Ang mga GAWA ng mga APOSTOL

9/59

Sa Harapan ng Sanhedrin

Ang krus, ang instrumento ng kahihiyan at pahirap, ang nagdala ng pag-asa at kaligtasan sa sanlibutan. Ang mga alagad ay mga hamak na tao lamang, walang yaman, at walang sandata liban sa salita ng Dios; gayunman sa kalakasan ni Kristo sila ay humayong nagbabalita ng kahanga-hangang kasaysayan ng sabsaban at ng krus, at nagtatagumpay sa lahat ng oposisyon. Walang karangalan o pagkakilala man ng sanlibutan, sila ay mga bayani ng pananampalataya. Mula sa kanilang mga labi ay namutawi ang mga salitang may pagkasi ng langit na nagpayanig sa sanlibutan. AGA 60.1

Sa Jerusalem, na doon ay higit na malalim ang masamang pagkakilala, at ang mga ideyang kaguluhan ay namamayani tungkol sa Kanya na ipinako sa krus bilang isang masamang tao, ang mga alagad ay nagpatuloy na magsalitang may tapang, na inihaharap sa mga Judio ang gawain at misyon ni Kristo, ang Kanyang pagkapako sa krus, pagkabuhay na mag-uli, at pagpanhik sa langit. Mga saserdote at pinuno ay narinig na may pagkamangha ang maliwanag, at matatapang na patotoo ng mga apostol. Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na muling nabuhay ay tunay ngang lumapag sa mga alagad, at ang kanilang paggawa ay may kasamang mga tanda at kababalaghan na nagparagdag sa bawat araw ng mga mananampalataya. Sa mga lansangang daraanan ng mga alagad, “inilatag ng mga tao ang kanilang mga maysakit, upang kahit na anino man lamang ng pagdaraan ni Pedro ay sumakanila.” Dito ay dinala rin ang mga inaalihan ng mga masamang espiritu. Pinalibutan sila ng maraming tao, at silang napagaling ay nagsigawa ng papuri sa Dios, at niluwalhati ang pangalan ng Manunubos. AGA 60.2

Nakita ng mga saserdote at pinuno na si Kristo ay naitataas higit sa kanila. Ang mga Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli, pagkarinig sa mga alagad na nagpapahayag na si Kristo ay muling bumangon mula sa mga patay, ay nagalit, sa pagkadamang kung ang mga alagad ay pahihintulutang magpatuloy sa pangangaral ng isang Tagapagligtas na muling nabuhay, at gumawa ng mga milagro sa Kanyang pangalan, ang aral na walang muling pagkabuhay ay tatanggihan na ng lahat, at ang sekta ng mga Saduceo ay malilipol. Nagalit ang mga Pariseo na ang tinutungo ng pangangaral ng mga alagad ay buwagin ang mga seremonyang Judio, at walaing kabuluhan ang mga paghahandog ng sakripisyo. AGA 60.3

Hanggang dito ay naging walang bisa ang mga pagsisikap nilang patigilin ang bagong aral na ito; ngunit ngayon ay nagsanib ang mga Saduceo at Pariseo sa pasyang ang paggawa ng mga alagad ay dapat mapatigil, sapagkat pinatutunayan nitong sila nga ang may sala sa kamatayan ni Jesus. Puno ng galit, naging marahas ang mga saserdote at sinaktan si Pedro at Juan, at inilagay sa piitan. AGA 61.1

Ang mga lider ng bansang Judio ay nabigong tuparin ang adhikain ng Dios sa kanila bilang Kanyang bayang pinili. Silang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng katotohanan ay hindi naging tapat sa pagkakatiwala sa kanila, at pinili ng Dios ang iba upang gumawa ng Kanyang gawain. Sa kanilang pagkabulag, ang mga lider na ito ay lubusang sumunod sa tinawag nilang matuwid na pagkagalit laban sa kanilang nagwawalang bahala sa kanilang mahal na mga doktrina. Hindi nila matanggap ang posibilidad na hindi nila nauunawaan ang salita, o nagamit nila sa mali ang Kasulatan. Ang kilos nila ay tulad sa mga nawalan na ng bait. Anong karapatan mayroon ang mga gurong ito, wika nila, na ang ilan ay mga mangingisda lamang, na magharap ng mga ideyang laban sa kanilang naituro na sa bayan? Determinadong supilin ang pagtuturo ng ganitong mga isipan, ibinilanggo nila ang mga naglalahad nito. AGA 61.2

