ubasan, at lahat nilang pag-aari o mga tinatangkilik ay ipinagkatiwala lamang sa kanila upang gamitin para sa Kanya. Nguni't hindi ginampanan ng mag saserdote at ng guro ang banal nilang tungkulin na para bagang hawak nila ang pag-aari ng Diyos. Buong kaayusang ninanakawan nila Siya ng salapi at mga pasilidad na ipinagkatiwala sa kanila para sa pagpapasulong ng Kanyang gawain. Ang pag-iimbot at katakawan nila ay naging daan upang sila'y hamakin maging ng mga pagano o mga Hentil. Sa ganitong paraan nabigyan ng maling-pagkakilala tungkol sa likas ng Diyos at sa mga kautusan ng Kanyang kaharian ang sanlibutang Hentil. MP 306.3

Taglay ang puso ng isang ama, pinagtiisan ng Diyos ang Kanyang bayan. Pinakiusapan Niya sila sa pamamagitan ng mga kahabagang ibinigay at mga kahabagang binawi. Buong pagtitiis at pagtitiyagang iniharap Niya sa kanila ang mga pagkakasala nila, at may pagpapahinuhod na hinintay Niyang aminin nila ito. Isinugo Niya ang mga propeta at mga tagapagbalita upang sabihin ang hinihingi ng Diyos sa mga magsasaka; nguni't sa halip na tanggapin ang mga ito, sila'y pinakitunguhang gaya ng mga kaaway. Inusig at pinatay sila ng mga magsasaka. Nguni't patuloy pa ring nagsugo ang Diyos ng mga lingkod Niya, subali't tumanggap din ang mga ito ng pakikitungong gaya ng ginawa sa mga nauna, lamang ay lalo pang nagpakita ng tiyak na pagkapoot ang mga magsasaka. MP 307.1

Bilang pinakahuling paraan, isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak, na sinasabi, “Igagalang nila ang Aking Anak.” Datapwa't pinasama na silang lubha ng kanilang paglaban, at kaya nga nangag-usapan sila, “Ito ang tagapagmana; halikayo, Siya'y ating patayin, at kunin ang Kanyang mana.” Kung magkagayo'y pababayaan na tayong magtamasa sa ubasan, at pababayaan na tayong gumawa ng ibig nating gawin sa bunga. MP 307.2

Hindi iniibig ng mga pinunong Hudyo ang Diyos; kaya nagsihiwalay sila sa Kanya, at nagsitanggi sa lahat Niyang mga pagkukusa ukol sa makatwirang pag- kakasundo. Si Kristo, na Minamahal ng Diyos, ay naparito upang sabihin ang mga hinihingi ng May-ari ng ubasan; nguni't pinakitunguhan Siya ng mga magsasaka nang may kapansin-pansing paghamak, na sinasabi, Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito. Kinainggitan nila ang kagandahan ng likas ni Kristo. Ang paraan ng Kanyang pagtuturo ay nakahihigit sa kanila, at pinangangambahan nila ang Kanyang pagtatagumpay. Sinalansang Niya sila, na ibinubunyag ang kanilang pagpapaimbabaw, at ipinakikita sa kanila ang tiyak na mga ibubunga ng hakbang na ginagawa nila. Ikinagalit nila ito. Nasaktan sila sa mga suwat na hindi nila mapatahimik. Kinapootan nila ang mataas na pamantayan ng katwirang laging inihaharap ni Kristo. Nakita nilang inilalantad ng Kanyang mga aral ang kanilang kasakiman o pagkamakasarili, at kaya nga ipinasiya nilang Siya'y patayin. Kinapootan nila ang Kanyang halimbawa ng kabanalan at pagiging-matapat at ang mataas na espirituwalidad na nahayag sa lahat Niyang ginawa. Ang buo Niyang buhay ay naging isang sumbat sa kanilang pagkamakasarili, at nang dumating na ang huling pagsubok, ang pagsubok na nangahulugan ng pagtalima sa walang-hanggang ikabubuhay o pagsuway sa walanghanggang ikamamatay, ay itinakwil nila ang Banal ng Israel. Nang sila'y pamiliin kay Kristo at kay Barabas, ay sumigaw sila, “Pawalan mo sa amin si Barabas!” At nang itanong ni Pilato, “Ano nga ang gagawin ko kay Jesus?” ay mabangis silang nagsigawan, “Mapako Siya sa krus.” “Ipapako ko baga sa krus ang inyong hari?” tanong ni Pilato. At nagsisagot ang mga saserdote at mga pinuno, “Wala kaming hari kundi si Cesar.” Nang maghugas na si Pilato ng kanyang mga kamay, na nagsasabi, “Wala akong kasalanan sa dugo nitong matwid na tao,” ay nakisama ang mga saserdote sa mga mangmang na pulutong ng magugulong mga tao sa madamdaming pagsasabi, “Mapasaamin ang Kanyang dugo, at sa aming mga anak.”1 MP 307.3

