Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

16/76

Kabanata 14—Ang Pagkagunaw ng Sodoma

Ang kabanatang ito ay batay sa Genesis 19.

Pinakamaganda sa mga lungsod sa lambak ng Jordan ay ang Sodoma, na nasa isang kapatagan na “tulad sa halamanan ng Panginoon” sa katabaan at kagandahan. Dito ay marami ang mga malagong halaman ng tropiko. Narito ang tahanan ng mga palmera, ng olivo, at ng ubas; at ang mga bulaklak ay humahalimuyak ang kabanguhan sa loob ng buong taon. Mayamang ani ang bumabalot sa mga bukirin, at mga kawan ay nakakalat sa paligid ng mga burol. Ang sining at komersyo ay nakadaragdag sa pagpapayaman ng mapagmalaking lungsod ng kapatagan. Nararamtan ng kayamanan ng Silangan ang kanyang mga palasyo, ang mga caravan ng disyerto ay naghahatid ng kanilang mahahalagang mga kalakal upang matustusan ang kanyang mga bilihan at palitan. Sa kaunti lamang pag-iisip o paggawa, ang bawat naisin ay maaaring makamtan, buong isang taon ay tila isang tuloy-tuloy na kapistahan. MPMP 182.1

Ang kasaganahan sa lahat ng dako ay nagbigay daan kaluhuan at pagmamataas. Ang katamaran at kayamanan ay nakapagpapatigas ng puso na kailanman ay di pa nagipit ng pangangailangan o nagpasan ng kalungkutan. Ang pag-ibig sa layaw ay inihahayag ng mga kayamanan at pagliliwaliw, at ang mga tao ay gumagawa ng ma kalaswaan. “Narito,” sabi ng propeta, “ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma, kapalaluan, kapunuan sa tinapay, at ang malabis na kapahingahan ay nasa kanya at sa kanyang mga anak na babae, at hindi man niya pinalakas ang kamay ng dukha at mapagkailangan. At sila'y palalo at gumawa ng kasuklam-suklam sa harap Ko: kaya't Aking inalis sila, ayon sa Aking minagaling.” Ezekiel 16:49, 50. Wala nang iba pang ninanais ang mga tao kundi kayamanan at malabis na kapahingahan, gano'n pa man ang mga ito ang naghatid ng mga kasalanang naging sanhi ng pagkagunaw ng mga lungsod ng kapatagan. Ang kanilang walang saysay, buhay na walang ginagawa ay nagpaging bihag ng mga panunukso ni Satanas, at kanilang sinira ang larawan ng Dios, at naging tulad kay Satanas sa halip na tulad sa Dios. Ang katamaran ang pinakamalubha ng sumpa na maaaring mapasa isang tao, sapagkat ang bisyo ay krimen ang kasunod ng mga ito. Pinahihina nito ang kaisipan, binabaluktot ang pang-unawa, at pinabababa ang halaga ng kaluluwa. Si Satanas ay nakaakma, handang puksain yaong mga hindi nag-iingat, yaong ang labis na pamamahinga ay nagbibibay sa kanya ng pagkakataon upang ipasok ang kanyang sarili sa isang kaakit-akit na pinagkukublihan. Kailan man ay hindi pa siya higit na naging matagumpay kaysa kung siya ay darating sa mga tao sa mga panahon ng kanilang labis na pamamahinga. MPMP 182.2

Sa Sodoma ay naroon ang pagsasaya at tawanan, pistahan at paglalasing. Ang pinakamasama at brutal na pagnanasa ay hindi napipigilan. Ang mga tao ay hayagang kumukutya sa Dios at sa Kanyang kautusan at nasisiyahan sa paggawa ng kasamaan. Bagaman may nauna sa kanilang halimbawa ng sanlibutan bago ito ginunaw sa pamamagitan ng Baha, at alam kung paanong ang galit ng Dios ay nahayag sa kanilang pagkagunaw, gano'n pa man ay sinundan nila ang gano'n ding takbo ng kasamaan. MPMP 183.1

Sa panahon ng pagkakaalis kay Lot mula sa Sodoma, ang kasamaan ay hindi pa gaanong laganap, at ang Dios sa kanyang kaawaan, ay nagpahintulot upang ang liwanag ay maningning sa kalagitnaan ng kadilimang pang moralidad. Noong iniligtas ni Abraham ang mga bihag ng mga Elamita, ang pansin ng mga tao ay natawag sa tunay na pananampalataya. Si Abraham ay hindi isang dayuhan para sa mga taga Sodoma, at ang kanyang pagsamba sa di nakikitang Dios ay naging isang bagay na ng kanilang pangungutya; subalit ang kanyang pagtatagumpay laban sa higit na makapangyarihang mga puwersa, at ang maganda niyang ginawa sa mga bihag at samsam, ay nagbangon ng pagkamangha at paghanga. Samantalang ang kanyang husay at kagitingan ay hinahangaan, ay walang makatanggi sa kaalamang may banal na kapangyarihang tumulong sa kanya upang siya ay magtagumpay. At ang kanyang marangal at di makasariling espiritu, na lubhang kakaiba sa pagkamakasarili ng mga naninirahan sa Sodoma, ay isa pang katibayan ng kahigitan ng relihiyon na kanyang pinarangalan sa pamamagitan ng kanyang katapangan at katapatan. MPMP 183.2

Si Melquisedec, sa pagbabasbas kay Abraham, ay kinilala si Jehova bilang pinagmulan ng kanyang pagtatagumpay: “Pagpalain si Abraham ng kataas-taasang Dios, na may ari ng langit at ng lupa: at purihin ang Kataas-taasang Dios, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” Genesis 14:19, 20. Ang Dios ay nagsasalita sa bayang iyon sa pamamagitan ng Kanyang mga pinapapangyari, subalit ang huling sinag ng liwanag ay tinanggihan tulad sa mga nauna. MPMP 183.3

