PAGLAPIT KAY KRISTO

9/147

Iniibig ng ama ang anak

Sinabi ni Jesus: “Dahil dito’y sinisinta Ako ng Ama, sapagka’t ibinibigay Ko ang Aking buhay, upang kunin Kong muli.” Juan 10:17. Sa maliwanag na sabi ay, “Gayon na lamang ang pagsinta sa inyo ng Aking Ama, na anupa’t iniibig Ako ng lalong higit dahil sa ibinigay Ko ang Aking buhay upang kayo’y matubos. Sa Aking pagiging Kahalili at pagiging Ako ninyo, sa pamamagitan ng pagbibigay Ko ng Aking buhay, sa Aking pagako sa inyong mga pagkakautang at sa inyong mga pagsalansang, ay naging mahal Ako sa Aking Ama; sapagka’t sa pamamagitan ng Aking pag-aalay, ang Diyos ay nagiging matuwid at taga aring-ganap ng mga sumasampalataya kay Jesus.” PK 16.2

Wala kundi ang Anak ng Diyos lamang ang makatutubos sa atin; sapagka’t Siya lamang na nagmula sa sinapupunan ng Ama ang siyang sa Ama’y makapagpapahayag. Siya lamang na nakakaalam ng taas at lalim ng pag-ibig ng Diyos ang siyang makapagpapakilala nito. Wala, maliban sa walang-hanggang paghahaing ginawa ni Kristo patungkol sa nagkasalang sanlibutan, ang makapagpapahayag ng pag-ibig ng Ama sa nawaglit na mga tao. PK 17.1