Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

17/76

Kabanata 15—Ang Pag-aasawa ni Isaac

Ang kabanatang ito ay batay sa Genesis 24.

Si Abraham ay matanda na, at malapit nang mamatay; subalit mayroon pang isang gawaing kinakailangang gawin upang matupad ang pangako sa kanyang lahi. Si Isaac ang itinalaga ng Dios upang maging tagapagmana ng pagiging tagapag-ingat ng kautusan ng Dios at ama ng piniling bayan, subalit siya ay wala pang asawa. Ang mga naninirahan sa Canaan ay sumasamba sa diyus-diyusan, at hindi ipinahihintulot ng Dios ang pagiging mag-asawa ng kanyang bayan at ng mga taong iyon, sapagkat ang gano'ng pag-aasawa ay humahantong sa pagtalikod sa Dios. Pinangangambahan ng patriarka ang magiging epekto ng nakasisirang impluwensya na nasa paligid ng kanyang anak. Ang kaugaliang pananampalataya ni Abraham sa Dios at pagpapasakop sa Kanyang kalooban ay nahahayag sa likas ni Isaac; subalit ang pagsinta ng binata ay malakas, at siya ay maginoo at mapagpakumbaba. Kung siya ay makakapangasawa ng isang walang pagkatakot sa Dios, siya ay mapanganib na isakripisyo ang prinsipyo alang-alang sa pagkasundo. Sa isipan ni Abraham ang pagpili ng isang asawa para sa kanyang anak ay napakahalaga; nais niyang ang mapangasawa niya ay isa na hindi mag-aakay sa kanya papalayo sa Dios. MPMP 200.1

Noong unang mga panahon ang pag-aasawa ay karaniwang isinasaayos ng mga magulang, at ito ang kaugalian noong mga may pagkatakot sa Dios. Walang pinipilit magpakasal doon sa hindi nila iniibig; subalit sa pagkakaloob ng kanilang pagmamahal ang mga kabataan ay napapatnubayan ng kahatulan ng kanilang mga karanasan, at may pagkatakot sa Dios na mga magulang. Itinuturing na paglapastangan sa mga magulang, at isang krimen, ang lumabag dito. MPMP 200.2

Si Isaac, sa pagtitiwala sa katalinuhan at pagmamahal ng kanyang ama, ay nasisiyahang ipaubaya ang bagay na ito sa kanya, naniniwala rin na ang Dios mismo ay mangunguna sa isasagawang pagpili. Ang isip ng patriarka ay napatuon sa lahi ng kanyang ama na nasa Mesopotamia. Bagaman sila ay may pagsamba sa mga diyus-diyusan, kanilang pinahahalagahan ang kaalaman at pagsamba sa tunay na Dios. Si Isaac ay hindi kinakailangang umalis sa Canaan upang magtungo sa kanila, subalit maaaring isa sa kanila ay maaaring iwan ang kanyang tahanan at makiisa kay Isaac sa pagpapanatili ng dalisay na pagsamba sa buhay na Dios. Itinagubilin ni Abraham ang mahalagang bagay na ito sa “kanyang pinakamatandang katiwala,” isang taong tapat, makaranasan, at may mabuting kapasyahan, na nagkaloob na sa kanya ng mahaba at matapat na paglilingkod. Hiniling niyang sumumpa ang aliping ito sa harap ng Panginoon, na hindi siya kukuha ng isang asawa para kay Isaac mula sa mga Canaanita, sa halip ay pipili ng isang dilag mula sa pamilya ni Nahor na naninirahan sa Mesopotamia. Ibinilin niyang huwag dadalhin si Isaac doon. Kung ang dalaga ay hindi papayag na sumama upang iwan ang kanyang tahanan, kung magkagayon ang sinugo ay maliligtas sa kanyang panata. Siya ay pinasigla ng patriarka sa mahirap na gawaing ito sa pamamagitan ng paniniyak na ang Dios ang magpuputong ng tagumpay sa kanyang lakad. “Ang Panginoon, ang Dios ng langit,” wika niya, “na kumuha sa akin sa bahay ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan,... ay magsusugo siya ng isang anghel sa harapan mo.” Ang sugo ay humayo ng walang pag-aatubili. Nagdala ng sampung kamelyo para sa kanyang mga kasama at sa grupo ng kakasalin na maaaring sumama sa kanya sa pag-uwi, naghanda rin ng mga kaloob para sa mapapangasawa at sa kanyang mga kaibigan, kanyang binagtas ang mahabang lakbayin, tuloy hanggang sa mayayamang kapatagan na ang hangganan ay ang dakilang ilog ng Kanluran. Dumating sa Haran, “sa bayan ni Nahor,” siya ay tumigil sa labas ng bayan, sa tabi ng balon kung saan ang mga babae ay nagtutungo sa hapon upang kumuha ng tubig. Iyon ay panahon ng matinding pag-iisip para sa kanya. Mahalagang ibubunga, hindi lamang sa sambahayan ng kanyang panginoon, kundi pati sa hinaharap na henerasyon na maaaring sumundo sa pagpili na kanyang isasagawa; at paano siya makapipili ng husto sa kalagitnaan ng pawang mga taong di kilala? Sa pag-aalala sa pananalita ni Abraham, na susuguin ng Dios ang Kanyang mga anghel upang sumama sa kanya, siya ay taimtim na dumalangin para sa tamang kapasyahan. Sa sambahayan ng kanyang panginoon siya ay sanay sa patuloy na pagpapahayag ng kabaitan at pagiging mapagtanggap, at kanya ngayong hiniling na ang isang kilos na gano'n ay maging palatandaan ng dalagang pinili ng Dios. MPMP 200.3

