Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

27/76

Kabanata 25—Ang Exodo

Ang kabanatang ito ay batay sa Exodo 12:34-51; 13 hanggang 15.

May bigkis sa kanilang mga baywang, sandalyas sa kanilang mga paa, at tungkod sa kanilang mga kamay, ang bayan ng Israel ay nagtindig, matahimik, lipos ng sindak, gano'n pa man ay umaasa, hinihintay ang iuutos ng hari na nagpapaalis sa kanila. Bago nagbu- kang liwayway, sila ay naglalakbay na. Sa panahon ng mga salot, samantalang ang mga pagpapahayag ng kapangyarihan ng Dios ay naghahatid ng pananampalataya sa puso ng mga alipin at naghaham- pas ng katakutan sa mga nang-aapi, ang mga Israelita ay unti-unting tinipon ang kanilang mga sarili sa Gosen, at sa pagsasaalang-alang ng kabilisan ng kanilang pag-alis, ay naglaan ng pangangailangan upang sila ay maorganisa at magkaroon ng kontrol ang pagkilos ng maraming mga tao, samantalang sila'y nababahagi sa mga pulutong, sa ilalim ng mga itinalagang pinuno. MPMP 331.1

At sila'y lumabas, “may anim na raang libong lalaki na naglakad, bukod pa ang mga bata. At isang karamihang sama-sama ang suma- ma rin namang kasabay nila.” Kasama sa karamihang ito hindi lamang yaong nakilos ng pananampalataya sa Dios ng Israel, kundi pati ang higit na nakararaming nagnais lamang makatakas mula sa mga salot, o kaya'y nadala ng pagkilos ng karamihan dahil lamang sa pagkabigla o pagkausyoso. Ang grupong ito ay parating hadlang at pahamak sa Israel. MPMP 331.2

Ang mga tao ay nagdala rin ng “mga kawan, at mga bakahan na napakaraming hayop.” Ang mga ito ay pag-aari ng mga Israelita, na kailan man ay hindi ipinagbili ang kanilang mga pag-aari sa hari, tulad sa ginawa ng mga Ehipcio. Si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagdala ng kanilang mga kawan at bakahan sa Ehipto, kung saan sila ay lubhang dumami. Bago iniwan ang Ehipto, ang bayan, sa utos ni Moises, ay naningil ng kabayaran para sa mga paglilingkod nilang di nabayaran; at ang mga Ehipcio ay naging sabik na sabik na maging malaya mula sa kanyang harapan kung kaya't hindi sila natang- gihan. Ang mga alipin ay humayo na maraming dalang samsam mula sa mga nang-aapi sa kanila. MPMP 331.3

Ang araw na iyon ang tumapos sa kasaysayang inihayag kay Abraham sa isang pang propetang pangitain ilang daang taon na ang nakalilipas: “Ang iyong binhi ay magiging taga ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at mangaglilingkod sa mga yaon; at pahihirapan apat na raang taon. At yaon namang bansang kanilang pagliling- kuran ay aking hahatulan: at pagkatapos ay aalis silang may malaking pag-aari.” Genesis 15:13, 14.(Tingnan ang Apendiks, Nota 3.) Ang apat na raang taon ay natapos na. “At nangyari nang araw ding yaon, na kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga huk- bo.” Sa kanilang pag-alis mula sa Ehipto ang mga Israelita ay nagdala ng isang mahalagang pamana, sa mga buto ni Jose, na matagal nang naghintay sa katuparan ng pangako ng Dios, na, sa loob ng madidilim na taon ng pagkaalipin, ay naging tagapagpaalaala sa pagliligtas sa Israel. MPMP 332.1

