Ang Kasaysayan ng MGA PATRIARKA at MGA PROPETA
Kabanata 23—Ang Mga Salot sa Ehipto
Ang kabanatang ito ay batay sa Exodo 5 hanggang 10.
Si Aaron, sapagkat hinudyatan ng mga anghel, ay humayo upang salubungin ang kanyang kapatid, na matagal nang nalayo sa kanya; at sila ay nagtagpo sa kalagitnaan ng malungkot na ilang, malapit sa Horeb. Dito sila nag-usap, at sinabi ni Moises kay Aaron “ang lahat ng salita ng Panginoon, na ipinagbilin sa kanyang sabihin, at ang lahat ng tandang ipinagbilin sa kanyang gawin.” Exodo 4:28. Mag- kasama silang nagtungo sa Ehipto; at nang makarating sa Gosen, ay kanilang tinipon ang mga matanda sa Israel. Inulit ni Aaron sa kanila ang lahat na sinabi ng Dios kay Moises, at ang lahat ng mga tandang ibinigay ng Dios kay Moises ay ipinakita sa harap ng bayan. “At ang bayan ay naniwala: at nang kanilang marinig na dinalaw ng Panginoon ang mga anak ni Israel, at Kanyang nakita ang kanilang kapighatian, at iniyukod nga nila ang kanilang mga ulo at sumamba.” Talatang 31. MPMP 303.1
Si Moises ay inatasan ding maghatid ng balita sa hari. Ang magka- patid ay pumasok sa palasyo ng mga Faraon bilang kinatawan ng Hari ng mga hari, at sila'y nagsalita sa Kanyang pangalan: “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bayaan mong ang Aking bayan ay yumaon upang ipagdiwang nila Ako ng isang kapistahan sa ilang.” MPMP 303.2
“Sino ang Panginoon na aking pakikinggan ang kanyang tinig?” tanong ng hari; “Hindi ko nakikilala ang Panginoon at saka hindi ko pahihintulutang yumaon ang Israel.” MPMP 303.3
Ang kanilang sagot ay, “Ang Dios ng mga Hebreo ay nakipagtag- po sa amin: pahintulutan mo nga kaming maglakbay ng tatlong araw sa ilang, at maghain sa Panginoon naming Dios, baka hulugan Niya kami ng salot o ng tabak.” MPMP 303.4
Ang mga balita tungkol sa kanila at sa pansing iniuukol sa kanila ng mga tao ay nakarating na sa hari. Nag-alab ang kanyang galit. “Bakit kinakalagan ninyo, Moises at Aaron, ang bayan sa kanilang mga gawain?” wika niya. “Pumaroon kayo sa mga atang sa inyo.” Ang kaharian ay nakadarama na ng pagkalugi dahil sa pakikialam ng mga dayuhang ito. Sa kaisipang ito ay kanyang idinagdag, “Narito, ang mga tao sa lupain ay marami na ngayon, at inyong pinapagpahinga sila sa mga atang sa kanila.” MPMP 303.5
Sa kanilang pagkaalipin ang mga Israelita sa ilang banda ay nawa- lan na nang kaalaman tungkol sa mga utos ng Dios, at sila ay nagsi- layo na sa mga iniuutos noon. Ang Sabbath ay kinaligtaan na ng karamihan, at sa mga ipinagagawa sa kanilang mga tagapag-atang naging mahirap para sa kanila ang ipangilin iyon. Subalit ipinahayag ni Moises sa kanyang bayan na ang pagsunod sa Dios ang unang kundisyon ng pagliligtas; at ang mga pagsisikap upang maipangilin ang Sabbath ay napuna ng mga nangaapi sa kanila.(Tingnan ang Apendiks, Nota 1.) MPMP 304.1
Ang hari, sa ganap na pagkilos, ay inisip na ang mga Israelita ay may panukalang maghimagsik sa paglilingkod sa kanya. Ang di pag- kasiya ang sanhi ng hindi paggawa; titiyakin niyang walang panahon silang magagamit upang makapagpanukala ng gano'ng mapanganib na layunin. At kaagad siyang gumawa ng hakbang upang pahigpitin ang kanilang paggawa at supilin ang kanilang espiritu ng pagiging malaya. Nang araw ding yaon ay nagkaroon ng utos na ang kanilang mga atang ay higit pang gawing malupit at mapagpahirap. Ang pang- karaniwang ginamit na materiales sa paggawa ng gusali sa bansang iyon ay ang tinutuyo sa araw na laryo; ang mga pader ng pinakama- gandang gusali ay yari dito, at linalagyan ng bato sa harap; at ang paggawa ng laryo ay nangangailangan ng maraming bilang ng mga alipin. Tinutuyong damo na inihahalo sa putik, upang magdikit- dikit, at maraming damo ang kailangan para sa gawain; iniutos ngayon ng hari na hindi na magbibigay ng tinuyong damo; ang mga manggagawa na ang maghahanap ng mga yaon para sa kanilang sarili, samantalang gano'n ding bilang ng mga laryo ang kinakaila- ngan nilang gawin. MPMP 304.2
Ang utos na ito ay lumikha ng malaking pagkalito sa mga Israelita sa buong lupain. Ang mga Ehipciong tagapag-atang ay naglagay ng mga Hebreo upang subaybayan ang paggawa ng bayan. At ang mga tagasubaybay na ito ang nananagot sa mga ginawa ng nasasakupan nila. Nang ang utos ng hari ay ipinatupad, ang bayan ay kumalat sa buong lupain upang mamulot ng mga pinaggapasan sa halip na tinuyong damo; subalit nasumpungan nilang mahirap ang magawa nila ang gano'n din karaming magagawa. Dahil dito ang mga Hebreong tagasubaybay ay mahigpit na sinaktan. MPMP 304.3
Inisip ng mga tagasubaybay na ang pang-aapi ay galing sa kanilang mga tagapag-atang at hindi sa hari; at sila'y nagtungo sa kanya upang magsumbong. At ang kanilang daing ay sinagot ng: “Kayo'y mga pagayon-gayon: kaya't inyong sinasabi, Bayaan mo kaming yumaon at maghain sa Panginoon.” Sila ay inutusang magbalik sa kanilang mga gawain, na may pahayag na ang kanilang gawain ay hindi baba- wasan. Sa kanilang pagbalik, kanilang nakasalubong si Moises at si Aaron, at sinabi sa kanila, “Kayo nawa'y tunghan ng Panginoon, at hatulan; sapagkat ang aming katayuan ay ginawa n'yong nakakamuhi sa mga mata ni Faraon, at sa mga mata ng kanyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang mga kamay upang kami ay patayin.” MPMP 305.1
