Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA
Kabanata 51—Ang Pangangalaga ng Dios so Mahihirap
Upang mapatatag ang pagtitipon ng bayan para sa mga serbisyong pangrelihiyon, at upang makapaglaan para sa mga mahihirap, isang ikalawang ikapu ng lahat ng kita ay kinailangan. Tungkol sa unang ikapu, ay ipinahayag ng Panginoon, “Sa mga anak ni Levi, ay narito, Aking ibinigay ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel.” Mga Bilang 18:21. Subalit tungkol sa ikalawa ay Kanyang ipinag-utos, “Iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios, sa dakong Kanyang pipiliin na patatahanan sa kanyang pangalan, ang ikasampung bahagi ng iyong trigo, ng iyong alak at ng iyong langis, at ang mga panganay sa iyong bakahan at sa iyong kawan; upang mag-aral kang matakot sa Panginoon mong Dios na palagi.” Deuteronomio 14:23, 29; 16:11- 14. Ang ikapung ito o ang katumbas nito na salapi, sa loob ng dalawang taon ay kanilang dadalhin sa dakong kinatatayuan ng santuwaryo. Matapos magkaloob ng handog ng pagpapasalamat sa Dios, at isang itinakdang bahagi sa saserdote, ang matitira ay gagamitin ng mga nanunungkulan para sa isang piging na pangrelihiyon, kung saan ang levita, ang tagaibang lupa, ang walang ama, at ang babaeng balo ay nakikibahagi. Kaya't sa pamamagitan noon ay mayroong nakalaan para sa handog ng pagpapasalamat at mga kapistahan sa taun-taong mga pagtitipon, at ang mga tao ay naaakit makipisan sa mga saserdote at sa mga levita, upang sila ay makatanggap ng turo at ng pagpapasigla sa paglilingkod sa Dios. MPMP 625.1
Tuwing ikatatlong taon gano'n pa man, ang ikalawang ikapung ito ay ginagamit sa tahanan, sa pagtanggap sa Levita at sa mahihirap, batay sa sinabi ni Moises, “upang sila'y makakain sa loob ng iyong pintuang daan, at mabusog.” Deuteronomio 26:12. Ang ikapung ito ay nagsisilbing pangtustos sa kawang gawa at sa pagtanggap ng panauhin. MPMP 625.2
At ibayo pang paglalaan ang isinagawa para sa mga mahirap. Wala nang iba pa, matapos ang kanilang pagkilala sa pagmamay-ari ng Dios, na higit na nagtatanyag sa mga kautusang ibinigay ni Moises liban sa mapagbigay, mapagmahal, at espiritu ng pagiging mapag- tanggap sa mahihirap; Bagaman ang Dios ay nangako na lubos na pagpapalain ang Kanyang bayan, hindi Niya pinanukalang ang karuk- haan ay lubos na mawawala sa kanilang kalagitnaan. Kanyang ipinahayag na ang mahirap ay hindi kailan man mawawala sa lupain. Laging magkakaroon sa Kanyang bayan ng tatawag sa kanilang pakikiramay, pagmamahal, at pagiging mapagbigay. Noon, tulad rin ngayon, ang mga tao ay nakakaranas ng kasawiang palad, pagkakasakit, at pagkawala ng ari-arian; gano'n pa man, hanggat kanilang sinusunod ang mga tagubilin ng Dios, ay walang magpapalimos sa kanila, ni nagkaroon man nang nagdusa dahil sa kawalan ng pagkain. MPMP 625.3
Ang kautusan ng Dios ang nagbibigay ng karapatan sa mga mahirap para sa isang bahagi ng bunga ng lupain. Kapag nagugutom, ang isang tao ay may layang makatutungo sa bukid ng kanyang kapwa o kakahuyan o ubasan, at kumain ng butil o bunga upang ang kanyang gutom ay mapawi. Sang-ayon sa kautusang ito ang mga alagad ni Jesus ay pumitas at kumain ng butil samantalang sila'y dumadaan sa isang bukid nang araw ng Sabbath. MPMP 626.1
Ang lahat ng mapupulot sa bukid na pinag-anihan, o kakahuyan, at ubasan, ay para sa mahirap. “Pagka iyong aanihin ang iyong ani sa bukid,” wika ni Moises, “at nakalimot ka ng isang bigkis sa bukid, ay huwag mong babalikang kunin.... Pagka iyong papaspasan ang iyong puno ng olibo, ay huwag mong pagbabalikan ang mga nalagpasan.... Pagka ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, ay huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; magiging sa taga ibang bayan, sa ulila, at sa babaeng balo. At iyong aalalahanin na naging alipin ka sa lupain ng Ehipto.” Deuteronomio 24:19-22; Levitico 19:9, 10. MPMP 626.2
