PAGLAPIT KAY KRISTO
Hindi natin maililigtas ang sarili
Kung sa ating mga sarili lamang ay hindi tayo makakaahon sa balon ng kasalanang kinalulubugan natin. Masama ang ating mga puso, at hindi natin mababago. “Sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? Wala.” Job 14:4. “Ang kaisipan ng laman ay pakikipag-away laban sa Diyos,: sapagka’t hindi napasasaklaw sa kautusan ng Diyos, at sa katotohanan man ay hindi nga mangyari.” Roma 8:7 Ang pinag-aralan, ang kabihasnan, ang niloloob, at ang pagsisikap ng tao ay may kanya-kanyang kinauukulan, datapuwa’t sa pagahon sa kasalanan ay walang lakas ang lahat ng iyan. Mangyayaring magbunga ang mga iyan ng wastong kaugalian na pakitang tao, datapuwa’t hindi mababago ang puso; hindi malilinis ang mga bukal ng buhay. Kailangan munang magkaroon ng isang kapangyarihang gumagawa sa kalooban, isang bagong kabuhayang buhat sa itaas, bago maalis ang tao sa kasalanan at mailipat sa kabanalan. Ang kapangyarihang iyan ay si Kristo. Biyaya Niya lamang ang makabubuhay sa mga patay na sangkap ng kaluluwa, at makahahalina sa Diyos, sa kabanalan. PK 22.1