Ang mga GAWA ng mga APOSTOL
Ang Pitong Diakono
“Nang panahong iyon, nang ang bilang ng mga alagad ay dumami, may bumangong bulung-bulungan sa mga Greciano laban sa mga Judio, sapagkat ang kanilang mga babaeng balo ay napapabayaan.” AGA 67.1
Ang naunang iglesia ay binubuo ng maraming uri ng tao, ng iba’t ibang bansa. Sa pagbubuhos ng Banal na Espritu sa Pentecostes, “may naninirahan sa Jerusalem na mga Judio, mga lalaking banal, mula sa bawat bansa sa silong ng langit.” Gawa 2:5. Kabilang sa pananampalatayang Judio na nagtipon sa Jerusalem, ay may ilang sa tawag ay mga Greciano, na matagal nang may hidwaan at walang pagtitiwala sa mga Judio ng Palestina. AGA 67.2
Ang puso ng mga nahikayat sa paggawa ng mga alagad ay napalambot at napag-isa ng pag-ibig Kristiano. Sa kabila ng kanilang nakaraang hindi pagkakaunawaan, lahat sila ay nagkaisa. Alam ni Satanas na hangga’t ang pagkakaisang ito ay nananatili, siya ay walang lakas na pigilin ang paglago ng katotohanan ng ebanghelyo; at sinikap niyang samantalahin ang mga dating isipan at ugali, sa pag-asang makapagpasok sa iglesia ng mga elementong magbibigay alitan. AGA 67.3
Sa pagdami ng mga alagad, ang kaaway naman ay nagtagumpay sa pagbabangon ng hinala sa mga may ganito nang ugali na laging hanapin ang kamalian ng kanilang mga lider na espirituwal; at “bumangon ang bulung-bulungan ng mga Greciano laban sa mga Hebreo.” Ang dahilan ng reklamo di-umano ay ang pagpapahayag ng mga babaeng balong Griyego sa pagbabahagi ng tulong sa bawat araw. Anumang di pagkakapantay ay laban sa diwa ng ebanghelyo, gayunman si Satanas ay nagtagumpay sa pagbabangon ng hinala. Agad na hakbang ngayon ay dapat isagawa upang alisin ang anumang di-kasiyahan, kung hindi ay magtatagumpay ang kaaway sa pagbabangon ng pagkakabahagi. AGA 67.4
Ang mga alagad ni Kristo ay dumating sa isang krisis sa kanilang karanasan. Sa matalinong pangunguna ng mga apostol, na gumawang nagkakaisa sa impluwensya ng Banal na Espiritu, ang gawaing ipinagkatiwala sa mga mensahero ng ebanghelyo ay mabilis na lumalaganap. Ang iglesia ay patuloy na lumalago, at ang pagdami ng mga kaanib ay nagdagdag naman ng mabigat na pasanin sa mga nangangasiwa. Walang iisang tao, o grupo na maaaring magpatuloy na magpasang nag-iisa ng pasaning ito, na hindi malalagay sa panganib ang kasaganaan sa hinaharap ng iglesia. May pangangailangang bahagiin ang kapanagutang matapat na isinabalikat ng iilan sa maagang panahon ng iglesia. Ang mga apostol ay dapat ngayong gumawa ng mahalagang hakbang upang pasakdalin ang kaayusan ng ebanghelyo sa iglesia, sa pagpapataw sa ilan ng mga pasaning sila ang dating nagdadala. AGA 67.5
Sa isang pagtitipon ng mga mananampalataya, ang mga apostol ay inakay ng Banal na Espiritu na ibalangkas ang isang piano sa lalong mainam na organisasyon ng lahat ng puwersang gumagawa sa iglesia. Ang panahon ay dumating na, wika ng mga apostol, na ang mga lider ng iglesia na nangangasiwang espirituwal ay magaanan sa tungkulin ng pagbabahagi sa mga dukha at sa mga katulad na gawain, upang sila ay maging malayang magpatuloy sa pangangaral ng ebanghelyo. “Magsihanap nga kayo, mga kapatid,” kanilang sinabi, “sa inyo ng pitong lalaki na may mabuting katunayan, puspos ng Banal na Espiritu at ng karunungan, na ating mailalagay sa gawaing ito. Datapuwat magsisipanatili kaming matibay sa pananalangin, at sa ministeryo ng salita.” Ang payong ito ay sinunod, at sa pananalangin at pagpapatong ng kamay, pitong lalaki ang pinili at banal na itinalaga sa mga tungkulin ng diakono. AGA 68.1