Samantalang si Moises ay nakikinig sa mga paninising ito siya ay lubhang napighati. Ang paghihirap ng mga tao ay higit na nadagda- gan. Sa buong lupain ay nagkaroon ng pag-iyak ng kawalan ng pag- asa mula sa mga matanda at mga bata, at ang lahat ay nagkaisa sa pagpaparatang sa kanya sa nakapipinsalang pagbabago sa kanilang kalagayan. Sa kapighatian siya ay humarap sa Panginoon, na umii- yak, “Panginoon, bakit Mo ginawan ng kasamaan ang bayang ito? Bakit Mo sinugo ako? Sapagkat mula nang ako'y pumaroon kay Faraon na magsalita sa Iyong pangalan, ay kanyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito; at ni hindi Mo man iniligtas ang iyong bayan.” Ang tugon ay, “Ngayo'y iyong makikita kung ano ang gagawin Ko kay Faraon: sapagkat sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay payayaunin niya sila sa kanyang lupain.” At muli ay ipinaalaala sa kanya ang tipan ng Dios sa mga ama, at tiniyak na iyon ay matutu- pad. MPMP 305.2
Sa panahon ng pagkaalipin sa Ehipto ay mayroong ilan sa mga Israelita ang nanatili sa pagsamba kay Jehova. Ang mga ito ay lubos na nalungkot sa tuwing minamasdan nila ang kanilang mga anak araw-araw na nasasaksihan ang karumihan ng mga hindi kumildlala sa Dios, at yumuyukod na rin sa kanilang mga diyus-diyusan. Sa kanilang kawalan ng pag-asa sila ay tumawag sa Panginoon upang iligtas sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, upang sila'y makalaya sa nakakahawang impluwensya ng pagsamba sa mga diyus-diyusan. Hindi nila ikinubli ang kanilang pananampalataya, sa halip ay inihayag sa mga Ehipcio na ang kanilang sinasamba ay ang Manlalalang ng langit at ng lupa, ang natatanging tunay at nabubuhay na Dios. Binanggit nila ang mga katibayan tungkol sa Kanya at sa Kanyang kapangyarihan, mula sa paglalang hanggang sa mga araw ni Jacob. Kung kaya ang mga Ehipcio ay nagkaroon ng pagkakataon upang makilala ang relihiyon ng mga Hebreo; subalit sa pag-iwas na sila'y maturuan ng kanilang mga alipin, ay sinikap nilang akitin ang mga sumasamba sa Dios sa pamamagitan ng mga kaloob, at, sa pagkabigo dito, sa pama-magitan ng pananakot at kalupitan. MPMP 305.3
Sinikap ng mga matanda sa Israel na papanatilihin ang lumulubog na pananampalataya ng kanilang mga kapatid sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa mga pangako sa kanilang mga ama, at ang maka- propetang pananalita ni Jose bago siya mamatay, naghahayag ng kanilang paglaya mula sa Ehipto. Ang ilan ay makikinig at manini- wala. Ang iba naman, sa pagtingin sa kalagayang nasa palibot nila, ay tumangging magka pag-asa. Ang mga Ehipcio, nang marinig ang sinasabi ng kanilang mga alipin, hinamak ang kanilang pag-asa at mapanglibak na tinanggihan ang kapangyarihan ng kanilang Dios. Binanggit nila ang kanilang kalagayan bilang isang bansa ng mga alipin, pakutyang sinabi, “Kung ang inyong Dios ay makatarungan at mahabagin, at may kapangyarihang higit sa kapangyarihan ng mga diyos ng Ehipto, bakit hindi niya kayo gawing isang malayang bayan?” Binigyang pansin nila ang sarili nilang kalagayan. Sila ay sumasamba sa mga diyos na tinatawag ng mga Israelitang hindi tunay na Dios, gano'n pa man sila ay isang mayaman at makapangyarihang bansa. Kanilang sinabi na ang kanilang mga diyos ang nagpala sa kanila ng pagiging maunlad, at ibinigay sa kanila ang mga Israelita bilang mga alipin, at sila ay nagmalaki sa kanilang kapangyarihan upang mang-api at pumatay ng mga sumasamba kay Jehova. Si Faraon mismo ay nagmalaki na ang Dios ng mga Hebreo ay hindi makapag- papalaya sa kanila mula sa kanyang mga kamay. MPMP 306.1
Ang mga salitang tulad nito ay sumira sa kalooban ng marami sa mga Israelita. Ang kalagayan ay naging tulad sa sinasabi ng mga Ehipcio. Totoo na sila'y mga alipin, at kinakailangan pagdusahan ang ano mang ipataw sa kanila ng kanilang malulupit na mga tagapag-atang. Ang kanilang mga anak ay pinaghahanap at pinatay, at ang sarili nilang mga buhay ay pawang kabigatan. Gano'n pa man sila ay sumasamba sa Dios ng langit. Kung si Jehova ay tunay na higit sa lahat ng mga diyos, tiyak na hindi niya sila iiwan sa pagkaalipin sa mga sumasamba sa diyus-diyusan. Subalit yaong mga tapat sa Dios ay nakababatid na ang dahilan noon ay ang pagtalikod ng Israel mula sa Kanya—dahil sa kanilang hilig na mag-asawa ng hindi ku- mikilala sa Dios, kaya't naakay sa pagsamba sa mga diyus-diyusan— kung kaya't pinahintulutan ng Dios na sila ay maging mga alipin; may katiyakan nilang pinasigla ang kanilang mga kapatid at di mag- tatagal Kanyang aalisin ang pamatok ng mga umaapi sa kanila. MPMP 306.2
