Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

52/76

Kabanata 50—Ang mga Ikapu at mga Handog

Sa pamamalakad ng kabuhayan ng mga Hebreo, ang ikasampung bahagi ng kinikita ay ibinubukod para sa pangpublikong pagsamba sa Dios. Kaya't ipinahayag ni Moises sa Israel: “At lahat na ikasampung bahagi ng lupain, maging sa binhi ng lupain, o sa bunga ng punong kahoy ay sa Panginoon: magiging banal sa Panginoon.” “At lahat ng ikasampung bahagi sa bakahan o sa kawan,...magiging banal sa Panginoon ang ikasampung bahagi.” Levitico 27:30, 32. MPMP 619.1

Subalit ang pag-iikapu ay hindi nagmula sa mga Hebreo. Mula pa sa pinakaunang mga panahon ay inaangkin ng Panginoon ang ikapu na Kanya, at ang pag-aangking ito ay kinilala at iginalang. Si Abraham ay nagbigay ng ikapu kay Melquisedec, ang saserdote ng kataastaasang Dios. Genesis 14:20. Si Jacob nang siya ay nasa Betel, na isang pugante at isang lagalag, ay nangako sa Panginoon, “Lahat ng ibibigay mo sa akin ay walang pagsalang ang ikasangpung bahagi ay ibibigay ko sa iyo.” Genesis 28:22. Nang ang mga Israelita ay maitatatag na bilang isang bansa, ang batas tungkol sa pag-iikapu ay pinagtibay, bilang isa sa mga tuntuning itinakda ng Dios na doon ay nakasalalay ang kanilang pag-unlad. MPMP 619.2

Ang sistema ng pag-iikapu at paghahandog ay itinakda upang ikintal sa isip ng mga tao ang isang malaking katotohanan—na ang Dios ang pinagmumulan ng bawat pagpapala sa Kanyang mga nilalang, at sa Kanya nauukol ang pagpapasalamat ng tao para sa rnabubuting mga kaloob ng Kanyang awa at tulong. MPMP 619.3

“Siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay.” Gawa 17:25. Ipinahayag ng Panginoon, “Bawat hayop sa gubat ay Akin, at ang hayop sa libong burol.” Awit 50:10. “Ang pilak ay Akin at ang ginto ay Akin.” Hagai 2:8. At ang Dios ang nagbibigay ng kapangyarihan sa tao upang magkaroon ng kayamanan. Deuteronomio 8:18. Bilang pagkilala na ang lahat ng mga bagay ay nagmula sa Kanya, ipinag-utos ng Panginoon na ang isang bahagi ng kanilang kayamanan ay kinakailangang maisauli sa Kanya bilang mga kaloob at mga handog na gugugulin sa pagsamba sa Kanya. MPMP 619.4

“Ang ikapu...ay sa Panginoon.” Dito ang ginamit na pananalita ay tulad rin sa utos tungkol sa Sabbath. “Ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios.” Exodo 20:10. Ang Dios ay nagbukod para sa Kanyang sarili ng isang nilinaw na bahagi ng panahon at tinatangkilik ng tao, at walang sinuman ang maaaring gumamit sa alin man sa dalawang ito para sa kanyang sarili na hindi nagkakasala. MPMP 620.1

Ang ikapu ay itinalaga upang magamit ng mga Levita, ang lipi na ibinukod para sa paglilingkod sa santuwaryo. Subalit hindi ito sa anumang paraan ang hangganan ng pagbibigay para sa gawaing pang- relihiyon. Ang tabernakulo, gano'n din naman ang templo nang makalipas iyon, ay naitayo sa pamamagitan lamang ng mga malayang handog; at upang maglaan para sa mga pagpapaayos, at iba pang mga gastusin, ipinag-utos ni Moises na tuwing ang mga tao ay bi- bilangin, ang bawat isa ay kinakailangang magkaloob ng kalahating siklo para sa “paglilingkod sa tabernakulo.” Noong panahon ni Nehemias isang pagkakaloob ang ginagawa taun-taon para sa layuning ito. Tingnan ang Exodo 30:12-16; 2 Hari 12:4, 5; 2 Cronica 24:4-13; Nehemias 10:32, 33. Malimit, ang mga handog ukol sa kasalanan at sa pagpapasalamat ay dinadala sa Dios. Ang mga ito ay malakihang ipinagkakaloob sa taun-taong kapistahan. At ang pinakamalaking kaloob ay inilalaan para sa mga pulubi. MPMP 620.2