At ngayon ang huling gabi ng Sodoma ay dumarating. Ang ulap ng kagalitan ay nasa itaas na ng lungsod. Subalit ito ay hindi napansin ng mga tao. Samantalang ang mga anghel ay lumalapit sa pagsasakatuparan ng kanilang misyon ng pagsira, ang mga tao ay nangangarap ng pag-unlad at kasiyahan. Ang huling araw ay naging tulad sa ibang mga araw na dumating at lumipas. Ang gabi ay sumapit sa isang tanawin ng pag-ibig at kasiguruhan. Ang isang tanawin ng di mapaparisang kagandahan ay nalambungan ng bumababang sikat ng araw. Ang kalamigan ng gabi ay nanawagan sa mga naninirahan sa lungsod, ang mga taong ang hinahanap ay kaligayahan ay nagparo't parito, hinahanap ang kaligayahan ng panahon. MPMP 184.1

Sa kadiliman ay may dalawang dayuhan ang lumapit sa pintuang bayan ng lungsod. Sila ay mukhang mga dayuhang makikituloy sa magdamag. Walang makababatid na ang mga iyon ay tagapagbalita ng hatol ng Dios, at di man lang naisip ng mga bakla, at walang bahalang karamihan na sa kanilang pakikitungo sa mga dayuhang iyon nang gabing yaon ay narating na nila ang hangganan ng kanilang kasamaan na nagpahamak sa kanilang mapagmalaking lungsod. Subalit mayroong isang lalaki na nagpahayag ng kabutihan sa mga dayuhan at sila'y inanyayahan sa kanyang tahanan. Hindi alam ni Lot ang tunay nilang likas, subalit ang pagiging magalang at mapagtanggap ay kaugalian niya; iyon ay bahagi ng kanyang relihiyon—mga aral na kanyang natutunan mula sa halimbawa ni Abraham. Kung siya ay hindi nagsanay sa gano'ng paggalang, siya ay maaaring napabayaang napahamak kasama ng ibang mga taga Sodoma. Napakaraming tahanan, ang sa pagsasara ng kanilang mga pinto sa mga dayuhan, ay nakapagsasara sa mga sugo ng Dios, na maaari sanang maghatid ng pagpapala at pag-asa at kapayapaan. MPMP 184.2

Bawat isinasagawa sa buhay, gaano man iyon kaliit, ay mayroong epekto sa ikabubuti o ikasasama. Ang katapatan o ang pagwawalang bahala sa inaakalang pinakamaliit na tungkulin ay maaaring magbukas ng daan para sa pinakamayamang pagpapala o pinakadakilang kapahamakan sa buhay. Maliliit na bagay ang sumusubok sa karakter. Iyon ay ang mga di mapagkunwaring pagtanggi sa sarili sa araw- araw, isinasagawa na may masaya, at handang puso, nginingitian ng Dios. Tayo ay di dapat mamuhay para sa ating mga sarili lamang, kundi para sa iba. At sa pamamagitan lamang ng pagiging di makasarili, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mapagmahal, at matulunging diwa, ang ating buhay ay magiging isang pagpapala. Ang maliliit na pag-aasikaso at pansin, ang maliit, at simpleng mga paggalang, ay malayo ang nararating upang buuin ang pangkalahatang kaligayan ng buhay, at ang pagwawalang halaga sa mga ito ang bumubuo sa di lamang kaunting kaguluhan ng tao. MPMP 184.3

Sa pagkabatid ng pang-aabuso na maaaring gawain ng mga taga Sodoma sa mga dayuhan, ay ginagawan ni Lot na maingatan sa kanilang pagtuloy, sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanila na tumuloy sa kanyang sariling tahanan. Siya ay nakaupo sa may pintuang bayan samantalang ang mga dayuhan ay dumadating, at pagkakita sa kanila, siya ay nagtindig upang sila ay salubungin, at magalang na nakayuko, ay nagsabi, “Ngayon nga mga panginoon ko, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y matira sa buong magdamag.” Tila tinanggihan nila ang kanyang pagtanggap, na nagsabi, “Hindi, kundi sa lansangan mananahan kami.” Ang kanilang layunin sa ganitong katugunan ay dalawa—upang subukin ang pagkamatapat ni Lot at upang mahayag na hindi nila batid ang ligtas kung mananatili sa lansangan sa gabi. Ang kanilang sagot ay bagkus nagpakita kay Lot na huwag silang iwan sa kaawaan ng nagkakagulong mga tao. Ipinilit niya ang kanyang paanyaya hanggang sa sila ay sumang-ayon, at sumama sa kanyang tahanan. MPMP 185.1

Nais sana niyang ikubli ang kanyang layunin sa mga taong walang ginagawa sa pintuang bayan sa pamamagitan ng pagtungo sa kanilang tahanan sa ibang daan; subalit ang kanilang pag-aatubili at pagkaantala, at ang kanyang pamimiliit, ay naging kapansin-pansin, at bago sila nakapamahinga sa gabing iyon, isang magulong grupo ng mga tao ang pumalibot sa tahanan. Iyon ay isang lubhang napakalaking grupo, mga kabataan at matatanda na naaapuyan ng pinakamasamang pagnanasa. Ang mga dayuhan ay nagtatanong tungkol sa likas ng lungsod, at sila ay binabalaan ni Lot na huwag mangahas lumabas sa lungsod sa gabing iyon, nang ang mga sigaw at pagtawag ng magulong grupo ng mga tao ay marinig, hinihinging ilabas sa kanila ang mga lalaki. MPMP 185.2

