Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA

26/76

Kabanata 24—Ang Paskua

Ang kabanatang ito ay batay sa Exodo 11; 12:1-32.

Noong ang kahilingan tungkol sa pagpapalaya sa Israel ay unang inihayag sa hari ng Ehipto, ang babala tungkol sa pinakakilabot na salot ay ibinigay. Si Moises ay inutusan upang sabihin kay Faraon, “Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang Israel ay Aking anak, Aking panganay: At Aking sinabi sa iyo, Pahintulutan mong ang Aking anak ay yumaon, upang siya'y makapaglingkod sa Akin; at ayaw mo siyang payaunin, narito, Aking papatayin ang iyong anak, ang iyong panganay.” Exodo 4:22, 23. Bagaman hinahamak ng mga Ehipcio, ang mga' Israelita ay pinararangalan ng Dios, na sila ay ibinukod upang maging tagapag-ingat ng Kanyang mga utos. Sa natatanging pagpapala at karapatang ipinagkaloob sa kanila, sila ay may kahigitan sa mga bansa, tulad sa kahigitan ng panganay na anak sa mga mag- kakapatid. MPMP 322.1

Ang kahatulang unang ibinabala sa Ehipto, ang huling ipapataw. Ang Dios ay mapagtiis at mahabagin. Maingat Niyang inaalagaan ang mga nilikha ayon sa Kanyang wangis. Kung sa pagkawala ng kanilang mga ani at ng kanilang mga alagang baka at tupa ang mga Ehipcio ay nagsisi, hindi na sana namatay ang kanilang mga anak; subalit ang buong bansa ay may katigasan ang ulong tumanggi sa utos ng Dios, at ngayon ang pangwakas na hatol ay malapit nang ipataw. MPMP 322.2

Si Moises ay binawalan, lakip ang parusang kamatayan, sa muling pagpapakita kay Faraon; subalit isa pang pabalita ang kinakailangang maparating sa mapanghimagsik na hari, at muli si Moises ay hu- marap sa kanya, na may kakila-kilabot na pahayag: “Ganito ang sinasabi ng Panginoon, sa may hating gabi ay lalabas Ako sa gitna ng Ehipto: at lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay mamamatay, mula sa panganay ni Faraon, na nakaluklok sa kanyang luklukan, hanggang sa panganay ng aliping babae na nasa likuran ng gilingan; at ang lahat ng mga panganay sa mga hayop. At magkakaroon ng malakas na hiyawan sa buong lupain ng Ehipto, na hindi magkaka- roon pa ng katulad nito. Datapwat sa lahat ng anak ng Israel mula sa tao hanggang sa hayop, ay walang magagalaw kahit isang aso ng kanilang dila, laban sa tao o sa hayop: upang inyong makilala kung paano ang pagkakalagay ng pagkakaiba ng Panginoon sa mga Ehipcio at sa Israel. At babain ako nitong lahat na iyong lingkod, at magsisiyukod sa Akin, na magsasabi, Umalis ka, at ang buong bayan na sumusunod sa iyo: at pagkatapos niyaon ay aalis ako.” MPMP 322.3

Bago isakatuparan ang hatol na ito ang Panginoon sa pamamagitan ni Moises ay nagbilin sa mga anak ni Israel tungkol sa kanilang pag-alis mula sa Ehipto, at higit sa lahat tungkol sa kanilang kaligta- san mula sa darating na hatol. Ang bawat sambahayan, nag-iisa o kasama ng iba, ay kinakailangang pumatay ng isang tupa o batang kambing na “walang kapintasan,” at sa pamamagitan ng isang bigkis ng hisopo ay maglalagay ng dugo noon sa “dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan” ng bahay, upang ang mamumuksang anghel, na darating sa hating gabi, ay hindi pumasok sa tirahang iyon. Kanilang kakainin ang inihaw na laman noon, kasama ng tinapay na walang lebadura at mapait na gulay, gaya ng sabi ni Moises, “may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dali-dali: siyang Paskua ng Panginoon.” Ang Panginoon ay nagsabi: “Ako'y dadaan sa lupain ng Ehipto sa gabing yaon, at aking lilipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, maging tao at maging hayop; at gagawa Ako ng kahatu- lan.... At ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan: at pagka Aking nakita ang dugo, ay lalam- pasan Ko kayo, at walang salot na sasainyo, na papatay sa inyo, sa pananakit Ko sa lupaing Ehipto.” MPMP 323.1

