Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

57/76

Kabanata 55—Ang Batang si Samuel

Ang kabanatang ito ay batay sa 1 Samuel 1; 2:1-11.

Si Elcana, na isang Levita sa Bundok ng Ephraim, ay isang lalaking mayaman at may impluwensya, at isa ng umiibig at natatakot sa Panginoon. Ang kanyang asawa na si Ana, ay isang babae na may taimtim na kabanalan. Mahinhin at hindi mapagpanggap, ang kanyang pagkatao ay kinatatampukan ng malalim na kataimtiman at matayog na pananampalataya. MPMP 672.1

Ang pagpapalang pinakananais ng bawat Hebreo ay ipinagkait sa maka-dios na mag-asawang ito; ang kanilang tahanan ay hindi napasisiya ng tinig ng pagkasanggol; at ang pagnanasang magkaroon ng magdadala ng kanyang pangalan ay umakay sa lalaki, kung paanong iyon ay umakay na sa iba—upang makipagkasundo para sa isa pang asawa. Subalit ang hakbang na ito, na kinikilos ng kakulangan ng pananampalataya sa Dios, ay hindi naghahatid ng kaligayahan. Ang mga anak na lalaki at mga anak na babae ay napadagdag sa sambahayan; subalit ang kagalakan at kagandahan ng banal na itinatag ng Dios ay nasisira, at ang kapayapaan ng sambahayan ay nababasag. Si Peninna, ang bagong asawa, ay selosa at makitid ang isip, at nagtataglay siya ng pagiging mapagmataas at kapusungan. Para kay Ana, ang pag-asa ay tila wala na, at ang buhay ay isang kabigatan; gano'n pa man kanyang hinarap ang pagsubok na may hindi tumututol na kaamuan. MPMP 672.2

Matapat na isinasakatuparan ni Elcana ang mga ipinag-utos ng Dios. Ang pagsamba sa Silo ay ipinagpapatuloy pa, subalit dahil sa ilang hindi pagtatapat sa pangangasiwa ang kanyang paglilingkod ay hindi lamang isinasagawa sa santuwaryo, na kung saan, bilang isang Levita, ay kinakailangan niyang isagawa. Ganon pa man siya ay pumapanhik, kasama ang kanyang sambahayan upang sumamba sa mga itinakdang kapulungan. MPMP 672.3

Maging sa kalagitnaan ng mga banal na mga kapistahan kaugnay ng paglilingkod sa Dios, ang masamang espiritu na naging sumpa sa kanyang tahanan ay nanghihimasok. Matapos maipagkaloob ang mga handog ng pagpapasalamat, ang buong sambahayan, sang-ayon sa kaugaliang itinatag, ay nagsasama-sama sa isang solemne ngunit masayang piging. Sa mga okasyong tulad nito, si Elcana ay nagbibigay ng bahagi para sa ina ng kanyang mga anak at para sa bawat anak na lalaki at babae; at bilang patotoo ng pagpapahalaga kay Ana, binigyan niya siya (si Ana) ng dobleng bahagi, na tanda na ang kanyang pag- ibig sa kanya ay tila mayroon din siyang anak. At ang ikalawang asawa, na nakikilos ng inggit, ay nag-aangkin sa kahalagahan bilang isa na lubos na kinalugdan ng Dios, at tinutuya si Ana sa kanyang kalagayan na walang anak bilang patunay sa hindi pagkalugod ng Dios. Ang bagay na ito ay inuulit taun-taon, hanggang iyon ay hindi na matiis ni Ana. Sapagkat hindi na niya maikubli ang kanyang kalungkutan, siya ay labis na umiyak, at humiwalay sa kainan. Hindi magawa ng kanyang asawa na siya ay aliwin. “Bakit ka umiiyak? at bakit hindi ka kumakain? at bakit nagdadalamhati ang iyong puso?” wika niya, “hindi ba ako mabuti sa iyo kaysa sampung anak?” MPMP 672.4