Ang mga alagad ay hindi natakot o nanlumo man sa ganitong turing sa kanila. Inihatid ng Banal na Espiritu sa kanilang isipan ang mga salita ni Kristo: “Ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon. Kung Ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din; kung tinupad nila ang Aking salita, ang inyo man ay tutuparin din. Datapuwat ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa Aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang sa Akin ay nagsugo.” “Kayo’y palalayasin nila sa mga sinagoga: oo, dumarating ang oras, na ang sinumang pumatay sa inyo ay aakalaing naghahandog siya ng paglilingkod sa Dios.” “Datapuwat ang mga bagay na ito’y sinalita Ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras, ay inyong mangaalaala, kung paanong sinabi Ko sa inyo.” Juan 15:20,21; 16:2,4. AGA 61.3

Binigyang pansin ng Dios ng kalangitan, ng makapangyarihang Hari ng sansinukob, ang pagkabilanggong ito ng Kanyang mga alagad; sapagkat ang tao ay lumalaban sa Kanyang gawain. Sa gabi ay binuksan ng anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, at sinabi sa mga alagad, “Humayo kayo, tumayo at magsalita sa mga tao sa templo ng lahat ng salita ng buhay na ito.” Ang utos na ito ay katuwas ng utos ng mga pinunong Judio; ngunit sinabi ba ng mga alagad na, Hindi namin ito magagawa hanggang sa makunsulta muna namin ang mga mahistrado, at tumanggap ng permiso sa kanila? Hindi; ang Dios ay nagsabi, “Humayo kayo,” at sila’y sumunod. “Maaga pa kinabukasan ay pumasok sila sa templo at nagturo.” AGA 62.1

Nang pakita si Pedro at Juan sa mga mananampalataya at ibalita kung paanong ang anghel ay tuwirang pumatnubay sa kanila sa pulutong ng mga sundalong nagbabantay sa bilangguan, na nag-atas sa kanilang magpatuloy sa gawaing naantala, ang mga kapatid ay napuno ng pagkamangha at kagalakan. AGA 62.2

Samantala ang punong saserdote at mga kasama ay “tumawag ng konsilyo, at ang lahat ng senado ng mga anak ng Israel.” Naipasya ng mga saserdote at mga pinuno na ipataw sa mga alagad ang paratang na panghihimagsik, na paratangan silang may kagagawan sa kamatayan ni Ananias at Sapira, at pagtiyapang agawin sa mga saserdote ang otoridad. Inakala nilang gawin ito upang pag-alabin ang bayan upang gawin sa mga alagad ang kanilang ginawa kay Jesus. Alam nila na marami sa hindi tumanggap sa mga aral ni Kristo ay pagal na sa walang turing na pangangasiwa ng mga pinunong Judio, at inip na sa pagbabago. Nangangamba ang mga saserdote na kung ang hindi nasisiyahang ito ay siyang tatanggap ng katotohanang inihayag ng mga alagad, at kikilalanin si Jesus bilang Mesias, ang galit ng buong bayan ay mapapasa mga lider ng relihiyon, na siyang papatawan ng pagpaslang kay Kristo. Nagpasya silang gumawa ng malakas na hakbang upang mahadlangan ito. AGA 62.3

Nang ipasundo ang mga bilanggo upang iharap sa kanila, gayon na lamang ang kanilang gulat nang maalamang ang mga pintuan ng bilangguan ay nakakandado pa at ang mga tanod na kawal ay naroroon, ngunit ang mga bilanggo ay di matagpuan. AGA 62.4