Bilang pag-alaala sa dakilang pagliligtas na ito ay may isang ka- pistahang ipapangilin taon-taon ng mga Israelita sa lahat ng lahi sa hinaharap. “Ang araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdidiwang na pinakapista sa Panginoon; sa buong pana- hon ng inyong lahi ay inyong ipagdiriwang na pinakapista na bilang tuntunin magpakailan man.” Samantalang kanilang ipinagdiriwang ang kapistahan sa mga darating na mga taon, ay kanilang isasaysay sa kanilang mga anak ang kasaysayan ng dakilang pagliligtas na ito, ayon kay Moises: “Inyong sasabihin, Siyang paghain sa Paskua ng Panginoon, na Kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang Kanyang sugatan ang mga Ehipcio, at iniligtas ang aming mga sambahayan.” MPMP 323.2

Dagdag dito, ang panganay sa mga tao gano'n din sa mga hayop ay magiging sa Panginoon, na maibabalik lamang sa pamamagitan ng pagtubos, bilang pagkilala na nang ang mga panganay sa Ehipto ay namatay, ang sa Israel, bagaman naingatan, ay napasa ganoong kalagayan din kung di dahil sa pantubos na hain. “Lahat ng mga panganay ay sa Akin,” pahayag ng Panginoon, “sapagkat nang araw na Aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay Aking pinapaging banal sa Akin, ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at maging hayop: sila'y magiging Akin.” Mga Bilang 3:13. Matapos itatag ang paglilingkod sa santuwaryo pinili ng Panginoon ukol sa Kanya sa lipi ni Levi. “Sila'y buong nabigay sa Akin sa gitna ng mga anak ni Israel,” wika Niya. “Aking kinuha ang mga Levita na kapalit ng lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel.” Mga Bilang 8:16. Gano'n pa man, ang lahat ng mga tao, ay kinakailangan pa ring, sa pagkilala sa kahabagan ng Dios, ay magbayad ng halagang pantubos para sa panganay na anak. Mga Bilang 18:15, 16. MPMP 324.1

Ang Paskua ay magiging isang alaala at sagisag, hindi lamang tu- mutukoy sa nakaraang pagkaligtas mula sa Ehipto, kundi sa hinaha- rap na lalong dakilang pagliligtas na isasagawa ni Kristo sa pagliligtas sa Kanyang bayan mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Ang sakri- pisyong kordero ay kumakatawan sa “Kordero ng Dios,” na sa Kanya ang tangi nating pag-asa ng kaligtasan. Sabi ng apostol, “ang Kordero ng ating Paskua ay naihain na.” I Corinto. 5:7. Hindi sapat ang mamatay ang Kordero ng Paskua; ang dugo noon ay kinakailangang maiwisik sa mga haligi ng pintuan; gano'n din naman ang dugo ni Kristo ay kinakailangang mailapat sa kaluluwa. Tayo ay kinakailangang maniwala, hindi lamang na Siya ay namatay para sa sanlibutan, kundi Siya ay namatay para sa bawat isa sa atin. Kinakailangang iukol natin para sa ating mga sarili ang kabutihan ng sakri- pisyo Niyang pantubos. MPMP 324.2

Ang hisopo na ginamit sa pagwiwisik ng dugo ay sagisag ng pag- lilinis, kung kaya't ginagamit sa paglilinis ng ketongin at noong mga narumihan sa pagkakahipo sa patay. Sa dalangin ng mang-aawit ang kahalagahan noon ay makikita rin: “Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis: Hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.” Mga Awit 51:7. MPMP 324.3

Ang kordero ay ihahandang buo, kinakailangang wala ni isang buto ang mababasag; kaya wala ni isang buto ang mababasag sa Kordero ng Dios, na mamamatay para sa atin. Juan 19:36. Sa gano'ng paraan ay inihahayag din ang kalubusan ng sakripisyo ni Kristo. MPMP 327.1

