Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

54/76

Kabanata 52—Ang Taun-taong mga Kapistahan

Ang kabanatang ito ay batay sa Levitico 23.

Mayroong tatlong taunang pagtitipon ang buong Israel para sa pagsamba sa santuwaryo. Exodo 23:14-16. Ang Silo sa isang kapanahunan ang naging lugar para sa mga pagtitipong ito; subalit makalipas iyon ang Jerusalem ang naging sentro ng pagsamba ng bayan, at dito ang mga lipi ay nagtitipon para sa banal na mga kapistahan. MPMP 633.1

Ang bayan ay napapaligiran ng mabagsik at mapangdigmang mga tribo, na sabik sa pag-agaw sa kanilang mga lupain; gano'n pa man tatlong beses taun-taon ang lahat ng mga malalakas na kalalakihan, at lahat ng taong makapaglalakbay, ay tinagubilinang iwan ang kanilang mga tahanan, at magtungo sa lugar ng pagtitipon, malapit sa sentro ng lupain. Ano ang humahadlang sa kanilang mga kaaway mula sa paglusob sa mga hindi naiingatang mga tahanan, upang iyon ay sirain sa pamamagitan ng apoy at ng tabak? Ano ang hahadlang sa isang pagsalakay sa lupain, na maaaring maghatid sa Israel sa pagka- bihag sa dayuhang kalaban? Ang Dios ay nangako na siya ang magiging tagapag-ingat ng Kanyang bayan. “Ang anghel ng Panginoon ay humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa Kanya, at ipinagsasanggalang sila.” Awit 34:7. Samantalang ang mga Israelita ay nagtutungo sa pagsamba, ang kapangyarihan ng Dios ay naglalagay ng hadlang sa kanilang mga kaaway. Ang pangako ng Dios ay, “Aking palalayasin ang mga bansa sa harap mo, at Aking palalaparin ang iyong mga hangganan: at hindi pagnanasaan ng sinoman ang iyong lupain, pagka ikaw ay pumapanhik na humarap sa Panginoong iyong Dios, na makaitlo sa isang taon.” Exodo 34:24. MPMP 633.2

Una sa mga kapistahang ito, ang Paskua, ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura, ay ginaganap kung Abib, ang unang buwan ng taon ng mga Hudyo, katapat ng huling bahagi ng Marso at pasimula ng Abril. Tapos na ang taglamig, tapos na ang huling ulan, at ang buong nilikha ay nagagalak sa kasariwaan at kagandahan ng tagsibol. Ang damo ay luntian sa mga burol at mga libis, at ang ligaw na mga bulaklak sa lahat ng dako ay nagpapaganda sa mga parang. Ang buwan, na ngayon ay papalapit na sa kabilugan, ay nagpapasaya sa mga gabi. Iyon ang panahon na magandang inilarawan ng banal na mang-aawit: MPMP 633.3

“Ang tagginaw ay nakaraan;
Ang ulan ay lumagpas at wala na;
Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa;
Ang panahon ng pag-aawitan ng mga ibon ay dumarating,
At ang tinig ng bato-bato ay naririnig sa ating lupain;
Nahihinog ang sariwang mga bunga ng puno ng higos,
At ang mga puno ng ubas ay namumulaklak,
Kanilang pinahahalimuyak ang kanilang bango.” Awit ng mga Awit 2:11-13.
MPMP 634.1

Sa buong lupain, pulu-pulutong ng mga naglakbay ang nagtutungo sa Jerusalem. Ang mga pastol ng tupa mula sa kanilang mga kawan, ang mga tagapag-alaga ng hayop mula sa mga bundok, mga mangi- ngisda mula sa dagat ng Galilea, ang mga magsasaka mula sa kanilang mga bukid, at ang mga anak ng mga propeta mula sa mga banal sa mga paaralan—ang lahat ay patungo sa dako na kung saan ang presensya ng Dios ay nahahayag. Sila ay tumitigil sa mga pahingahan, sapagkat marami ang naglalakad. Ang mga pulutong ay patuloy na nadadagdagan, at malimit ay nagiging lubhang napakarami bago makarating sa Banal na Lungsod. MPMP 634.2

Ang kagalakan ng kalikasan ay pumupukaw ng kaligayahan sa puso ng mga Israelita, at pagpapasalamat sa Tagapagbigay ng lahat ng mabuti. Ang dakilang awit ng mga Hebreo ay inaawit, itinataas ang kaluwalhatian at kapangyarihan ni Jehova. Sa hudyat ng pakakak, kasabay ng tunog ng mga pompyang, ang koro ng pagpapasalamat ay maririnig, na pinalakas ng daan-daang mga tinig: MPMP 634.3