Sa halip na nagdaan sa daang deretso sa Canaan, na nasa lupain ng mga Filisteo, itinuro sa kanila ng Panginoon ang daan tungo sa timog, tungo sa mga pampang ng Pulang Dagat. “Sapagkat sinabi ng Dios, baka sakaling ang bayan ay magsisi pagkakita ng pagbabaka, at magsipagbalik sa Ehipto.” Kung nangahas silang magdaan sa Filistea, na itinuturing silang mga alipin na tumakas mula sa kanilang mga panginoon, ay maaaring hindi mag-atubiling makipagdigmaan sa kanila. Ang mga Israelita ay hindi handa upang humarap sa gano'ng makapangyarihan at paladigmang bayan. Mayroon lamang silang kaunting pagkakilala sa Dios at kaunting pananampalataya sa Kanya, at maaaring sila ay matakot at masiraan ng loob. Sila ay walang mga sandata at hindi sanay sa pakikipagdigma, ang kanilang kalooban ay batbat ng pagkaaba sa mahabang panahon ng pagkaalipin, at marami silang mga kasamang mga babae at mga bata, mga kawan at bakahan. Sa pag-aakay sa kanila tungo sa Dagat na Pula, inihayag ng Panginoon ang Kanyang sarili bilang isang Dios na mahabagin at makatarungan. MPMP 332.2

“At sila'y naglakbay mula sa Succoth, at humantong sa Etham, sa hangganan ng ilang. At ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap, upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi, ay sa isang haliging apoy, upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi. Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi humihiwalay sa harapan ng bayan.” Wika ng mang-aawit, “Kanyang inilatag ang ulap na pinakakubong; at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.” Mga Awit 105:39. Ting- nan rin ang 1 Corinto 10:1, 2. Ang watawat ng di nila nakikitang Pinuno ay sumasakanilang palagi. Sa araw pinangungunahan ng kanilang paglalakad o nakaladlad bilang isang kulandong sa itaas ng bayan. Nagsilbi iyong kanlungan sa nakasusunog na init, at sa pamamagitan ng kalamigan noon at mga hamog noon ay nagbibigay ng kapreskuhan sa tuyo at nakauuhaw na disyerto. Sa gabi iyon ay nagiging isang haliging apoy, nagbibigay liwanag sa kanilang kampa- mento at patuloy na nagbibigay sa kanila ng kasiguruhan ng presensya ng Dios. MPMP 332.3

Sa isa sa pinakamaganda at nakaaaliw na talata sa mga hula ni Isaias binanggit ang haligi ng ulap at ng apoy upang kumatawan sa pangangalaga ng Dios sa Kanyang bayan sa huling dakilang pakiki- paglaban sa mga kapangyarihan ng masama: “Ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong tahanan ng bundok ng Sion, at sa itaas ng kanyang mga kapulungan ng isang ulap at usok sa araw, at ng liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi: sapagkat sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang kubong na kayo. At mag- kakaroon ng kanlungan upang maging lilim sa kaarawan laban sa init, at upang maging kanlungan at kublihan sa bagyo at sa ulan.” Isaias 4:5, 6. MPMP 333.1

Tungo sa ibayo ng isang mapanglaw, at tulad sa disyertong ka- lawakan sila ay naglakbay. Nag-isip na sila kung saan kaya hahan- tong ang landas na kanilang tinatahak; sila ay napapagod na sa mahirap na daan, at sa puso ng ilan ay nagsimula nang bumangon ang takot sa paghabol ng mga Ehipcio. Subalit ang ulap ay nagpatuloy, at sila ay sumunod. At ngayon ay nag-utos ang Panginoon kay Moises upang pumihit tungo sa isang mabatong lugar na nasa pagitan ng dalawang bundok, at doon ay magkampo sa tabi ng dagat. Inihayag sa kanya na si Faraon ay hahabol sa kanila, subalit ang Dios ay pararangalan sa pagliligtas sa kanila. MPMP 333.2

