Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA
Kabanata 13—Ang Pagsubok ng Pananampalataya
Ang kabanatang ito ay batay sa Genesis 16; 17:18-20; 21:1-14; 22:1-19.
Tinanggap ni Abraham ng walang pagtatanong ang pangako tungkol sa pagkakaroon ng isang anak na lalaki, subalit hindi siya naghintay upang isakatuparan ng Dios ang sarili Niyang salita sa sarili Niyang panahon at kaparaanan. Ang pagkaantala ay ipinahintulot upang subukin ang kanyang pananampalataya sa kapangyarihan ng Dios; subalit hindi niya napanagumpayan ang pagsubok na ito. Iniisip na imposibleng siya ay magkaroon pa ng anak sa kanyang katandaan, si Sara ay nagmungkahi, bilang isang panukala upang ang panukala ng Dios ay matupad, na ang isa sa kanyang mga katulong na babae ay kunin ni Abraham bilang pangalawang asawa. Ang pagkakaroon ng maraming asawa ay naging gano'n na lamang kalaganap ano pa't iyon ay hindi na itinuturing na isang kasalanan, subalit iyon ay nananatili pa ring paglabag sa kautusan ng Dios, at ikinamamatay ng kabanalan at kapayapaan ng relasyon sa sambahayan. Ang pagiging mag-asawa ni Abraham at ni Agar ay nagbunga ng masama, hindi lamang sa sarili niyang sambahayan, kundi pati sa mga darating pang mga saling lahi. MPMP 168.1
Sa labis na kapurihan ng karangalan ng bago niyang kalagayan bilang asawa ni Abraham, at umaasang magiging ina ng dakilang bansa na magmumula sa kanya, si Agar ay naging mayabang at mapagmalaki, at pinakitunguhan ng masama ang kanyang among babae. Ang matinding pag-iinggitan ay gumambala sa kapayapaan ng dati'y isang masayang tahanan. Napilitang makinig sa daing ng dalawa, ay walang kabuluhang sinikap ni Abraham upang manumbalik ang pagkakasundo. Bagaman iyon ay dahil sa taimtim na pakiusap ni Sara na gawin niyang asawa si Agar, ngayon ay sinisisi niya siya bilang siyang may kasalanan. Nais niyang mawala ang kanyang karibal; subalit hindi ito maipahintulot ni Abraham; sapagkat si Agar ang magiging ina ng kanyang anak, ayon sa malugod niyang inaasahan, ang ipinangakong anak Siya ay katulong ni Sara, gano'n pa man, at siya ay hinahayaan ni Abraham na pasa ilalim ng pangangasiwa ng kanyang amo. Ang mapagmataas na espiritu ni Agar ay hindi mapalalampas ang karahasan ng pinagagalit ng kanyang pagkawalang- galang. “Dinuwahagi siya ni Sarai, at si Agar ay tumakas mula sa kanyang harap.” MPMP 168.2
Siya ay nagtungo sa ilang, at samantalang siya ay nagpapahinga sa tabi ng isang bukal, nag-iisa at walang kaibigan, ang isang anghel ng Panginoon, sa anyong tao ay napakita sa kanya. Tinawag siya bilang “Agar, alila ni Sarai,” upang ipaalala sa kanya ang kanyang kalagayan at ang kanyang tungkulin, nagsabi sa kanya, “Magbalik ka sa iyong panginoon, at pahinuhod ka sa kanyang mga kamay.” Gano'n pa man kalakip ng panunumbat ay mga salitang nakapag-aaliw. “Dininig ng Dios ang iyong kadalamhatian.” “Pararamihin kong mainam ang iyong binhi, na hindi mabibilang dahil sa karamihan.” At bilang isang nagpapatuloy na pagpapaalaala ng Kanyang kaawaan, siya ay tinagubiling tawaging Ismael ang kanyang anak, “ang Dios ay makikinig.” MPMP 169.1