Sa pagkakabatid na kung ang mga tao ay mauudyukang manggulo ay madali nilang mapipilit buksan ang kanyang tahanan, si Lot ay lumabas upang sila ay pakiusapan. “Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid ko,” at kanyang sinabi, “huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan,” ginamit ang katagang “mga kapatid” sa pagiging mga kapitbahay, at umaasang sila ay mapapayapa at mahihiya sa kasamaan ng kanilang binabalak gawin. Subalit ang kanyang mga salita ay naging tulad sa langis na ipinatak sa apoy. Ang kanilang galit ay naging tulad sa ungol ng bagyo. Nilibak nila si Lot at sinabing ginagawa niyang hukom ang kanyang sarili sa kanila, at nagbantang gawan siya ng higit sa binabalak nilang gawin sa kanyang mga panauhin. Dinumog nila siya, at maaaring napagputol-putol siya kung hindi siya iniligtas ng mga anghel ng Dios. “Iniunat” ng mga sugo ng langit “ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.” Ang sumunod na mga pangyayari ay naghayag ng likas ng mga panauhin na kanyang pinatuloy. “Ang mga taong nangasa pintuan ng bahay ay binulag nila, ang maliit at malaki: ano pa't sila'y nangayamot sa paghahanap ng pintuan.” Kung sila lamang ay hindi gano'ng nagkaroon ng dobleng pagkabulag, nabulid na sa pagmamatigas ng puso, ang ginawang iyon ng Dios sa kanila ay dapat sanang nakalikha ng takot sa kanila, at humiwalay sa kanilang kasamaan. Ang huling gabing yaon ay kinaroonan ng mga kasalanang hindi mahihigitan nang ano pa mang nauna doon; subalit ang kaawaan, na matagal nang winawalang bahala, ay tumigil na sa pakikiusap. Ang mga naninirahan sa Sodoma ay lumampas na sa hangganan ng banal na pagtitiis—sa “natatagong hangganan sa pagitan ng pagpipigil at Kanyang kagalitan.” Ang apoy ng Kanyang paghihiganti ay magliliyab na sa lambak ng Siddim. MPMP 185.3

Inihayag ng mga anghel kay Lot ang layunin ng kanilang misyon: “Aming lilipulin ang lugar na ito dahil sa napakalakas ang kanilang sigaw sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang aming lipulin.” Ang mga dayuhan na sinikap iligtas ni Lot, ang ngayon ay nangakong magliligtas sa kanya, at magligtas rin sa lahat ng kabilang ng kanyang sambahayan na tatakas na kasama niya mula sa masamang lungsod. Ang magulong pulutong ay nangapagod na at nagsialis, at si Lot ay lumabas upang babalaan ang kanyang mga anak. Kanyang inulit ang pananalita ng mga anghel, “Magtindig kayo, magsialis kayo sa dakong ito; sapagkat gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Subalit inakala nilang siya ay nagbibiro. Sila ay nagtawanan sa tinawag nilang kanilang mapamahiing pangamba. Ang kanyang mga anak na babae ay naimpluwensyahan na nang kanilang mga asawa. Lubos na silang nasisiyahan kung saan sila naroroon. Wala silang nababanaag na ano mang tanda ng kapahamakan. Ang lahat ay tulad rin lang ng dati. Sila ay maraming ari-arian at hindi sila makapaniwalang maaaring magunaw ang magandang Sodoma. MPMP 186.1

Si Lot ay malungkot na umuwi sa kanyang tahanan at isinaysay ang kanyang pagkabigo. At siya ay binalaan ng mga anghel na magtindig at dalahin ang kanyang asawa at ang dalawang anak na babae na kasama pa rin nila sa kanilang tahanan at lisanin ang bayan. Subalit si Lot ay nagpabagal. Bagaman araw-araw ay naguguluhan sa mga nakikitang kasamaan, di niya lubos na maisip ang tungkol sa nakapagpapababa at kasuklam-suklam na kasalanang ginagawa sa masamang bayan na iyon. Hindi niya nakita ang pangangailangang mahadlangan ang kasamaan sa pamamagitan ng mga hatol ng Dios. Ang ilan sa kanyang mga anak ay mananatili sa Sodoma, at ang kanyang asawa ay tumatanggi sa pag-alis na hindi sila kasama. Ang kaisipang iiwan yaong mga naging pinakamamahal sa kanya sa lupa ay tila higit sa kanyang makakayanan. Mahirap iwanan ang kanyang magandang tahanan at lahat ng kayamanang nakamtan sa pamamagitan ng mahirap na paggawa sa buong buhay niya, upang humayo bilang isang pagala-gala. Natigilan dahil sa kalungkutan siya ay nagtagal, at mabigat ang loob sa pag-alis. Kung hindi sa pagsisikap ng mga anghel ng Dios, silang lahat ay maaaring nangamatay sa paggunaw ng Sodoma. Siya at ang kanyang asawa at dalawang anak ay hinawakan sa kamay ng mga sugo ng langit at sila'y inakay palabas ng bayan. MPMP 187.1