Kumalat ang ulat sa Ehipto na ang mga anak ni Israel, sa halip na nanatili upang sumamba sa ilang, ay nagtuloy tungo sa Dagat na Pula. Inihayag ng mga tagapayo ni Faraon na ang kanilang mga alipin ay nagsitakas at hindi na magsisibalik. Ikinalungkot ng mga tao ang kanilang kahangalan sa pag-iisip na ang pagkamatay ng kanilang mga panganay ay dahil sa kapangyarihan ng Dios. Ang kanilang dakilang mga lalaki, nang mahimasmasan mula sa kanilang mga takot, ay nagsabing ang-mga salot ay bunga lamang ng likas na mga dahilan. “Ano itong ating ginawa, na ating pinayaon ang Israel, u- pang huwag na tayong mapaglingkuran?” ang kanilang mapait na sigaw. MPMP 333.3

Tinipon ni Faraon ang kanyang mga puwersa, “anim na raang piling karro, at lahat ng mga karro sa Ehipto,” mangangabayo, mga kapitan, at mga sundalo. Ang hari mismo, kasama ang dakilang mga lalaki ng kanyang kaharian ang nanguna sa lulusob na sandatahan. Upang kamtin ang kaluguran ng mga diyos, at nang sa gano'n ay makatiyak sa pagtatagumpay ng kanilang isasagawa, ang mga saser- dote ay sumama rin sa kanila. Ang hari ay nagpasiyang takutin ang mga Israel sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang kapangyarihan. Ipinangangamba ng mga Ehipcio na ang kanilang sapilitang pagsang-ayon sa Dios ng Israel ay maging sanhi ng pagkutya ng ibang mga bansa; subalit kung sila ngayon ay hahayo na may pagpa- pakita ng dakilang kapangyarihan at maibalik ang mga takas, ay kanilang matutubos ang kanilang kaluwalhatian, at maisasauli ang mga paglilingkod ng kanilang mga alipin. MPMP 334.1

Ang mga Hebreo ay nagkakampo sa tabi ng dagat, na ang tubig ay nagpapakita ng tila di matatawid na harang sa harap nila, samantalang sa gawing timog nila ay may isang malubak na bundok ang nakaharang sa kanila upang makatuloy. Nang bigla nilang nakita sa malayo ang nagniningning na mga sandata at kumikilos na mga karro na nagbabadya ng pagdating ng isang malaking sandatahan. Samantalang ang sandatahan ay lumalapit, ang hukbo ng Ehipto ay ganap na nakitang humahabol. Ang puso ng mga Israelita ay napuno ng takot. Ang ilan ay tumawag sa Panginoon, subalit ang higit na malaking bahagi ay nagmadaling pumunta kay Moises upang mag- reklamo: “Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang? Bakit ka gumawa ng ganito sa amin, na inilabas mo kami sa Ehipto? Di ba ito ang sinalita namin sa iyo sa Ehipto, na sinasabi, Pabayaan mo kami na makapaglingkod sa mga Ehipcio? Sapagkat lalong mabuti sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa kami ay mamatay sa ilang.” MPMP 334.2

Si Moises ay lubhang nagulumihanan na ang kanyang bayan ay nagpapahayag ng napakaliit na pananampalataya sa Dios, sa kabila ng ilang ulit nilang nasaksihang pagpapahayag ng Kanyang kapang- yarihan para sa kanila. Bakit nila ibinibintang sa kanya ang mga panganib at kahirapan ng kanilang kalagayan, samantalang sinunod lamang niya ang hayag na utos ng Dios? Totoo na walang posibleng kaligtasan malibang ang Dios ang mamagitan upang sila ay makawa- la; subalit sa pagkakadala sa ganitong kalagayan sa pagsunod sa iniu- tos ng Panginoon, si Moises ay hindi nakadama ng takot sa ano mang maaaring ibunga noon. Ang kanyang kalmante at naniniyak na tugon sa mga tao ay, “Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon: sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailan man. Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo'y tatahimik.” MPMP 334.3