Tuwing ika pitong taon, ay mayroong espesyal na inilalaan para sa mahirap. Ang taon ng kapahingahan, gaya ng itinawag doon, ay nagsisimula matapos ang pag-aani. Sa panahon ng paghahasik na kasunod ng pag-ani, ang mga tao ay hindi dapat maghasik; hindi nila lilinisin ang ubasan para sa tagsibul; at hindi sila aasang aani ni mamumuti ng ubas. Doon sa kusang ibinubunga ng lupain sila ay maaaring kumain samantalang bagong pitas, subalit hindi marapat na kanilang itabi ang bahagi noon sa mga kamalig. Ang magiging bunga sa taong ito ay magiging walang bayad para sa mga taga ibang lupa, sa walang ama, at sa balo, at maging sa mga nilikhang nasa parang. Exodo 23:10, 11; Levitico 25:5. MPMP 626.3
Subalit kung ang lupain ay pangkaraniwang nagbubunga lamang ng sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga tao, paano sila kakain sa taon na walang pag-aani? Ukol dito ang pangako ng Dios ay naghahayag ng sasapat sa pangangailangan. “Aking igagawad ang Aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon,” wika Niya, “at magbubunga ng kasya sa tatlong taon. At maghahasik kayo sa ikawalong taon, at kakain kayo ng dating kinamalig na mga bunga hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa dumating ang pagbubunga ng ikawalo ay kakain kayo ng dating kinamalig.” Levitico 25:21, 22. MPMP 627.1
Ang pagtupad sa taon ng kapahingahan ay maging pagpapala kapwa sa lupain at sa bayan. Ang lupa, na hindi mabubungkal sa loob ng isang panahon, makalipas iyon ay higit pang magiging mabunga. Ang mga tao ay nagiging malaya sa mga gawain sa bukid; at bagamat maraming iba pang mga gawain na maaaring harapin sa panahong ito, ang lahat ay nagkakaroon ng ibayong kasiyahan sa mga oras na walang ginagawa, na nagbibigay ng pagkakataon upang manauli ang kanilang mga lakas ng pangangatawan na kakailanganin sa mga paggawa sa susunod na mga taon. Sila ay mayroong higit na panahon upang magmuni-muni at manalangin, upang mabatid para sa kanilang mga sarili ang mga turo at kautusan ng Panginoon, at sa pagtuturo sa kanilang mga sambahayan. MPMP 627.2
Sa taon ng kapahingahan ang mga aliping Hebreo ay kinakailangang palayain, at sila ay hindi kinakailangang paalisin na walang naging kabahagi. Ang ipinag-utos ng Panginoon ay: “At pagka iyong papag- papaalaming laya sa iyo, ay huwag mo siyang papagpapaalaming walang dala: Iyo siyang papagbabaunin na may kasaganaan ng bunga ng iyong kawan, at ng iyong giikan, at ng iyong pisaan ng ubas, kung paano ang ipinagpala sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay bibigyan mo siya.” Deuteronomio 15:13, 14. MPMP 627.3
Ang upa sa mga manggagawa ay kinakailangang maibigay sa oras: “Huwag mong pipighatiin ang isang nagpapaupang dukha at salat, maging siya'y sa iyong mga kapatid, o sa mga iyong taga ibang bayan na nangasa inyong bayan.... Sa kanyang kaarawan ay ibibigay mo sa kanya ang kanyang kaupahan, ni huwag lulubugan ng araw; sapagkat siya'y mahirap, at siyang inaasahan ng kanyang puso.” Deuteronomio 24:14,15. MPMP 627.4
Espesyal na mga utos ay ibinigay rin tungkol sa pakikitungo sa mga tumakas mula sa paglilingkod: “Huwag mong ibibigay sa kanyang panginoon ang isang aliping nagtanan sa kanyang panginoon na napasa iyo. Siya'y tatahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kanyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga pintuang daan na kanyang magalingin: huwag mo siyang pipighatiin.” Deuteronomio 23:15,16. MPMP 627.5