Sa ganyang paraan gumawa ng pagpili ang mga pinunong Hudyo. Ang kanilang kapasiyahan ay nakatala sa aklat na nakita ni Juan na nasa kamay Niyaong nakaupo sa trono, ang aklat na hindi mabubuksan ng sinumang tao. Sa buong paghihiganti nito ay mapapaharap sa kanila ang kapasiyahang ito sa araw na ang aklat na ito ay buksan na ng Liyon sa angkan ni Juda. MP 309.1

Kinimkim-kimkim ng mga Hudyo ang akala na sila'y itinatangi ng langit, at sila'y laging dapat na itaas bilang iglesya ng Diyos. Sila'y mga anak ni Abraham, sabi nila, at ang pakiwari nila'y lubhang napakatibay ng pagkakatatag ng kanilang kasaganaan na anupa't hinamon nila ang langit at lupa na alisan sila ng kanilang mga karapatan. Nguni't dahil sa hindi nila pagtatapat ay nangahahanda sila sa hatol ng langit at sa pagkakahiwalay sa Diyos. MP 309.2

Sa talinhaga tungkol sa ubasan, pagkatapos na mailarawan ni Kristo ang kanilang pamutong na gawang katampalasanan, ay tinanong Niya sila, “Pagdating nga ng Panginoon ng ubasan, ano kaya ang Kanyang gagawin sa mga magsasakang yaon?” Taimtim na taimtim ang pakikinig ng mga saserdote sa isinasalaysay na talinhaga, at kaya nga hindi na nila naisip ang maaaring kaugnayan nito sa kanila nang sila'y makisabay sa mga tao sa pagsagot, “Kanyang pupuksaing walang-awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang kanyang ubasan sa ibang mga magsasaka, na sa kanya'y magbibigay ng mga bunga sa kaniiang kapanahunan.” MP 309.3

Wala silang kamalay-malay na nakapaggawad sila ng parusa sa sarili nila. Minasdan sila ni Jesus, at sa ilalim ng nananaliksik Niyang titig ay batid nilang nababasa Niya ang mga lihim ng kanilang mga puso. Nagliwanag sa harap nila na taglay ang di-mapagkakamaliang kapangyarihan ng Kanyang pagka-Diyos. Nakita nila sa mga magsasaka ang larawan ng kanilang mga sa- rili, at di-kinukusang sila'y nangapabulalas, “Huwag nawang itulot ng Diyos!” MP 309.4

Buong kasolemnihan at panghihinayang na nagtanong si Kristo, “Kailanman baga'y hindi ninyo nabasa sa mga Kasulatan, Ang batong itinakwil ng nangagtatayo ng gusali, ang siya ring ginawang pangulo sa panulok; ito'y mula sa Panginoon, at ito'y kagila-gilalas sa harap ng ating mga mata? Kaya nga sinasabi Ko sa inyo, Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos, at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga. At ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog; datapwa't sinumang kanyang malagpakan ay pangangalating gaya ng alabok.” MP 310.1

Nahadlangan sana ni Kristo ang parusa sa bansang Hudyo kung tinanggap lamang Siya ng mga tao. Nguni't hindi sila napatahimik ng pangingimbulo at pagkainggit. Ipinasiya nilang huwag tanggaping Mesiyas si Jesus na taga-Nazareth. Itinakwil nila ang Ilaw ng sanlibutan, at kaya nga mula noo'y nalukuban na ng kadiliman na kasindilim ng hatinggabi ang kanilang mga kabuhayan. Ang parusang pauna nang sinabi ay dumating sa bansang Hudyo. Ang mababangis na silakbo ng kanilang galit, na di-nasupil, ay gumawa ng kanilang kapahamakan. Sa bulag nilang pagkagalit ay nagpuksaan sila sa isa't isa. Dahil sa kanilang mapaghimagsik at matigas na pagpapalalo ay bumagsak sa kanila ang galit ng mga Romanong lumupig sa kanila. Winasak ang Jerusalem, iniwang guho ang templo, at ang lugar nito ay inararong tulad ng bukid. Ang mga anak ni Juda ay nangamatay sa pamamagitan ng lalong nakapanghihilakbot na mga uri ng kamatayan. Angaw-angaw ang mga ipinagbili, upang magsipaglingkod na parang mga alipin sa mga lupaing pagano. MP 310.2

Bilang isang bayan ay hindi nakatupad ang mga Hudyo sa panukala ng Diyos, at kaya nga inalis sa kanila ang ubasan. Ang mga pribilehiyong pinagmalabisan nila, at ang gawaing hindi nila pinahalagahan, ay ipinagkatiwala sa iba. MP 310.3