PAGLAPIT KAY KRISTO
Kailangan ang pagbabago
Anang Tagapagligtas: “Maliban na ang tao ay ipanganak mula sa itaas,” malibang siya’y tumanggap ng bagong puso, mga bagong naisin, adhika, at layunin, na naghahatid sa isang bagong kabuhayan, “ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” Juan 3:3. Ang paniniwala, na ang kailangan lamang ay ang paunlarin ang kabutihang katutubong nasa tao, ay parayang nakapapahamak. “Ang taong ukol sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos; sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kanya; at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.” 2 Corinto 2:14.“Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa inyo: Kinakailangan ngang kayo’y ipanganak na muli.” Juan 3:7. Tungkol kay Kristo ay ganito ang nasusulat: “Nasa Kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao,” ang tanging “pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” Juan 1:4; Gawa 4:12. PK 23.1
Hindi sapat ang unawain lamang ang kagandahangloob ng Diyos, at malasin ang paglingap at pag-ibigmagulang ng Kanyang likas. Hindi sapat ang makilala ang karunungan at katarungan ng Kanyang kautusan, ni makitang ito’y natutungtong sa walang-hanggang simulain ng pag-ibig. Nakita ni apostol Pablo ang lahat ng ito, nang ipahayag niyang: “Sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.” “Ang kautusan ay banal, at ang utos, ay banal, at matuwid, at mabuti.” Datapuwa’t dahil sa pait ng kanyang kapighatian, ay dinugtungan niya ng wikang: “Ako’y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.” Roma 7:16, 12, 14. Kinasabikan niyang maabot ang kadalisayan, at ang katuwiran, na hindi niya maabut-abot sa sarili niyang lakas, at dahil dito’y sumigaw siya: “Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?” Roma 7:24. Iyan ang sigaw na, mula sa lahat ng lupain at sa lahat ng kapanahunan, ay namulas sa mga pusong nabibigatan. Iisa lamang ang tugon sa kalahatan: “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. PK 24.1