Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

58/76

Kabanata 56—Si Eli at ang Kanyang mga Anak

Ang kabanatang ito ay batay sa 1 Samuel 2:12-36.

Si Eli ay saserdote at hukom sa Israel. Hawak niya ang pinakamataas at pinaka responsableng tungkulin sa bayan ng Dios. Bilang isang lalaki na pinili ng Dios para sa mga banal na gawain ng pagkasaserdote, at inilagay sa buong lupain bilang may pinakamataas na kapang- yarihang humatol, siya ay tinitingnan bilang isang halimbawa, at siya ay umuukit ng isang malaking impluwensya sa mga lipi ng Israel. Subalit bagaman siya ay itinalaga upang mamuno sa bayan, hindi niya pinamunuan ang sarili niyang sambahayan. Si Eli ay isang mapagpalayaw na ama. Iniibig ang kapayapaan at kaginhawahan, hindi niya ginamit ang kanyang kapangyarihan upang supilin ang masasamang gawain at hilig ng kanyang mga anak. Sa halip na makipagtalo sa kanila o parusahan sila, siya ay sumang-ayon sa kanilang kalooban, at ibinigay sa kanila ang kanilang nais. Sa halip na ituring ang edukasyon ng kanyang mga anak bilang isa sa pinakamahalaga niyang tungkulin, hindi niya lubos na pinahalagahan ang bagay na iyon. Ang saserdote at hukom ay wala sa kadiliman tungkol sa tungkulin ng pagsupil at pamumuno sa mga anak na ipinagkaloob sa kanila ng Dios upang alagaan. Subalit si Eli ay umurong sa tungkuling ito, sapagkat kinasasangkutan ng pagsalungat sa kalooban ng kanyang mga anak, at mangangailangang parusahan sila o tanggihan sila. Sa hindi pagtimbang sa kilabot na ibubunga ng kanyang ginagawa, pinalayaw niya ang kanyang mga anak sa anumang kanilang naisin, at pinabayaan ang gawain na sila'y mahanda sa paglilingkod sa Dios at sa mga tungkulin ng buhay. MPMP 679.1

Ang Dios ay nagsabi na ukol kay Abraham, “siya'y Aking kinilala, upang siya'y mag-utos sa kanyang mga anak at sa kanyang sangbahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon, na gumawa ng kabanalan, at kahatulan.” Genesis 18:19. Subalit pinahintulutan ni Eli na ang kanyang mga anak ang mag- utos sa kanya. Ang ama ang naging tagasunod ng mga anak. Ang sumpa ng pagsalangsang ay nahayag sa pagkasira at kasamaang tumatak sa landas ng kanyang mga anak. Wala silang tamang pagpapahalaga sa likas ng Dios o sa kabanalan ng Kanyang kautusan. Ang paglilingkod sa Kanya para sa kanila ay naging isang pangkaraniwang bagay. Mula sa pagkabata sila ay nasanay sa santuwaryo at sa mga serbisyo noon; subalit sa halip na maging higit na magalang, nawalan sila ng pagkadama sa kabanalan at kahalagahan noon. Hindi iwinasto ng ama ang pangangailangang magkaroon ng paggalang sa kanyang kapangyarihan, hindi naitama ang kanilang hindi paggalang sa solemneng serbisyo sa santuwaryo; at nang sila ay magsilaki sila ay puno ng nakamamatay na mga bunga ng pag-aalinlangan at panghi- himagsik. MPMP 679.2

Bagaman lubhang hindi karapat-dapat para sa tungkulin, sila ay inilagay bilang mga saserdote sa santuwaryo upang maglingkod sa harap ng Dios. Ang Panginoon ay nagbigay ng pinakamalinaw na mga tagubilin tungkol sa pag-aalay ng mga hain; subalit dinala ng mga masasamang lalaking ito ang hindi pagkilala sa awtoridad sa paglilingkod sa Dios, at hindi pinag-ukulan ng pansin ang batas tungkol sa mga hain, na ginawa sa pinaka solemneng paraan. Ang mga hain, na tumutukoy sa hinaharap na pagkamatay ni Kristo, ay inihanda upang maingatan sa puso ng mga tao ang pananampalataya sa Tagapagtubos na darating; kaya't mahalagang mahalaga na ang mga ipinag-utos ng Panginoon tungkol sa mga iyon ay mahigpit na masunod. Ang mga handog tungkol sa kapayapaan ay mga natatanging pagpapahayag ng pasalamat sa Dios. Sa mga handog na ito ang taba lamang ang sinusunog sa dambana; isang bahaging itinakda ay inilalaan para sa mga saserdote at ang higit na malaking bahagi ay ibinabalik sa naghandog, upang makain niya at ng kanyang mga kaibigan sa isang piging ng paghahain. Sa gano'ng paraan ang lahat ng mga puso ay maaakay, sa pagpapasalamat at pananampalataya, sa dakilang Hain na mag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. MPMP 680.1

