PAGLAPIT KAY KRISTO
Kabanata 2—Kailangan natin si kristo
Sa Pasimula ay binigyan ang tao ng marangal na mga kapangyarihan at timbang na pag-iisip. Sakdal siya sa pagkatao at kaayon ng Diyos. Ang kanyang mga iniisip ay malinis, ang kanyang mga layunin ay banal. Datapuwa’t dahil sa pagsuway ay nabaligtad ang kanyang mga kapangyarihan, at kasakiman ang humalili sa pag-ibig. Malaki ang inihina ng kanyang pagkatao dahil sa kanyang pagsalansang, na anupa’t sa sarili niyang lakas ay hindi niya mapaglabanan ang kapangyarihan ng diyablo. Siya’y nabihag ni Satanas at mananatili sanang gayon magpakailan man, kung hindi namagitan ang Diyos. Layunin ng manunukso na baligtarin ang panukala ng Diyos sa pagkalalang sa tao, at punuin ang lupa ng kadalamhatian at kasiraan. At itinuturo niya na ang lahat ng kasamaang ito ay bunga ng pagkalalang ng Diyos sa tao. PK 21.1
Noong hindi pa nagkakasala ang tao, ay maligaya siyang nakikipag-usap sa Kanya na “kinatataguan ng lahat ng kayamanan, ng karunungan at ng kaalaman.” Colosas 2:3. Datapuwa’t nang siya’y magkasala na, ay hindi na siya nakasumpong ng ligaya sa kabanalan, at sinikap niyang magkubli mula sa harapan ng Diyos. Ganiyan pa hanggang ngayon ang kalagayan ng pusong hindi nababago. Hindi kaayon ng Diyos at hindi nakakasumpong ng kaligayahan sa pakikipagsanggunian sa Kanya. Ang makasalanan ay hindi sasaya sa harapan ng Diyos; iilag siya upang huwag makasama ng mga banal na anghel. Kung pahihintulutan siyang pumasok sa langit, ang langit ay walang maidudulot na kaligayahan sa kanya. Ang diwa ng di-sakim na pagibig na roo’y naghahari—na ang bawa’t puso ay tumutugon sa puso ng Walang-hanggang Pag-ibig—ay walang masasagid na tumutugong kuwerdas sa kanyang kaluluwa. Ang pag-iisip, ang interes, at ang mga layunin niya, ay magiging ibang-iba sa diwa ng mga tumatahan doong walang kasalanan. Siya’y magiging isang tinig na sisira sa matamis na himig ng sangkalangitan. Sa ganang kanya, ang langit ay magiging isang pook na pahirapan; iibigin niyang makubli mula sa Kanya na siyang liwanag doon, at panggitna ng kagalakan. Hindi ang makaharing pasiya ng Diyos ang naghihiwalay sa mga makasalanan sa langit; sila’y nangapalabas dahil din sa hindi nila pagkakaangkop doon. Sa kanila ay magiging isang apoy na namumugnaw ang kaluwalhatian ng Diyos. Mamasarapin pa nila ang kapahamakan mangakubli lamang sila sa mukha Niya na namatay upang sila’y matubos. PK 21.2