Inasahan ng mga Hebreo na magkakaroon sila ng kalayaan na walang ano mang natatanging pagsubok sa kanilang pananampa- lataya o ano mang pagdurusa o kahirapan. Subalit hindi pa sila handa upang mailigtas. Maliit ang kanilang pananampalataya sa Dios, at hindi handa upang pagtiisan ang kanilang mga paghihirap hanggang makita Niyang panahon na upang gumawa para sa kanila. Marami ang nasisiyahan na manatili sa pagkaalipin sa halip na harapin ang mga kahirapang kalakip ng paglipat sa isang di alam na lupain; at ang ugali ng iba ay naging halos katulad na ng mga Ehipcio kung kaya't higit na gusto nila ang manatili sa Ehipto. Kung kaya't hindi sila iniligtas ng Dios sa unang pagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan sa harap ni Faraon. Ginamit niya ang mga pangyayari upang higit pang papag-ibayuhin ang malupit na kalooban ng hari ng Ehipto at upang ihayag ang Kanyang sarili sa Kanyang bayan. Pagkakita sa Kanyang katarungan, Kanyang kapangyarihan, at ang Kanyang pag- ibig, kanilang pipiliin ang iwanan ang Ehipto at ibigay ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa Kanya. Ang gawain ni Moises ay naging hindi gaanong mahirap kung di dahil sa marami sa mga Israelita ang naimpluwensyahan ng gano'n na lamang kung kaya't ayaw na nilang umalis sa Ehipto. MPMP 309.1
Inutusan ng Panginoon si Moises na muling magbalik sa mga tao at ulitin sa kanila ang pangako ng pagliligtas, na may sariwang katiyakan ng kalooban ng Dios. Siya ay humayo ayon sa iniutos sa kanya; subalit sila'y hindi nakinig. Ayon sa kasulatan, “hindi sila nakinig...dahil sa yamot, at dahil sa mabagsik na pagkaalipin.” At muli ang utos ng Dios ay dumating kay Moises, “Pumasok ka, sali- tain mo kay Faraon na hari sa Ehipto, na kanyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.” Sa pagkasira ng loob ay tumugon siya, “Narito, ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang si Faraon ay makikinig sa akin?” Siya ay pinagbi- linang isama si Aaron at humarap kay Faraon, at muling hilingin, “na kanyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.” MPMP 309.2
Siya ay binalaan na hindi papayag ang hari hanggang hindi hina- hatulan ng Dios ang Ehipto at ilinalabas ang Israel sa pagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan. Bago ilapat ang bawat salot, ilalarawan ni Moises ang likas noon at ang mga ibubunga, upang maaaring piliin ng hari na iligtas ang kanyang sarili mula doon kung kanyang nanaisin. Ang bawat parusang tatanggihan ay susundan ng higit na malalang parusa, hanggang ang mapagmalaki niyang puso ay mapaba- ba, at kanyang kilalanin ang Manlalalang ng langit at ng lupa bilang siyang tunay at buhay na Dios. Bibigyan ng Panginoon ang mga Ehipcio ng pagkakataon upang makita kung gaano kawalang kabulu- han ang karunungan ng kanilang malakas na lalaki, gaano kahina ang kanilang mga diyos, kapag lumaban sa mga utos ni Jehova. Kanyang parurusahan ang mga Ehipcio dahil sa kanilang pagsamba sa mga diyus-diyusan at upang patahimikin ang kanilang pagmamalaki sa mga pagpapalang tinanggap sa mga diyos nilang walang pakiram- dam. Luluwalhatiin ng Dios ang Kanyang pangalan, upang marinig ng ibang mga bansa ang tungkol sa Kanyang kapangyarihan at ma- nginig sa Kanyang makapangyarihang mga gawa, at upang ang Kanyang bayan ay maakay mula sa kanilang pagsamba sa diyus- diyusan at magkaloob sa Kanya ng dalisay na pagsamba. MPMP 310.1
Si Moises at si Aaron ay muling pumasok sa marilag na bulwagan ng hari ng Ehipto. Doon, napapalibutan ng matataas na haligi at nagniningning na mga palamuti, magagandang pintura at inanyuang wangis ng diyus-diyusan, sa harap ng hari ng pinakamakapangyari- hang kaharian noon, tumindig ang dalawang kinatawan ng inaliping lahi, upang ulitin ang utos ng Dios tungkol sa pagpapalaya sa Israel. Ang hari ay humiling ng isang kababalaghan, bilang katibayan ng pagkakasugo sa kanila ng Dios. Si Moises at Aaron ay hinamon kung ano ang gagawin sakaling magkaroon ng ganoong kahilingan, kaya't kinuha ngayon ni Aaron ang tungkod, at inihagis iyon sa harap ni Faraon. Iyon ay naging isang ahas. Ipinatawag ng hari ang kanyang mga “marunong at mga manghuhula,” na “inihagis ang bawat isa ang kani-kanyang tungkod, at nangaging ahas: ngunit nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila.” At ang hari, higit pang pinagtibay ang kanyang kapasyahan, ay nagsabing ang kapangyarihan ng kanyang mga mahiko ay makapangyarihan din tulad ng kapangyarihan ni Moises at ni Aaron; pinaratangan niya ang mga ling- kod ng Panginoon bilang mga manlilinlang, at nag-akalang ligtas ang kanyang sarili sa pagtanggi sa kanilang mga kahilingan. Gano'n pa man bagamat tinanggihan niya ang kanilang pabalita, siya ay pinigilan ng kapangyarihan ng Dios sa pananakit sa kanila. MPMP 310.2
Ang kamay ng Dios, at walang lakas ng tao o kapangyarihang taglay ni Moises o ni Aaron, ang ginamit sa milagrong ipinakita nila sa harap ni Faraon. Ang mga kababalaghang iyon ay inihanda upang papagpaniwalain si Faraon na ang dakilang “AKO NGA” ang nagsu- go kay Moises, at katungkulan ng hari ang pahintulutang umalis ang bayang Israel, upang mapaglingkuran nila ang buhay na Dios. Ang mga mahiko ay nagpakita rin ng mga kababalaghan; sapagkat hindi nila ginawa iyon sa pamamagitan ng sarili nilang kakayanan lamang, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanilang diyos, si Satanas, na tumulong sa kanila sa paglaban sa gawa ni Jehova. MPMP 311.1