Hindi isang madaling bagay ang pigilan ang buong Israel sa paghi- hintay sa harap ng Panginoon. Kulang sa disiplina at walang pagpi- pigil sa sarili, sila ay nagiging magulo at di makatuwiran. Sila'y umaasang mabilis na mahuhulog sila sa kamay ng mga nang-aapi sa kanila, at ang kanilang mga pag-iyak at pagsisisi ay malakas at tunay. Ang kahanga-hangang haligi ng ulap ay sinundan bilang hudyat ng Dios upang magpatuloy; subalit ngayon ay nagtatanong sila sa kanilang mga sarili kung hindi iyon nangangahulugan ng isang malaking kalamidad; sapagkat hindi ba sila nito inakay sa maling panig ng bundok tungo sa isang hindi madadaanang lugar? Kaya't ang anghel ng Dios para sa naguguluhan nilang pag-iisip ay nagmukhang taga- pagbadya ng kapahamakan. MPMP 337.1

Subalit ngayon, samantalang ang hukbo ng mga Ehipcio ay lumalapit sa kanila, umaasang madali silang mahuhuli, ang haligi ng ulap ay nagtindig sa mga langit, dumaan sa itaas ng mga Israelita at bumaba sa pagitan nila at ng sandatahan ng mga Ehipcio. Isang pader ng kadiliman ang pumagitna sa pagitan ng hinahabol at ng nanghahabol. Hindi na makita ng mga Ehipcio ang kampamento ng mga Hebreo, at sila'y napilitang tumigil. Subalit samantalang ang kadiliman ng gabi ay lumalalim ang pader na ulap ay naging isang dakilang liwanag para sa mga Hebreo, pinupuno ang buong kampamento ng liwanag ng araw. MPMP 337.2

At ang pag-asa'y nagbalik sa puso ng mga Israelita. At itinaas ni Moises ang kanyang tinig sa Panginoon “At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy na yumaon. At itaas mo ang iyong tung- kod, at iunat mo ang iyong mga kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo: at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo.” MPMP 337.3

Ang mang-aawit, sa paglalarawan ng pagtawid ng Israel sa dagat, ay umawit, “Ang daan Mo'y nasa dagat at ang mga landas Mo'y nasa malawak na tubig, at ang bakas Mo'y hindi nakikilala. Iyong pinapat- nubayan ang Iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.” Awit 77:19, 20. Nang itaas ni Moises ang kanyang tungkod ang mga tubig ay naghiwalay, at ang Israel ay nagdaan sa kalagitnaan ng dagat, sa ibabaw ng tuyong lupa, samantalang ang tubig ay naghitsurang mga pader sa dalawang panig. Ang liwanag mula sa haliging apoy ng Dios ay nagningning mula sa mga ulap at nagbigay liwanag sa daang inukit sa mga tubig ng dagat, at nawala sa kalabuan ang higit pang malayong pampang. MPMP 338.1

“At hinabol sila ng mga Ehipcio, at nagsipasok na kasunod nila, sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ni Faraon, ang kanyang mga karro, at ang kanyang mga nangangabayo. At nangyari, sa pagbaban- tay sa kinaumagahan, na minasdan ng Panginoon ang hukbo ng mga Ehipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipcio.” Ang mahiwagang ulap ay naging isang haliging apoy sa harap ng kanilang mga namamanghang mga mata. Umugong ang mga kulog at nagkislapan ang mga kidlat. “Ang mga alapaap ay naglagpak ng tubig; ang langit ay humugong: ang mga pana Mo naman ay nagsihilagpos. Ang tinig ng Iyong kulog ay nasa ipo-ipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayaig at umuga.” Awit 77:17, 18. MPMP 338.2