Noong si Abraham ay malapit nang mag-isang daang taon ang gulang, ang pangako tungkol sa pagkakaroon ng anak na lalaki ay inulit sa kanya, na may katiyakan na ang magiging tagapagmana ay kinakailangang maging anak ni Sara. Subalit hindi kaagad naunawaan ni Abraham ang pangako. Ang kanyang isip ay kaagad napatuon kay Ismael, nananatili sa kaisipang sa pamamagitan niya ang mga panukala ng Dios ay mangatutupad. Sa kanyang pag-ibig sa kanyang anak ay kanyang sinabi, “Kahimanawari, si Ismael ay mabuhay sa harapan Mo!” At muli ang pangako ay ibinigay, sa pamamagitan ng mga salitang lubos na maiintindihan: “Ang iyong asawang si Sara ay magkakaanak sa iyo; at tatawagin mo ang kanyang ngalang Isaac; at Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa kanya.” Gano'n pa man ay hindi kinalimutan ng Dios ang dalangin ng ama. “Tungkol kay Ismael,” ang sabi Niya, “ay dininig din kita: Narito't aking pinagpala siya,... at siya'y gagawin Kong malaking bansa.” MPMP 169.2
Ang pagkasilang ni Isaac, na naghatid, makalipas ang mahabang buhay ng paghihintay, ng katuparan ng pinakahihintay nilang inaasahan, ay nagbigay ng kagalakan sa mga tolda ni Abraham at ni Sara. Subalit para kay Agar ang pangyayaring ito ang pagbagsak ng ikinagagalak niyang tinatangkilik na mga ambisyon. Si Ismael, na ngayon ay isa nang kabataan, ay itinuring ng lahat sa kampo bilang tagapagmana ng mga kayamanan ni Abraham at tagapagmana ng mga pagpapalang ipinangako sa kanyang angkan. Ngayon ay bigla na lamang siyang napasa isang tabi; at sa kanilang kabiguan, ang ina at anak ay kapwa nagkaroon ng galit sa anak ni Sara. Ang pangkalahatang kasiyahan ay nagpatindi sa kanilang inggit, hanggang sa si Ismael ay mangahas na hayagang kutyain ang tagapagmana ng pangako ng Dios. Nakita ni Sara sa magulong disposisyon ni Ismael ang isang magpapatuloy na pagmumulan ng kaguluhan, at siya ay nakiusap kay Abraham, at pinilit na si Agar at si Ismael ay paalisin mula sa kampamento. Ang patriarka ay nabulid sa isang matinding pagkalito. Paano niya mapaaalis si Ismael, ang kanyang anak na lubos pa rin niyang minamahal? Sa kanyang kalituhan siya ay humingi ng pagpatnubay ng Dios. Ang Panginoon, sa pamamagitan ng isang banal na anghel, ay kinausap siyang pagbigyan ang kagustuhan ni Sara; ang kanyang pag-ibig kay Ismael o kay Agar ay di dapat manatili sa daan, sapagkat sa pamamagitan lamang noon maaari niyang mapapanumbalik ang kaayusan at kasiyahan sa kanyang sambahayan. At binigyan siya ng anghel ng nakaaaliw na pangako na bagaman mawawalay mula sa tahanan ng kanyang ama, si Ismael ay hindi pababayaan ng Dios; ang kanyang buhay ay maiingatan, at siya ay magiging ama ng isang malaking bansa. Sinunod ni Abraham ang salita ng anghel, subalit iyon ay lubos na masakit para sa kanya. Ang puso ng ama ay puno ng di mabigkas na kalungkutan samantalang pinaaalis niya si Agar at ang kanyang anak. MPMP 169.3
Ang utos na ibinigay kay Abraham na may kinalaman sa kabanalan ng pag-aasawa ay isang liksyon para sa lahat ng kapanahunan. Inihahayag noon na ang mga karapatan at kasiyahan ng ganitong relasyon ay kinakailangang maingatan, na magkaroon pa man ng malaking pagsasakripisyo. Si Sara ang natatanging tunay na asawa ni Abraham. Sa kanyang karapatan bilang asawa at ina ay walang sinoman ang may karapatang makibahagi. Kanyang iginalang ang kanyang asawa, at dahil dito siya ay inihayag sa Bagong Tipan bilang isang magandang halimbawa. Subalit hindi niya maipapahintulot na ang pag-ibig ni Abraham ay mapasa iba, at siya ay hindi sinumbatan ng Panginoon sa paghiling na paalisin ang kanyang karibal. Kapwa si Abraham at si Sara ay nagkulang sa pagtitiwala sa Dios, at ang pagkukulang na ito ang humantong sa pagiging asawa ni Agar. MPMP 170.1