Si Ana ay hindi bumigkas ng paninisi. Ang pasanin na hindi niya maibahagi sa sinumang kaibigan sa lupa, ay kanyang inilagak sa Panginoon. Taimtim siyang nakiusap na alisin ang kanyang kahihiyan, at pagkalooban siya ng isang mahalagang kaloob na isang anak na lalaki, upang kanyang palakihin at sanayin para sa Kanya. At siya ay nangako ng isang banal na pangako na kung ang kanyang kahilingan ay tutugunin kanyang itatalaga ang bata sa Dios, mula pa man sa kanyang pagsilang. Si Ana ay napalapit sa may pinto ng tabernakulo, at sa kapighatian ng kanyang espiritu, “siya'y nanalangin,...at tumangis na mainam.” Gano'n pa man siya ay tahimik na nakipag-ugnay sa Dios na walang ipinadinig na ingay. Noong mga panahong iyon na masama, ang ganoong tagpo ng pagsamba ay bihirang nasasaksihan. Walang kabanalang pagkakainan, at maging pagkalasing, ay karaniwan lamang, maging sa mga banal na piging at si Eli na punong saserdote, ng mapansin si Ana, ay nag-akala na siya ay nadaig ng alak. Sa pag- akalang siya ay magbibigay ng isang marapat na panunumbat, mahigpit niyang sinabi, “Hanggang kailan magiging lasing ka? ihiwalay mo ang iyong alak sa iyo.” MPMP 673.1

Nasaktan at nagulat, si Ana ay malumanay na sumagot, “Hindi, panginoon ko, ako'y isang babae na may diwang mapanglaw: hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking inihayag ang aking kaluluwa sa harap ng Panginoon. Huwag mong ibilang na babaing hamak ang iyong lingkod: sapagkat sa kasaganaan ng aking pagkaduwahagi ay nagsalita ako hanggang ngayon.” MPMP 673.2

Ang punong saserdote ay lubhang nakilos, sapagkat siya'y isang lalaki ng Dios; at sa halip na sumbat siya ay bumigkas ng isang basbas: “Yumaon kang payapa: at ipagkaloob nawa sa iyo ng Dios ng Israel ang iyong hiling na hiningi mo sa kanya.” MPMP 674.1

Ang dalangin ni Ana ay tinugon; siya ay tumanggap ng isang kaloob na taimtim niyang hiniling. Samantalang minamasdan niya ang sanggol ay tinawag niya siyang Samuel—“hiniling sa Dios.” Nang ang bata ay nagiging sapat na ang gulang upang maari nang ihiwalay sa ina, kanyang tinupad ang kanyang pangako. Minahal niya ang bata na may buong pagtatalaga ng puso ng isang ina; araw-araw samantalang pinagmamasdan niya ang lumalago niyang mga kakayanan, at pinapakinggan ang kanyang pangsanggol na pagsasalita, ang kanyang pag-ibig sa kanya ay higit pang tumibay. Siya ang kanyang kaisa-isang anak, ang natatanging loob ng langit, subalit tinanggap niya siya bilang isang kayamanang nakatalaga sa Dios, at hindi niya ipagkakait sa Tagapagbigay ang sariling kanya. MPMP 674.2

Si Ana ay muling naglakbay kasama ng kanyang asawa tungo sa Silo, at ipinagkaloob sa saserdote, sa ngalan ng Dios, ang kanyang minamahal na kaloob, na sinasabi, “Dahil sa batang ito ako nanalangin; at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking hiling na aking hiningi sa kanya: Kaya't aking ipinagkaloob ko siya sa Panginoon.” Si Eli ay lubhang nakilos ng pananampalataya at pagtatalaga ng babaeng ito ng Israel. Siya na isang mapagpalayaw na ama, siya ay namangha at nanliit, samantalang minamasdan niya ang dakilang sakripisyo ng inang ito, sa paghiwalay sa kanyang kaisa-isang anak, upang kanyang maitalaga siya sa paglilingkod sa Dios. Para siyang nasumbatan sa sarili niyang makasariling pag-ibig, at sa pagpapakumbaba at paggalang siya ay yumuko sa harap ng Panginoon at sumamba. MPMP 674.3