Ang mga anak ni Eli, sa halip na mabatid ang kabanalan ng makahulugang serbisyong ito, ay nag-isip lamang ng kung paanong ito ay magagamit nilang isang paraan ng pagpapalayaw sa sarili. Hindi nasisiyahan sa bahagi ng handog ukol sa kapayapaan ng nakatalaga sa kanila, sila ay humingi ng karagdagang bahagi; at ang malalaking bilang ng mga haing ito na iniaalay sa mga kapistahan taun-taon ay naging isang pagkakataon upang ang mga saserdote ay magpayaman sa kanilang sarili sa kapinsalaan ng mga tao. Hindi lamang sila humiling ng higit sa marapat para sa kanila, tumanggi pa silang maghintay hanggang ang taba ay nasunog bilang isang handog sa Dios. Ipinagpipilitan nilang mapasa kanila ang bahagi na kanilang naisin, at kung pagkakaitan, ay nagbabantang kukunin iyon sa pamamagitan ng dahas. MPMP 680.2

Ang kawalan ng galang na ito sa bahagi ng mga saserdote ay madaling nakaalis ng kabanalan at solemneng kahulugan ng serbisyo, at “niwalan ng kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.” Ang dakilang hain sa hinaharap na inilalarawan noon ay hindi na kinikilala. “At ang kasalanan ng mga binatang yaon ay totoong malaki sa harap ng Panginoon.” MPMP 681.1

Ang mga saserdoteng ito na hindi tapat ay sumalangsang din sa kautusan ng Dios at hindi iginalang ang kanilang banal na tungkulin sa pamamagitan ng kanilang marumi at nakabababang mga gawain; gano'n pa man nagpatuloy silang parumihin ang tabernakulo ng Dios sa pamamagitan ng kanilang presensya. Ang marami sa mga tao, dahil sa galit sa masamang gawain nila Ophni at Phinees, ay tumigil na sa pagpanhik sa itinalagang dako ng pagsamba. Kaya't ang serbisyong itinalaga ng Dios ay kinamuhian at pinabayaan sapagkat napaugnay sa mga kasalanan ng masasamang mga lalaki, samantalang yaong ang mga puso ay nakahilig sa kasamaan ay napatapang sa pagkakasala. Kawalan ng pagkilala sa Dios, malaking kasamaan, at maging ang pagsamba sa diyus-diyusan ay nanaig hanggang sa isang kakilalalabot na paglaganap. MPMP 681.2

Si Eli ay lubhang nagkamali sa pagpapahintulot sa kanyang mga anak upang maglingkod sa banal na tungkulin. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng dahilan sa kanilang ginagawa, sa isa at iba pang mapagbabatayan, siya ay naging bulag sa kanilang mga kasalanan; subalit sa wakas sila ay nakarating sa isang hangganan sa hindi na niya matatakpan ang kanyang mga mata mula sa kasamaan ng kanyang mga anak. Ang mga tao ay tumutol sa kanilang masasamang gawain, at ang punong saserdote ay nalungkot at nabagabag. Hindi na niya magawa pang manahimik. Subalit ang kanyang mga anak ay pinalaki na walang ibang iniisip kundi ang kanilang sarili, at ngayon ay wala silang pakialam sa kanino pa man. Nakita nila ang kalungkutan ng kanilang ama, subalit ang kanilang mga puso ay hindi nakilos. Narinig nila ang kanyang mahinahong mga babala, subalit iyon ay wala ng bisa para sa kanila, ni hindi nagpabago sa kanilang masamang gawain, bagaman sila ay binabalaan tungkol sa mga ibubunga ng kanilang kasalanan. Kung naging matuwid ang pakikitungo ni Eli sa kanyang mga anak, kanya sana silang inalis mula sa pagkasaserdote, at pinarusahan sila ng kamatayan. Sa takot sa paghahatid ng gano'ng kahihiyang pangmadla at paghatol sa kanila, ay pinanatili niya sila sa mga pinakabanal na gawaing ipinagkakatiwala. Pinahintulutan pa rin niya silang maipagpatuloy ang kanilang kasamaan sa banal na paglilingkod sa Dios, at makaapekto sa gawain ng katotohanan na ang sugat noon ay hindi maaalis ng mga taon. Subalit nang pinabayaan ng hukom ng Israel ang kanyang gawain, inilagay ng Dios ang bagay na iyon sa kanyang kamay. MPMP 681.3