Tinawag ng Dios si Abraham upang maging ama ng mga tapat, at ang kanyang buhay ay kinakailangang magsilbing halimbawa ng pananampalataya sa mga sumusunod na henerasyon. Subalit ang kanyang pananampalataya ay hindi naging sakdal. Siya ay nagpakita ng di pagtitiwala sa Dios sa pagkakailang si Sara ay kanyang asawa, at muli sa pagiging asawa niya si Agar. Upang maabot niya ang pinakamataas na pamantayan, siya ay ipinailalim ng Dios sa iba pang pagsubok, ang pinakamatindi sa itinawag sa tao upang tiisin. Sa isang pangitain sa gabi siya ay inutusang magtungo sa lupain ng Moria, at doon ay ihandog ang kanyang anak bilang hain sa isang bundok na ipakikita sa kanya. MPMP 170.2
Sa panahon ng pagtanggap sa utos na ito, si Abraham ay mayroon nang isang daan at dalawampung taon, siya ay itinuturing nang isang matandang tao, maging sa kanyang kapanahunan. Sa kanyang kabataan siya ay naging malakas sa pagsalunga sa kahirapan, at sa pagharap sa panganib, subalit ngayon ang kakisigan ng kanyang kabataan ay lipas na. Ang isa na nasa kalakasan ay maaaring humarap sa mga kahirapan at kapighatian sa maaaring maging sanhi ng pagtigil ng puso sa huling bahagi ng buhay, kapag ang kanyang paa ay nanginginig na patungo sa libingan. Subalit iningatan ng Dios ang Kanyang panghuli, at pinakamatinding pagsubok para kay Abraham hanggang sa siya ay mapuno na ng mga taon, at ninanais na niyang magkaroon ng kapahingahan mula sa kalungkutan at paghihirap. MPMP 171.1
Ang patriarka ay naninirahan sa Beer-seba, napapaligiran ng kaunlaran at karangalan. Siya ay lubos na mayaman, at kinikilala bilang isang makapangyarihang prinsipe ng mga namumuno sa lupain. Libu-libong mga tupa at baka ang kumakalat sa mga kapatagang lumalampas sa mga hangganan ng kanyang kampamento. Sa bawat panig ay may tolda ng kanyang mga katulong, tirahan ng daan- daang mga tapat niyang mga alipin. Ang ipinangakong anak ay lumaki na sa kanyang piling. Tila pinuputungan ng langit ang kanyang mga pagpapala ang isang buhay ng pagsasakripisyo at paghihintay sa katuparan ng isang pag-asang hindi kaagad natupad. MPMP 171.2
Sa pagiging masunurin ayon sa pananampalataya, ay iniwan ni Abraham ang kanyang lupang sinilangan—iniwan ang libingan ng kanyang mga ama at tahanan ng kanyang mga kamag-anak. Siya ay naglagalag sa lupaing kanyang mamanahin. Siya ay matagal na naghintay sa pagsilang ng ipinangakong tagapagmana. Sa utos ng Panginoon ay pinaalis niya ang kanyang anak na si Ismael. At ngayon samantalang ang kanyang anak na matagal niyang kinasabikan ay nagbibinata, at tila nakikita na ng patriarka ang katuparan ng kanyang mga inaaasahan, ang isang pagsubok na matindi kaysa sa lahat ng ibang pagsubok ay nasa harap niya. MPMP 171.3