Halos hindi pa natatapos ang dalangin nang ang tugon ay ipinagkaloob. Isa sa mga babae na natipon sa balon, ang pagiging magalang ng isa ang tumawag sa kanyang pansin. Sa pag-alis niya mula sa balon, ang dayuhan ay sumalubong sa kanya, na humihingi ng tubig mula sa banga na kanyang dala. Ang kahilingan ay tumanggap ng mabait na katugunan, na may alok na pagkuha ng tubig para din sa mga kamelyo, isang paglilingkod na kinagawian maging ng mga anak ng mga prinsipe para sa mga alagang hayop ng kanilang mga ama. Sa gano'ng paraan ang hinihiling na tanda ay ipinagkaloob. Ang dalaga ay “may magandang anyo,” at ang kanyang pagiging magalang ay nagbigay ng patotoo sa isang mabait na puso at masigla, at masipag na likas. Hanggang sa mga sandaling ito ang kamay ng Dios ay sumasa kanya. Matapos mabigyang pansin ang kanyang kabaitan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanyang mga kaloob, nagtanong ang sugo tungkol sa kanyang mga magulang, at sa pagkabatid na siya ay anak ni Bethuel, na pamangkin ni Abraham, siya ay “lumuhod at sumamba sa Panginoon.” MPMP 202.1

Ang lalaki ay humiling na makatuloy sa tahanan ng ama ng dalaga, at sa kanyang pagbigkas ng pagpapasalamat kanyang naihayag ang tungkol sa relasyon niya kay Abraham. Sa pag-uwi sa tahanan, ay isinaysay ng dalaga kung ano ang nangyari, at si Laban, na kanyang kapatid, ay kaagad nagmadali upang dalhin ang dayuhan at ang kanyang mga kasama upang makibahagi sa kanilang pagiging mapagtanggap. MPMP 202.2

Si Eliezer ay ayaw kumain ng pagkaing inihain sa kanya hanggang hindi naisasaysay ang pagkakasugo sa kanya, ang kanyang panalangin sa may balon, at ang lahat ng mga pangyayaring kaugnay noon. At kanyang sinabi, “At ngayon, kung inyong mamagandahing loob at mamatapatin sa aking panginoon ay sabihin din ninyo sa akin; upang pumihit ako sa kanan o sa kaliwa.” Ang katugunan ay, “Sa Panginoon nagmula ito: kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti. Narito, si Rebecca ay nasa harap mo, dalhin mo, at yumaon ka, at siya'y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, na gaya ng sinalita ng Panginoon.” MPMP 202.3

Matapos mahiling ang pahintulot ng sambahayan, si Rebecca mismo ay tinanong kung siya ay sasama sa lugar na malayo sa tahanan ng kanyang ama, upang magpakasal sa anak ni Abraham. Siya ay naniwala, mula sa mga nangyari, na siya ay pinili ng Dios upang maging asawa ni Isaac, at kanyang sinabi, “Sasama ako.” MPMP 202.4