Hindi tunay na ginawa ng mga mahiko na ang kanilang mga tungkod ay maging ahas; subalit sa pamamagitan ng mahiko, at tulong ng dakilang manlilinlang, nagawa nila ang gano'ng hitsura. Wala sa kapangyarihan ni Satanas ang gawing mga ahas ang mga tungkod. Ang prinsipe ng kasamaan, bagaman taglay ang lahat ng karunungan at lakas ng isang nahulog na anghel, ay walang kapangyarihang luma- lang, o magbigay ng buhay; ito ay para lamang sa Dios. Subalit ang lahat ng nasa kanyang magagawa ay kanyang ginawa; siya ay gumawa ng isang huwad. Sa paningin ng tao ang mga tungkod ay naging mga ahas. At ang gano'n ay pinaniwalaan ni Faraon at ng kanyang mga kasama sa palasyo. Ang anyo ng mga yaon ay katulad na katulad ng hugis ng ginawa ni Moises. Bagaman ipinakain ng Panginoon sa tunay na ahas yaong mga hindi tunay, maging ito ay itinuring ni Faraon, hindi bilang gawa ng kapangyarihan ng Dios, kundi bilang bunga ng isang uri ng mahiko na higit na mahusay sa mahiko ng kanyang mga lingkod. MPMP 311.2
Nais ni Faraon na bigyan ng katuwiran ang kanyang katigasan sa pagtanggi sa iniuutos ng Dios, kung kaya't naghahanap siya ng mapag- babatayan ng kanyang pagwalang halaga sa kababalaghang ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Moises. Ibinigay ni Satanas sa kanya kung ano ang kanyang ninanais. Dahil sa kanyang ginawa sa pamamagitan ng mga mahiko, ginawa niyang isipin ng mga Ehipcio na si Moises at si Aaron ay pawang mga mahiko at mga manggagaway, at ang mensaheng inihahatid nila ay hindi maaaring ituring na nang- galing sa isang higit na makapangyarihang kinapal. Kaya't natupad ang layunin ng huwad na ginawa ni Satanas, ang palakasin ang loob ng mga Ehipcio sa kanilang paglaban, at pinapamatigas ang puso ni Faraon laban sa paniniwala. Nais ding papanghinain ni Faraon ang pananampalataya ni Moises at ni Aaron sa banal na pinagmulan ng kanilang gawain, upang ang kanyang mga kasangkapan ay manaig. Hindi niya gustong ang mga anak ni Israel ay maalis sa pagkaalipin, upang maglingkod sa buhay na Dios. MPMP 311.3
Subalit ang prinsipe ng kasamaan ay may higit pang malalim na layunin sa pagpapakita ng kanyang mga gawa sa pamamagitan ng mga mahiko. Alam niya na si Moises, sa ginagawang pagpapalaya sa mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin, ay kumakatawan kay Kristo, na magpapalaya sa sangkatauhan mula sa pangingibabaw ng kasala- lan. Alam niya na kung si Satanas ay mahayag, makapangyarihang mga kababalaghan ang papangyarihin bilang patotoo sa sanlibutan na ang Dios ang nagsugo sa kanya. Si Satanas ay nanginig sa kanyang kapangyarihan. Sa pamamagitan ng paggaya sa ginawa ng Dios sa pamamgitan ni Moises, inaasahan niya hindi lamang ang paghad- lang sa pagpapalaya sa Israel, kundi pati ang magkaroon ng impluwensya sa mga darating na panahon na sirain ang pananampalataya sa mga milagro ni Kristo, at upang patatagin ang sarili niyang kapangyarihan at mga pag-aangkin. Inaakay niya ang mga tao upang maniwala na ang mga milagro ni Kristo ay bunga ng kakayanan ng tao o ng kapangyarihan. Sa maraming mga isipan kanyang sinisira ang pananampalataya kay Kristo bilang anak ng Dios, at inaakay sila upang tanggihan ang mabiyaya Niyang mga alok ng awa na nasa panukala ng pagtubos. MPMP 312.1
Si Moises at si Aaron ay inutusang pumunta sa tabi ng ilog sa kinaumagahan, kung saan ang hari ay malimit nagtutungo. Ang ma- saganang pag-agos ng Ilog Nilo bilang pinagkukunan ng pagkain at kayamanan para sa buong Ehipto, ang ilog ay sinasamba bilang isang diyos, at ang hari ay pumaparito araw-araw upang magdasal. Dito ay muling inulit ng magkapatid ang mensahe sa kanya, at kanilang iti- naas ang tungkod at pinalo ang tubig. Ang binabanal na ilog ay naging dugo, ang mga isda ay namatay, at ang amoy ng ilog ay bumaho. Ang tubig sa mga bahay, ang nakatabi sa mga banga, ay naging dugo rin. Subalit “ang mga mahiko sa Ehipto ay gumawa ng gayon din, sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto,” at “si Faraon ay pumihit at umuwi sa kanyang bahay, na hindi man lamang nabag- bag ang kanyang puso.” Sa loob ng pitong araw ang salot ay nagpa- tuloy, subalit walang ano mang ibinunga. MPMP 312.2
Muli ang tungkod ay itinaas sa mga tubig, at ang mga palaka ay nagsiahon mula sa ilog, at kumalat sa buong lupain. Pinuno nila ang mga bahay, pumasok sa mga silid tulugan, at maging sa mga pinaglu- lutuan ng tinapay at pinagmamasahan. Ang palaka ay itinuturing na banal ng mga Ehipcio, at hindi nila iyon pinapatay; subalit ang ma- lansang peste ay hindi na nila ngayon matiis. Kanilang kinalatan pati ang mga palasyo ni Faraon, at ang hari ay hindi nakapagpigil sa pagpapaalis sa mga iyon. Ang mga mahiko ay nakagawa rin ng ka- mukha ng mga palaka, subalit hindi nila mapaalis ang mga iyon. Nang makita ito, si Faraon ay parang nababa. Ipinatawag niya si Moises at si Aaron, at sinabi, “Manalangin kayo sa Panginoon na alisin ang palaka sa akin, at sa aking bayan; at aking tutulutang yumaon, ang bayan upang sila'y makapaghain sa Panginoon.” Mata- pos ipaalaala sa hari ang dati niyang pagmamalaki, humiling silang magtakda ng panahon kung kailan sila dadalanging alisin ang mga salot. Itianakda niya ang sunod na araw, palihim na iniisip na sa loob ng panahong iyon ang mga palaka ay kusang mag-aalisan, at maili- ligtas ang kanyang sarili mula sa mapait na kahihiyan sa pagsuko sa Dios ng Israel. Gano'n pa man, ang salot ay nagpatuloy hanggang sa panahong itinakda, nang sa buong Ehipto ang mga palaka ay nanga- matay, at ang kanilang mabahong mga bangkay, na naiwan, ay nag- parumi sa hangin. MPMP 313.1