Dito ay iniwan sila ng mga anghel, at bumalik sa Sodoma upang tapusin ang kanyang gawain ng paggunaw. Ang Isa—na pinakiusapan ni Abraham—ay lumapit kay Lot. Sa lahat ng lungsod ng kapatagan, ay walang masumpungan kahit sampung matuwid; subalit bilang tugon sa dalangin ng patriarka, yaong isang tao na may pagkatakot sa Dios ay inagaw mula sa pagkapahamak. Ibinigay ang utos na may hukbong nakasisindak: “Itakas mo ang iyong buhay; huwag kang lumingon o huminto man sa buong kapatagan; tumakas ka hanggang sa bundok, baka ikaw ay mamatay.” Ang pag-aatubili o pagpabagal ngayon ay makamamatay. Ang tumingin ng isang matagal na pagtingin sa minamahal na bayan, ang maghintay ng isang sandali upang ikalungkot ang naiwan sa magandang tahanan, ay maaaring ikamatay. MPMP 187.2

Ang bagyo ng banal na hatol ay naghihintay na lamang na makaalis ang mga takas na ito. MPMP 188.1

Subalit si Lot, sa pagkalito at takot, ay nakiusap na hindi niya magagawa ang ipinagagawa sa kanya baka kung anong mangyari sa kanya at siya ay mamatay. Sa pagtira sa masamang lungsod na iyon sa gitna ng kawalan ng pananalig sa Dios ang kanyang pananampalataya ay humina. Ang Prinsipe ng kalangitan ay nasa kanyang piling, gano'n pa man siya ay nakiusap para sa kanyang buhay na parang ang Dios, na nagpahayag ng gano'ng pangangalaga sa kanya, ay hindi pa mag-iingat sa kanya. Sana ay lubos siyang nagtiwala sa banal na Sugo, na ibinigay ang kanyang kalooban at buhay sa kamay ng Panginoon na walang pag-aalinlangan o pagtatanong. Subalit gaya ng marami, siya ay nagsikap magpanukala para sa kanyang sarili: “Narito, ang bayang ito ay malapit takasan at maliit: Oh tulutan mong tumakas ako roon, (di ba yao'y maliit?) at mabubuhay ako.” Ang bayang tinutukoy dito ay ang Bela, na sa huli ay tinawag na Zoar. Iyon ay ilang milya lamang mula sa Sodoma, at, tulad rin noon, ay masama at kabilang sa gugunawin. Subalit si Lot ay nakiusap na iyon ay iligtas, ipinipilit na iyon naman ay isang maliit na kahilingan lamang; at ang kanyang kahilingan ay ipinagkaloob. Siya ay tiniyak ng Panginoon, “Sa bagay mang ito ay pinayagan din kita, na hindi ko gugunawin ang bayang iyong sinalita.” O, anong laking kaawaan ng Dios sa kanyang mga makasalanang nilalang! MPMP 188.2

At muli ang banal na utos ay ibinigay upang magmadali, sapagkat ang nag-aapoy na bagyo ay darating na. Subalit ang isa sa mga tumatakas ay nangahas tumingin sa sinumpang lungsod, at siya ay naging isang sagisag ng hatol ng Dios. Kung si Lot lamang ay hindi nagpahayag ng gano'ng pag-aatubili sa pagsunod sa babala ng mga anghel, at mabilis na lumikas patungo sa mga bundok, na walang ano pa mang pakikiusap o pagtutol, maaaring nakatakas din sana ang kanyang asawa. Ang impluwensia ng kanyang halimbawa ay maaari sanang nakapagligtas sa kanya sa kasalanan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Subalit ang kanyang pag-aatubali at pagkaantala ay naging dahilan upang di niya lubos na pahalagahan ang banal na babala. Samantalang ang kanyang katawan ay nasa kapatagan, ang kanyang puso ay nananatili sa Sodoma, at siya ay namatay na kasama noon. Siya ay nanghimagsik sa Dios sapagkat ang Kanyang hatol ay nagdamay sa kanyang mga ari-arian at mga anak sa kapahamakan. Bagaman siya ay lubos na nabiyayaan sa pagkakatakas mula sa masamang lungsod, nadadama niyang siya ay ginawan ng mga kalupitan, sapagkat ang mga kayamanan na pinag-ukulan ng maraming panahon upang makamtan ay kasamang gugunawin. Sa halip na magpasalamat sa pagkaligtas, siya ay walang pagkabahalang lumingon upang nasain ang buhay noong mga tumanggi sa babala ng Dios. Ang kanyang kasalanan ay nagpahayag na siya ay di karapat-dapat upang mabuhay, sapagkat ang pagliligtas noon ay di man lang niya pinasalamatan. MPMP 188.3

Tayo ay kinakailangang maging maingat sa di sapat na pagpapahalaga sa mga mabiyayang kaloob ng Dios para sa ating ikaliligtas. May mga Kristianong nagsasabing, “Di na baling di ako maligtas kung hindi ko rin lang makakasama ang aking asawa at mga anak sa kaligtasan.” Kanilang nadadama na ang langit ay hindi magiging langit kung wala ang mga mahal nila sa buhay. Subalit yoon bang ganito ang nadadama ay may wastong relasyon sa Dios sa pagkabatid ng Kanyang dakilang kabutihan at kaawaan sa kanila? Kanila bang nalimutan na sila ay natatali ng pinakamatibay na tali ng pag-ibig at karangalan at katapatan sa paglilingkod sa kanilang Manlalalang at Manunubos? Ang paanyaya ng kaawaan ay pinararating sa lahat; at sapagkat ang ating mga kaibigan ay tumatanggi sa nakikiusap na pag-ibig ng Tagapagligtas, tayo rin ba ay tatanggi? Ang kaligtasan ng kaluluwa ay mahalaga. Si Kristo ay nagbayad ng walang hanggang halaga para sa ating kaligtasan, at walang sinomang nakababatid ng kahalagahan ng dakilang pagsasakripisyong ito o ng halaga ng kaluluwa ang tatanggi sa iniaalok na kaawaan ng Dios sa dahilan lamang na iyon ang pinili ng iba. Ang katotohanan na ang iba ay sa marangal Niyang layunin ay kinakailangang gumising sa atin upang higit pang maging masikap, upang maparangalan natin ang Dios, at maakay ang lahat ng ating maaakay, upang tanggapin ang Kanyang pag-ibig. MPMP 191.1