Para sa mahirap, ang ikapitong taon ay taon ng paglaya mula sa pagkakautang. Ang mga Hebreo ay pinag-utusang tumulong sa lahat ng panahon sa mga nangangailangan nilang mga kapatid sa pamamagitan ng pagpapahiram sa kanila ng salapi na walang patubo. Ang labis na pagpapatubo sa isang mahirap ay malinaw na ipinagbawal: “Kung maghirap ang iyong kapatid at manglupaypay sa iyong siping, ay iyo siyang aalalayan na patutuluyin mo, na manunuluyan sa iyong parang taga ibang bayan at nakikipamayan. Huwag kang kukuha sa kanya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Dios: patuluyin mo ang iyong kapatid. Ang iyong salapi ay huwag mong ibibigay sa kanya na may patubo, ni ibibigay mo sa kanya na may pakinabang ang iyong pagkain.” Levitico 25:35-37. Kung ang utang ay manatiling hindi nababayaran hanggang sa taon ng pagpapalaya, ang halaga ng inutang ay hindi na rin maibabalik. Ang bayan ay malinaw na binabalaan sa hindi pagtulong sa nangangailangan nilang kapatid dahil dito: “Kung magkaroon sa iyo ng isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid,...huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid.... Pag- ingatan mong huwag magkaroon ng masamang pag-iisip sa iyong puso, na iyong sabihin, Ang ikapitong taon, na taon ng pagpapatawad, ay malapit na; at ang iyong mata'y magsasama laban sa iyong dukhang kapatid at hindi mo siya bigyan; at siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo, at maging kasalanan sa iyo.” “Hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailan man: kaya't Aking iniutos sa iyo, na Aking sinasabi, Bubukhin mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain,” “at iyo ngang pauutangin siya ng sapat sa kanyang kailangan sa kanyang kinakailangan.” Deuteronomio 15:7-9, 11, 8. MPMP 628.1
Walang kinakailangang matakot na ang kanilang pagiging mapagbigay ay maaaring maghatid sa kanila sa pangangailangan. Ang pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Dios ay tiyak na nagbubunga ng kasaganahan. “Ikaw ay magpapautang sa maraming mga bansa, ngunit hindi ka mangungutang; ikaw ay magpupuno sa maraming bansa, ngunit hindi ka nila pagpupunuan.” Deuteronomio 15:6. MPMP 628.2
Makalipas ang “pitong sabbath ng taon,” “makapitong pitong taon,” ay sumasapit ang dakilang taon ng pagpapalaya—ang jubileo. “Pa- tutunugin ninyo ang pakakak sa buong lupain ninyo. At ipangingilin ninyo ang ikalimang pung taon, at ihahayag ninyo sa buong lupain ang kalayaan sa lahat ng tumatahan sa lupain: iya'y magiging kapistahan ng jubileo sa inyo; at bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang pag-aari, at bawat isa'y babalik sa kanyang sangbahayan.” Levitico 25:9, 10. MPMP 629.1
“Sa ikasangpung araw ng ika pitong buwan, sa araw ng Pagtubos,” ang pakakak ng jubileo ay pinatutunog. Sa buong lupain, saan man ang bayang Hudyo ay naninirahan, ang tunog ay naririnig, nana- nawagan sa lahat ng anak ni Jacob na salubungin ang taon ng kalayaan. Sa dakilang Araw ng Pagtubos nagsasagawa ng pagbabayad para sa mga kasalanan ng Israel, at may kagalakan ang pusong sinasalubong ng bayan ang jubileo. MPMP 629.2