Maaari sanang pinanauli ng Dios sa alabok ang mga iyon sa isang sandali; subalit hindi Niya ito ginawa, baka pagka alis sa mga iyon, ay sabihin ng hari at ng kanyang bayan na iyon ay gawa lamang ng panggagaway o pangbabalani, tulad ng ginawa ng mga mahiko. Ang mga palaka ay nangamatay, at tinipong nangakabunton. Sa pamamagitan nito ang hari at ang buong Ehipto ay nagkaroon ng kati- bayang hindi nila maitanggi ng walang kabuluhan nilang pilosopiya, na ang gawang ito ay hindi ginawa sa pamamagitan ng mahiko, kundi bilang isang hatol mula sa Dios ng langit. MPMP 313.2
“Nang makita ni Faraon na may pahinga ay pinapagmatigas ang kanyang puso.” Sa utos ng Dios, itinaas ni Aaron ang kanyang kamay, at ang alikabok ng lupa ay naging kuto sa buong lupain ng Ehipto. Tinawag ni Faraon ang mga mahiko upang gawin din iyon, subalit hindi nila magawa. Ang gawa ng Dios ay ipinakitang higit sa gawa ni Satanas. Inamin ng mga mahiko, “Ito'y daliri ng Dios.” Subalit ang hari ay hindi pa rin nakilos. MPMP 313.3
Ang pakiusap at babala ay walang nagawa, at isa pang hatol ang pinarating. Ang oras ng pagdating noon ay itinakda upang huwag masabing iyon ay nagkataon lamang. Pinuno ng langaw ang mga bahay at kumalat sa lupa, ano pa't “nasisira ang lupa dahil sa mga pulu-pulutong na langaw.” Ang mga langaw na ito ay malalaki at makamandag; at ang kanilang kagat ay lubhang masakit para sa tao at sa mga hayop. At gaya ng pagkakasaad, ang salot na ito ay hindi umabot sa lupain ng Gosen. MPMP 314.1
Si Faraon ngayon ay nag-alok na kanyang pahihintulutang mag- hain ang mga Israelita sa Ehipto, subalit tumanggi silang tanggapin ang gano'ng kundisyon. “Hindi marapat na aming gawing ganyan,” wika ni Moises, “narito, ihahain ba namin ang kasuklam-suklam ng mga Ehipcio sa harap ng kanilang mga mata at di ba nila kami babatuhin?” Ang mga hayop na ipahahain sa mga Hebreo ay kabi- lang sa mga itinuturing na banal ng mga Ehipcio; at gano'n na lamang ang paggalang nila sa mga hayop na iyon, na ang pumatay ng isa, hindi man iyon sinasadya, ay isang krimen at marapat parusahan ng kamatayan. Imposibleng makasamba ang mga Hebreo sa Ehipto na hindi ikagagalit ng kanilang mga panginoon. Muling hiniling ni Moises na sila'y pahintulutang maglakbay ng tatlong araw tungo sa ilang. Ang hari ay sumang-ayon, at nakiusap sa mga lingkod ng Dios na idalanging ang salot ay maalis. Ipinangako nilang gagawin iyon, subalit binabalaan siya sa panlilinlang sa kanila. Ang salot ay inalis, subalit ang puso ng hari ay pinagmatigas sa pagiging mapilit sa pagla- ban, at siya'y tumanggi pa ring sumang-ayon. MPMP 314.2
Isang higit na malalang salot ang sumunod,—pagkapeste ng lahat ng mga hayop ng mga Ehipcio sa parang. Kapwa ang binabanal na mga hayop at mga hayop na ginagamit sa trabaho—baka at guya at tupa, mga kabayo at kamelyo at asno—lahat ay nangapuksa. Mali- naw na ipinahayag na ang mga Hebreo ay hindi maaapektuhan; at si Faraon na nagsugo ng mga lingkod sa tahanan ng mga Israelita, ay nagpatotoo sa katotohanan ng pahayag na ito ni Moises. “Walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita.” Ang hari ay nagmati- gas pa rin. MPMP 314.3
Si Moises ay inutusang kumuha ng abo sa hurno, at “isaboy sa himpapawid sa paningin ni Faraon.” Ang ginawang ito ay may mala- lim na kahulugan. Apat na taon na ang nakalilipas, ipinakita ng Dios kay Abraham ang pagkaalipin ng Kanyang bayan sa hinaharap, sa anyo ng isang umuusok na hurno at isang nagsisinding ilawan. Kanyang sinabi na Kanyang hahatulan ang mga mang-aapi sa kanila, at ilalabas ang mga bihag na may malaking kayamanan. Sa Ehipto, ang Israel ay matagal na nagdusa sa apoy ng paghihirap. Ang ginawang ito ni Moises ay isang katiyakan para sa kanila na ang Dios ay tapat sa Kanyang pangako, at ang panahon ng pagliligtas sa kanila ay dumating na. MPMP 314.4
Samantalang ang abo ay isinasaboy sa himpapawid, ang mga pinong butil ay kumalat sa buong lupain ng Ehipto, at saan man iyon lumapag, ay nagkakaroon ng pigsa “at naging bukol na naknakin sa tao at sa hayop.” Ang mga pari at mahiko at palaging nagpapasigla kay Faraon sa kanyang katigasan, subalit ngayon isang hatol ang dumating na nakaapekto sa kanila mismo. Hinampas ng isang mabaho at masakit na karamdaman, ang kanilang ipinagmamalaking kapangyarihan ay naging sanhi lamang lalo ng kanilang kahihiyan, hindi na sila makala- ban pa sa Dios ng mga Israelita. Nakita ng buong bansa ang ka- hangalan ng pagtitiwala sa mga mahiko, ng hindi nila maingatan maging ang sarili nilang pagkatao. MPMP 315.1