“Ako'y natutuwa nang kanilang sabihin sa akin,
Tayo'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon.
Ang mga paa natin ay nagsisitayo
Sa loob ng iyong mga pintuang bayan, Oh Jerusalem;...
Na inaahon ng mga lipi, sa makatuwid baga'y ng mga lipi ng Panginoon,...
Upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon....
Idalangin ninyo ang kapayapaan ng Jerusalem:
Sila'y magsisiginhawa na nagsisiibig sa iyo.” Mga Awit 122:1-6.
MPMP 634.4

Samantalang nakikita nila sa kanilang paligid ang mga burol na kung saan ang mga hindi kumikilala sa Dios ay nagtutungo upang magsunog sa kanilang mga dambana, ang mga anak ni Israel ay umaawit: MPMP 635.1

“Akin bang ititingin ang aking mga mata sa mga bundok?
Saan ba nanggagaling ang aking saklolo?
Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
Na gumawa ng langit at lupa.” Mga Awit 121:1, 2.
MPMP 635.2

“Silang nagsisitiwala sa Panginoon
Ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos,
kundi nananatili magpakailan man.
Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem,
Gayon ang Panginoon sa palibot ng Kanyang bayan,
Mula sa panahong ito at sa magpakailan man.” Mga Awit 125:1,2.
MPMP 635.3

Pagpanhik sa mga burol kung saan kanilang natatanaw ang banal na lungsod, sila ay tumitingin ng may banal na pagkamangha sa malalaking grupo ng mga magsisisamba na patungo sa templo. Kanilang nakikita ang usok ng insenso na tumataas, at samantalang kanilang naririnig ang tunog ng pakakak ng mga Levita na nagbabalita ng banal na serbisyo, kanilang nahahagip ang inspirasyon ng sandaling iyon at kanilang inaawit: MPMP 635.4

“Dakila ang Panginoon, at marapat pakapurihin,
Sa bayan ng aming Dios, sa Kanyang banal na bundok.
Maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
Siyang Bundok ng Sion, sa mga dako ng hilagaan,
Na bayan ng dakilang Hari.” Mga Awit 48:1, 2.
MPMP 635.5

“Kapayapaan nawa ang sumaloob ng inyong mga kuta,
At kaginhawahan sa loob ng iyong mga palasyo.”
MPMP 635.6

“Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran:
Aking papasukan, ako'y magpapasalamat sa Panginoon.”
MPMP 635.7

“Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon
Oo, sa harapan ng buo niyang bayan,
Sa mga looban ng bahay ng Panginoon,
Sa gitna mo, Oh Jerusalem,
Purihin ninyo ang Panginoon.” Mga Awit 122:7; 118:19; 116:18, 19.
MPMP 635.8

Ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem ay binubuksan para sa mga manlalakbay, at ang mga silid ay ipinagkakaloob na walang bayad; subalit iyon ay hindi sapat para sa lubhang napakaraming magpupulong, at ang mga tolda ay itinatayo sa bawat bakanteng dako ng lungsod at sa mga nakapaligid na mga burol. MPMP 636.1

Sa ikalabing apat na araw ng buwan, pagsapit ng gabi, ang Paskua ay ipinagdiriwang, ang banal, at makabagbag damdamin na mga seremonya noon na umaalaala sa pagliligtas mula sa pagkaalipin sa Ehipto, at tumutukoy sa hinaharap na sakripisyo na magliligtas mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Nang ibigay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay sa kalbaryo, ang kabuluhan ng Paskua ay tumigil na, at ang ordinansya ng Banal na Hapunan ang itinatag bilang alaala ng pangyayari ding iyon na inilarawan ng Paskua. MPMP 636.2

Ang Paskua ay sinusundan ng pitong araw na kapistahan ng tinapay na walang lebadura. Ang una at ikapitong araw ay mga araw ng banal na pagpupulong, kung kailan walang mabigat na gawain ang kinakailangang isagawa. Sa ikalawang araw ng kapistahan, ang mga unang bunga na inani sa taong iyon ay iniaalay sa Dios. Ang sebada ang pinakamaagang butil na inaani sa Palestina, at sa pagbubukas ng kapistahan iyon ay nagsisimula nang mahinog. Isang bigkis ng butil na ito ang niluluglog sa harap ng dambana ng Dios, bilang pagkilala na ang lahat ay Kanya. Ang mga ani ay hindi tinitipon hanggang hindi naisasagawa ang seremonyang ito. MPMP 636.3