Ang alipin, sa pag-asang matutuwa ang kanyang panginoon sa tagumpay ng kanyang misyon, ay hindi na mapigilan sa pag-alis; at pagkaumaga sila ay naglakbay pauwi. Si Abraham ay naninirahan sa Beerseba, at si Isaac, na nag-aalaga ng mga kawan sa kalapit na bukid, ay nagbalik na sa tolda ng kanyang ama upang hintayin ang pagbalik ng sugo mula sa Haran. “At lumabas si Isaac sa parang upang magmuni-muni ng dakong hapon: at kanyang itiningin ang kanyang mga mata, at kanyang nakita, at, narito, may dumarating na mga kamelyo. Itiningin naman ni Rebecca ang kanyang mga mata at nang makita niya si Isaac, ay bumaba sa kamelyo. At sinabi ni Rebecca sa alilang katiwala, Sino yaong taong naglalakad sa parang na sumasalubong sa atin? At sinabi ng alilang katiwala, Yaon ang aking panginoon: at kinuha niya ang kanyang lambong, at siya'y nagtakip. At isinaysay ng alilang katiwala kay Isaac ang lahat ng kanyang ginawa. At dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kanyang ina, at ipinagsama si Rebecca, at naging kanyang asawa; at kanya namang sininta: at naaliw si Isaac, pagkamatay ng kanyang ina.” MPMP 203.1

Tinandaan ni Abraham ang bunga ng pagiging mag-asawa noong may pagkatakot sa Dios at noong walang pagkatakot sa kanya, mula sa mga araw ni Cain hanggang sa kanyang kapanahunan. Ang naging bunga ng kanyang pag-aasawa kay Agar, at ang naging pag-aasawa nila Ismael at ni Lot ay nangasa harapan niya. Ang kakulangan ng pananampalataya sa bahagi ni Abraham at ni Sara ay humantong sa pagkapanganak kay Ismael, ang paghahalubilo ng mabuting binhi at ng hindi mabuti. Ang impluwensya ng ama sa kanyang anak ay sinalungat ng lahi ng inang mapagsamba sa mga diyus-diyusan at ng pag-aasawa ni Ismael sa mga babaeng hindi kumikilala sa Dios. Ang paninibugho ni Agar, at ng mga asawang pinili niya kay Ismael, ay naghatid ng hadlang sa paligid ng sambahayan ni Abraham na pinilit niyang mapanagumpayan subalit siya ay nabigo. MPMP 203.2

Ang mga maagang pagtuturo ni Abraham ay winalang saysay ni Ismael, subalit ang impluwensya ng kanyang mga asawa ay humantong sa pagtatag ng pagsamba sa mga diyus-diyusan sa kanyang sambahayan. Sa pagkakahiwalay mula sa kanyang ama, at kapaitan ng mga hidwaan at labanan sa isang tahanang salat sa pag-ibig at pagkatakot sa Dios, si Ismael ay naakay upang piliin ang karahasan, at mapagdambong na buhay ng isang pinuno sa ilang, “ang kanyang kamay” “laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kanya.” Genesis 16:12. Noong kanyang mga huling araw ay pinagsisihan niya ang kanyang masasamang gawa at nanumbalik sa Dios ng kanyang ama, subalit ang bakas sa likas na nasalin sa kanyang mga anak ay nananatili. Ang makapangyarihang bansa na nagmula sa kanya ay isang magulo, at mga taong walang pagkatakot sa Dios, na patuloy na naging nakayamot at mapagpahirap sa mga anak ni Isaac. MPMP 203.3

Ang asawa ni Lot ay isang masakim, at hindi relihiyosong babae, at ang kanyang impluwensya ay ginamit upang mawalay ang kanyang asawa mula kay Abraham. Kung hindi dahil sa kanya, si Lot ay maaaring hindi nanatili sa Sodoma, na napagkakaitan ng payo ng pantas, at may pagkatakot sa Dios na patriarka. Ang impluwensya ng kanyang asawa at ang mga pakikihalubilo sa masamang bayan ay maaaring nakaakay sa kanya upang tumalikod sa Dios kung hindi lang dahil sa matapat na mga turo na una niyang tinanggap mula kay Abraham. Ang pag-aasawa ni Lot at ang pagpili niya sa Sodoma upang maging tahanan ang unang yugto ng mga pangyayaring nagdulot ng kasamaan sa sanlibutan sa loob ng maraming henerasyon. MPMP 204.1