Ang puso ni Faraon ay higit pa ring nagmatigas. At ngayon siya ay pinadalhan ng Dios ng isang mensahe, na nagsasabi, “ngayo'y ibubug- so ko na ang lahat ng aking salot sa iyong puso, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong malamang walang gaya Ko sa buong lupa...na dahil dito ay pinatayo kita, upang maipakilala sa iyo ang Aking kapangyarihan.” Hindi ibig sabihin na siya ay binigyan ng Dios ng buhay para sa Iayuning ito, kundi ginamit Niya ang mga pangyayari upang mailagay siya sa trono sa panahong ito ng pagpapalaya sa Israel. Bagaman ang malupit na haring ito dahil sa kanyang buhay ay iningatan upang sa pamamagitan ng kanyang katigasan ay maipakita ng Panginoon ang Kanyang mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto. Ang nagaganap na mga pangyayari ay ayon sa kalooban ng Dios. Maaari sanang naglagay Siya ng isang higit na mahabaging hari, na hindi magmamatigas sa makapangyarihang pagpapahayag ng mga kababalaghan ng Dios. Subalit sa gano'ng kalagayan ang layunin ng Dios ay hindi matutupad. Ang Kanyang bayan ay pina- hintulutang makaranas ng mapait na kalupitan ng mga Ehipcio, upang sila ay hindi malinlang ng nakakababang impluwensya ng pagsamba sa diyus-diyusan. Sa kanyang pakikitungo kay Faraon, ay ipinahayag ng Panginoon ang Kanyang galit sa pagsamba sa diyus- diyusan, at ang Kanyang layuning parusahan ang kalupitan at pang- aapi. MPMP 315.2
Ang Dios ay nagpahayag tungkol kay Faraon, “aking papagmama- tigasin ang kanyang puso, at hindi niya tutulutang yumaon ang bayan.” Exodo 4:21. Walang ginamit na ibayong kapangyarihan upang patigasin ang puso ng hari. Ibinigay ng Dios kay Faraon ang pinaka- hayag na katibayan ng kapangyarihan ng Dios, subalit ang hari ay nagmatigas sa pagtanggi sa liwanag. Bawat pagpapahayag ng kapangyarihan ng Dios, na kanyang tinanggihan, ay naging sanhi u- pang higit pa siyang maging matigas sa kanyang paglaban. Ang mga binhi ng paglaban na kanyang inihasik nang kanyang tanggihan ang unang himala, ay lumikha ng kanilang ani. Samantalang siya ay na- ngangahas na sumunod sa sarili niyang landas, mula sa isang antas ng katigasan tungo sa ibayong antas, ang kanyang puso ay higit pang naging matigas, hanggang sa siya ay tawagan upang tumingin sa malamig, at patay na mga mukha ng panganay. MPMP 316.1
Ang Dios ay nagsasalita sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, nagbibigay ng mga pahiwatig at mga babala, at sinasa- way ang kasalanan. Nagbibigay Siya sa bawat isa ng pagkakataon upang baguhin ang kanilang mga pagkakamali bago sila maging ba- hagi ng pagkatao; subalit kung ang isa ay tumangging mabago, ang kapangyarihan ng Dios ay hindi humahadlang upang labanan ang sarili niyang gawa. Nagiging napakadali para sa kanya ang muling gawin iyon. Kanyang tinitigasan ang kanyang puso laban sa impluwensya ng Banal na Espiritu. Ang ibayo pang pagtanggi sa liwanag ay naglalagay sa kanya sa lugar na ang higit na makapangyarihang impluwensya ay hindi magiging mabisa upang lumikha ng nananatiling pagbabago. MPMP 316.2
Siya na minsan ay nagbigay daan sa tukso ay higit na nagiging handang humina sa susunod na pagkakataon. Bawat pag-ulit sa kasalanan ay nakapagpapahina ng kanyang kapangyarihan upang tumanggi, binubulag ang kanyang mga mata, at pinapupurol ang kanyang paniniwala. Ang bawat binhi ng pagpapalaya sa sariling inihasik ay nagbubunga. Ang Dios ay hindi gumagawa ng himala upang mahadlangan ang ani. “Ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.” Galacia 6:7. Siya na nagpapakita ng pagmamatigas ng isang di sumasampa-lataya, ng isang pagwawalang bahala sa mga banal na katotohanan, ay aani lamang ng kung ano ang kanyang inihasik. Iyon ang dahilan kung bakit marami ang di man lamang nakikilos sa pakikinig sa mga katotohanan na dati'y umantig sa kanilang mga kaluluwa. Sila ay naghasik ng pagkalimot, at paglaban sa katotohanan, at gano'n ang kanilang inaani. MPMP 316.3
Yaong mga nagwawalang halaga sa sumbat ng paggawa ng isang kasalanan sa kaisipan na sila'y magbabago kung kailan nila maisipan, at maaari nilang hindi pansinin ang mga paanyaya ng kaawaan, at paulit-ulit pa silang makadarama ng gano'n, ay gumagawa ng ganito para sa kanilang ikapapahamak. Kanilang iniisip na matapos ilagak ang kanilang impluwensya sa panig ng dakilang rebelde, sa isang sandali ng matinding kagipitan, kapag ang panganib ay nakapaligid sa kanila, na sila ay makapagpapalit ng lider. Subalit ito ay hindi madaling gawin. Ang karanasan, kasanayan, at disiplina ng isang buhay na nagpapahintulot sa kasalanan, ay gumawa ng husto upang mahubog ang pagkatao anupa't hindi nila matanggap ang wangis ni Jesus. Kung wala pa sanang liwanag sa kanilang landas, ang kalagayan ay maiiba. Maaari sanang makapamagitan ang awa, at mabigyan sila ng pagkakataon upang matanggap ang kanyang mga mungkahi; subalit matapos na ang liwanag ay matagal nang tinatanggihan at, iyon ay inaalis sa wakas. MPMP 317.1