Ang paghirang ng pito upang mangasiwa sa tanging linya ng gawain, ay naging pagpapala sa iglesia. Ang mga opisyales na ito ay nagbigay ng maingat na pagsasaalang-alang sa pangangailangan ng bawat isa gayon din sa pangkalahatang interes sa pananalapi ng iglesia; at sa kanilang maingat na pangangasiwa at banal na halimbawa, ay naging mahalagang pantulong sa mga kapwa opisyal sa pagsasanib ng iba’t ibang interes ng iglesia sa isang nagkakaisang kabuuan. AGA 68.2
Na ang hakbang na ito ay ayon sa kaayusan ng Dios, ay nahayag sa agad na resulta ng mabuting gawaing nakita. “At lumago ang salita ng Dios; at dumaming lubha sa Jerusalem ang bilang ng mga alagad; at nagsitalima sa pananampalataya ang lubhang maraming saserdote.” Ang pagtitipong ito ng mga kaluluwa ay bunga ng malayang paggawa ng mga apostol, at sa sigasig at kapangyarihang ipinaldta ng pitong diakono. Ang katotohanang ang gawain nila ay tanging sa pagbibigay pansin sa pangangailangan ng mga dukha, hindi naman ito nakapigil sa kanilang pagtuturo ng pananampalataya. Sa kabaligtaran, sila ay karapat-dapat sa pagtuturo sa iba ng katotohanan, at sila’y gumawang may kataimtiman at tagumpay. AGA 68.3
Sa naunang iglesia ay ipinagkadwala ang isang gawaing patuloy na lumalago—ang pagtatatag ng mga sentro ng liwanag at pagpapala saan mang dako may mga tapat na kaluluwang magkakaloob ng sarili sa paglilingkod kay Kristo. Ang paghahayag ng ebanghelyo ay magiging pansalibutan, at ang mga mensahero ng krus ay hindi makaaasang magtatagumpay sa mahalagang misyong ito malibang sila ay nagkakaisa sa tali ng pagiging Kristiano, at sa ganito ay ihayag sa mundo na sila ay kaisa ni Kristo sa Dios. Hindi ba’t ang banal na Pinuno ay nanalangin sa Ama, “Irigatan Mo sila sa Iyong pangalan, yaong mga ibinigay Mo sa Alan, upang sila’y maging isa, na gaya naman Natin”? At hindi ba’t Kanyang inihayag sa Kanyang mga alagad, “Kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi sila taga sanlibutan”? Hindi ba’t Siya ay nakiusap sa Ama na sila ay “malubos sa pagkakaisa,” “upang ang sanlibutan ay sumampalataya na Ako’y sinugo Mo.”? Juan 17:11, 14, 23, 21. Ang kanilang kabuhayang espirituwal at kapangyarihan ay nakasalig sa malapit na ugnayan sa Kanyang nagbigay ng utos na ipangaral ang ebanghelyo. AGA 69.1
Sa pakikipagkaisa lamang kay Kristo, ang mga alagad ay makaaasang tatanggap ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, at pakikipagtulungan ng mga anghel ng langit. Sa tulong ng mga banal na ahensyang ito ihaharap nila sa mundo ang nagkakaisang paggawa at magiging matagumpay laban sa mga kapangyarihan ng kadiliman. Sa patuloy na nagkakaisang paggawa, ang mga ahensya ng langit ay mauuna sa kanila, na nagbubukas ng daan; mga puso ay mahahanda upang tumanggap ng katotohanan, at marami ang maaakit kay Kristo. Hangga’t sila ay nananatiling nagkakaisa, ang iglesia ay hahayong “kasing ganda ng buwan, kasing liwanang ng araw, at kagulat-gulat bilang hukbong may mga bandila.” Awit ng mga Awit 6:10. Walang makahahadlang sa kanyang pagsulong. Ang iglesia ay hahayo sa tagumpay at tagumpay pa, maluwalhating tinutupad ang kanilang banal na misyong ipangaral ang ebanghelyo sa sanlibutan. AGA 69.2