Ang utos ay binigkas sa pamamagitan ng mga salitang maaaring pumighati sa puso ng amang iyon: “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal..., at ihain mo siya roong handog na susunugin.” Si Isaac ang liwanag ng kanyang tahanan, kaaliwan ng kanyang katandaan, at higit sa lahat tagapagmana ng ipinangakong pagpapala. Ang pagkawala ng gano'ng anak ay maaaring makawasak sa puso ng nagigiliw na ama; maaaring makapagpayuko iyon sa namumuti niyang ulo ng dahil sa kapighatian; subalit siya ay inutusang papagdanakin ang dugo ng anak na iyon sa pamamagitan ng sarili niyang kamay. Yaon ay naging tila imposible para sa kanya. MPMP 172.1
Si Satanas ay naroon upang magmungkahing siya ay maaaring nadadaya, sapagkat ang banal na kautusan ay nagsasabing, “Huwag kang papatay,” at hindi ipagagawa ng Dios ang minsan ay Kanyang ipinagbawal. Sa paglabas sa kanyang tolda, si Abraham ay tumingin sa walang ulap na kalangitan, at sinariwa sa isipan ang pangakong ibinigay halos limangpung taon na ang nakalilipas, na ang kanyang binhi ay di mabibilang tulad ng mga bituin. Kung ang pangakong ito ay matutupad sa pamamagitan ni Isaac, bakit lanakailangan siyang patayin? Si Abraham ay tinuksong maniwala na maaaring siya ay naloloko lamang. Sa kanyang pagkalito at kalungkutan siya ay yumuko sa lupa, at nanalangin, sa paraang hindi pa niya kailan man magawa, para sa katiyakan ng utos kung kinakailangan niyang gampanan ang kakilakilabot na tungkuling iyon. Naalaala niya ang mga anghel na sinugo sa kanya upang ipahayag ang layunin ng Dios na sirain ang Sodoma, at naghatid sa kanya ng pangako tungkol sa kanyang anak na si Isaac, at siya ay nagtungo sa lugar na kung saan ilang beses niyang nakita ang mga makalangit na tagapagbalita, umaasang makakatagpo muli sila, at makakatanggap ng karagdagang pahayag; subalit walang dumating upang makatulong sa kanya. Ang kadiliman ay tila pumipilit sa kanya; subalit ang utos ng Dios ang naririnig niya sa kanyang mga tainga, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal.” Ang utos na iyon ay kinakailangang masunod, at hindi niya kinakailangang pangahasan na iyon ay ipagpaliban. Ang araw ay sisikat na at kinakailangang siya ay maglakbay na. MPMP 172.2
Sa pagbalik niya sa kanyang tolda, siya ay nagtungo sa lugar na kung saan si Isaac ay mahimbing na natutulog, ang walang kaguluhang at inosenteng pagtulog ng kabataan. Sandaling tiningnan ng ama ang kaibig-ibig na mukha ng kanyang anak, at nanginginig na pumihit papalayo. Siya ay nagtungo sa piling ni Sara na natutulog rin. Gigisingin pa ba niya siya, upang minsan pa ay mayakap niya ang kanyang anak? Sasabihin ba niya sa kanya ang hinihiling ng Dios? Ninais niyang ihinga ang kanyang puso sa kanya at ibahagi ang kakilakilabot na tungkuling ito; subalit siya ay napigilan ng pangambang siya ay humadlang sa kanya. Si Isaac ang kanyang ligaya at karangalan; ang kanyang buhay ay nakatali sa kanya, at ang pag- ibig ng ina ay maaaring tumanggi sa paghahain. MPMP 175.1
Sa wakas ay kinausap ni Abraham ang kanyang anak, sinabi sa kanya ang utos na maghain sa isang malayong bundok. Si Isaac ay malimit nang nakasama sa kanyang ama upang sumamba sa ilan sa mga altar na nailagay sa kanyang paglalakbay, at ang paanyayang ito ay hindi naging kakaiba para sa kanya. Madaling naisagawa ang paghahanda sa paglalakbay. Ang kahoy ay inihanda at inilagay sa asno, at kasama ang dalawang katulong na lalaki sila ay humayo. MPMP 175.2