Bago pa man maibukod ang ikapu, ay mayroon nang pagkilala sa mga pag-aangkin ng Dios. Ang lahat ng mga unang bunga ng lupain, ay itinatalaga sa Kanya. Ang mga unang lana na makukuha sa mga tupa kapag ang mga iyon ay kinunan ng balahibo, ang mga butil kapag ang trigo ay giniik, una sa mga langis at sa alak, ay ibinubukod para sa Dios. Gano'n din naman ang mga panganay ng lahat ng mga hayop; at isang halagang pantubos ay ibinabayad para sa panganay na anak. Ang mga unang bunga ay kinakailangang dalhin sa Panginoon sa santuwaryo, at doon ay itinatalaga upang magamit ng mga saserdote. MPMP 620.3

Sa gano'ng paraan ang mga tao ay patuloy na napapaalalahanan na ang Dios ang tunay na nagmamay-ari ng kanilang mga bukid, mga kawan, at mga hayop; na Siya ang nagbibigay sa kanila ng sikat ng araw at ng ulan sa paghahasik ng binhi at sa pag-aani, at lahat ng kanilang tinatangkilik ay mga nilikha Niya at sila ay ginawang mga katiwala ng Kanyang mga kayamanan. MPMP 620.4

Samantalang ang mga lalaki ng Israel na may dalang mga unang bunga ng bukid at ng kakahuyan at ng ubasan ay natipon sa tabernakulo, mayroong isinasagawang pangpublikong pagkilala sa kabutihan ng Dios. Samantalang tinatanggap ng saserdote ang kaloob, ang naghahandog, na tila nagsasalita sa harap ni Jehova, ay nagsasabi, “Isang taga Siria na kamuntik nang mamatay ay ang aking ama;” at kanyang ilalarawan ang paninirahan sa Ehipto, ang pagpaparusang ginamit ng Dios upang ang Israel ay mailigtas “ng unat na bisig, at ng malaking kakilabutan, at ng mga tanda, at ng mga kababalaghan. At kanyang sasabihin: Kanyang dinala kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing binubukalan ng gatas at pulot. At ngayon, narito, aking dala ang mga una sa bunga ng lupa, na ibinigay mo sa akin, Oh Panginoon.” Deuteronomio 26:5, 8-11. MPMP 621.1

Ang mga kaloob na ipinag-utos sa mga Hebreo para sa gawaing pang relihiyon at sa kawang-gawa ay umaabot sa ikaapat na bahagi ng kanilang kita. Ang gano'n kabigat na pagbubuwis ay maaaring asahang maghatid ng karukhaan sa kanila; subalit, kabaliktaran noon, ang matapat na pagganap sa mga patakarang ito ay isa sa mga kun- disyon sa kanilang pag-unlad. Sa kundisyon ng kanilang pagiging masunurin, ay ipinangako ng Dios sa kanila ang ganito: “Aking sasawayin ang mananakmal dahil sa inyo, at hindi niya sisirain ang mga bunga sa inyong lupa; ni malalagasan man ng bunga sa di panahon ang inyong puno ng ubas sa parang.... At tatawagin kayo ng lahat na mga bansa na mapalad: sapagkat kayo'y magiging maligayang lupain, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” Malakias 3:11. MPMP 621.2