Di nagtagal ay dumating ang nakagugulat na ulat, “Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo, at nagtuturo sa mga tao. At nagtungo roon ang kapitan kasama ang mga opisyal, at kinuha silang walang karahasan: sapagkat takot sila sa bayan, na baka sila ay batuhin.” AGA 62.5

Bagaman ang mga alagad ay mahimalang nailigtas sa bilangguan, hindi naman sila ligtas sa pagsisiyasat at parusa. Binabalaan sila ni Kristo nang sila ay magkasama pa, “Mag-ingat kayo sa inyong sarili: sapagkat dadalhin kayo sa harap ng mga konsilyo.” Marcos 13:9. Sa pagsusugo ng anghel upang iligtas sila, nagbigay ang Dios ng tanda ng Kanyang pagmamahal, at kasiguruhan ng Kanyang presensya. Ngayon ay bahagi naman nilang magdusa para sa Kanya na ang mabuting balita ang kanilang ipinangangaral. AGA 63.1

Sa kasaysayan ng mga propeta at apostol, ay maraming marangal na halimbawa ng katapatan sa Dios. Ang mga saksi kay Kristo ay nagdanas ng pagkabilanggo, pahirap, at kamatayan na rin, sa halip na sirain ang utos ng Dios. Ang talang iniwan ni Pedro at Juan ay pagiging bayani ng alin man sa panahon ng ebanghelyo. Sa ikalawang pagkakataon, sa pagharap nila sa mga taong determinadong sila ay wasakin, walang takot at pag-aatubili mang nakita sa kanilang salita o kilos. At nang sinabi ng mataas na saserdote, “Ibinabala naming mahigpit sa inyo na huwag kayong mangagturo sa pangalang ito? at, narito, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito,” Sumagot si Pedro, “Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao.” Isang anghel mula sa langit ang nagligtas sa kanila sa bilangguan, at nag-utos na sila’y magturo sa templo. Sa pagsunod sa utos na ito ay langit ang kanilang sinusunod, at ito ay kanilang susundin maging halaga man ng kanilang buhay. AGA 63.2

Pagkatapos ang Espiritu ng Inspirasyon ay dumating sa mga alagad; ang pinararatangan ay naging tagapagparatang, na pinaratangan ang konsilyo na siyang nagpapatay kay Kristo. “Ibinangon ng Dios ng ating mga magulang si Jesus,” wika ni Pedro, “na Siya ninyong pinatay at ibinitin sa isang punong kahoy. Siya’y pinadakila ng Dios ng Kanyang kanang kamay upang maging Prinsipe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan. At kami’y Kanyang mga saksi ng mga bagay na ito; at gayon din ang Banal na Espiritu, na siyang ibinigay ng Dios sa nagsisitalima sa Kanya.” AGA 63.3

Gayon na lamang ang galit ng mga Judio sa mga salitang ito na ipinasiva nilang ilagay sa kanilang mga kamay ang batas, at wala nang paglilitis, o otoridad man mula sa mga opisyal ng Roma, na ipapatay ang mga bilanggo. May kasalanan na sa dugo ni Kristo, ngayon ay may sigasig-silang ilagay pa rin sa kanilang kamay ang dugo ng Kanyang mga alagad. AGA 64.1

Ngunit kabilang sa konsilyo ang isang lalaking kilala ang tinig ng Dios sa mga salita ng mga alagad. Ito ay si Gamaliel, isang Pariseong may mabuting reputasyon, at lalaking may pinag-aralan at mataas na posisyon. Nakita ng malinaw niyang isipan na ang marahas na hakbang na itong iniisip ng mga saserdote ay hahantong sa nakalulunos na bunga. Bago siya magsalita, hiniling muna na ang mga bilanggo ay ilabas. Kilala niya ang mga taong kanyang pakikitunguhan; alam niyang ang mga nagpapatay kay Kristo ay hindi titigil upang isagawa ang kanilang adhikain. AGA 64.2