“Ang araw ay nakalitaw na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.” Ang maliwanag na sinag ng umaga ay tila naghahayag lamang ng kasaganahan at kapayapaan sa mga lungsod ng kapatagan. Ang pagkilos ng abalang buhay ay nagsimula na sa mga lansangan; ang mga tao ay patungo na sa kani-kanilang mga lakad, tungo sa hanap buhay o sa pagliliwaliw sa araw na iyon. Ang mga manugang ni Lot ay nagsasaya sa pangamba at babala ng matandang mahina ang kaisipan. Nang bigla na lamang tulad sa isang kulog mula sa walang ulap na kalangitan, ang bagyo ay dumating. Ang Panginoon ay nagpaulan ng azufre at apoy mula sa langit sa mga lungsod at mabungang kapatagan; sa mga palasyo at templo, mamahaling tirahan, halamanan at ubasan, at sa mga bakla, mga taong mahilig sa pagliliwaliw na noong gabing bago nangyari iyon ay nangungutya sa mga sugo ng langit—ang lahat ay nangapuksa. Ang usok ng pagkasunog ay tumaas tulad sa usok ng isang malaking hurno. At ang lambak ng Siddim ay naging pawang kasiraan, isang lugar na kailanman ay di na muling itatayo o matitirhan—isang patotoo sa lahat ng henerasyon tungkol sa katiyakan ng mga hatol ng Dios sa pagsalangsang. MPMP 191.2

Ang mga apoy na tumupok sa mga lungsod ng kapatagan ay nagpaparating ng liwanag ng kanilang babala hanggang sa ating kapanahunan. Tayo ay tinuturuan ng kakila-kilabot na liksyon na samantalang ang kaawaan ng Dios ay gano'n na lamang na mapagtiis sa mga makasalanan, ay mayroong hangganan na kung saan ang mga tao ay hindi na makapagpapatuloy pa sa paggawa ng kasalanan. Kapag ang hangganang iyon ay narating, ang kaloob ng kaawaan ay aalis, at ang paglilingkod ng kahatulan ay nagsisimula. MPMP 192.1

Ang Tagatubos ng sanlibutan ay nagpahayag na may mga kasalanang higit pa sa mga kasalanang ikinasira ng Sodoma at Gomora. Yaong mga nakarinig ng pabalita na nag-aanyaya sa mga makasalanan upang magsisi, at iyon ay hindi pinakinggan, ay higit pa ang kasalanan doon sa mga napahamak sa lambak ng Siddim. At higit pa rin ang kasalanan ng mga nagpapanggap na nakakakilala sa Dios at sumusunod sa Kanyang mga utos, subalit tinatanggihan si Kristo sa kanilang likas at araw-araw na pamumuhay. MPMP 192.2

Sabi ng Tunay na Saksi sa iglesia ng Efeso: “Mayroon akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang iyong unang pag-ibig. Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang iyong mga unang gawa; o kung hindi ay paririyan ako sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelero sa kanyang kinalalagyan, maliban na magsisi ka.” Apocalipsis 2:4, 5. Ang Panginoon ay naghihintay para sa isang tugon sa Kanyang pag-aalok ng pag-ibig at pagpapatawad, ng may higit na kaawaan kaysa doon sa kumikilos sa puso ng mga magulang sa sanlibutan upang magpatawad sa isang nagkasala at naghihirap na anak. Siya ay sumisigaw sa mga naglalagalag, “Manumbalik kayo sa Akin at Ako'y manunumbalik sa inyo.” Malakias 3:7. Subalit kung ang nagkasala ay patuloy na tumatanggi na pakinggan ang tinig na tumatawag sa kanya ng may kaawaan, at pagmamahal, siya sa wakas ay maiiwan sa kadiliman. Ang puso na matagal nang tumatanggi sa kaawaan ng Dios, ay nagiging matigas sa kasalanan, at hindi makatatanggap ng impluwensya ng biyaya ng Dios. Kakila-kilabot ang magiging kamatayan ng isang kaluluwa na ang nakikiusap na Tagapagligtas ay magsasabi na siya “ay nalalakip sa mga diyus-diyusan; pabayaan siya.” Oseas 4:17. Magiging mabuti pa ang araw ng paghuhukom para sa mga lungsod ng kapatagan kaysa doon sa mga nakaalam ng pag-ibig ni Kristo, at gano'n pa man ay tumalikod na papalayo upang piliin ang mga kasiyahan ng sanlibutan ng kasalanan. MPMP 192.3

Kayo na tumatanggi sa mga alok ng kaawaan, isipin ang dumaraming bilang ng mga napapatala laban sa inyo sa mga aklat ng langit; sapagkat may talaang iniingatan tungkol sa mga kasamaan ng mga bansa, sambahayan, at ng isa't isa. Maaaring magtiis ang Dios samantalang ang mga nakatala ay nadadagdagan, at ang mga panawagan at alok ng pagpapatawad ay maaaring ibigay; subalit ang panahon ay dumadating na kung kailan ang talaan ay mapupuno; at ang kapasiyahan ng kaluluwa ay naganap na; at sa pamamagitan ng sariling kapasiyahan ng tao ang kanyang kahahantungan ay naitakda na. Kung magkagano'n ang hudyat ay ibibigay upang ang hatol ay ipataw. MPMP 193.1