Ang laman ay kinakailangang kainin. Hindi sapat kahit tayo ay maniwala kay Kristo upang patawarin ang kasalanan; kinakailangang sa pamamagitan ng pananampalataya tayo ay patuloy na tumatang- gap ng espirituwal na lakas at sustansya mula sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang salita. Sabi ni Kristo, “Maliban nang inyong kainin ang laman ng Anak ng tao, at inumin ang Kanyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay may buhay na walang hanggan.” Juan 6:53, 54. Upang ipaliwang ang Kanyang ibig sabihin ay sabi Niya'y “Ang mga salitang sinalita Ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.” Talatang 63. Tinanggap ni Jesus ang kautusan ng Kanyang Ama, isinakabuhayan ang mga alituntunin noon sa Kanyang buhay, inihayag ang espiritu noon, at ipinakita ang mapagpalang kapangyarihan noon sa puso. Sabi ni Juan, “Nagkatawang tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin, (at nakita namin ang Kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama,) na puspos ng biyaya at katotohanan.” Juan 1:14. Ang mga tagasunod ni Kristo ay kinakailangang maging kabahagi ng Kanyang karanasan. Kinakailangan nilang tanggapin at isakabuhayan ang salita ng Dios upang iyon ay maging layuning kapangyarihan ng buhay at pagkilos. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios sila ay kinakailangang mabago sa Kanyang wangis at ihayag ang mga katangian ng Dios, at kung hindi ay walang buhay sa kanila. Ang espiritu at gawain ni Kristo ay kinakailangang maging espiritu at gawain ng Kanyang mga alagad. MPMP 327.2

Ang kordero ay kinakailangang kainin na may kasamang mapait na gulay, bilang tumutukoy sa kapaitan ng pagkaalipin sa Ehipto. Gano'n din naman kung tayo'y kumain kay Kristo, iyon ay kinakailangang may pagsisisi ng puso, dahil sa ating mga kasalanan. Makahulugan din ang paggamit ng tinapay na walang lebadura. Iyon ay binanggit kalakip ng batas tungkol sa Paskua, at mahigpit na sinusunod ng mga Hudyo sa kanilang kaugalian, na walang lebadurang masusumpungan sa kanilang bahay sa panahon ng kapistahan. Gano'n din naman ang lebaruda ng kasalanan ay kinakailangang maalis sa lahat ng tatanggap ng buhay at sustansya mula kay Kristo. Kaya isinulat ni Pablo sa iglesia sa Corinto, “Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo'y maging bagong limpak.... Sapagkat ang Kordero ng ating Paskua ay naihain na, sa makatuwid baga'y si Kristo: kaya nga ipangilin natin ang pista, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura man ng masamang akala at ng kasamaan, kundi sa tinapay na walang lebadura ng pagtatapat at ng katotohanan.” 1 Corinto 5:7, 8. MPMP 327.3

Bago magkaroon ng kalayaan ang alipin ay kinakailangang magpa- hayag ng kanilang pananampalataya sa pagliligtas na malapit nang maganap. Ang tandang dugo ay kinakailangang mailagay sa kanilang mga bahay, at kinakailangang ihiwalay nila ang kanilang mga sarili mula sa Ehipcio, at matipon sa sarili nilang mga bahay. Kung ang mga Israelita ay sumuway sa alinman sa ipinag-uutos sa kanila, kung kinaligtaan nilang ihiwalay ang kanilang mga anak mula sa mga Ehipcio, kung sila'y pumatay ng kordero subalit kinaligtaang mag- wisik ng dugo noon sa haligi ng kanilang bahay, o kung may isang bumabad sa kanilang bahay, hindi sila magiging ligtas. Maaaring sila'y tapat na naniniwalang kanilang ginawa ang lahat ng kinakailangang gawin, subalit ang kanilang pagtatapat ay hindi makapagliligtas sa kanila. Ang lahat ng hindi sumunod sa utos ng Panginoon ay mawawalan ng kanilang panganay na anak sa kamay ng tagapuksa. MPMP 328.1

Sa pamamagitan ng pagsunod ang mga tao ay nagbibigay ng kati- bayan ng kanilang pananampalataya. Gano'n din naman ang lahat ng umaasang maliligtas sa pamamagitan ng kabutihan ng dugo ni Kristo ay kinakailangang makadama na sila ay may dapat gawin upang makamtan ang kanilang kaligtasan. Samantalang si Kristo lamang ang makatutulong sa atin mula sa kaparusahan ng pagsalangsang, tayo ay kinakailangang umalis mula sa pagkakasala tungo sa pagsunod. Ang tao ay kinakailangang maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng mga gawa; gano'n pa man ang kanyang pananampalataya ay kinakailangang mahayag sa pamamagitan ng kanyang mga gawa. Ibinigay ng Dios ang Kanyang Anak upang maging pambayad sa kasalanan. Kanyang inihayag ang liwanag ng katotohanan, ang daan ng buhay, nagbigay Siya ng mga kailangan, palatuntunan, mga karapatan; at ngayon ang tao ay kinakailangang makiisa sa mga kasangkapang ito ng pagliligtas; kinakailangan niyang pasalamatan at gamitin ang mga pantulong na ipinagkaloob ng Dios—ang paniwalaan at sundin ang mga utos ng Dios. MPMP 328.2