Ang pagtatatag ng iglesia sa Jerusalem ay modelo sa pagtatatag ng mga iglesia sa bawat dakong ang mga mensahero ng katotohanan ay makasusumpong ng mga hikayat sa ebanghelyo. Sa kanilang pinagkalooban ng pangkalahatang pangangasiwa ng iglesia, ay hindi magiging panginoon sa mga pamanang ito ng Dios, kundi, mga pantas na pastol, “na magpapakain ng tupa,...ng Dios, na mga halimbawa sa kawan;” (1 Pedro 5:2, 3); at ang mga diakono naman ay mga “lalaking may mabuting ulat, puspos ng Banal na Espiritu at karunungan.” Ang mga lalaking ito ay rnagkakaisa sa tungkuling panatilihin ang katatagan at desisyon. Sa ganito ay magkakaroon sila ng impluwensyang magbibigay pagkakaisa sa buong kawan. AGA 69.3
Sa sumunod na kasaysayan ng naunang iglesia, nang sa maraming bahagi ng mundo ay naitatag ang mga iglesia, ang organisasyon ng iglesia ay lalo pang napasakdal, upang ang kaayusan at pagkakatugma ay mapanatili. Bawat kaanib ay pinayuhang gawin ang kanyang bahagi. Bawat isa ay matalinong gagamit ng kanyang mga talento. Ang ilan ay napagkalooban ng Banal na Espiritu ng natatanging kaloob— “una-una’y mga apostol, ikalawa’y mga propeta, ikatlo’y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba’t ibang mga wika.” 1 Corinto 12:28. Datapuwat lahat ng klase ng manggagawang ito ay gagawang magkakatugma. AGA 70.1
“Ngayo’y may iba’t ibang mga kaloob, datapuwat isang Espiritu. At may iba’t ibang mga pangangasiwa, datapuwat isang Panginoon. At may iba’t ibang paggawa, datapuwat iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat. Datapuwat sa bawat isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang palanabangan naman. Sapagkat sa isa sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba’y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu; sa iba’y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba’y ang mga kaloob na pagpapagaling sa iisang Espiritu; at sa iba’y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba’y propesiya; at sa iba’y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba’y ang iba’t ibang wika; at sa iba’y ang pagpapaliwanag ng mga wika: datapuwat ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawat isa ayon sa Kanyang ibig. Sapagkat kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap ng katawan, bagama’t marami, ay iisang katawan, gayon din naman si Kristo.” 1 Corinto 12:4-12. AGA 70.2
Banal at maselan ang mga kapanagutang nakasalalay sa kanilang tinawagan upang maging lider sa iglesia ng Dios sa lupa. Sa panahon ng teokrasya, nang si Moises ay nagsisikap na mag-isang pasanin ang mabigat na pasanin at mabilis na mabibigatan, pinayuhan siya ni Jethro na magpanukala sa matalinong pagbabahagi ng mga kapanagutan. “Ikaw ang maging tagapag-akay sa bayan sa harap ng Dios” ang payo ni Jethro, “at dalhin mo ang mga usap sa Dios: at ituturo mo sa kanila ang mga