Limampung araw mula sa paghahandog ng mga unang bunga, ay sumasapit ang Pentecostes, na tinatawag ring kapistahan ng mga ani at kapistahan ng mga sanlinggo. Bilang pagpapahayag ng pasalamat para sa mga butil na inihanda na pagkain, dalawang tinapay na nilutong may lebadura ang iniaalay sa Dios. Ang Pentecostes ay isinasagawa sa loob lamang ng isang araw, na nakatalaga sa banal na serbisyo. MPMP 636.4

Sa ika-pitong buwan ay sumasapit ang Kapistahan ng Tabernakulo, o ang pag-iipon. Ang pistang ito ay kumikilala sa mga pagpapala ng Dios sa bunga ng mga punong kahoy, ng mga olibo, at ng ubasan. Iyon ang huling kapistahan ng taon. Ang lupain ay nakapamunga na, ang mga ani ay natipon na sa mga kamalig, ang mga bungang kahoy, ang langis, at ang alak ay naitabi na, ang mga unang bunga ay naibukod na, at ngayon ang mga tao ay dumarating dala ang kanilang mga kaloob ng pagpapasalamat sa Dios, na nagbigay sa kanila ng maraming pagpapala. MPMP 636.5

Ang okasyong ito higit sa lahat ay isang pagkakaroon ng kagalakan. Iyon ay sumasapit makalipas lamang ang dakilang Araw ng Pagtubos, nang naibigay na ang katiyakan na ang kanilang mga kasalanan ay hindi na aalalahanin pa. May kapayapaan sa Dios, sila ngayon ay humaharap sa Kanya upang kilalanin ang Kanyang kabutihan, at upang purihin Siya sa Kanyang kaawaan. Sapagkat ang mga gawain sa pag-aani ay tapos na, at ang mga gawain sa bagong taon ay hindi pa nagsisimula, ang mga tao ay malaya mula sa mga pasanin, at maaaring maidulog ang kanilang sarili sa banal, at masayang im- pluwensya ng panahon. Bagaman ang mga ama at mga anak na lalaki lamang ang pinag-utusang dumulog sa mga kapistahan, gano'n pa man, hangga't maaari, ang buong sambahayan ay kinakailangang dumalo doon, at sa kanilang pagiging mapagtanggap pati ang mga alipin, mga Levita, ang taga ibang lupa, at ang mahirap ay tinatanggap. MPMP 637.1

Tulad ng Paskua, ang Pista ng mga Tabernakulo ay isang alaala. Bilang pag-alala sa kanilang lagalag na buhay sa ilang, kinakailangang iwan ng mga tao ang kanilang mga bahay, at manirahan sa mga kubol, o mga balag, na yari sa mga luntiang mga sanga “ng maga- gandang punong kahoy, ng mga sanga ng mga palma, at ng mga sanga ng mayayabong na punong kahoy, at ng mga sausa ng batis.” Levitico 23:40, 42, 43. MPMP 637.2

Ang unang araw ay isang banal na pagtitipon, at sa pitong araw ng kapistahan isang ikawalong araw ang idinadagdag, na ipinagdiriwang din sa ganong paraan. MPMP 637.3

Sa taun-taon na mga pagpupulong na ito ang puso ng mga matanda at ng bata ay mapasisigla sa paglilingkod sa Dios, samantalang ang pagsasama-sama ng mga tao mula sa iba't ibang bahagi ng lupain ay makapagpapatibay ng kanilang relasyon sa Dios at sa isa't isa. Magiging mabuti para sa bayan ng Dios sa kasalukuyan ang magkaroon ng isang Pista ng mga Tabernakulo—isang masayang pag- alaala sa mga pagpapala ng Dios sa kanila. Kung paanong ipinagdiwang ng mga anak ni Israel ang pagliligtas na ginawa ng Dios para sa kanilang mga ama, at ang mahiwagang pag-iingat sa kanila sa panahon ng kanilang mga paglalakbay mula sa Ehipto, gano'n din naman kinakailangan nating alalahanin ang iba't ibang paraan na Kanyang inihanda upang tayo ay mailabas mula sa sanlibutan, at mula sa kadiliman, ng kamalian tungo sa mahalagang liwanag ng Kanyang biyaya at katotohanan. MPMP 637.4