Samantalang sinasaysay ni Moises ang mga kaloob ng Dios para sa kanilang ikaliligtas, “ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.” Ang masayang pag-asa ng kaligtasan, ang nakakatakot na kaalaman nang nagbabantang hatol sa mga nang-aapi sa kanila, ang mga dapat alalahanin at gawin kaugnay ng mabilis nilang pag-alis—ang lahat sa panahong yaon ay nilamon ng pagpapasalamat sa mapagpala nilang Tagapagligtas. Marami sa mga Ehipcio ang naakay upang kumilala sa Dios ng mga Hebreo bilang natatanging tunay na Dios, at ang mga ito ngayon ay nakiusap na pahintulutang kumalong sa bahay ng mga Israelita sa panahon ng pagdaan ng tagapuksang anghel sa lupain. Sila ay malugod na tinanggap, at itinalaga nila ang kanilang mga sarili na mula ngayon ay maglilingkod na sila sa Dios ni Jacob at umalis mula sa Ehipto kasama ng Kanyang bayan. MPMP 329.1

Sinunod ng mga Israelita ang mga utos na ibinigay ng Dios. Mabilis at palihim na ginawa nila ang kanilang paghahanda para sa kani- lang pag-alis. Ang kanilang mga sambahayan ay tinipon, ang kor- derong panghandog sa paskua ay napatay na, ang laman ay inihaw na sa apoy, ang tinapay na walang lebadura at ang mapait na gulay ay naihanda na. Ang ama at saserdote ng sambahayan ay nagwisik na ng dugo sa mga haligi ng pinto at sumama sa kanyang sambahayan sa loob ng bahay. Sa pagmamadaling may katahimikan ang kordero ng paskua ay kinain. May sindak na nanalangin at nagbantay ang bayan, samantalang ang puso ng panganay ang pagkakasilang, mula sa mala- kas na lalaki hanggang sa maliit na bata, ay kumakabog na may di mailarawang pagkatakot. Yakap-yakap ng mga ama at ina ang mahal nilang panganay na anak samantalang iniisip ang kilabot na mangya- yari sa gabing iyon. Subalit walang tahanan ng mga Israelita ang dinalaw ng pumapatay na anghel. Ang tanda ng dugo—ang tanda ng pag-iingat ng Tagapagligtas—ay nasa mga pinto nila, at ang pumu- puksang anghel ay hindi pumasok doon. MPMP 329.2

Nang kinahatinggabihan ay “nagkaroon ng isang malakas na hiya- wan sa Ehipto: sapagkat walang bahay na di mayroong isang patay.” Ang lahat ng panganay sa lupain, “mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kanyang luklukan, hanggang sa panganay na bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop” ay pinatay ng mamumuksa. Sa buong malawak na kinasasakupan ng Ehipto ang pagmamataas ng bawat sambahayan ay ibinaba. Ang mga iyak at hagulgol ng mga nagdadalamhati ang pumuno sa kapaligiran. Ang hari at ang mga nanunungkulan sa palasyo, na namumutlang mga mukha at nanginginig na mga bisig, ay namangha sa di masawatang lagim. Naalaala ni Faraon kung paanong minsan ay sinabi niya, “Sino ang Panginoon na aking pakikinggan ang Kanyang tinig, upang pa- hintulutan kong yumaon ang Israel? Hindi ko nakikilala ang Panginoon at saka hindi ko pahihintulutang yumaon ang Israel.” Ngayon ang pagmamataas niyang humahamon sa kalangitan ay ibi- naba sa alabok, kanyang “tinawag si Moises at si Aaron sa kinagabi- han, at sinabi, Kayo'y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan kayo at sangpu ng mga anak ni Israel; at kayo'y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi. Dalhin ninyo kap- wa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi.... At kayo'y yumaon at pagpalain din naman ninyo ako.” Ang mga tagapayo at mga tao ay nagmakaawa din sa mga Israelita na umalis “lisanin ang lupang Ehipto; at kanilang sinabi, baka kaming lahat ay mamatay.” MPMP 329.3