“At naparoon ang isang lalaki ng Dios kay Eli, at sinabi sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Napakita ba ako ng hayag sa sambahayan ng iyong ama, nang sila'y nasa Ehipto sa pagkaalipin sa sambahayan ni Paraon? At pinili ko ba siya sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging saserdote Ko, upang maghandog sa Aking dambana, upang magsunog ng kamangyan, at upang magsuot ng epod sa harap Ko? at ibinigay Ko ba sa sangbahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ng Israel na pinaraan sa apoy? Bakit nga kayo'y tumututol sa Aking hain at sa Aking handog, na Aking iniutos sa Aking tahanan, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak ng higit kaysa Akin, upang magpakataba sa mga pina- kamainam sa lahat'ng mga handog ng Israel sa Aking bayan? Kaya't sinabi ng Panginoong Dios ng Israel, Aking sinabi nga na ang iyong sangbahayan, at ang sangbahayan ng iyong ama, ay lalakad sa harap Ko magpakailan man: ngunit sinasabi ngayon ng Panginoon, Malayo sa Akin; sapagkat yaong mga nagpaparangal sa Akin ay Aking pararangalin, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.... At Ako'y magbabangon para sa Akin ng isang tapat na saserdote, na gagawa ng ayon sa nasa Aking puso at nasa Aking pag- iisip: at ipagtatayo Ko siya ng panatag na sangbahayan; at siya'y lalakad sa harap ng Aking pinahiran ng langis, magpakailan man.” MPMP 682.1

Hinatulan ng Dios si Eli na nagparangal sa kanyang mga anak ng higit sa Panginoon. Pinahintulutan ni Eli na ang handog na itinalaga ng Dios, bilang isang pagpapala sa Israel, ay mawalan ng kabuluhan, sa halip na dalhin ang kanyang mga anak sa kahihiyan dahil sa hindi matuwid at kasuklam suklam na mga gawain. Yaong mga sumusunod sa sarili nilang mga hilig, sa bulag na pag-ibig sa kanilang mga anak, nagbibigay layaw sa kanila sa pagpapasya sa kanilang makasariling mga pagnanasa, at hindi inihahatid ang awtoridad ng Dios upang sumbatan ang kasalanan at ituwid ang kasamaan, ay nagpapahayag na kanilang pinarangalan ang kanilang mga anak ng higit sa pagpaparangal nila sa Dios. Higit na ninanasa nilang mapagtakpan ang kanilang karangalan kaysa maluwalhati ang Dios; higit na nagnanais mapaluguran ang kanilang mga anak kaysa mapaluguran ang Dios at maingatan ang paglilingkod sa kanya mula sa lahat ng anyo ng kasamaan. MPMP 682.2

Pinanagot ng Dios si Eli, bilang saserdote at hukom ng Israel, sa kalagayang pang moralidad at pang relihiyon ng kanyang bayan, at sa isang natatanging paraan para sa pagkatao ng kanyang mga anak. Sinubukan sana muna niyang pigilin ang kasamaan sa pamamagitan ng malumanay na mga paraan; subalit kung ang mga ito ay walang bisa, pinigil sana niya ang kasamaan sa pamamagitan ng pinaka- mahigpit na paraan. Ang Panginoon ay hindi nagkaroon ng kaluguran sa kanya dahil sa hindi pagsumbat sa kasalanan at hindi pagpaparusa sa nagkasala. Hindi siya maaaring pagkatiwalaan na panatilihing dalisay ang Israel sila na walang gaanong lakas ng loob upang sumbatan ang kasamaan, o dahil sa katamaran o kakulangan ng hilig ay hindi nagkakaroon ng taimtim na pagsisikap upang mapadalisay ang sambahayan o ang iglesya ng Dios, ay pananagutin sa kasama ang ibubunga ng kanilang pagpapabaya sa tungkulin. Tayo ay mananagot sa kasamaan na sana'y ating nasupil sa iba sa pamamagitan ng paggamit natin sa ating awtoridad bilang mga magulang o mga pastor, na tila ang mga kasamaang iyon ay ating ginawa. MPMP 683.1

