Ang mga GAWA ng mga APOSTOL
Ang Unang Kristianong Martir
Si Esteban, ang pangunahin sa pitong diakono, ay lalaking may malalim na kabanalan at malawak na pananampalataya. Bagama’t isinilang na isang Judio, marunong siya ng Griyego, at alam din ang mga ugali at gawa ng mga Griyego. Kaya’t nagkaroon siya ng pagkakataong makapangaral ng ebanghelyo sa mga sinagoga ng mga Judiong Griyego. Naging aktibo siya sa gawain ni Kristo, at matapang na nagpahayag ng kanyang pananampalataya. Mga marurunong na rabi at doktor ng batas ay nakipag-usap sa kanya sa publiko, na nagakalang madali siyang magagapi sa usapan. Datapuwat “hindi nila natuligsa ang karunungan at ang espiritu sa kanyang pagsasalita.” Hindi lamang siya nagsalita sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, kundi maliwanag din na siya ay mag-aaral ng mga propesiya, at maalam sa lahat ng bagay ng batas. Mahusay na naipagtatanggol niya ang katotohanan, at lubusang nagapi ang mga katunggali. Sa kanya ay natupad ang pangako, “Pagtibayin nga ninyo ang inyong mga puso, na huwag munang isipin kung paano ang inyong isasagot: sapagkat bibigyan Ko kayo ng isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit.” Lucas 21:14, 15. AGA 74.1
Pagkakita ng mga saserdote at pinuno ng kapangyarihan sa pangangaral ni Esteban, sila ay napuno ng mapait na muhi. Sa halip na tanggapin ang mga katibayang naiharap sa kanila, ipinasya nilang patahimikin ang kanyang tinig sa pagpapapatay sa kanya. Sa ilang pagkakataon, ay nasuhulan nila ang mga otoridad ng Roma na huwag pansinin ang mga ginawa ng mga Judio na inilagay sa sariling mga kamay ang paglilitis, pagparusa, at pagpatay sa mga bilanggo ayon sa kanilang pambansang ugali. Ang mga kaaway ni Esteban ay nakatitiyak na muli ay magagawa nila ito nang walang panganib. Ipinasya nilang isagawa ito at hinuli si Esteban at dinala sa Sanhedrin upang doon ay litisin. AGA 74.2
Mga marurunong na Judio sa mga kanugnog na bayan ay ipinatawag upang labanan ang mga argumento ng bilanggo. Si Saulo ng Tarsus ay naroroon, at nanguna laban kay Esteban. Taglay niya ang mainam na pagsasalita at lohika ng mga rabi upang kumbinsihin ang bayan na si Esteban ay nangangaral ng mga mapandaya at mapanganib na aral; ngunit nasagupa niya kay Esteban ang isang may lubos na pagkaunawa sa adhikain ng Dios sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa ibang mga bansa. AGA 75.1
Sapagkat ang mga saserdote at pinuno ay hindi manalo sa malinaw, kalmadong karunungan ni Esteban, inisip nilang ito ay gawing halimbawa; at habang nasisiyahan ang kanilang mapaghiganting muhi, ito naman ay hahadlang din sa iba, sa pamamagitan ng takot, na tanggapin ang kanyang mga paniniwala. Mga saksi ay binayaran upang magparatang ng mali laban sa kanya, na ang mga narinig nila sa kanya ay pamumusong laban sa templo at kautusan. “Nadinig namin siyang magsalita,” wika ng mga saksi, “na wawasakin ang dakong ito ni Jesus ng Nasaret, at babaguhin ang mga ugaling ibinigay sa atin ni Moises.” AGA 75.2
Habang si Esteban ay nakatayong paharap sa mga hukom upang tumugon sa paratang ng pamumusong, isang banal na sinag ay nahayag sa kanyang mukha, at “lahat ng nakaupo sa konsilyo na nakatitig sa kanya, ay nakita ang mukhang tulad ng sa anghel.” Marami sa nakakita nito ay nanginig at tinakpan ang kanilang mga mukha, ngunit ang matigas na kawalang paniniwala at maling isipan ng mga pinuno ay hindi natinag. AGA 75.3
Nang si Esteban ay tanungin tungkol sa katotohanan ng mga paratang sa kanya, nagsimula siya sa kanyang depensa sa tinig na malinaw at nakaliligaya, na umalingawngaw sa buong bulwagan. Sa mga salitang nagpapigil hininga sa mga nakikinig, inulit niya ang kasaysayan ng napiling bayan ng Dios. Inihayag niya ang lubusang kaalaman sa ekonomiya ng mga Judio, at ang espirituwal na pakahulugan nito na nahayag kay Kristo. Inulit niya ang mga salita ni Moises tungkol sa Mesias: “Isang Propeta ang ibabangon ng inyong Panginoong Dios sa iyo at sa iyong mga kapatid, katulad ng sa akin; Siya ang inyong didinggin.” Niliwanag niya ang sariling katapatan sa Dios at sa pananampalatayang Judio, habang ipinakita niyang ang kautusang pinagtiwalaan ng mga Judio ukol sa kaligtasan ay hindi nagligtas sa Israel sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. Iniugnay niya si Jesu-Cristo sa lahat ng kasaysayan ng Judio. Binanggit niya ang pagtatayo ng templo ni Solomon, at sa mga pangungusap kapwa ni Solomon at Isaias: “Ang Kataastaasan ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay; tulad ng wika ng propeta, ang Langit ang Aking Trono, ang lupa ang Aking tuntungan: anong bahay ang itatayo ninyo para sa Akin? sabi ng Panginoon: o ano ang Aking dakong pahingahan? Hindi baga ang Aking kamay ang gumawa ng lahat ng mga ito?” AGA 75.4