Mayroong dapat ikabahala sa kalagayan ng mga relihiyon ngayon. Ang kaawaan ng Dios ay winawalang halaga. Ang karamihan ay winawalang halaga ang kautusan ni Jehova, “nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.” Mateo 15:9. Ang kawalan ng paniniwala sa Dios ay nangingibabaw sa maraming iglesia sa ating kapuluan; hindi yaon mga hindi naniniwala sa Dios sa malawak na kahulugan—na hayagang pagtanggi sa Banal na Kasulatan—kundi isang kawalan ng paniniwala sa Dios na nararamtan ng Kristianismo, samantalang binabaliwala nito ang pananalig sa Banal na Kasulatan bilang isang pahayag mula sa Dios. Ang mainit na pagtatalaga at masiglang pagtatapat ay nagbigay ng puwang para sa mababaw na pormalidad. Bunga nito, ang pagtalikod at paghanap sa ikasisiya ang nangingibabaw. Pahayag ni Kristo, “Kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot,...gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag.” (Lucas 17:28, 30) Ang talaan ng mga nangyayari araw-araw ay nagpapatotoo sa katuparan ng Kanyang mga salita. Ang sanlibutan ay mabilis na nahihinog para sa kapahamakan. Di magtatagal ang mga hatol ng Dios ay ibubuhos, at ang kasalanan at ang mga makasalanan ay mapupuksa. MPMP 193.2

Ang sabi ng ating Tagapagligtas: “Mangag-ingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo: sapagkat gayon darating sa kanilang lahat na nangananahan sa ibabaw ng buong lupa.” —sa lahat ng ang kaisipan ay nakasentro sa lupang ito. “Datapuwat mangagpuyat kayo sa bawat panahon, na mangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.” Lucas 21:34-36. MPMP 194.1

Bago gunawin ang Sodoma, ang Dios ay nagparating ng isang pahayag kay Lot, “Itakas mo ang iyong buhay; huwag kang lumingon o huminto man sa buong kapatagan; tumakas ka hanggang sa bundok, baka ikaw ay mamatay.” Ang tinig ding yaon na nagbababala ay narinig ng mga alagad ni Kristo bago masira ang Jerusalem: “Pagka nangakita ninyong nakukulob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na. Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok.” Lucas 21:20, 21. Hindi sila dapat maghintay upang makakuha ng ano man mula sa kanilang mga ari-arian, sa halip ay pagyayamanin ang pagkakataon upang makatakas. MPMP 194.2

Mayroong paglabas, isang ganap na paghiwalay mula sa kasamaan, isang pagtakas para mabuhay. Gano'n ang nangyari nang panahon ni Noe; gano'n din kay Lot; gano'n din sa mga alagad bago sirain ang Jerusalem; at gano'n din sa mga huling araw. Muli ang tinig ng Dios ay maririnig sa isang babala, inuutusan ang kanyang bayan upang ihiwalay ang kanilang sarili mula sa lumalaganap na kasamaan. MPMP 194.3

Ang kalagayan ng pagtalikod at kasamaan na sa mga huling araw ay mahahayag sa mga relihiyon, ay inihayag kay propetang Juan sa pangitain tungkol sa Babilonia, “ang dakilang bayan, na naghahari sa mga hari sa lupa.” Apocalipsis 17:18. Bago ang pagkagunaw noon ang panawagan ay maririnig mula sa kalangitan, “Mangagsilabas kayo sa kanya, bayan Ko, upang huwag kayong mangaramay sa kanyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kanyang mga salot.” Apocalipsis 18:4. Tulad sa mga araw ni Noe at ni Lot, kinakailangang magkaroon ng ganap na paghiwalay mula sa kasalanan at mga makasalanan. Hindi maaaring magkaroon ng pagkakasundo ang Dios at ang sanlibutan, hindi na dapat umurong upang magkamit ng mga kayamanan sa lupa. “Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.” Mateo 6:24. MPMP 194.4

Tulad sa mga naninirahan sa lambak ng Siddim, ang mga tao ay nangangarap ng kasaganahan at kapayapaan. “Itakas mo ang iyong buhay,” ang babala mula sa mga anghel ng Dios; subalit ang ibang mga tinig ay naririnig na nagsasabing, “Huwag mag-alala; walang dapat ikabahala.” Ang mga karamihan ay nagsasabi, “Kapayapaan at kaligtasan,” samantalang inihahayag ng Langit ang malapit nang pagdating ng biglaang pagkapahamak ng sumasalangsang. Noong gabi bago sumapit ang kanilang pagkapahamak, ang mga lungsod ng kapatagan ay nagkagulo sa kasiyahan at tinatawanan ang mga pangamba at babala ng sugo ng Dios; subalit ang mga manlilibak na iyon ay nangamatay sa apoy; ng gabing iyon ang pinto ng awa ay pangwalang hanggan nang nagsara para sa mga naninirahan sa Sodoma. Hindi maaaring ang Dios ay palaging pagtatawanan; hindi magtatagal ang pagtatawa sa Kanya. “Narito, ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, mabagsik, na may poot at mabangis na galit upang gawing kagibaan ang lupa, at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyaon.” Isaias 13:9. Ang malaking karamihan ng sanlibutan ay tatanggi sa kaawaan ng Dios, at sila'y magagapi sa mabilis at hindi na maiiurong na pagkapahamak. Subalit yaong nakikinig sa babala ay nananahan “sa lihim na dako ng Kataas-taasan,” at “mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat.” Ang Kanyang katotohanan ang kanilang magiging kalasag at baluti. Para sa kanila ang pangakong, “Aking bubusugin siya ng mahabang buhay, at ipakikita Kosa kanya ang Aking pagliligtas.” Awit 91:1, 4, 16. MPMP 195.1