Isang salot ng granizo ang sunod na ipinangtakot kay Faraon, na may babala, “Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong tinatangkilik sa parang; sapagkat bawat tao at hayop na maabutan sa parang, at hindi masisilong, ay lalagpakan ng granizo at mamamatay.” Ang ulan o granizo ay di pang-karaniwan sa Ehipto, at ang gano'ng uri ng bagyong inihayag ay di pa kailan man nasasaksihan. Ang balita ay mabilis na kumalat, at lahat ng naniwala sa salita ng Panginoon ay tinipon ang kanilang mga kawan, samantalang yaon namang hindi naniwala ay iniwan ang kanilang kawan sa parang. Kaya't sa kalagitnaan ng paghuhukom ang habag ng Dios ay inihayag, ang mga tao ay nasubok, at nakita kung ilan sa mga tao ang nagkaroon ng takot sa Dios sa pagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan. MPMP 317.2
Ang bagyo ay dumating gaya ng ibinanta,—kulog at granizo, at apoy ay magkakasama, “napakalakas, na kailan ma'y hindi nagkaroon sa buong lupain ng Ehipto mula nang maging bansa. At sinalot ng granizo ang buong lupain ng Ehipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, at sinalot ng granizo ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punong kahoy sa parang.” Pagkawasak at kalagiman ang naging anyo ng dinaanan ng pumu- puksang anghel. Ang lupain lamang ng Goshen ang hindi nasira. Inihayag sa mga Ehipcio na ang daigdig ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng buhay na Dios, na ang mga elemento ay sumusunod sa Kanyang tinig, at ang tanging kaligtasan ay nasa pagsunod lamang sa Kanya. MPMP 317.3
Ang buong Ehipto ay nanginig sa nakasisindak na pagbubuhos ng hatol ng Dios. Madaling ipinatawag ni Faraon ang dalawang magka- patid, at nagsabi, “Ako'y nagkasala ngayon: ang Panginoo'y matuwid, at ako at ang aking bayan ay masama. Dalanginan ninyo ang Panginoon upang hindi na magkaroon ng sukat na malalakas na kulog at granizo; at kayo'y aking papayaunin, at di ko na kayo bibinbinin.” Ang sagot ay, “Paglabas ko sa bayan, ay aking ilalahad ang aking mga kamay sa Panginoon; at ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng anumang granizo; upang iyong maalaman na ang lupa'y sa Panginoon. Ngunit tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, ay nalalaman ko, na di pa kayo matatakot sa Panginoong Dios.” MPMP 318.1
Alam ni Moises na ang labanan ay di pa tapos. Ang mga pahayag at pangako ni Faraon ay di bunga ng ano mang dagliang pagbabago sa kanyang isip o puso, kundi mga napiga sa kanya ng takot at pamimighati. Si Moises ay nangako, gano'n pa man, na ipagkakaloob ang kanyang kahilingan; sapagkat hindi na niya siya bibigyan ng pagkakataon upang magmatigas. Ang propeta ay yumaon, hindi pi- napansin ang kalakasan ng bagyo, at si Faraon at ang kanyang mga kasama ay nasaksihan ang kapangyarihan ni Jehova sa pag-iingat sa kanyang lingkod. Nang makalabas sa lungsod, ang ginawa ni Moises ay “inilahad ang kanyang mga kamay sa Panginoon: at ang mga kulog at ang granizo ay tumigil, at ang ulan ay di na lumagpak sa lupa” Subalit nang ang hari ay mahimasmasan sa kanyang takot, ay nanumbalik ang kanyang puso sa kanyang kasamaan. MPMP 318.2
At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pasukin mo si Faraon: sapagkat Aking pinapagmatigas ang kanyang puso, at ang puso ng kanyang mga lingkod, upang Aking maipakilala itong Aking mga tanda sa gitna nila; at upang iyong maisaysay sa mga pakinig ang iyong mga anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa Ko sa Ehipto, at ang Aking mga tandang ginawa sa gitna nila; upang inyong malaman, na Ako ang Panginoon.” Ang Panginoon ay nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan, upang papagtibayin ang pananampalataya sa Kanya bilang natatanging tunay at buhay na Dios. Magbibigay siya ng di mapagkakamalang katibayan ng pag- kakaibang ibinibigay Niya sa kanila at sa mga Ehipcio, at ipaalam sa lahat ng mga bansa na ang mga Hebreo, na kanilang hinamak at inapi, ay nasa ilalim ng pag-iingat ng Dios ng kalangitan. MPMP 318.3
Binabalaan ni Moises ang hari na kung sila'y mananatiling nag- mamatigas, isang salot ng mga balang ang ipadadala, na babalot sa buong lupa, at kakain sa lahat ng luntiang bagay na natitira; at kanilang pupunuin ang mga bahay, maging ang palasyo rin; na ang gano'n, wika niya, ay “hindi nakita ng iyong mga magulang, mula nang araw na sila'y mapasa lupa hanggang sa araw na ito.” MPMP 319.1
Ang mga tagapayo ni Faraon ay namangha. Ang bansa ay nagkaroon na ng malaking kawalan sa pagkamatay ng kanyang mga hayop. Marami sa mga tao ang napatay ng granizo. Ang mga gubat ay nagsidapa, at ang mga pananim ay nangasira. Mabilis na nangawawa- la sa kanila ang mga napadagdag sa kanila bunga ng paglilingkod ng mga Hebreo. Ang buong lupain ay nahaharap sa gutom. Ang mga prinsipe at ang mga may katungkulan sa palasyo ay nangusap sa hari, at galit na sinabi, “Hanggang kailan magiging isang silo sa atin ang taong ito? payaunin ang mga taong iyan upang sila'y makapagling- kod sa Panginoon nilang Dios: hindi mo pa ba natatalastas na ang Ehipto'y giba na?” MPMP 319.2