Hindi pinangasiwaan ni Eli ang kanyang sambahayan ayon sa mga ipinag-utos ng Dios tungkol sa pamamahala sa sambahayan. Sinunod niya ang sarili niyang pagpapasya. Hindi pinansin ng nagmamahal na ama ang mga pagkakamali at mga kasalanan ng kanyang mga anak nang sila ay mga bata pa, nilinlang ang kanyang sarili na paglipas ng panahon ay mababago rin ang kanilang pagkahilig sa masama. Marami ngayon ang nakagagawa ng gano'n ding pagkakamali. Iniisip nila na sila ay may alam na higit na mabuting paraan ng pagpapalaki sa kanilang mga anak kaysa sa ibinigay ng Dios sa kanyang salita. Itinatanyag nila ang mga maling hilig na nasa kanila, na idinadahilan ang, “sila ay napaka bata pa upang maparusahan. Hintay muna hanggang sa sila'y tumanda ng kaunti, at maaari nang pagpaliwanagan.” Sa gano'ng paraan ang mga maling ugali ay napananatili upang tumibay hanggang sa ang mga iyon ay bahagi na halos ng kanilang likas. Ang mga bata ay lumalaki na hindi naba- bawalan, may mga likas ng pagkatao na panghabang buhay na magiging sumpa sa kanila, at maaaring makahawa pa sa iba. MPMP 683.2

Wala nang hihigit pang malaking sumpa sa isang sambahayan kaysa pagpapahintulot sa mga bata upang sundin ang sarili nilang kagustuhan. Kapag pinansin ng mga magulang ang bawat naisin ng kanilang mga anak at binigyang layaw sila sa alam nilang hindi makabubuti sa kanila, di magtatagal ang bata ay nawawala nang lahat ng galang sa kanilang mga magulang, at lahat ng pagpapahalaga sa awtoridad ng Dios at ng tao, at nagiging alipin ng kalooban ni Satanas. Ang impluwensya ng isang sambahayan na hindi mahusay na napapangasiwaan ay laganap, at nakasisira sa buong lipunan. Ito ay nabubuo ng isang alon ng kasamaan na nakasisira sa mga sambahayan, mga komyunidad, at mga pamahalaan. MPMP 684.1

Dahil sa posisyon ni Eli, ang kanyang impluwensya ay higit na laganap kaysa kung siya'y isang karaniwang lalaki lamang. Ang kanyang paraan ng pamumuhay sa sambahayan ay tinularan sa buong Israel. Ang nakasasamang mga bunga ng kanyang mapagpabaya, at mga paraang maibigin sa kaginhawahan ay nakita sa libu-libong mga tahanan na nahubog sa pamamagitan ng kanyang halimbawa. Kung ang mga bata ay bibigyang layaw sa masasamang gawain, samantalang ang mga magulang ay nag-aangking nagsasakabuhayan ng relihiyon, ang katotohanan ng Dios ay nadadala sa kahihiyan. Ang pinaka- mabuting subukan ng pagiging Kristiano ng isang tahanan ay ang uri ng likas na ibinubunga ng impluwensya noon. Ang mga kilos ay higit na mabisang saksi kaysa pinaka positibong pag-aangkin ng kabanalan. Kung ang mga nag-aangking may relihiyon, sa halip na magkaroon ng pagsisikap na taimtim, matiyaga, at totoong maingat sa pagsisikap upang magkaroon ng mahusay na napapangasiwaang sambahayan bilang isang patotoo sa kabutihan ng pananampalataya sa Dios, ay pabaya sa kanilang pamamahala, at mapagpalayaw sa mga masasamang kagustuhan ng kanilang mga anak, ginagawa nila ang tulad sa ginawa ni Eli, at sila'y naghahatid ng kahihiyan sa gawain ni Kristo, at kapahamakan sa kanilang mga sarili at sa kanilang mga sambahayan. Subalit gaano man kalaki ang kasamaan ng pagiging hindi tapat na mga magulang sa ilalim ng anumang kalagayan, ang mga yaon ay sampung ulit na higit ang kalakihan kung iyon ay nagaganap sa mga sambahayan na mga itinalaga bilang mga tagapagturo sa mga tao. Kung ang mga ito ay hindi makapangasiwa sa kanilang mga sambahayan, sila, sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, ay nagliligaw sa marami. Ang kanilang kasalanan ay higit kaysa iba sapagkat ang kanilang tungkulin ay may higit na pananagutan. MPMP 684.2