At nagsalita siyang may hinahon at pagmumuni-muni, at sinabi niya sa kanila: “Kayong mga lalaking taga Israel, ay mangag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa mga taong ito, kung ano ang inyong gagawin. Sapagkat bago pa ng mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya’y dakila; at sa kanya’y nakisama ang mga apat na raang tao ang bilang: na siya’y pinatay; at ang lahat ng sa kanya’y nagsisunod, ay pawang nagsipangalat at nangawalang kabuluhan. Pagkatapos ng taong ito ay lumitaw si Judas na taga Galilea nang mga araw ng pagpapasulat, at nakahila siya ng marami sa bayan: siya’y nalipol rin; at ang lahat ng sa kanya’y nagsisunod ay pawang nagsipangalat. At ngayo’y sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangakialam sa mga taong ito, at pabayaan ninyo sila: sapagkat kung ang pasyang ito, o ang gawang ito ay sa mga tao, ay mawawasak: datapuwat kung sa Dios, ay hindi ninyo maiwawasak; baka pa kayo’y mangasumpungan na nangakikihamok laban sa Dios.” AGA 64.3

Nakita ng mga saserdote ang katuwiran ng mga isipang ito, at napilitang sumang-ayon kay Gamaliel. Ngunit ang kanilang maling pagkakilala at muhi ay di mapigilan. May malaking pag-aatubili, na matapos paluin ang mga alagad, ay sinabihang kung magpapatuloy sa pangangaral sa pangalan ni Jesus, ang kanilang buhay ay malalagay sa panganib, at sila’y pinawalan. “Sila nga’y nagsialis sa harapan ng Konsilyo, na nangatutuwang sila’y nangabilang na karapat-dapat na mangagbata ng kaalimurahan dahil sa Kanyang pangalan. At sa araw- araw sa templo, at sa mga bahay-bahay, ay hindi sila nagsisipagtigil ng pagtuturo at pangangaral tungkol kay Jesu-Cristo.” AGA 64.4

Bago ipako si Kristo sa krus, nag-iwan Siya sa Kanyang mga alagad ng pamanang kapayapaan. “Ang kapayapaan ay iniiwan Ko sa inyo,” Kanyang sinabi, Ang Aking kapayapaan ay ibinibigay Ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan, ang ibinibigay Ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” Juan 14:27. Ang kapayapaang ito ay hindi yaong dulot ng pakikiayon sa sanlibutan. Hindi nabili ni Kristo ang kapayapaan sa pakikipagkompromiso sa kasamaan. Ang kapayapaang iniwan ni Kristo sa Kanyang mga alagad ay panloob sa halip na panlabas, at laging sasama sa Kanyang mga saksi sa harap ng mga kaguluhan at alitan. AGA 65.1

Si Kristo na rin ang nagsabi, “Huwag ninyong isipin na Ako’y naparito sa lupa upang magdala ng kapayapaan: Naparito Ako hindi upang magsugo ng kapayapaan, kundi ng tabak.” Mateo 10:34. Ang Prinsipe ng Kapayapaan, Siya rin ang dahilan ng pagtutunggalian at pagbabahagi. Siyang naparito na naghahayag ng mabuting balita at lumikha ng pag-asa at kagalakan sa mga puso ng mga anak ng tao, ang na’gbukas ng tunggaliang malalim ang sugat at gigising na marubdob na damdamin sa puso ng tao. At nagbabala Siya sa Kanyang mga tagasunod, “Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian.” “Huhulihin kayo, at pag-uusigin kayo, na kayo’y ibibigay sa mga sinagoga, at sa mga bilangguan, na kayo’y dadalhin sa harapan ng mga hari at mga gobemador dahil sa Along pangalan.” “Datapuwat kayo’y ibibigay ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamag-anak, at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo.” Juan 16:33; Lucas 21:12, 16. AGA 65.2