Magkatabing naglakbay ang mag-ama na may katahimikan. Ang ama, na pinag-iisipan ang mabigat niyang lihim, ay hindi makapagsalita. Ang kanyang pag-iisip ay nakatuon sa mapagmalaki, at lubos na nasisiyahang ina, at ang araw na siya'y magbabalik sa kanya na walang kasama. Alam niyang ang sundang ay mapapatusok sa puso ng kanyang asawa sa pagpaslang noon sa buhay ng kanyang anak. MPMP 175.3
Ang araw na iyon—na pinakamahabang araw na naranasan ni Abraham—ay mabagal na lumipas. Samantalang ang kanyang anak at ang mga lalaki ay natutulog, ay ginugol niya ang gabi sa pananalangin, umaasa pa rin na may makalangit na tagapagbalitang darating na magsasabihing ang pagsubok ay tapos na, at ang binata ay maaari nang umuwi sa kanyang ina nang hindi nasasaktan. Ngunit walang dumating para sa napipighati niyang kaluluwa. Isa pang mahabang araw, isa pang gabi ng pagpapakumbaba at pananalangin, samantalang gaya pa rin ng dati ang utos upang siya ay mawalan ng anak ay patuloy na umaalingawngaw sa kanyang mga tainga. Si Satanas ay malapit upang mag-udyok ng pag-aalinlangan at kawalan ng pananalig, subalit nilabanan ni Abraham ang mga iminumungkahi niya. Samantalang sila ay malapit nang magsimula sa ikatlong araw ng kanilang paglalakbay, ang patriarka, sa pagtingin sa hilaga, ay nalata ang ipinangakong tanda, isang ulap ng kaluwalhatian ang nasa ibabaw ng bundok ng Moria, at nalaman niya na ang tinig na nagsalita sa kanya ay mula sa langit. MPMP 175.4
Hanggang sa mga sandaling ito ay hindi siya nagmukmuk laban sa Dios, sa halip ay pinasigla niya ang kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng pag-iisip sa mga patotoo ng kabutihan at katapatan ng Panginoon. Ang anak na ito ay di inaasahang ipinagkaloob; at hindi ba karapatan lamang ng nagkaloob ng napakahalagang kaloob na ito na bawiin ang sariling kanya? At inulit ng pananampalataya ang pangakong, “Kay Isaac tatawagin ang iyong lahi”—isang lahi na magiging sindami ng buhangin sa tabi ng dagat. Si Isaac ay inianak sa pamamagitan ng isang kababalaghan, at hindi ba magagawa ng kapangyarihang nagbigay sa kanya ng buhay na iyon ay ibalik? Sa pagtingin ng higit sa nakikita, ay pinanghawakan ni Abraham ang banal na pananalita, “iniisip na maging sa gitna ng mga patay ay maaaring buhayin siyang muli ng Dios.” Hebreo 11:19. MPMP 176.1
Gano'n pa man walang sinoman liban sa Dios ang nakababatid ng kadakilaan ng pagsasakripisyo ng ama sa pagsang-ayon na ang kanyang anak ay mamatay; ninais ni Abraham na walang iba kundi ang Dios lamang ang makasaksi sa pag-aalay. Iniwan niya ang kanyang mga katulong, at sinabi, “Ako at ang bata ay paroroon doon; at kami ay sasamba, at pagbabalikan namin kayo.” Ang panggatong ay ipinadala kay Isaac, siya na ihahandog, kinuha ng ama ang sundang at ang apoy, at magkasama silang pumanhik tungo sa tuktok ng bundok, ang binata ay matahimik na nag-iisip kung saan, na lubhang malayo sa mga kawan at mga alagang hayop, ang ihahandog manggagaling. Sa wakas siya ay nagsalita, “Ama ko,” “narito ang apoy at ang kahoy, ngunit saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin?” O, anong pagsubok ito! Napakamapagmahal na mga salita, “ama ko,” ang tumasak sa puso ni Abraham! Hindi pa—hindi pa niya masasabi ngayon. “Anak ko,” ang sabi niya, “Dios ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin.” MPMP 176.2