Si Lot ay nanirahan ng maikling panahon lamang sa Zoar. Ang kasamaan ay laganap doon tulad rin sa Sodoma, at nangamba siyang manatili doon, baka sirain ang lungsod. Di nagtagal, ang Zoar ay pinuksa, ayon sa pinanukala ng Dios. Si Lot ay nagtungo sa mga bundok, at tumira sa isang yungib wala ang lahat ng ipinangahas niyang kamtan kahit na malagay ang kanyang sambahayan sa impluwensya ng isang masamang lungsod. Subalit ang sumpa ng Sodoma ay sumunod sa kanya maging hanggang dito. Ang kasalanang isinagawa ng kanyang dalawang anak ay bunga ng kanilang pakikisalamuha sa masamang lugar. Ang mga kasamaan noon ay naging bahagi na ng kanilang karakter ano pa't hindi na nila malaman kung ano ang mabuti at masama. Ang tanging lahi ni Lot, ang mga Moabita at mga Amonita, ay masasama, at mga tribong sumasamba sa diyus-diyusan, mapaghimagsik sa Dios at mahigpit na kaaway ng Kanyang bayan. MPMP 195.2

Anong laking kaibahan ng buhay ni Abraham at ni Lot! Dati sila ay magkasama, sumasamba sa isang altar, magkatabi ang mga toldang tinitirhan; ngunit anong laking pagkakaiba ngayon! Pinili ni Lot ang Sodoma dahil sa mga kasiyahan at pakinabang na naroroon. Iniwan ang altar ni Abraham at ang araw-araw na pag-aalay doon sa buhay na Dios, kanyang pinahintulutan ang kanyang mga anak na makisalamuha sa isang bayang masama at sumasamba sa mga diyus- diyusan; bagaman iningatan niya sa kanyang puso ang pagkatakot sa Dios, sapagkat siya ay nagsabi sa Banal na Kasulatan bilang isang “matuwid” na tao; ang kanyang matuwid na kaluluwa ay ginambala ng maruruming usapan na bumabati sa kanyang pakinig araw-araw at ng karahasan at krimen na wala sa kanyang kapangyarihan upang pigilin. Sa wakas siya ay nailigtas tulad sa “isang dupong na naagaw sa apoy” (Zacarias 3:2), gano'n man ay nawalan ng kanyang mga ari- arian, namatayan ng asawa at mga anak, naninirahan sa mga yungib, tulad sa mababangis na hayop nasakluban ng kasamaan sa kanyang katandaan; at siya ay nagbigay sa sanlibutan, hindi ng lahi ng mga matuwid, kundi ng dalawang bansang mapagsamba sa mga diyus- diyusan, may galit sa Dios at lumalaban sa Kanyang bayan, hanggang, sa mapuno ang kanilang sisidlan ng kasamaan, sila ay humantong sa pagkapuksa. Kakila-kilabot ang mga bungang sumusunod sa isang maling hakbang! MPMP 196.1

Sabi ng taong pantas, “Huwag kang mainip sa pagyaman; tumigil ka sa iyong sariling karunungan.” “Siyang sakim sa pakinabang ay bumabagabag ng kanyang sariling sambahayan: ngunit siyang nagtatanim sa mga suhol ay mabubuhay.” Kawikaan 23:4; 15:27. At inihayag ni apostol Pablo, “Ang nagsisipagnasang yumaman, ay nangahuhulog sa tukso at sa silo, at sa maraming mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan.” 1 Timoteo 6:9. MPMP 196.2

Noong si Lot ay pumasok sa Sodoma ay layunin niyang lubos na ingatan ang kanyang sarili upang maging malaya mula sa kasalanan at pasunurin sa kanya ang kanyang sambahayan. Subalit siya ay ganap na nabigo. Ang nakakahawang impluwensya sa kanyang kapaligiran ay nakaapekto sa kanyang pananampalataya, at ang naging relasyon ng kanyang mga anak sa mga taga Sodoma ang bumigkis sa kanyang mga interes upang maging katulad ng sa kanila. At ang naging bunga ay nasa ating harapan. MPMP 196.3

Marami ang nakagagawa ng gano'n ding pagkakamali. Sa pagpili ng matitirahan ay higit na pinag-uukulan nila ng pansin ang mga makalupang pakinabang ng higit sa moralidad at impluwensya ng mga makakasalamuha na papaligid sa kanila at sa kanilang sambahayan. Pumipili sila ng isang maganda at matabang lugar, o lumilipat sa isang maunlad na lungsod, sa pag-asang magkakaroon ng ibayong pag-unlad; subalit ang kanilang mga anak ay napapaligiran ng tukso, at malimit sila ay nagkakaroon ng mga samahang hindi angkop sa pagpapalago ng kabanalan at pagkakaroon ng tamang likas. Ang kapaligiran ng maluwag na moralidad, ng kawalan ng pananalig, ng pagwawalang bahala sa mga bagay tungkol sa relihiyon, ay may hilig na labanan ang impluwensya ng mga magulang. Ang mga halimbawa ng paglaban sa mga magulang at sa banal na awtoridad ay palaging nasa harap ng mga kabataan; marami ang nagkakaroon ng relasyon sa mga hindi naniniwala sa Dios at hindi kapananampalataya, at nakikipagkasundo sa mga kaaway ng Dios. MPMP 197.1