Ang puso ng ina ay puspos ng kagalakan at papuri, at ninais niyang ibuhos ang kanyang pasasalamat sa Dios. Ang Espiritu ng inspirasyon ay sumapi sa kanya; “At si Ana ay nanalangin at nagsabi”: MPMP 674.4

“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
ang aking sungay ay pinalaki ng Panginoon;
Binigyan ako ng bibig sa aking mga kaaway;
Sapagkat ako'y nagagalak sa iyong pagliligtas.
Walang banal na gaya ng Panginoon;
Sapagkat walang iba liban sa iyo,
Ni may bato mang gaya ng aming Dios.
Huwag na kayong magsalita ng totoong kapalaluan;
Huwag mabuka ang kahambugan sa inyong bibig;
Sapagkat ang Panginoon ay Dios ng kaalaman,
At sa pamamagitan niya'y sinusukat ang mga kilos....
Ang Panginoo'y pumapatay, at bumubuhay:
Siya ang nagbababa sa Sheol, at nagsasampa.
Ang Panginoo'y nagpapadukha at nagpapayaman:
Siya ay nagpapababa at siya rin naman ang nagpapataas.
Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
Kanyang itinataas ang mapagkailangan mula sa dumihan,
Upang sila'y palukluking kasama ng mga prinsipe,
At magmana ng luklukan ng kaluwalhatian:
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
At kanyang ipinatong ang sanglibutan sa kanila.
Kanyang iingatan ang mga paa ng Kanyang mga banal;
Subalit ang masama ay patatahimikin sa mga kadiliman;
Sapagkat sa pamamagitan ng kalakasan ay walang lalaking mananaig.
Yaong makipagkaalit sa Panginoon ay malalansag;
Laban sa kanila'y kukulog Siya mula sa Langit:
Ang Panginoon ang huhukom sa mga wakas ng lupa;
At bibigyan niya ng kalakasan ang Kanyang hari,
At palalakihin ang sungay ng Kanyang pinahiran ng langis.”
MPMP 674.5

Ang mga salita ni Ana ay mga hula, kapwa tungkol kay David, na maghahari sa Israel, at sa Mesias na pinahiran ng Panginoon. Tinukoy muna ang pagmamalaki ng isang walang galang at palaaway na babae, ang awit ay tumutukoy sa pagkapahamak ng mga kaaway ng Dios, at ang huling pagtatagumpay ng kanyang bayang tinubos. MPMP 675.1

Mula sa Silo, si Ana ay matahimik na umuwi sa kanyang tahanan sa Rama, iniwan ang kanyang anak na si Samuel upang masanay sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, sa ilalim ng pagtuturo ng punong saserdote. Mula sa pinakamaagang pagbangon ng kaalaman kanyang tinuruan ang kanyang anak upang umibig at gumalang sa Dios, at upang ituring ang kanyang sarili na sa Panginoon. Sa pamamagitan ng bawat pangkaraniwang mga bagay na nakapalibot sa bata, sinikap niyang akayin ang kanyang isip tungo sa Manlalalang. Nang mawalay na sa kanyang anak, ang dalangin ng tapat na ina ay hindi tumigil. Araw araw ang kanyang anak ang tinutukoy ng kanyang mga dalangin. Taun-taon siya ay gumagawa, sa pamamagitan ng sarili niyang mga kamay, ng isang kasuutan ng paglilingkod para sa kanya; at samantalang siya ay pumapanhik kasama ng kanyang asawa upang sumamba sa Silo, ibinibigay niya iyon sa bata bilang tanda ng kanyang pag-ibig sa kanya. Ang bawat himaymay ng kasuutan ay nilala na may dalangin na siya'y maging dalisay, marangal, at tapat. Hindi siya humiling para sa kanyang anak ng makamundong kadakilaan, subalit taimtim siyang humiling na ang bata ay magkaroon ng kadakilaang pinahahalagahan ng langit—upang kanyang maparangalan ang Dios, at mapagpala ang kanyang kapwa. MPMP 675.2