Tulad rin sa taon ng kapahingahan, ang lupa ay hindi hinahasikan o inaanihan, at ang lahat ng nagiging bunga noon ay itinuturing na karapatang pag-aari ng mahirap. Ang ilang mga grupo ng mga aliping Hebreo—lahat ng hindi nagkaroon ng kanilang kalayaan sa taon ng sabbath—ay pinalalaya ngayon. Subalit ang bukod tanging nagbu- bukod sa taon ng jubileo ay ang pagsasauli ng lahat ng lupang pag- aari sa sambahayan ng orihinal na may-ari. Sa pamamagitan ng espesyal na tagubilin ng Dios and lupain ay hinati-hati sa pamamagitan ng pagtutoka. Matapos maisagawa ang pagbabahagi, walang sinoman ang may layang ipagpalit ang kanyang lupa. Ni hindi rin niya marapat na maipagbibili ang kanyang lupa malibang mapilitang gawin iyon dahil sa kahirapan, at kung magkagayon, kung sakaling naisin niya o ng kanyang malapit na kamag-anak na iyon ay tubusin, ang nakabili ay hindi dapat tumanggi na iyon ay ipagbili; at kung hindi natubos, iyon ay ibabalik sa unang may-ari noon o sa kanyang mga inanak sa taon ng jubileo. MPMP 629.3
Ipinag-utos ng Panginoon sa Israel: “Ang lupain ay hindi maipagbibili ng magpakailan man; sapagkat Akin ang lupain; sapagkat kayo'y taga ibang bayan at makikipamayang kasama Ko.” Levitico 25:23. Kinakailangang mapatanim sa isipan ng mga tao ang katotohanan na pag-aari ng Dios ang lupain na ipinahintulot na kanilang ariing pansamantala; na Siya ang tunay na may-ari, ang original na may karapatan, at Siya ay may natatanging pagbibigay pansin para sa mahirap at kapus-palad. Kinakailangang mapatanim sa isipan ng lahat na ang mahirap ay mayroon ding karapatan sa sanlibutan ng Dios tulad sa higit na mayaman. MPMP 629.4
Gano'n ang mga inilaan ng ating mahabaging Manlalalang, upang mabawasan ang paghihirap, upang maghatid ng ilang sinag ng pagasa, upang magparating ng ilang sikat ng araw sa dukha at sa kapus- palad. MPMP 630.1
Nais ng Dios maglagay ng isang pagtutuwid sa hindi angkop na pag-ibig sa pag-aari at sa kapangyarihan. Malaking mga kasamaan ang maaaring ibunga ng patuloy na pagkakamit ng kayamanan ng isang uri at kahirapan at pagkaapi ng isa. Kung walang ano mang pangpigil, ang kapangyarihan ng mayaman ay magiging isang mo- nopolyo, at ang mahirap, bagaman sa bawat aspeto ay gano'n din ang halaga sa harap ng Dios, sila ay kikilalanin at pakikitunguhan na parang nakabababa kaysa mga kapatid nilang higit na mayaman. Ang pagkadama ng ganitong pagkaapi ay pupukaw sa mga damdamin ng mahihirap. Magkakaroon ng pagkadama ng kawalan ng pag-asa at panlulupaypay na humahantong sa pagkasira ng lipunan, at nag- bubukas ng pinto sa iba't-ibang uri ng krimen. Ang mga patakarang itinatag ng Dios ay inihanda upang magpatibay sa pagkakapantay- pantay sa lipunan. Ang mga paglalaan ng taon ng kapahingahan at ng jubileo sa isang malaking banda ay magtutuwid doon sa mga nasira sa lipunan at pangpulitikong takbo ng pamumuhay sa bansa. MPMP 630.2
Ang mga patakarang ito ay inihanda upang maging pagpapala sa mayaman gano'n din sa mahirap. Pipigilin ng mga ito ang kaimbutan at ang hilig sa pagpaparangal sa sarili, at magpapasulong ng isang marangal na espiritu ng pagkamapagbigay; at sa pamamagitan ng pagtataas sa mabuting pagsasamahan at pagtitiwala sa pagitan ng lahat ng uri, kanilang itataas ang kaayusan sa lipunan, at katatagan ng pamahalaan. Tayong lahat ay magkakaugnay sa isang malaking habi ng sangkatauhan, at anuman ang ating magagawa upang maging pagpapala at makapagtaas sa iba ay babalik bilang mga pagpapala sa ating sarili. Ang batas ng pagdadamayan sa isa't isa ay kumikilos sa lahat ng uri ng tao sa lipunan. Ang mahirap ay hindi higit na nangangailangan ng tulong ng mayaman kaysa kung paanong ang mayaman ay nangangailangan ng tulong ng mahirap. Samantalang ang isang uri ay nakikibahagi sa mga pagpapalang ipinagkaloob ng Dios sa kapwa nilang higit na mayaman, ang isa naman ay nangangailangan ng matapat na paglilingkod, ng kapangyarihan ng pag-iisip, buto, at kalamnan na siyang puhunan ng mahirap. MPMP 630.3