Sa itinakdang lugar ay ginawa nila ang altar at inilagay ang panggatong doon. At pagkatapos, samantalang ang kanyang tinig ay nanginginig, ay inihayag ni Abraham kay Isaac ang banal na pahayag. MPMP 176.3
Si Isaac ay natakot at nabigla sa pagkaalam ng mangyayari sa kanya, subalit siya ay hindi tumanggi. Maaari sanang tinakasan niya ang kanyang ikamamatay, kung pinili lamang niya; ang napipighating matanda, na lubhang napagod sa nakalipas na tatlong araw, ay maaaring hindi na makatutol sa kalooban ng malakas na kabataan. Subalit si Isaac ay nasanay mula pa sa kanyang pagkabata upang maging handa, sa nagtitiwalang pagsunod, at samantalang ang layunin ng Dios ay inihahayag sa kanya, at malugod niyang isinuko ang kanyang sarili. Siya ay nakikibahagi sa pananampalataya ni Abraham, at inisip niyang karangalan ang matawag upang ihandog ang kanyang buhay sa Dios. May kabaitan niyang sinikap pagaanin ang pamimighati ng kanyang ama, at tulungan ang kanyang namamanhid na mga kamay sa pagtatali sa kanya sa altar. MPMP 177.1
At ngayon ang huling mga pananalita ng pagmamahal ay nabigkas na, ang huling luha ay pumatak, at ang huling pagyakap ay naibigay. Itinaas ng ama ang sundang upang patayin ang anak, nang bigla na lamang natigilan ang kanyang kamay. Isang anghel ng Dios ang tumawag sa patriarka mula sa langit, “Abraham, Abraham!” Mabilis siyang tumugon, “Narito ako.” At muli ang tinig ay narinig, “Huwag mong buhatin ang iyong kamay sa bata, o gawan man siya ng anoman: sapagkat talatas Ko ngayon na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.” MPMP 177.2
At si Abraham ay nakakita ng “isang tupang lalaki na nahuli sa dawag,” at mabilis na kinuha ang bagong biktima, inihandog niya iyon na “inihalili sa kanyang anak.” Sa kanyang kagalakan at pagpapasalamat ay binigyan ni Abraham ng bagong pangalan ang banal na lugar na iyon ng—“Jehova-jireh,” “Dios ang maghahanda.” MPMP 177.3
Sa Bundok ng Moria, muling binago ng Dios ang Kanyang pakikipagtipan, tiniyak ng may banal na panunumpa ang pagpapala kay Abraham at sa kanyang binhi sa lahat ng darating na mga henerasyon: “Sa Aking sarili ay sumumpa Ako, anang Panginoon, sapagkat ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak; na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin Ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.” MPMP 177.4
Ang dakilang ginawa ng pananampalataya ni Abraham ay nakatindig bilang isang haligi ng liwanag, liniliwanagan ang daan ng mga alipin ng Dios sa mga darating na mga panahon. Si Abraham ay nagsikap magdahilan sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Dios. Sa panahong iyon ng tatlong araw na paglalakbay siya ay may sapat na panahon upang magdahilan, at upang pag-alinlanganan ang Dios, kung siya ay nakalaan upang mag-alinlangan. Maaari sana siyang nagdahilan na ang pagpatay sa kanyang anak ay magiging sanhi ng pagtingin sa kanya bilang isang mamatay tao, isang pangalawa kay Cain; na magiging sanhi upang ang kanyang mga itinuturo ay tanggihan at di pahalagahan, at sa pamamagitan noon ay masira ang kanyang kapangyarihan sa paggawa ng mabuti sa kanyang kapwa tao. Maaari sanang nakiusap siya na dahil