Walang sino mang may pagkatakot sa Dios ang walang kapanga- panganib na maiugnay ang kanyang sarili sa isa na walang pagkatakot sa Kanya. “Makalalakad baga ang dalawa na magkasama, liban na sila'y magkasundo?” Amos 3:3. Ang kaligayahan at pag-unlad ng pag-aasawa ay nakasalalay sa pagkakaisa ng dalawang panig; subalit sa pagitan ng isang mananampalataya at ng hindi mananampalataya ay may malaking kaibahan ng panglasa, hilig, at mga layunin. Sila ay naglilingkod sa dalawang panginoon, na walang pagkakasundo. Gaano man kadalisay at wasto ang prinsipyo ng sino man, ang impluwensya ng isang hindi sumasampalatayang kabiyak ay may hilig umakay papalayo sa Dios. Siya na nag-aasawa ng hindi pa hikayat, ay sa pamamagitan ng kanyang pagiging hikayat ay nalalagay sa isang higit na matinding kapanagutan upang maging tapat sa kanyang kabiyak, gano'n kalaki ang kanilang pagkakaiba tungkol sa relihiyon; gano'n pa man ang mga inaasahan ng Dios ay dapat ilagay sa katayuang nakahihigit sa lahat ng ugnayan sa lupa, humantong man iyon sa mga pagsubok at pag-uusig. Taglay ang diwa ng pag-ibig at kaamuan, ang ganitong pagtatapat ay maaaring bunga ng impluwensya upang mahikayat ang hindi sumasampalataya. Subalit ang pag-aasawa ng isang Kristiano sa isang hindi sumasampalataya ay ipinagbabawal sa Banal na Kasulatan. Ang utos ng Dios ay, “Huwag kayong makipamatok ng kabilang sa mga di nagsisisampalataya.” 2 Corinto 6:14, 17, 18. MPMP 204.2

Si Isaac ay lubos na pinararangalan ng Dios sa pagiging tagapagmana ng mga pangako na sa pamamagitan noon ang sanlibutan ay pagpapalain; gano'n pa man noong siya ay apatnapung taong gulang na ay sumang-ayon siya sa kapasyahan ng kanyang ama sa utos sa kanyang makaranasan, at may pagkatakot sa Dios na alipin upang pumili ng isang asawa para sa kanya. At ang naging bunga ng pag-aasawang iyon, sang-ayon sa pahayag ng Banal na Kasulatan, ay isang mapagmahal at magandang larawan ng kaligayahan sa tahanan: “At dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kanyang ina, at ipinagsama si Rebecca, at naging kanyang asawa; at kanya namang sininta: at inaliw si Isaac, pagkamatay ng kanyang ina.” MPMP 205.1

Anong kaibahan ng landas ni Isaac at ng mga kabataan sa ating kapanahunan, maging sa mga nagpapanggap na mga Kristiano! Ang mga kabataan ay malimit nakadarama na ang pagpapahayag ng kanilang pag-ibig ay isang bagay na sarili lamang nila ang dapat tanungin—isang bagay na hindi maaaring pangunahan ng Dios ni ng kanilang mga magulang. Bago pa sila makarating sa sapat na gulang iniisip nilang sila ay makagagawa na ng sarili nilang kapasyahan, hiwalay sa tulong ng kanilang mga magulang. Ang kaiksian ng buhay mag-asawa ay kalimitan sapat na upang ipakita sa kanila ang kanilang pagkakamali, subalit malimit ay huli na upang maiwasan ang masamang ibubunga noon. Sapagkat ang gano'n ding kakulangan ng kaalaman at pagpipigil sa sarili na nag-udyok sa madaliang pagpili ay hinahayaan upang palalain ang kasamaan, hanggang sa ang pag-aasawa ay maging isang mapait na pasanin. Marami ang sa gano'ng paraan ay sumira sa kanilang kasiyahan sa buhay na ito at sa kanilang pag- asa sa buhay na darating. MPMP 205.2