Malaking mga pagpapala ang ipinangako sa Israel sa kondisyon ng pagiging masunurin sa mga ipinag-utos ng Panginoon. “Maglalagpak nga Ako ng ulan sa kapanahunan,” pahayag Niya, “at ang lupain ay pakikinabangan, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga. At ang inyong paggiik ay aabot sa pag-aani ng mga ubas, at ang pag-aani ng ubas ay aabot sa paghahasik: at kakanin ninyo ang inyong pagkain na sagana, at tatahan kayong tiwasay sa inyong lupain. At magbibigay Ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at walang katatakutan kayo: at Aking papawiin sa lupain ang mababangis na hayop, ni hindi dadaan ang inyong lupain sa tabak.... At lalakad Ako sa gitna ninyo at Ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging Aking bayan.... Ngunit kung hindi ninyo pakikinggan Ako, at hindi ninyo tutuparin ang lahat ng mga utos na ito; at...inyong sisirain ang Aking tipan:...maghahasik kayo ng inyong binhi na walang kabuluhan, sapagkat kakanin ng inyong mga kaaway. At itititig Ko ang Aking mukha laban sa inyo, at kayo'y masasaktan sa harap ng inyong mga kaaway: kayo'y pagpupunuan ng mga napopoot sa inyo; at kayo'y tatakas nang walang humahabol sa inyo.” Levitico 26:4-17. MPMP 631.1
Marami ang lubos na ipinaggigiitan na ang lahat ng tao ay kinakailangang magkaroon ng pare-parehong bahagi sa mga pangkasa- lukuyang mga pagpapala ng Dios. Subalit hindi ito ang layunin ng Manlalalang. Ang pagkakaiba ng kalagayan sa buhay ay isang paraan na sa pamamagitan noon ay panukala ng Dios na subukin at palaguin ang pagkatao. Gano'n pa man layunin Niya na yaong may mga pag- aari dito sa mundo ay ituturing ang kanilang mga sarili na pawang mga katiwala ng Kanyang mga yaman, pinagkatiwalaan ng kayamanan upang magamit para sa kapakanan ng naghihirap at ng nangangailangan. MPMP 631.2
Sinabi ni Kristo na tayo ay palaging magkakaroon ng kasamang mahirap, at iniuugnay Niya ang Kanyang pagmamalasakit doon sa mga naghihirap sa Kanyang bayan. Ang puso ng Tagatubos ay nakikiramay sa pinakamahirap at pinakaaba sa Kanyang mga anak sa lupa. Kanyang sinasabi sa atin na sila ang Kanyang mga kinatawan sa lupa. Kanyang inilagay sila sa ating kalagitnaan upang sa ating puso ay pumukaw ng pag-ibig na Kanyang nadarama para doon sa mga naghihirap at naaapi. Ang habag at pagiging mapagbigay na ipinakita sa kanila ay tinatanggap ni Kristo na ipinakita sa Kanya. Ang kalupitan o pagpapabaya sa kanila ay itinuturing na tila ginawa sa Kanya. MPMP 631.3
Kung ang kautusang ibinigay ng Dios alang-alang sa mahirap ay patuloy na naisakatuparan, kay laking kaibahan ng magiging kalagayan ng sanlibutan sa kasalukuyan, sa moralidad, sa espirituwalidad at sa pansamantalang pamumuhay! Ang pagkamakasarili at pagpapahalaga sa sarili ay hindi magiging tulad sa nahahayag ngayon, at sa halip ay magkakaroon ang bawat isa ng pag-ibig sa mabuting pagpapahalaga sa kaligayahan at kapakanan ng iba; at ang ganitong laganap na kahirapan tulad sa makikita ngayon sa maraming mga lupain, ay hindi mangyayari. MPMP 632.1
Ang mga prinsipyong ipinag-utos ng Dios, ay makapagpapaiwas sa maraming kasamaan na sa lahat ng mga panahon ay naging bunga ng pang-aapi ng mayaman sa mahirap, at sa paghihinala at galit ng mahirap sa mayaman. Bagamat ang mga iyon ay maaaring humadlang sa pagkamal ng malaking kayamanan, at pagpapahintulot sa karang- yaan, maiiwasan noon ang mga bunga noon na kakapusan ng kaalaman at pagkaapi ng sampu-sampung libo na ang paglilingkod na hindi halos nauupahan ay kinailangan upang magkaroon ng malalaking mga kayamanan. Ang mga ito ay maghahatid ng isang mapayapang solusyon sa mga suliranin na ngayon ay nagbabantang pumuno sa sanlibutan ng laganap na kaguluhan at pagdanak ng dugo. MPMP 632.2