Si Moises at si Aaron ay muling ipinatawag, at sinabi ng hari sa kanila, “Kayo'y yumaon, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Dios: datapuwat sino-sino yaong magsisiyaon?” MPMP 319.3
Ang sagot ay, “Kami ay yayaon sangpu ng aming mga bata at sangpu ng mga matanda, sangpu ng aming mga anak na lalaki at babae, sangpu ng aming mga kawan at sangpu ng aming mga baka- han, kami ay yayaon; sapagkat kami ay nararapat magdiwang ng isang pista sa Panginoon.” MPMP 319.4
Ang hari ay napuno ng galit, “Sumainyo nawa ang Panginoon,” sigaw niya, “na gaya ng aking pagpapayaon sa inyo, at sa inyong mga bata: mag-ingat kayo; sapagkat ang kasamaan ay nasa harap ninyo. MPMP 319.5
Huwag ganyan: yumaon kayong mga lalaki, at maglingkod sa Panginoon; sapagkat iyan ang inyong ninasa. At sila'y pinaalis sa harap ni Faraon.” Sinikap ni Faraon na patayin ang mga Israelita sa pamamagitan ng pagpapahirap sa trabaho, subalit siya ngayon ay nagkukunwaring may lubos na pag-alala sa kanilang kapakanan at may mapagmahal na pangangalaga sa kanilang mga maliliit na bata. Ang tunay niyang layunin ay ang gawing prenda ang mga babae at mga bata para sa tiyak na pagbalik ng mga lalaki. MPMP 320.1
At itinaas ni Moises ang kanyang tungkod sa lupain, at ang hangin mula sa silangan ay humihip, at naghatid ng mga balang. “Totoong napakakapal; bago noon ay hindi nagkaroon ng gayong balang, at hindi na magkakaroon pa, pagkatapos noon, ng gayon.” Kanilang pinuno ang himpapawid hanggang sa ang lupa ay nagdilim, at kinain ang bawat bagay ng natitira. Madaling ipinatawag ni Faraon ang mga propeta, at sinabi, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Dios, at laban sa inyo. Ngayon nga'y ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang aking kasalanan, na ngayon na lamang at idalangin ninyo sa Panginoon ninyong Dios, na kanya lamang ilayo sa akin ang kamatayang ito.” Gano'n nga ang kanilang ginawa, at isang malakas na hangin mula sa kanluran ang nagdala sa mga balang tungo sa Dagat na Pula. Subalit ang hari ay nanatili pa rin sa kanyang pag- mamatigas. MPMP 320.2
Ang mga Ehipcio ay handa na upang mawalan ng pag-asa. Ang mga hampas na dumating sa kanila ay tila halos di na nila matitiis, at sila'y nangangamba sa hinaharap. Ang bansa ay sumasamba kay Faraon bilang isang kinatawan ng kanilang diyos, subalit marami na ang naniniwala na kinakalaban niya ang Isa na kumikilos sa lahat ng kapangyarihan ng kalikasan upang maglingkod ayon sa kanyang kalooban. Ang mga aliping Hebreo, na pinagpakitaan ng mabuti sa pamamagitan ng mga kababalaghan, ay nagkakaroon na ng katiya- kan ng pagkaligtas. Hindi na sila pinipighati ng kanilang mga tagapag-atang ngayon. Sa buong Ehipto ay lihim na pangamba na ang lahing inalipin ay maghihiganti sa mga kamalian sa kanila. Sa bawat dako ang mga tao ay nagtatanong ng may pagbubuntong hininga, Ano ang susunod na mangyayari? MPMP 320.3
Pagdaka ay nagkaroon ng isang kadiliman sa lupain, napakakapal at napakaitim na tila isang “kadiliman na mahihipo.” Hindi lamang nawalan ng liwanag ang mga tao, ang kapaligiran ay naging lubhang nakapananakit na ano pa't ang paghinga ay naging mahirap. “Sila'y hindi nagkikita, at walang tumindig sa sino man sa kinaroroonan sa loob ng tatlong araw: subalit lahat ng mga anak ni Israel ay nag-ilaw sa kanilang mga tahanan.” Ang araw at ang buwan ay mga bagay na sinasamba ng mga Ehipcio; sa mahiwagang kadilimang ito ang mga tao at ang kanilang mga diyos ay kapwa hinampas ng kapangyarihan para sa kapakanan ng mga alipin(Tingnan ang Apendiks, Nota 2.). Gano'n pa man bagaman iyon ay kakila-kilabot, ang hatol na ito ay isang katibayan ng kahabagan ng Dios at ng di Niya pagnanais na pumuksa. Kanyang bibigyan ang mga tao ng pagkakataon upang magmuni-muni at magsisi bago para- tingin sa kanila ang pinakahuli at pinakamatinding salot. MPMP 320.4
Sa wakas ang takot ay pumiga kay Faraon ng isang pakikipag- kasundo. Nang matapos ang ikatlong araw ay ipinatawag niya si Moises, at sumang-ayon sa pagpapaalis sa bayan, sa kundisyon na ang mga bakahan at ang mga kawan ay maiiwan. “Wala kahit isang paa na maiiwan,” sagot ng matatag na Hebreo. “Hindi namin nalala- man kung ano ang aming nararapat ipaglingkod sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.” Sumiklab ang galit ng hari na di mapigil. “Umalis ka sa harap ko,” sigaw niya, “iyong pag-ingatang huwag mo nang makitang muli ang aking mukha; sapagkat sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.” MPMP 321.1
Ang tugon ay, “Mabuti ang sabi mo, hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.” MPMP 321.2
“Si Moises ay lalaking naging dakila sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ni Faraon, at sa paningin ng bayan.” Ang mga Ehipcio ay namangha kay Moises. Ang hari ay hindi makapangahas na siya ay saktan, sapagkat kinikilala siya ng mga tao bilang natata- nging may kapangyarihan upang paalisin ang mga salot. Ninais nilang ang mga Israelita ay pahintulutan nang makaalis mula sa Ehipto. Ang hari na lamang at ang mga pari ang lumalaban sa huling kahilingan ni Moises. MPMP 321.3