palatuntunan at ang mga kautusan, at ipakikilala mo sa kanila ang daang nararapat lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.” Ipinayo pa ni Jethro na ang mga lalaki ay pipiliin upang maging “mga pinuno sa mga lilibuhin, magpuno sa mga dadaanin, at magpuno sa mga lilimampuin, at magpuno sa mga sasampuin” Sila’y “may kakayahang mga lalaki, na may pagkatakot sa Dios, lalaki ng katotohanan, kinasusuklaman ang kasakiman.” Kanilang hahatulan ang bayan sa buong panahon,” sa gano’n mapapagaan ang gawain ni Moises at ang mga maraming munting usap ay mapagpasyahang mabuti ng kanyang mapagkakatiwalaang mga katulong. AGA 70.3
Ang panahon at kalakasan nila na sa pamamatnubay ng Dios ay nailagay sa pangunguna sa gawain ng iglesia, ay dapat gugulin sa mabibigat na mga kaso na nangangailangan ng tanging karunungan at malawak na puso. Hindi utos ng Dios na ang mga lalaking ito ay dapat sumamo para sa pagsasaayos ng munting mga kaso na higit na makakayanan ng iba. “Lahat ng mahihirap na kaso ay dadalhin nila sa iyo,” ang mungkahi ni Moises, “ngunit bawat munting kaso ay kanilang hahatulan: sa gano’n ay mas madali para sa iyo, at kanilang dadalhin ang pasanin sa iyo, sa gano’n ay iyong makakayanan, at lahat ng mga taong ito ay pupunta rin sa kanilang lugar na payapa.” AGA 71.1
Sa pakikiisa sa planong ito, “si Moises ay pumili ng mga lalaking bihasa sa buong Israel, at ginawa niyang pinuno sa bayan, na mga puno ng mga lilibuhin, mga puno ng dadaanin, mga puno ng mga lilimampuin, at mga puno ng sasampuin. At kanilang hinatulan ang bayan sa buong panahon: ang mabibigat na kaso ay kanilang dinadala kay Moises, datapuwat bawat munting kaso ay sila-sila ang naghahatulan.” Exodo 18:19-26. AGA 71.2
Sa sumunod, sa pagpili ng pitumpong matatanda na makakasama niya sa mga kapanagutan ng pangangasiwa, si Moises ay naging maingat sa pagpili ng makakatulong, mga lalaking marangal, matinong pagpapasya, at karanasan. Sa hamong ibinigay sa mga matandang ito sa kanilang ordinasyon, inihanay niya sa kanila ang ilan sa mga kata- ngiang mag-aangkop sa kanila sa pagiging pantas na lider ng iglesia. “Inyong dinggin ang mga usap ng inyong mga kapatid,” wika ni Moises, “at inyong hatulan ng matuwid ang tao at ang kanyang kapatid, at ang taga-ibang lupa na kasama niya. Huwag kayong magtatangi ng tao sa kahatulan; ngunit inyong didinggin ang maliliit na gaya ng malaki; huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagkat ang kahatulan ay sa Dios.” Deuteronomio 1:16, 17. AGA 71.3
Si Haring David sa pagtatapos ng kanyang paghahari, ay nagbigay ng banal at maselang hamon sa kanilang nagdadala ng pasanin ng gawain ng Dios. Ipinatawag sa Jerusalem “ang lahat na prinsipe sa Israel, ang mga prinsipe ng mga lipi, at mga punong kawal ng mga pulutong na nagsisipaglingkod sa hari ayon sa halinhinan, at ang mga punong kawal ng lilibuhin, at ang mga punong kawal ng dadaanin, at ang mga katiwala sa lahat ng tinatangkilik ng hari, at ng kanyang mga anak, na kasama ng mga pinuno, at ng mga makapangyarihang lalaki, at lahat ng matatapang na mga lalaki,” ang matandang hari ay humamon sa kanila na, “sa paningin ng buong Israel ng kapisanan ng Panginoon, at sa palanig ng ating Dios,” na “sundin at suriin ang lahat na utos ng Panginoon ninyong Dios.” 1 Cronica 28:1,8. AGA 72.1
