Masayang Pamumuhay

4/62

Ang Lupa—sa Tabi ng Daan

Yaong bagay na higit sa lahat ay tinatalakay ng talinhaga ng manghahasik ay ang epektong naidulot sa tubo ng binhi sa lupang kinahasikan nito. Sa pamamagitan ng talinhaga ito ay mariing sinasabi ni Kristo sa mga nakikinig sa Kanya, Hindi ligtas sa inyo na tumayo bilang mga kritiko ng Aking gawain, o magbigaydaan sa kabiguan sapagka't hindi ito tumutugon sa inyong mga kuru-kuro. Ang katanungang may pinakamalaking kahalagahan sa inyo ay, Paano ninyo pinakikitunguhan ang Aking pabalita? Ang inyong walang-hanggang kahihinatnan ay nakabatay sa inyong pagtanggap o pagtanggi rito. MP 33.1

Ipinaliliwanag ang binhi na nahulog sa tabi ng daan, ay Kanyang sinabi, “Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito'y hindi niya napag-uunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito yaong nahasik sa tabi ng daan.” MP 33.2

Ang binhing nahasik sa tabi ng daan ay kumakatawan sa salita ng Diyos na nahuhulog sa puso ng isang di-nagliliming tagapakinig. Ang nakakatulad ng matigas na landas, na napagyapakan ng mga paa ng mga tao at mga hayop, ay ang puso na nagiging isang daan para sa pakikipag-ugnayan sa sanlibutan, sa mga kalayawan at mga kasalanan nito. Nalulong sa makasariling mga hangarin at makasalanang kinagugumunan, ang kaluluwa ay “pinapagmamatigas ng daya ng kasalanan.”1 Ang mga kaloob o mga kapangyarihang espirituwal ay napaparalisado. Napapakinggan ng mga tao ang salita, subali't hindi ito nauunawaan. Hindi nila nakikita na ito'y inilalapat sa kanilang mga sarili. Hindi nila nadarama ang kanilang pangangailangan o ang kanilang kapanganiban. Hindi nila napapag-unawa ang pag-ibig ni Kristo, at nilalampasan nila ang pabalita ng Kanyang biyaya na parang isang bagay na walang kinalaman sa kanila. MP 33.3

Kung paanong handang tukain ng mga ibon ang binhi sa tabing-daan, ay gayundin naman handa si Satanas na agawin ang mga binhi ng banal na katotohanan sa kaluluwa. Nangangamba siya na ang salita ng Diyos ay makagising sa pabaya, at magkaroon ng bisa sa tumigas na puso. Si Satanas at ang mga anghel nito ay nasa mga kapulungang doo'y ipinangangaral ang ebanghelyo. Samantalang pinagsusumakitan ng mga anghel sa langit na maantig ang mga puso sa pamamagitan ng salita ng Diyos, maagap naman ang kaaway na gawing walang-bisa ang salita. Taglay ang kasigasigang kapantay lamang ng kasamaan nito, pinagsisikapan nitong salungatin at biguin ang paggawa ng Espiritu ng Diyos. Samantalang hinihikayat ni Kristo ang kaluluwa sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig, sinisikap naman ni Satanas na ilayo ang pansin ng isa na nakikilos na hanapin ang Tagapagligtas. Kinukuha nito ang pansin ng isipan sa pamamagitan ng mga pakanang makasanlibutan. Nagpapabangon ito ng pamumuna, o nag-uudyok ng pag-aalinlangan at di-paniniwala. Maaaring ang napiling wika ng tagapagsalita o ang ugali at kilos nito ay hindi nakalulugod sa mga nagsisipakinig, at ang mga kapintasang ito ang kanilang pinag-uusapan. Sa ganitong paraan ang katotohanang kailangan nila, at siyang buong kabiyayaang ipinadala ng Diyos sa kanila, ay walang nagagawang tumatagal na kakintalan. MP 34.1

Si Satanas ay maraming katulong. Tinutulungan ng maraming nagpapanggap na Kristiyano ang manunukso sa pag-agaw ng mga binhi ng katotohanan sa ibang mga puso. Marami sa mga nakikinig sa pangangaral ng salita ng Diyos ay ginagawa itong paksa ng pamumuna sa tahanan. Kanilang hinahatulan ang sermon gaya ng ginagawa nilang paghatol sa mga sinasabi ng isang nagpapanayam o ng isang nagsasalitang pulitiko. Ang pabalita na dapat sana'y igalang bilang salita ng Panginoon sa kanila ay inuukulan ng panunudyo o ng nakauuyam na pananalita. Ang karakter, mga adhikain, at mga kilos ng ministro, at ang ugali ng mga kasamang kaanib ng iglesya, ay malayang pinag-uusapan. Mahihigpit na hatol ang binibigkas, ulit-ulit ang paghahatid-dumapit o paninirang-puri, at ito ay ginagawa sa pakinig ng mga di-hikayat. Kadalasa'y sinasalita ng mga magulang ang mga bagay na ito sa pakinig ng kanilang sariling mga anak. Kaya nga ang paggalang o pagpipitagan sa mga tagapagbalita ng Diyos ay nasisira, at ang pag-aalang-alang sa kanilang pabalita. At marami ang tinuturuang huwag gasinong papansinin ang salita ng Diyos mismo. MP 34.2

Kaya sa mga tahanan ng mga nagsisipagpanggap na Kristiyano ay maraming kabataan ang natuturuang maging mga walang-paniniwala sa Diyos. At itinatanong ng mga magulang kung bakit ang kanilang mga anak ay lubhang kakaunti ang pagkawili o pagkasabik sa ebanghelyo, at lubhang handang pag-alinlanganan ang katotohanan ng Banal na Kasulatan. Kanilang ipinagtataka ang pagiging lubhang mahirap na maabot ang mga ito ng mga impluwensiyang pangmoral at panrelihiyon. Hindi nila nakikita na ang sarili nilang halimbawa ang nagpatigas sa mga puso ng kanilang mga anak. Ang mabuting binhi ay walang masumpungang lugar upang makapagugat, at ito'y inaagaw ni Satanas. MP 35.1