Nagkaroon ng pangako na ang sambahayan ni Aaron ay lalakad sa harap ng Dios magpakailan man; subalit ang pangakong ito ay naka- salalay sa kondisyon na kanilang itatalaga ang kanilang sarili sa gawain ng santuwaryo na may katapatan ng puso, at pararangalan ang Dios sa lahat ng kanilang mga gawa, hindi paglilingkuran ang sarili, ni hindi susunod sa sarili nilang masamang hilig. Si Eli at ang kanyang mga anak ay sinubok, at nasumpungan ng Panginoon na sila ay lubhang hindi karapat-dapat sa mataas na tungkulin ng mga saserdote sa paglilingkod sa Kanya. At ipinag-utos ng Panginoon, “Malayo sa Akin.” Hindi niya maaaring tuparin ang mabuting pinanukala Niya para sa kanila, sapagkat hindi nila natupad ang kanilang bahagi. MPMP 685.1

Ang halimbawa noong mga naglilingkod sa mga banal na bagay ay kinakailangang makaimpluwensya sa mga tao sa paggalang sa Dios, at may pagkatakot na magkamali sa Kanya. Kapag ang mga lalaking tumatayo “sa pangalan ni Kristo” (2 Corinto 5:20), upang sabihin sa mga tao ang pabalita ng Dios tungkol sa kaawaan at pakikipagkasundo ay gumamit sa banal na pagkakatawag sa kanila bilang isang balabal para sa makasarili o mahalay na kasiyahan, ginagawa nila ang kanilang mga sarili na pinakamabisang mga kasangkapan ni Satanas. Tulad ni Ophni at Phinees, sila ang nagiging sanhi upang gawing “walang kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.” Maaaring naipagpapatuloy nila ang kanilang masamang gawain na lihim sa ilang panahon; subalit kapag sa huli ang kanilang tunay na likas ay mahayag, ang pananampalataya ng mga tao ay mayayanig at malimit humahantong sa pagkasira ng kanilang pagtitiwala sa relihiyon. Sa isipan ay nagkakaroon ng hindi pagtitiwala sa lahat ng nag-aangking nagtuturo ng salita ng Dios. Ang pabalita ng tunay na lingkod ng Dios ay tinatanggap na may pag-aalinlangan. Ang tanong ay palaging babangon, “Hindi kaya maging tulad rin ang lalaking ito sa lalaking aming inisip na napakabanal, at nasumpungang makasalanan?” Sa gano'ng paraan ang salita ng Dios ay nawawalan ng kapangyarihan sa mga kaluluwa ng mga tao. MPMP 685.2

Sa panunumbat ni Eli sa kanyang mga anak ay may mga salitang solemne at nakapanghihilakbot ang kahalagahan—mga salita na maka- bubuting pag-isipan ng lahat ng naglilingkod sa mga banal na bagay: “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa iba, siya ay hahatulan ng hukom; ngunit kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan sa kanya?” Kung ang kanilang kasalanan ay nakasakit lamang sa kanilang kapwa, maaaring gumawa ng pakiki- pagkasundo ang hukom sa pamamagitan ng pagtatakda ng isang kaparusahan, at ipag-utos ang pagsasauli; at sa gano'ng paraan ang nagkasala ay maaaring mapatawad. O kung sila naman ay nagkasala ng kapangahasan, ang handog ukol sa kasalanan ay maaaring ipag- kaloob para sa kanila. Subalit ang kanilang kasalanan ay lubhang nakakapit sa kanilang paglilingkod bilang mga saserdote ng kataas- taasan, sa paghahandog ng sakripisyo ukol sa kasalanan, ang gawain ng Dios ay lubhang nalapastangan at hindi naigalang sa harap ng mga tao, na wala nang kabayaran pa ang maaaring tanggapin para sa kanila. Ang sarili nilang ama, bagaman isang punong saserdote, ay hindi nangahas mamagitan para sa kanila; hindi niya maaaring pigilan para sa kanila ang galit ng isang Banal na Dios. Sa lahat ng mga makasalanan, ang pinakamakasalanan ay yaong naghahatid ng pag- alipusta sa paraang ipinagkaloob ng langit para sa ikaliligtas ng tao —na “kanilang ipinapakong muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios, at inilalagay na muli Siya sa hayag na kahihiyan.” Hebreo 6:6. MPMP 686.1