Kung mayroon mang isang paksa na kinakailangang pag-isipang lubos at kung saan ang payo ng nakatatanda at may higit na karanasan ay kinakailangang isaalang-alang, ang paksang iyon ay ang pag-aasawa; kung may panahong ang Biblia ay kailangan bilang isang tagapayo, kung may panahong ang patnubay ng Dios ay kinakailangang hilingin sa pananalangin, ang panahong iyon ay bago magsagawa ng hakbang na magtatali sa dalawang tao sa habang buhay. MPMP 205.3

Hindi dapat kaligtaan ng mga magulang ang sarili nilang kapanagutan para sa hinaharap na kaligayahan ng kanilang mga anak. Ang pagsang-ayon ni Isaac sa kapasyahan ng kanyang ama ay bunga ng pagsasanay na nagturo sa kanya upang mahalin ang buhay masunurin. Bagaman inaasahan ni Abraham na ang kanyang mga anak ay gagalang sa karapatan ng mga magulang, ang araw-araw niyang pamumuhay ay nagpapatotoo na ang karapatan ay di isang sakim o sapilitang pagpapasunod, kundi nakasalalay sa pag-ibig, na isinaalang-alang ang kanilang kapakanan at kaligayahan. MPMP 205.4

Kinakailangang madama ng mga ama at ina na isang tungkulin ang nasa kanila sa pagpatnubay sa pag-ibig ng mga kabataan, upang sila ay malagay doon sa magiging angkop na kasama. Kinakailangang madama iyon na isang tungkulin, sa pamamagitan ng kanilang sariling pagtuturo at halimbawa, kasama ang tumutulong na biyaya ng Dios, upang sa gano'n ay hubugin ang likas ng mga anak mula sa kanilang pagkabata na sila ay magiging dalisay at marangal at maakit sa mabuti at totoo. Ang magkatulad ay nag-aakitan; ang magkatulad ay naghahangaan. Mangyaring ang pag-ibig sa katotohanan at kadalisayan at kabutihan ay maagang maitanim sa kaluluwa, at hahanapin ng mga kabataan ang pakisama ng mga may gano'n ding likas. MPMP 206.1

Mangyaring sikapin ng mga magulang, sa sarili nilang likas at pamumuhay sa tahanan, ang mabigyan ng halimbawa ng pag-ibig at kabutihan ng makalangit na Ama. Mangyaring ang tahanan ay mapuno ng sikat ng araw. Ito ay magiging mahalaga para sa inyong mga anak ng higit pa sa mga lupain o salapi. Mangyaring ang pag-iibigan sa tahanan ay maging buhay sa kanilang mga puso, upang sila'y makalingon sa tahanan ng kanilang kabataan bilang lugar ng kapayapaan at kasiyahan na pumapangalawa sa langit. Ang mga miembro ng tahanan ay hindi magkakatulad ang likas, at magkakaroon ng malimit na pagkakataon upang magpasensya at maging mapagbigay; subalit sa pamamagitan ng pag-iibigan at pagsupil sa sarili ang lahat ay maaaring mabigkis sa pinakamaiapit na pagkakaisa. MPMP 206.2

Ang tunay na pag-ibig ay isang mataas at banal na prinsipyo at tunay na kakaiba ang likas sa pag-ibig na pinupukaw ng simbuyo at pagdakay biglang namamatay kapag sinubok ng lubos. Sa pamamagitan ng pagiging tapat sa tungkulin sa tahanan ng mga magulang ang mga kabataan ay naghahanda sa pagkakaroon ng sarili nilang tahanan. Papangyarihing dito ay magsanay sila ng pagtanggi sa sarili at magpahayag ng kabaitan, paggalang, at pagkamaawaing Kristiano. Sa gano'ng paraan ang pag-ibig ay maiingatang mainit sa puso, at siya na lumalabas sa gano'ng tahanan upang tumindig bilang ulo ng sarili niyang tahanan ay makaalam kung paano magpapasaya sa kanya na kanyang pinili upang maging kabiyak ng buhay. Ang pag-aasawa, sa halip na maging wakas ng pag-iibigan, ay magiging simula pa lamang. MPMP 206.3