sa kanyang gulang ay maaaring hindi na siya sumundo. Subalit ang patriarka ay hindi nagkubli sa alinman sa mga pagdadahilang ito. Si Abraham ay tao; ang kanyang mga hilig at pinanghahawakan ay tulad rin ng sa atin; subalit siya ay hindi tumigil upang magtanong kung paano matutupad ang pangako kung si Isaac ay papatayin. Hindi siya nanatili upang makipagtalo sa kanyang nasasaktang puso. Alam niya na ang Dios ay makatarungan at makatuwiran sa lahat ng Kanyang ipinagagawa, at sinunod niya ang utos ayon sa bawat titik. MPMP 178.1
“Si Abraham ay sumampalataya sa Dios, at yao'y ibinilang na katuwiran sa kanya; at siya'y tinawag na kaibigan ng Dios.” Santiago 2:23. At ang sabi ni Pablo, “Ang mga sa pananampalataya, ang mga yaon ay anak ni Abraham.” Galacia 3:7. Subalit ang pananampalataya ni Abraham ay nahayag sa pamamagitan ng mga gawa. “Hindi baga ang ating amang si Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil kanyang inihain si Isaac na kanyang anak sa ibabaw ng dambana? Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay nagiging sakdal ang pananampalataya?” Santiago 2:21, 22. Marami ang hindi nakauunawa sa kaugnayan ng pananampalataya sa gawa. At kanilang sinasabi, “Maniwala ka lamang kay Kristo at ikaw ay ligtas na. Wala ka nang dapat pang gawin tungkol sa pagsunod sa kautusan.” Subalit ang ganap na pananampalataya ay mahahayag sa pagsunod. Ang sabi ni Kristo sa mga hindi naniniwalang mga Hudyo, “Kung kayo'y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.” Juan 8:39. At tungkol sa ama ng mga tapat ang pahayag ng Panginoon, “Sinunod ni Abraham ang Aking tinig, at ginanap ang Aking bilin, ang Aking mga utos, ang Aldng mga palatuntunan at ang Aking mga kautusan.” Genesis 26:5. Sabi ni apostol Santiago, “Ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kanyang sarili.” Santiago 2:17. At si Juan, sa lubos na pagpapahayag ng tungkol sa pag-ibig, ay nagsabi sa atin, “Ito ang pag-ibig ng Dios, na ating tuparin ang Kanyang mga utos.” 1 Juan 5:3. MPMP 178.2
Sa pamamagitan ng sagisag at pangako “ay ipinangaral na nang una ang ebanghelyo kay Abraham.” Galacia 3:8. At ang pananampalataya ng patriarka ay nakasalalay sa Tagatubos na darating. Sabi ni Kristo sa mga Hudyo, “Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang Aking araw; at nakita niya, at natuwa.” Juan 8:56. Ang lalaking tupa na inihalili sa paghahandog kay Isaac ay kumakatawan sa Anak ng Dios, na ihahain na panghalili sa atin. Noong ang tao ay kinakailangang mamatay dahil sa pagsalangsang sa kautusan, ang Ama, samantalang nakatingin sa Kanyang Anak, ay nagsabi sa makasalanan, “Mabuhay ka: nakasumpong Ako ng isang pangtubos.” MPMP 179.1
Iyon ay upang ikintal sa isipan ni Abraham ang katotohanan ng ebanghelyo, at upang subukin din ang kanyang pananampalataya, kung kaya't iniutos ng Dios sa kanya na patayin ang kanyang anak. Ang kalungkutan na kanyang tiniis sa pananahon ng madidilim na mga araw ng kakilakilabot na pagsubok na iyon ay ipinahintulot upang kanyang maunawaan mula sa sarili niyang karanasan ang tungkol sa kadakilaan ng pagsasakripisyo na isinagawa ng walang hanggang Dios upang ang tao ay matubos. Wala nang ano pa mang pagsubok ang maaaring nakapagpahirap sa kaluluwa ni Abraham na tutulad