Isang malinaw na paglalarawan na ibinubunga ng makasariling pagkakait pati ng mga malayang handog mula sa gawain ng Dios, ay inihayag noong mga panahon ni propeta Hagai. Nang sila ay bumalik mula sa kanilang pagkabihag sa Babilonia, isinagawa ng mga Hudyo ang pagtatayong muli ng templo ng Panginoon; subalit nang sila ay harapin ng malakas na pagpigil ng kanilang mga kaaway, ay hindi nila ipinagpatuloy ang gawain; at isang matinding tagtuyo, na sa pamamagitan noon sila ay tunay na nangailangan, ang humikayat sa kanila na hindi nila maaaring matapos ang pagtatayo ng templo. “Hindi pa dumarating ang panahon,” wika nila, “ang panahon baga sa inyo na tumahan sa inyong nakikisamahang bahay, samantalang ang bahay na ito ay namamalaging wasak? Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Gunitain ninyo ang inyong mga lakad. Kayo'y nangaghasik ng marami, at nagsisiani ng kaunti; kayo'y nagsisikain, ngunit hindi kayo nagkaroon ng sapat; kayo'y nagsisiinom, ngunit hindi kayo nangapapatirang uhaw; kayo'y nangananamit, ngunit walang mainit; at yaong kumikita ng mga pinagarawan ay kumikita ng mga pinagarawan upang ilagay sa supot na may mga butas.” Hagai 1:2-6. At ang dahilan ay ibinigay: “Kayo'y nangaghintay ng marami, at, narito, ang dumating ay kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, aking hinipan. Bakit? sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dahil sa ang aking bahay ay nahahandusan na wasak, samantalang tumatakbo bawat isa sa inyo sa kani-kanyang sariling bahay. Kaya't dahil sa inyo, pinipigil ng langit ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang kanyang bunga. At ako'y nagpasapit ng pagkatuyo sa lupa, at sa mga bundok, at sa trigo, at sa alak, at sa langis, at sa sumisibol sa lupa, at sa mga tao, at sa baka, at sa lahat ng pinagpagalan ng mga kamay.” Talatang 9-12. “Pagka ang isa ay lumalapit sa isang bunton ng dalawampung takal, may sampu lamang; pagka ang isa ay lumalapit sa pigaan ng alak upang kumuha ng limangpung sisidlan, may dalawangpu lamang. Sinalot ko kayo ng pagkalanta at ng amag at ng granizo sa lahat ng gawa ng inyong mga kamay.” Hagai 2:16-19. MPMP 621.3

Nakilos ng mga babalang ito, ang mga tao ay gumayak upang itayo ang bahay ng Dios. At dumating ang salita ng Panginoon sa kanila: “Kayo'y magdilidili mula sa araw na ito at sa hinaharap, mula nang araw na ang tatagang-baon ng templo ng Panginoon ay ilagay,...mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo.” Hagai 2:18, 19. MPMP 622.1

Wika ng pantas na lalaki, “May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kay sa karampatan, ngunit nauuwi lamang sa pangangailangan.” Kawikaan 11:24. At ang gano'n ding liksyon ay itinuturo sa Bagong Tipan ni apostol Pablo: “Ang nag- hahasik ng bahagya na ay mag-aani namang bahagya na; at ang naghahasik na sagana ay mag-aani namang sagana.” “At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawat mabuting gawa.” 2 Corinto 9:6, 8. MPMP 622.2

Panukala ng Dios na ang Kanyang bayang Israel ay maging taga- paghatid ng liwanag sa lahat ng naninirahan sa lupa. Sa pagpapanatili sa pagsambang ito na pangpubliko sila ay naghahatid ng isang patotoo sa pagkakaroon at pagkamakapangyarihan sa lahat ng buhay na Dios. MPMP 622.3

At isang karapatan nilang panatilihin ang pagsambang ito bilang isang pagpapahayag ng kanilang katapatan at ng kanilang pag-ibig sa Kanya. Itinalaga ng Panginoon na ang pagpapalaganap ng liwanag at ng katotohanan sa lupa ay mapasalalay sa pagsisikap at mga kaloob noong mga nakikibahagi sa kaloob ng langit. Maaari sanang ginawa Niyang mga sugong tagapaghatid ng Kanyang katotohanan ang mga anghel; maaari sanang ipinahayag Niya ang Kanyang kalooban kung paanong ipinahayag Niya ang kautusan mula na Sinai, sa pamamagitan ng sarili niyang tinig; subalit sa Kanyang walang hanggang pag-ibig at karunungan ay tumawag Siya ng bayan upang maging mga kamang- gagawa niya, sa pamamagitan ng pagpili sa kanila upang magsagawa ng gawaing ito. MPMP 623.1