Anong pagpapala ang kay Ana! at anong pagpapasigla sa katapatan ang kanyang halimbawa! Mayroong mga pagkakataon na ang halaga'y hindi masusukat, mga hilig na ang halaga'y pangwalang hanggan, na ipinagkatiwala sa bawat ina. Ang iba't ibang maliliit na gawain na itinuturing ng mga babae na nakapanghihinawa, ay kinakailangang makitang isang dakila at marangal na gawain. Karapatan ng ina ang mapagpala ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang impluwensya, at sa paggawa niya nito siya ay maghahatid ng kaligayahan sa sarili niyang puso. Maaari siyang gumawa ng matuwid na mga landas para sa kanyang mga anak, umaraw man o kumulimlim, tungo sa maluwal- hating mga kataasan. Subalit kapag sinikap lamang niya sa sarili niyang buhay na sumunod sa mga aral ni Kristo, ang inang iyon ay makaaasang makakalikha sa kanyang mga anak ng likas na ayon sa banal na huwaran. Ang mundo ay punumpuno ng nakasisirang mga impluwensya. Ang mga kaugalian ay may malakas na kapangyarihan sa mga kabataan. Kung makaligtaan ng ina ang kanyang tungkulin na pagtuturo, pagpatnubay, at pagsaway, likas na tatanggapin ng kanyang mga anak ang masama, at pipihit mula sa mabuti. Mangyaring ang bawat ina ay lumapit ng malimit sa kanyang Tagapagligtas na may dalangin, “Turuan ninyo kami kung paanong aming ipagagawa sa bata, at ano ang dapat naming gawin sa kanya?” Mangyaring pakinggan niya ang tagubiling ipinagkaloob ng Dios sa kanyang salita, at ang karunungan ay ipagkakaloob sa kanya tuwing iyon ay kailanganin. MPMP 676.1

“Ang batang si Samuel ay lumalaki, at kinalulugdan ng Panginoon at ng mga tao rin naman.” Bagaman ang kabataan ni Samuel ay ginugol sa tabernakulo na nakatalaga sa pagsamba sa Dios, siya ay hindi malaya sa masasamang mga impluwensya o makasalanang mga halimbawa. Ang mga anak ni Eli ay walang pagkatakot sa Dios, ni hindi gumagalang sa kanilang ama; subalit hindi ni Samuel hinanap ang kanilang pakikisama, ni sumunod sa kanilang masamang mga gawain. Patuloy niyang pinagsisikapan ang nais ng Dios para sa kanya. Ito ang karapatan ng bawat kabataan. Ang Dios ay nalulugod kapag ibinibigay ng maliliit na mga bata ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Kanya. MPMP 676.2

Si Samuel ay inilagay sa ilalim ng pangangalaga ni Eli, at ang pagiging kaibig-ibig ng kanyang likas ay umakit sa mainit na pag- mamahal ng matandang saserdote. Siya ay mabait, mapagbigay, masunurin, at magalang. Si Eli, na nasasaktan sa kalikuan ng sarili niyang mga anak, ay nakasumpong ng kapahingahan at aliw at pagpapala sa presensya ng inaalagaan niya. Si Samuel ay matulungin at mapagmahal, at walang ama ang umibig sa kanyang anak ng higit sa pag-ibig ni Eli sa kabataang ito. Isang natatanging bagay na sa pagitan ng namumuno sa bansa at sa simpleng bata ay magkaroon ng mainit na pagmamahalan. Kapag ang mga sakit ng katandaan ay sumasapit kay Eli, at siya ay napupuno ng kalungkutan at pagsisisi sa hindi magandang gawain ng sarili niyang mga anak, siya ay humaharap kay Samuel upang maaliw. MPMP 677.1