Sa pagpili ng tirahan, nais ng Dios na pag-ukulan natin ng pansin, una sa lahat, ang moralidad at pang relihiyong papaligid sa atin at sa ating sambahayan. Maaaring tayo ay malagay sa hindi magandang lugar, sapagkat marami ang nagkakaroon ng kapaligirang hindi nila ninanais; at kung saan tayo tawagin ng tungkulin, tayo ay tutulungan ng Dios upang manatiling dalisay, kung tayo ay magmamasid at mananalangin, samantalang nanalig sa biyaya ni Kristo. Subalit hindi kinakailangang ilantad natin ang ating mga sarili hanggang maaari sa hindi makabubuti sa pagkakaroon ng isang Kristianong likas. Kung sadya nating inilalagay ang ating mga sarili sa napapaligiran ng kamunduhan at kawalan ng pananampalataya, ay pinalulungkot natin ang Dios at pinaaalis natin ang mga anghel mula sa ating mga tahanan. MPMP 197.2

Yaong mga nagkakamit ng makasanlibutang kayamanan at karangalan kapalit ng kanilang mga hilig na pangwalang hanggan, sa huli ay mababatid na ang mga iyon ay lubhang kalugihan. Tulad ni Lot, marami ang nakikitang ang kanilang mga anak ay na- ngapapahamak, at halos di rin maligtas ang sarili nilang kaluluwa. Ang kanilang habang buhay na paggawa ay nasayang; at ang kanilang buhay ay isang malungkot na kabiguan. Kung kanila lamang ginamit ang wastong karunungan, maaaring ang kanilang mga anak ay nagkaroon lamang ng kaunting kasaganaan ng sanlibutan, subalit maaaring natiyak nila ang pagkakaroon ng walang hanggang mana. MPMP 197.3

Ang mana na ipinangako ng Dios sa Kanyang bayan ay hindi sa sanlibutang ito. Si Abraham ay walang ari-arian sa lupa, “kahit mayapakan ng kanyang paa.” Gawa 7:5. Siya ay nagkaroon ng maraming kayamanan at ang mga iyon ay ginamit niya sa ikaluluwalhati ng Dios at sa ikabubuti ng kanyang kapwa tao; subalit hindi niya tiningnan ang sanlibutang ito bilang kanyang tahanan. Siya ay tinawag ng Panginoon upang iwan ang kanyang mga kababayang palasamba sa mga diyus-diyusan, na pinangakuhan ng lupain ng Canaan bilang pangwalang hanggang mana; gano'n pa man siya ni ang anak ng kanyang anak ay hindi natanggap. Nang si Abraham ay nagnais magkaroon ng mapaglilibingan ng kanyang patay, kinakailangang bilhin niya iyon mula sa mga Canaanita. Ang tangi niyang naging ari-arian sa lupang pangako ay ang inukit sa batong libingan sa yungib ng Macpela. MPMP 198.1

Subalit ang salita ng Dios ay hindi nawalan ng saysay; ni hindi rin iyon nagkaroon ng ganap na katuparan sa paninirahan sa Canaan ng mga Hudyo. “Kay Abraham nga sinabi ang mga pangako, at sa kanyang binhi.” Galacia 3:16. Si Abraham ay makikibahagi sa mana. Ang kaganapan ng pangako ng Dios ay maaaring tila naantala sapagkat “ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw” (2 Pedro 3:8); yaon ay tila nagtatagal, subalit sa itinakdang panahon “iyon ay walang pagsalang darating, hindi magtatagal.” Habacuc 2:3. Sa kaloob kay Abraham at sa kanyang binhi ay kabilang hindi lamang ang lupain ng Canaan, kundi ang buong lupa. Kaya ang pahayag ng apostol ay, “Ang pangako kay Abraham o sa kanyang binhi na siyang magmamana ng sanglibutan, kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya.” Roma 4:13. At maliwanag na itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang pangakong ibinigay kay Abraham ay matutupad sa pamamagitan ni Kristo. Ang lahat ng kay Kristo ay “binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” Mga tagapagmana sa “isang manang di nasisira, at walang dungis, at hindi kumukupas”—ang lupa na napalaya mula sa sumpa ng kasalanan. Galacia 3:29; 1 Pedro 1:4. Sapagkat “ang kaharian at ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kapangyarihan sa silong ng buong langit, mabibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan;” at “ang maamo ay magmamana ng lupain; at masasayahan sa kasaganahan ng kapayapaan.” Daniel 7:27; Awit 37:11. MPMP 198.2

Ang Dios ay nagbigay kay Abraham ng isang pagtanaw sa isang walang hanggang manang ito, at sa pag-asang ito siya ay nasiyahan. “Sa pananampalataya siya'y naging manlalakbay sa lupang pangako, na gaya sa hindi niya sariling lupa, at tumahan sa mga tolda na kasama si Isaac at si Jacob, na mga tagapagmana ng isang pangako na kasama niya: sapagkat inaasahan niya ang bayang may kinasasaligan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Dios.” Hebreo 11:9, 10. MPMP 199.1

Tungkol sa lahi ni Abraham ay nasulat, “Ayon sa pananampalataya ay nangamatay ang mga ito, na hindi kinamtan ang mga pangako, ngunit kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila'y pawang taga ibang bayan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa.” Talatang 13. Tayo ay kinakailangang manirahan bilang mga taga ibang bayan at manlalakbay dito kung tayo ay magkakamit ng “lalong magaling na lupain, sa makatuwid baga'y ang sa langit.” Talatang 16. Yaong magiging mga anak ni Abraham ay mangaghahanap ng isang lungsod na kanyang hinanap, “na ang nagtayo at gumawa ay ang Dios.” MPMP 199.2