Ang mga Ehipcio ay kinapitan ng pagkalito at pagkatulala. Sa kalagitnaan ng galit ng mga elemento, kung saan narinig nila ang tinig ng isang nagagalit na Dios, sinikap nilang bumalik sa pampang na kanilang pinanggalingan. Subalit itinaas ni Moises ang kanyang tungkod, at ang napataas na tubig, na lumalagaslas, umuungol, at nasasabik para sa kanilang malalamon, ay mabilis na nagsanib at nilamon ang sandatahang mga Ehipcio sa maitim nilang kalaliman. MPMP 338.3

Nang magliwanag sa kinaumagahan nahayag sa karamihan ng mga Israelita ang lahat ng natira sa malakas nilang mga kalaban—mga bangkay na napadpad sa pampang. Mula sa pinakamatinding pa- nganib, ang isang gabi ay naghatid ng ganap na pagliligtas. Ang maraming iyon, na walang kakayanan—mga aliping di sanay sa dig- maan, mga babae, bata, at mga baka, sa harap nila ay ang dagat, at ang makapangyarihang sandatahan ng mga Ehipcio ang dumarating sa likuran—nakitang bukas ang kanilang landas sa mga tubig at ang kanilang mga kaaway ay nagapi sa mga sandali ng inaasahang pagta- tagumpay. Si Jehova lamang ang naghatid sa kanila ng kaligtasan, at sa Kanya humarap ang mga puso sa pagpapasalamat at pagsampala- taya. Ang kanilang damdamin ay nakasumpong ng paglalabasan sa pamamagitan ng pag-awit ng papuri. Ang Espiritu ng Dios ay napa kay Moises, at pinangunahan niya ang bayan sa isang pagtatagumpay na awit ng pagpapasalamat, ang kaunahan sa lahat at pinakamagan- dang natutunan ng tao. MPMP 338.4

“Ako'y aawit sa Panginoon,
sapagkat Siya'y nagtagumpay ng kaluwalu- walhati;
Ang kabayo at ang sakay niyaon ay Kanyang ibinulusok sa dagat.
Ang Panginoon ay aking lakas at awit,
At Siya'y naging aking kaligtasan:
Ito'y aking Dios, at Siya'y aking pupurihin;
Dios ng aking ama, at Siya'y aking tatanghalin.
Ang Panginoo'y isang mandirigma:
Panginoon ang Kanyang pangalan.
Ang mga karro ni Faraon at ang
kanyang hukbo ay ibinulusok Niya sa dagat;
At ang kanyang piling mga kapitan ay ipinaglulubog sa Dagat na Pula.
Ang mga kalaliman ang tumatabon sa kanila:
Sila'y lumubog sa mga kalaliman na parang isang bato.
Ang Iyong kanan, Oh Panginoon, ay maluwalhati sa kapangyarihan,
Ang Iyong kanan, Oh Panginoon, ay dumudurog ng kaaway....
Sinong gaya Mo, Oh Panginoon, sa mga diyos?
Sinong gaya Mo, maluwalhati sa kabanalan.
Nakasisindak na pagpuri, na gumagawa ng mga kababalaghan?...
Iyong pinapatnubayan sa Iyong awa ang bayan na Iyong tinubos:
Sa iyong kalakasan ay Iyong inihahatid sila sa banal Mong tahanan.
Narinig ng mga bayan at sila'y nanginig....
Sindak at gulat ang sumasakanila; sa kadakilaan ng Iyong
bisig ay nagiging walang kibo sila na parang bato;
Hanggang sa ang Iyong bayan ay makaraan, Oh Panginoon,
Hanggang sa makaraan ang bayang ito na Iyong kinamtan.
Sila'y Iyong papapasukin, at sila'y
Iyong itatayo sa bundok na Iyong pamana,
Sa dako, Oh Panginoon, na Iyong ginawa sa Iyo, upang Iyong tahanan.” Exodo 15:1-17
MPMP 339.1