Nang masabi ito ni Esteban, ang karamihan ay nagkagulo. Nang iugnay niya si Kristo sa mga propesiya, at nagsalita tungkol sa templo, ang saserdote, na nagpapanggap na nanghilakbot, ay hinapak ang kanyang damit. Para kay Esteban, ang kilos na ito ay tanda na ang kanyang buhay ay di na magtatagal. Nakita niya ang paglaban sa kanyang mga salita at nadamang siya ay nagbibigay ng kanyang huling patotoo. Bagama’t nasa kalagitnaan pa ng kanyang sermon, dagli niya itong tinapos. AGA 76.1
Sa biglang pagputol ng tala ng kasaysayang sinasabi, at pagbaling sa kanyang galit na galit na mga hukom, siya ay sumigaw: “Kayong matitigas ang ulo at di tuli ang puso’t mga tainga, kayo’y laging nagsisisalangsang sa Banal na Espiritu: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo. Alin sa mga propeta ang hindi pinag-usig ng inyong mga magulang? at kanilang pinatay ang nangagpahayag ng una ng pagdating ng Matuwid na Ito; na sa kanya’y kayo ngayon ay naging mga tagapagkanulo at mamamatay tao: kayo na nagsitanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ginanap.” AGA 76.2
Sa ganito, ang mga saserdote at bayan ay biglang nagalit. Tulad ng mga hayop na maninila, dumaluhong sila kay Esteban, na ang mga ngipin ay nagngangalit. Sa mga malulupit na mukhang nakapalibot sa kanya, nabasa ng bilanggo ang kanyang hantungan; ngunit hindi siya nanghina. Sa kanya ang takot sa kamatayan ay wala na. Sa kanya ang galit na mga saserdote at karamihang nagkakagulo ay walang katakutan. Ang tanawin sa harapan niya ay nawala sa kanyang paningin. Sa kanya ay nabuksan ang kalangitan, at, nakita niya ang kaluwalhatian ng mga korte ng Dios, at si Kristo, na parang katatayo lamang mula sa Kanyang trono, handang tumulong sa Kanyang lingkod. Sa mga salita ng tagumpay, naibulalas ni Esteban, “Narito, nakikita ko ang langit na nabuksan, at ang Anak ng tao na nakatayo sa kanang kamay ng Dios.” AGA 76.3
Habang kanyang inilalarawan ang maluwalhating tanawing kanyang nakikita, hindi na ito natagalan pa ng mga mang-uusig. Tinakpan ang mga tainga upang hindi marinig ang kanyang mga salita, at sa malakas na tinig, sila ay dumaluhong sa kanya na nagkakaisa, “at siya’y kanilang itinapon sa labas ng bayan.” “At kanilang pinagbabato si Esteban, na tumatawag sa Panginoon, at nagsasabi, Panginoong Jesus, tanggapin Mo ang aking espiritu. At siya’y nanikluhod, at sumigaw ng malakas na tinig, Panginoon, huwag Mong iparatang sa kanila ang kasalanang ito. At pagkasabi niya nito, ay nakatulog siya.” AGA 77.1
Walang legal na hatol na ibinigay kay Esteban, datapuwat ang mga otoridad na Romano ay nasuhulan na upang hindi mag-imbistiga sa pangyayari. AGA 77.2
Ang pagiging martir ni Esteban ay gumawa ng malalim na impresyon sa lahat ng nakamalas nito. Ang alaala ng tanda ng Dios sa kanyang mukha; ang kanyang mga salita, na nagpakilos sa mga kaluluwa ng mga nakarinig nito, ay nanatili sa mga isipan ng nakamasid, at sila’y nagpatotoo sa katotohanang kanyang inihayag. Ang kanyang kamatayan ay malagim na pagsubok sa iglesia, ngunit ito ay nagbunyag sa kombiksyon ni Saulo, na hindi makatkat sa kanyang isipan ang pananampalataya at katatagan ng martir, at ang kaluwalhatiang nakita sa kanyang mukha. AGA 77.3
Sa tanawin ng paglilitis at kamatayan ni Esteban, si Saulo ay parang nagpakita ng mainit na sigasig. Matapos ito ay nagalit siya sa sariling lihim ng pagkadama na si Esteban ay pinarangalan ng Dios sa oras ding iyon nang siya ay inalisan ng karangalan ng tao. Nagpatuloy si Saulo sa pag-uusig sa bayan ng Dios, tinugis sila, inilit ang kanilang mga bahay, at dinala sila sa mga saserdote at pinuno upang ibilanggo at patayin. Ang kanyang sigasig sa ganitong pag-uusig ay naghatid ng lagim sa mga Kristiano sa Jerusalem. Ang mga may otoridad na Romano ay hindi nakialam sa malupit na gawang ito, at palihim pang tumulong sa mga Judio upang makipagkasundo sa kanila at makakuha ng kanilang pabor. AGA 77.4
Matapos ang kamatayan ni Esteban, si Saulo ay nahalal na maging kaanib ng Sanhedrin, bilang pabuya sa kanyang naging bahagi sa pagkakataong iyon. Sa isang panahon ay naging makapangyarihang kasangkapan siya sa kamay ni Satanas upang isagawa ang paghihimagsik nito laban sa Dios. Ngunit hindi magtatagal ang kanyang sigasig ay gagamitin sa pagtatayo ng iglesia na ngayon ay kanyang winawasak. Isang higit na makapangyarihan kay Satanas ang pumili kay Saulo upang kunin ang lugar ng bayaning si Esteban, upang mangaral at magdusa para sa Kanyang pangalan, at upang palaganapin sa malayong dako at sa malaganap na paraan ang pabalita ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang dugo. AGA 77.5