sa paghahandog ng kanyang anak. Ibinigay ng Dios ang Kanyang Anak upang mamatay sa hirap at kahihiyan. Ang mga anghel na nakasaksi sa paghihirap ng kaluluwa ng Anak ng Dios ay hindi pinahintulutan upang mamagitan, tulad sa nararanasan ni Isaac. Walang tinig na makapagsasabing, “Sapat na.” Upang mailigtas ang nagkasalang lahi, ay ibinigay ng hari ng kaluwalhatian ang Kanyang buhay. Ano ang mabisang katibayan ang maibibigay tungkol sa walang hanggang habag at pag-ibig ng Dios? “Siya, na hindi ipinagkait ang Kanyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?” Roma 8:32. MPMP 179.2
Ang pagsasakripisyong ipinagawa kay Abraham ay hindi lamang para sa sarili niyang kabutihan, ni para lamang sa kapakinabangan ng sumusunod na mga lahi; subalit iyon ay sa ikaaalam ng mga di nagkasalang nilalang sa ibang mga daigdig. Ang larangan ng tunggalian sa pagitan ni Kristo at ni Satanas—ang larangan na kung saan ang pagtubos ay isinagawa—ang aklat aralin ng buong sansinukob. Sapagkat si Abraham ay nagpahayag ng kakulangan ng pananampalataya sa mga pangako ng Dios, siya ay pinaratangan ni Satanas sa harapan ng mga anghel at sa harapan ng Dios ng di pagsunod sa mga kundisyon ng tipanan, at pagiging di karapat-dapat sa mga pagpapala noon. Nais ng Dios na patunayan ang katapatan ng Kanyang lingkod sa buong langit, upang ipahayag na walang kulang sa ganap na pagiging masunurin ang maaaring tanggapin, at upang ipahayag ng lubos ang panukala ng pagtubos. MPMP 180.1
Ang mga anghel ay nagmasid samantalang ang pananampalataya at pagpapasakop ni Isaac ay sinubok. Ang pagsubok ay labis ang kahigitan sa pagsubok kay Adan. Ang pagsubok na ibinigay sa ating unang mga magulang ay hindi kinasangkutan ng paghihirap, subalit ang utos kay Abraham ay kinasasangkutan ng pinakamahirap na pagsasakripisyo. Nakita ng buong langit na may pagkamangha at paghanga ang patuloy na pagsunod ni Abraham. Hinangahan ng buong kalangitan ang kanyang katapatan. Ang akusasyon ni Satanas ay napatunayang hindi totoo. Ang sabi ng Dios sa Kanyang lingkod, “Talastas ko ngayon, na ikaw ay natatakot sa Dios, sa paraang hindi mo itinanggi sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.” Ang pakikipagtipan ng Dios, na pinagtibay kay Abraham sa pamamagitan ng isang panunumpa sa lahat ng mga nilikha sa ibang mga daigdig, ay nagpapatunay na ang pagiging masunurin ay may gantimpala. MPMP 180.2
Naging mahirap maging para sa mga anghel ang maunawaan ang hiwaga ng pagtubos—upang maunawaan na ang Pinuno ng kalangitan, ang Anak ng Dios, ay kinakailangang mamatay para sa nagkasalang tao. Noong ang utos ay ibigay kay Abraham upang ialay ang kanyang anak, ang pansin ng lahat ng mga anghel ay natawag. Mataman nilang pinanood ang bawat hakbang sa pagsasakatuparan ng utos na ito. Noong sa tanong ni Isaac na, “Saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin?” si Abraham ay tumugon, “Dios ang maghahanda ng kordero;” at noong ang kamay ng ama ay natigilan noong papatayin na niya ang kanyang anak, at ang lalaking tupa na inihanda ng Dios ang inialay sa halip na si Isaac—ang liwanag sa kahiwagaan ng pagtubos ay nahayag, at naunawaan maging ng mga anghel ang kahanga-hangang inihanda ng Dios para sa kaligtasan ng tao. 1 Pedro 1:12. MPMP 180.3