Tulad sa tinig ng dakilang kalaliman, ay narinig mula sa malaking hukbo ng mga Israelita ang magandang papuring yaon. Iyon ay ina- wit ng mga kababaihan ng Israel, si Miriam, ang kapatid ni Moises ang nangunguna, samantalang sila'y nagpapatuloy na may pandereta at pagsayaw. Sa malayong ibayo ng ilang at dagat ay maririnig ang masayang himig, at inuulit ng alingawngaw ng mga bundok ang kanilang pagpuri—“Umawit sa Panginoon, sapagkat siya'y nagtagumpay ng kaluwaluwalhatian.” MPMP 340.1

Ang awit na ito at ang dakilang pagliligtas na ipinagdiriwang, ay lumikha ng damdaming kailan man ay hindi na maaalis mula sa ala- ala ng mga Hebreo. Sa habang panahon iyon ay inulit ng mga propeta at mga mang-aawit ng Israel, nagpapatotoong si Jehova ang kalakasan at kaligtasan noong mga nagtitiwala sa Kanya. Ang awit na iyon ay hindi lamang para sa mga Hudyo. Iyon ay tumutukoy sa hinaharap na pagkapuksa ng lahat ng kalaban ng katuwiran at huling pagtatagumpay ng Israel ng Dios. Nakita ng propeta ng Patmos ang nangakaputing karamihan na “nangagtagumpay,” nangakatayo sa “tabi ng dagat na bubog,” “na may mga alpa ng Dios at inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Dios, at ang awit ng Kordero.” Apocalipsis 15:2, 3. MPMP 340.2

“Huwag sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin, kundi sa Iyong pangalan ay magbigay Kang karangalan, dahil sa Iyong kagandahang loob, at dahil sa Iyong katotohanan.” Awit 115:1. Ganito ang espiri- tung dinadala ng awit ng Israel tungkol sa pagliligtas, at ito ang espiritung kinakailangang manahan sa puso ng lahat ng umiibig at natatakot sa Dios. Sa pagpapalaya sa ating mga kaluluwa mula sa pagiging alipin ng kasalanan, ang Dios ay nagsagawa para sa atin ng isang pagliligtas na higit doon sa ginawa para sa mga Hebreo sa Dagat na Pula. Tulad ng mga Israelita, kinakailangang purihin natin ang Panginoon sa pamamagitan ng ating mga puso, kaluluwa at tinig para sa Kanyang “kagila-gilalas na mga gawa sa mga anak ng tao.” Yaong mga nananahan sa dakilang mga kaawaan ng Dios, at hindi nagbabaliwala sa maliliit Niyang mga kaloob, ay nagsusuot ng bigkis ng kagalakan at gumagawa ng himig sa kanilang mga puso ukol sa Panginoon. Ang pang araw-araw na mga pagpapalang tinatanggap natin mula sa Dios, at higit sa lahat ang pagkamatay ni Jesus upang ihatid ang kaligayahan at ang langit sa kalagayang maaari nating maabot, ay kinakailangang maging isang paksa para sa patuloy na pagpapasalamat. Anong pagkahabag, anong pag-ibig na di mapan- tayan, ang ipinakita ng Dios sa atin, na mga waglit na mga ma- kasalanan, na tayo'y iniugnay sa Kanya, upang sa Kanya'y maging isang natatanging hiyas! Anong sakripisyo ang ginawa ng ating Tagapagtubos, upang tayo'y matawag na mga anak ng Dios! Kinakailangang purihin natin ang Dios para sa mapalad na pag-asa na inihaharap sa atin sa dakilang panukala ng pagtubos, kinakailangang purihin natin Siya para sa makalangit na mana at sa mayamang mga pangako Niya. Purihin Siya sapagkat si Jesus ay buhay upang ma- magitan para sa atin. MPMP 340.3