Para doon sa mga naninirahan sa malayo sa tabernakulo, mahigit sa isang buwan taun-taon ang maaaring nagugugol sa pagdalo sa mga kapistahan. Ang halimbawang ito ng pagtatalaga sa Dios ay kinakailangang magbigay diin sa kahalagahan ng pagsambang pangrelihiyon, at sa pangangailangang ipailalim ang ating mga makasarili, at pang mundong mga hilig doon sa mga espirituwal at pang walang hanggan. Ating pinalalala ang isang kakulangan kung ating kina- kaligtaan ang karapatan na makapagsama-sama upang magpalakas at magpasigla sa isa't isa sa paglilingkod sa Dios. Ang mga katotohanan ng Kanyang mga salita ay nawawalan ng linaw at kahalagahan sa ating mga isip. Ang ating mga puso ay hindi na naliliwanagan at nakikilos ng nagpapabanal na impluwensya, at ang ating espiritu- walidad ay bumababa. Sa ating ugnayan bilang mga Kristiano marami ang nawawala sa atin sa kakulangan ng pagdadamayan sa isa't isa. Siya na naglalayo sa kanyang sarili, ay hindi gumaganap sa gawaing pinanukala ng Dios para sa kanya. Tayo ay may tungkulin sa Dios at sa isa't isa. Ang tamang pagpapalago sa mga elemento ng pakikisama ng ating pagkatao ang naghahatid sa atin sa pakikiramay sa ating mga kapatid, at nagbibigay sa atin ng kaligayahan sa ating pagsisikap na mapagpala ang iba. MPMP 638.1

Ang Kapistahan ng mga Tabernakulo ay hindi lamang isang pag- alaala, kundi isang paglalarawan. Hindi lamang ito tumutukoy sa nakalipas na paglalakbay sa ilang, kundi, sa kapistahan ng pag-aani, ipinagdidiwang nito ang huling araw ng dakilang pagtitipon ng mga bunga ng lupa, at tumutukoy sa dakilang araw ng huling pagtitipon, kapag sinugo ng Panginoon ng pag-aani ang Kanyang mga tagapag- ani upang tipunin ang mga damong ligaw na susunugin, at ang mga trigo sa Kanyang bangan. Sa panahong iyon ang lahat ng masama ay pupuksain. At sila ay magiging “wari baga na sila'y hindi nangabuhay.” Obadias 16. At ang bawat tinig sa buong sansinukob ay magsasama- sama sa isang masayang pagpuri sa Dios. Wika ng revelador, “Ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nangasa mga ito, ay narinig kong nangagsasabi, sa kanya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan man.” Apocalipsis 5:13. MPMP 638.2

Ang bayan ng Dios ay nagpupuri sa Dios sa Kapistahan ng mga Tabernakulo, samantalang kanilang inaalala ang Kanyang kahabagan sa pagliligtas sa kanila mula sa Ehipto at ang Kanyang mapagmahal na pangangalaga sa kanila sa panahon ng kanilang buhay manglalakbay sa ilang. Sila ay nagagalak rin sa pagkabatid sa pagpapatawad at pagtanggap sa katatapos lamang na serbisyo sa Araw ng Pagtubos. Subalit kapag ang mga natubos ng Panginoon ay ligtas nang natipon sa makalangit na Canaan, habang panahon nang ligtas mula sa pagkaalipin sa sumpa, na dahil doon “ang buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin hanggang ngayon” (Roma 8:22), sila'y magagalak na may kagalakang hindi mabigkas at puno ng kaluwalhatian. Kapag naganap iyon ay tapos na ang dakilang gawain ng pagtubos ni Kristo para sa tao, at ang kanilang mga kasalanan ay panghabang panahon nang napawi. MPMP 639.1

“Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya;
At ang ilang ay magagalak, at mamumulaklak na gaya ng rosa.
Mamumulaklak na sagana, at magagalak ng kagalakan at awitan;
At ang kaluwalhatian ng Libano ay mapaparoon,
Ang karilagan ng Carmel at ng Saron;
Kanilang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon,
ang karilagan ng ating Dios.
Kung magkagayo'y madidilat ang mga mata ng bulag,
At ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan.
Kung magkagayo'y lulukso ang pilay na parang usa,
At ang dila ng pipi ay aawit:
Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig,
At magkakailog sa ilang.
At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa,
At ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig:...
At magkakaroon doon ng isang lansangan, at ng isang daan,
At tatawagin Ang Daan ng Kabanalan;
Ang maruini ay hindi daraan doon;
Kundi magiging sa Kanyang bayan:
Ang mga palalakad na tao, oo, maging ang mga mangmang,
ay hindi mangaliligaw roon.
Hindi magkakaroon ng leon doon,
O sasampa man doon ang anomang mabangis na hayop,
Hindi mangasusumpungan doon;
Kundi ang nangatubos ay lalakad doon:
At ang pinagtutubos ng Panginoon ay mangagbabalik,
At magsisiparoong nag-aawitan sa Sion
At walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo:
Sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan,
At ang kapanglawan at ang pagbubuntong hininga ay mapaparam.” Isaias 35:1, 2, 5-10
MPMP 639.2