Hindi kaugalian ng mga Levita ang pumasok sa kanilang natatanging mga paglilingkod hanggang sa sila ay dalawampu't limang taon na ang edad, subalit si Samuel ay hindi kabilang sa patakarang ito. Taun-taon ay nagkakaroon ng higit na mahahalagang gawain na ipinagkakatiwala sa kanya; at bata pa man siya, isang linong epod ang inilagay sa kanya bilang tanda ng kanyang pagtatalaga sa gawain sa santuwaryo. Bata pa man siya nang siya ay dalhin upang maglingkod sa tabernakulo si Samuel ay nagkaroon na ng mga tungkuling gina- gampanan sa paglilingkod sa Dios ayon sa kanyang makakayanan. Sa Simula ang mga iyon ay maliliit lamang, at hindi palaging magandang gawin; subalit ang mga iyon ay isinasagawa niya sa abot ng kanyang makakaya. Ang kanyang mga pagsisikap ay tinanggap, sapagkat ang mga iyon ay kinilos ng pag-ibig sa Dios at ng isang taimtim na pagnanasang maganap ang Kanyang kalooban. Sa gano'ng paraan si Samuel ay naging isang kamanggagawa ng Panginoon ng langit at ng lupa. At siya ay inihanda ng Dios upang gumanap sa isang dakilang gawain para sa Israel. MPMP 677.2

Kung ang mga bata ay matuturuan upang ituring ang bawat maliliit na gawain araw-araw na siyang landas na inihanda ng Panginoon para sa kanila, na tulad sa isang paaralan kung saan sila ay sinasanay upang maging tapat at mahusay sa paglilingkod, higit na magiging kalugod-lugod at marangal ang kanilang ginagawa. Ang pagsasagawa ng bawat tungkulin na tila ukol sa Panginoon, ay nagbibigay ng pang-akit sa paligid ng isang pinakamaliit na gawain, at iniuugnay ang mga manggagawa sa lupa doon sa mga banal na mga anghel na tumutupad sa kalooban ng Dios sa langit. MPMP 677.3

Ang tagumpay sa buhay na ito, at tagumpay sa pagkakaroon ng buhay sa hinaharap, ay nakasalalay sa isang matapat, maingat na pagharap sa maliliit na mga bagay. Ang kasakdalan ay nakikita sa pinakamaliit, gano'n din sa pinakadakila, sa mga gawa ng Dios. Ang kamay na nagsabit ng daigdig sa sanlibutan ang siya ring kamay na gumawa ng may kahusayan sa mga liryo sa parang. At kung paanong ang Dios ay sakdal sa Kanyang kinaroroonan, gano'n din naman tayo ay kinakailangang maging sakdal sa atin. Ang balanseng anyo ng isang malakas, at magandang pagkatao ay binubuo ng bawat pagganap sa tungkulin. At ang pagiging tapat ay kinakailangang makita sa pinakamaliit sa ating buhay gano'n din naman sa pinakamalaking detalye nito. Ang pagiging tapat sa maliliit na gawa ng kabaitan, ay makapagpapasaya sa landas ng buhay; at kapag ang ating gawain sa sanlibutan ay natapos, masusumpungan na ang bawat maliliit na tungkuling matapat na isinagawa ay nakapagbigay ng impluwensya para sa mabuti—isang impluwensyang hindi kailan man mapaparam. MPMP 678.1

Ang mga kabataan sa ating kapanahunan ay maaari ding maging kasing halaga sa paningin ng Dios tulad ni Samuel. Sa pamamagitan ng pagpapanatili sa kanilang katapatan bilang mga Kristiano, sila ay maaaring magkaroon ng malakas na impluwensya sa gawain ng pagrereporma. Ang mga gano'ng lalaki ay kailangan sa panahong ito. Ang Dios ay may gawain para sa bawat isa sa kanila. Hindi pa kailan man nagkaroon ang tao ng higit na dakilang magagawa para sa Dios at sa sangkatauhan kaysa magagawa sa ating kapanahunan ngayon noong magiging mga tapat sa ipinagkatiwala sa kanila ng Dios. MPMP 678.2