“Ang naghahandog ng haing pasasalamat,” sabi ng Manlalalang, “ay lumuluwalhati sa akin.” Awit 50:23. Ang lahat ng naninirahan sa langit ay nagkakaisa sa pagpuri sa Dios. Pag-aralan natin ang awit ng mga anghel ngayon, upang maawit natin ang mga iyon kapag tayo ay sumama sa kanilang nagniningning na kinaroroonan. Sabihin nating kasama ng mang-aawit, “Samantalang ako'y nabubuhay ay pupurihin ko ang Panginoon: ako'y aawit ng mga pagpuri sa aking Dios, samantalang ako'y may buhay.” “Purihin Ka ng lahat ng mga bayan, Oh Dios; purihin Ka ng lahat ng mga bayan.” Awit 146:2; 67:5. MPMP 341.1

Ang Dios sa pamamagitan ng Kanyang pagpatnubay ay dinala ang mga Israelita sa napapaligiran ng mga bundok sa harap ng dagat, upang maipakita Niya ang Kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila, at lubhang maibaba ang pagmamataas ng mga nang-aapi sa kanila. Maaari din sanang iniligtas Niya sila sa ibang paraan, subalit pinili Niya ang paraang ito upang subukin ang kanilang pananampalataya at palakasin ang kanilang pagtitiwala sa Kanya. Ang bayan ay pagod at natatakot, gano'n pa man kung sila'y nanatili nang sabihin ni Moises na magpatuloy, maaaring hindi binuksan ng Dios ang landas para sa kanila. Iyon ay “sa pananampalataya” “nagsidaan sila sa gitna ng Dagat na Pula na gaya ng sa lupang tuyo.” Hebreo 11:29. Sa kanilang paglusong sa tubig, kanilang ipinakita na kanilang pi- naniniwalaan ang salita ng Dios ayon sa pagkakahayag ni Moises. Ginawa nila ang lahat ng kanilang magagawa, at hinati ng Makapangyarihan ng Israel ang dagat upang magkaroon ng landas para sa kanilang mga paa. MPMP 341.2

Ang dakilang aral na itinuturo rito ay ukol sa lahat ng panahon. Malimit ang buhay Kristiano ay nilulusob ng mga panganib, at ang mga tungkulin ay tila mahirap harapin. Ang isip ay nagbubuo ng nagbabantang pagkapahamak sa harapan at pagkaalipin o kamatayan sa likuran. Gano'n pa man ang tinig ng Dios ay malinaw na nagsasa- bing, “magpatuloy.” Kinakailangang tayo ay sumunod sa utos na ito, bagaman hindi makatagos ang ating mga mata sa kadiliman, mada- ma man natin ang malamig na alon sa ating mga paa. Ang mga hadlang na nakaharang sa ating pagsulong ay di kailan man mawa- wala sa isang patigil-tigil at nag-aalinlangang espiritu. Yaong mga nagpapaliban ng pagsunod hanggang ang lahat ng anino ng kawalan ng katiyakan ay mawala at wala nang ano pa mang panganib ng pagkabigo o pagkatalo, ay talagang susunod. Ang di paniniwala ay bumubulong, “Tayo ay maghintay hanggang ang lahat ng mga hadlang ay maalis, at malinaw nating makikita ang ating dadaanan.” Subalit ang pananampalataya ay may katapangang ipinipilit ang pagsulong, lahat ay inaasahan, lahat ay pinaniniwalaan. MPMP 341.3

Ang ulap na naging kadiliman para sa mga Ehipcio ay naging isang malaking baha ng liwanag para sa mga Hebreo, nagbibigay liwanag sa buong kampamento, at nagbibigay ng kaliwanagan sa landas na nasa harap nila. Gano'n din naman ang pakikitungo ng Dios ay naghahatid ng kadiliman at kawalan ng pag-asa sa di suma- sampalataya, samantalang sa nagtitiwalang kaluluwa sila ay puno ng liwanag at kapayapaan. Ang landas na pag-aakayan ng Dios ay maaaring nasa disyerto o nasa dagat, subalit iyon ay ligtas na landas. MPMP 342.1