Noong mga panahon ng Israel ang ikapu at malayang mga handog ay kinailangan upang mapanatili ang mga serbisyo ng pagsamba sa Dios. Ang bayan ba ng Dios sa panahong ito ay kinakailangang magbigay ng higit na kakaunti? Ang prinsipyong inilahad ni Kristo ay kinakailangang ang ating mga handog sa Dios ay batay sa liwanag at mga karapatan na ating pinakikinabangan. “Sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya.” Lucas 12:48. Wika ng Tagapagligtas sa mga alagad, samantalang sila ay pinahahayo niya, “tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad.” Mateo 10:8. Samantalang ang ating mga pagpapala at mga karapatan ay pinararami—higit sa lahat, samantalang sa harap natin ay mayroong di napapantayang sakripisyo ng maluwalhating Anak ng Dios—hindi ba marapat na ang pagpapasalamat ay mabigkas sa pamamagitan ng saganang mga kaloob upang maparating sa iba ang pabalita ng kaligtasan? Ang gawain ng ebanghelyo, samantalang ito ay lumalaganap, ay nangangailangan ng higit na pangtustos kaysa kinailangan noong una; at ginagawa nitong higit na kailangang-kailangan ngayon ang batas tungkol sa mga ikapu at mga handog kaysa noong panahon ng mga Hebreo. Kung malugod na pananatilihin ng Kanyang bayan ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng kanilang malayang mga kaloob, sa halip na gumamit ng mga paraang hindi pang-Kristiano at hindi banal upang inapuno ang kabang yaman, ang Dios ay mapa- rarangalan, at marami pang mga kaluluwa ang mahihikayat kay Kristo. MPMP 623.2

Ang panukala ni Moises sa paglikom ng kakailanganin para sa pagtatayo ng tabernakulo ay lubhang naging matagumpay. Walang kinailangang pamimilit. Ni hindi Siya gumamit ng mga paraan na malimit ginagamit ng mga iglesia ngayon. Hindi Siya gumawa ng malaking piging. Hindi Niya inanyayahan ang mga tao sa mga pag- sasaya, pagsasayawan, at mga aliwan; ni hindi Siya nagsagawa ng pagsasapalaran, ni ano pa man na ganito rin na mababa ang uri, upang magkaroon ng pangtustos sa pagpapatayo ng tabernakulo ng Dios. Ipinag-utos ng Panginoon kay Moises na anyayahan ang mga anak ni Israel upang maghatid ng kanilang mga handog. Kanyang tatanggapin ang mga kaloob mula sa bawat isa na nagbibigay ng bukal sa loob, mula sa kanyang puso. At ang mga handog ay nagsi- dating ng gano'n na lamang karami kung kaya't ipinag-utos ni Moises na itigil na ang paghahatid, sapagkat sila ay nakapagkaloob na ng higit sa gagamitin. MPMP 623.3

Ang mga tao ay ginawa ng Dios na Kanyang mga katiwala. Ang pag-aari na Kanyang inilagay sa kanilang mga kamay ang pantustos na ipinagkaloob Niya para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Doon sa mga nasusumpungang mga tapat na katiwala Siya ay nagbibigay ng higit pang ipagkakatiwala. Wika ng Panginoon, “Yaong mga nag- paparangal sa Akin ay Aking pararangalin.” 1 Samuel 2:30. “Iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya,” at kapag ang Kanyang bayan na may nagpapasalamat na mga puso ay naghatid ng kanilang mga kaloob sa Kanya na “hindi mabigat ang loob, o dahil sa kailangan,” ang Kanyang pagpapala ay sasa kanila, ayon sa Kanyang ipinangako. “Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo Ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi Ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog Ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.” Malakias 3:10. MPMP 624.1