Ang propesiyang ito ay natupad na tiyakan. Bawat kahihiyan, paninisi, at kalupitang magigising ni Satanas sa puso ng tao ay nakatuon sa mga alagad ni Jesus. At ito ay muling matutupad; sapagkat ang pusong laman ay nakikipag-alit pa rin sa kautusan ng Dios, at hindi pasasailalim sa mga utos nito. Ang sanlibutan ay hindi kaayon ngayon sa mga prinsipyo ni Kristo tulad ng sa panahon ng mga apostol. Ang katulad na muhi na nagbigay ng sigaw na, “Ipako sa krus! Ipako sa krus!” ang siya ring muhing nag-usig sa mga alagad, at gumagawa pa rin sa mga anak ng pagsuway. Ang diwang ito na sa Madilim na Kapanahunan ay nagdala sa mga lalaki at babae sa bilangguan, sa pagkatapon, at sa kamatayan, na tumuklas ng kakaibang pahirap ngInquisition,na nagpanukala at nagsagawa ng maramihang pagpatay sa St. Bartholomew, at nagsindi ng apoy sa Smithfield, ay gumagawa pa rin ngayon na may sigla ng kasama an sa pusong hindi hikayat. Ang kasaysayan ng katotohanan ay lagi na lamang tunggalian ng tama at mali. Ang paghahayag ng ebanghelyo ay lagi na lamang nagpapatuloy sa sanlibutang. ito sa harap ng oposisyon, panganib, kawalan, at pagdurusa. AGA 65.3

Ano ang naging kalakasan nilang sa nakaraan ay nagdanas ng paguusig alang-alang kay Kristo? Ito ay pakilasanib sa Dios, sa Banal na Espiritu, kay Kristo. Ang paninisi at pag-uusig ay nagpahiwalay sa maraming magkakaibigan, ngunit kailanman ay hindi sa pag-ibig ni Kristo. Ang kaluluwang binabagyo ay higit na mahal ng Tagapagligtas sa panahong siya ay nagdaranas ng dusa para sa katotohanan. “Iibigin Ko siya,” sabi ni Kristo, “at Ako’y maghahayag ng Aking sarili sa kanya.” Juan 14:21. Kapag sa kapakanan ng katotohanan ang mananampalataya ay nakatayo sa harapan ng mga hukuman sa lupa, si Kristo ay nakatayo sa tabi niya. Kung siya ay nasa loob ng bilangguan, si Jesus ay naghahayag ng Sarili sa kanya, at siya’y pinasisigla ng Kanyang pag-ibig. Kapag siya’y namamatay para kay Kristo, may pangungusap ang Tagapagligtas para sa kanya, Mapapatay nila ang katawan, ngunit hindi nila masusugatan ang kaluluwa. “Laksan ninyo ang loob; Aking dinaig ang sanlibutan.” “Huwag kang matakot; sapagkat Ako’y sumasaiyo: huwag kang manlupaypay; sapagkat Ako’y iyong Dios: Aking palalakasin ka; oo, Aking tutulungan ka; oo, Aking aalalayan ka ng kanang kamay ng Along katuwiran.” Juan 16:33; Isaias 41:10. AGA 66.1

“Silang nagsisitiwala sa Panginoon ay parang Bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailanman. Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem, gayon ang Panginoon sa palibot ng Kanyang bayan mula sa panahong ito at sa magpakailanman.” “Tutubusin Niya ang kanilang kaluluwa sa kapighatian at karahasan: at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa Kanyang paningin.” Awit 125:1-3; 72:14. AGA 66.2

“Ipagsasanggalang sila ng Panginoon ng mga hukbo;...at ililigtas sila ng Panginoon nilang Dios sa araw na yaon na gaya ng kawan ng Kanyang bayan: sapagkat magiging gaya ng mga bato ng isang putong na nataas sa mataas sa Kanyang lupain.” Zacarias 9:15, 16. AGA 66.3