Si Solomon, bilang isang tinawagan sa isang posisyon na may malaking kapanagutan, ay hinamon ni David: “At ikaw, Solomon, na aking anak, kilalanin mo ang Dios ng iyong ama, at paglingkuran mo Siya ng sakdal na puso at ng kusang pag-iisip: sapagkat sinasaliksik ng Panginoon ang lahat na puso, at naalaman ang lahat na akala ng pag-iisip: kung iyong hanapin Siya, ay masusumpungan Siya sa iyo; ngunit kung pabayaan mo Siya, Kanyang itatakwil ka magpakailanman. Mag-ingat ka ngayon; sapagkat pinili ka ng Panginoon:...magpakalakas ka.” 1 Cronica 28:9, 10. AGA 72.2
Ang mga katulad na halimbawa ng kabanalan at katarungan na pumatnubay sa mga pinuno ng bayan sa panahon ni Moises at David, ay susundan din nilang binigyang kapanagutang mangasiwa sa bagong tatag na iglesia ng Dios sa panahon ng ebanghelyo. Sa gawain ng pag-aayos ng lahat ng bagay sa lahat ng iglesia, at pag-oordina ng nararapat ng mga tao upang maglingkod bilang mga opisyal, ang mga apostol ay nanghawakan sa mataas na pamantayan ng pangungulo na inihanay sa kasulatan sa Lumang Tipan. Inisip nilang ang sinumang tinawagan sa pangunguna sa iglesia ay, “walang kapintasan, palibhasa siya’y katiwala ng Dios, hindi mapagsariling kalooban, hindi magagalitin, hindi manggugulo, hindi palaaway, hindi masakim sa mahalay na kapalanabangan; kundi mapagpatuloy, maibigin sa mabuti, mahinahon ang pag-iisip, matuwid, banal, mapagpigil; na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang.” Tito 1:7-9. AGA 72.3
Ang kaayusang pinanatili ng naunang Kristianong iglesia, ang nagbigay dito ng matatag na pagsulong bilang isang hukbong disiplinado, suot ang buong kagayakan ng Dios. Ang mga pulutong ng mananampalataya, bagama’t nakakalat sa isang malawak na teritoryo, ay kaanib ng iisang katawan; lahat ay kumilos na magkakasanib at magkakatugma sa isa’t isa. Kapag bumabangon ang alitan sa lokal na iglesia, katulad ng sa Antioch at iba pang lugar, at hindi ito maayos ng mga mananampalataya sa ganang sarili, ang alitan ay di binayaang magbunga ng pagkakabahagi sa iglesia, kundi dinala sa isang pangkalahatang konsilyo ng buong kapatirang binuo ng mga delegado mula sa mga lokal na iglesia, na ang mga apostol at mga matatanda ang nangunguna. Sa ganito ang mga pagsisikap ni Satanas na salakayin ang iglesia sa mga bukod na lugar, ay hinarap ng magkakasanib na pagkilos ng lahat; at ang mga panukala ng kaaway na magwasak at manggulo ay nahadlangan. AGA 73.1
“Ang Dios ay hindi may-akda ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan, sa lahat ng mga iglesia ng mga banal.” 1 Corinto 14:33. Inaasahan Niya na ang kaayusan at sistema ay mamamayani sa pagsasagawa ng mga alituntunin ng iglesia ngayon, tulad din noong una. Ninanais Niya na ang Kanyang gawain ay magpapatuloy na masinop at wasto upang mailagay Niya rito ang tatak ng Kanyang pagsang-ayon. Ang Kristiano ay masasanib sa Kristiano, iglesia sa iglesia, ang tao ay nakikipagtulungan sa langit, bawat ahensya ay napapailalim sa Banal na Espiritu, at lahat ay nagsasanib sa pagbibigay sa sanlibutan ng mabuting balita ng biyaya ng Dios. AGA 73.2