PAGLAPIT KAY KRISTO

15/147

Ang karanasan ni jacob

Maraming sagisag ang ginamit ng Espiritu ng Diyos upang ilarawan ang katotohanang ito, at upang ipaliwanag sa mga kaluluwang nangananabik na maibsan ng pinapasang kasalanan. Noong si Jakob ay lumayas sa tahanan ng kanyang ama, pagkatapos na magkasala siya sa pagdaya kay Esau, ay nanglumo siya sapagka’t nakilala niya ang nagawa niyang kasalanan. Nang siya’y nag-iisa at lalaboy-laboy na malayo sa lahat niyang minamahal, ang isipang bukod na gumigiit sa kanyang kalooban ay ang pangambang siya ay inihiwalay ng kanyang kasalanan sa Diyos, at tinanggihan na siya ng langit. Sa kalumbayan ay humiga siya sa lupa, nasa palibot niya ang mga burol, at sa itaas ay ang langit na maliwanag sa ningning ng mga bituin. Nang siya’y natutulog, ay isang kataka-takang liwanag ang tumama sa kanyang paningin; at narito, buhat sa palanas ng lupang kanyang kinahihigan, ay mahabang hagdan ang mandi’y nakasandig sa pinto ng langit, at doo’y manhik-manaog ang mga anghel ng Diyos, samantalang mula sa kaluwalhatian sa itaas, ay narinig niya ang tinig ng Diyos na naghahatid sa kanya ng kaaliwan at pag-asa. Sa ganito’y nahayag kay Jakob yaong kinakailangan at pinananabikan ng kanyang kaluluwa—isang Tagapagligtas. Taglay ang tuwa at pasasalamat ay natanaw niyang nahayag ang isang paraan, na makapagsasauli sa kanya, na isang makasalanan, sa pakikipag-usap sa Diyos. Ang mahiwagang hagdan ng kanyang panaginip ay kumakatawan kay Jesus, na siyang tanging tagapamagitan sa pakikipag-usap ng Diyos sa tao. PK 24.2