PAGLAPIT KAY KRISTO
Ipinagkaloob ng ama ang kanyang anak
“Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay ang Kanyang bugtong na Anak.” Siya’y ibinigay ng Ama, hindi lamang upang mabuhay sa gitna ng mga tao, magpasan ng kanilang mga kasalanan, at mamatay na pinaka haing patungkol sa kanila; Siya’y ibinigay sa sangkatauhang nagkasala. Makikiisa si Kristo sa mga pangangailangan at mga kapakanan ng sangkatauhan. Siya na kasama-sama ng Diyos ay nakiugnay sa mga anak ng mga tao, sa pamamagitan ng mga panaling hindi malalagot kailan man. Hindi ikinahiya ni Jesus na “sila’y tawaging mga kapatid.” Heb. 2:11. Siya ang ating Hain, ang ating Pintakasi, ang ating Kapatid, na taglay ang ating anyong-tao sa harapan ng luklukan ng Ama, at sa buong panahong walang katapusan ay magiging kaisa ng taong Kanyang tinubos—ang Anak ng tao. At ang lahat ng ito ay upang maiahon ang tao mula sa kasiraan at kaabaang likha ng kasalanan, upang mabakas sa kanya [sa tao] ang pag-ibig ng Diyos, at makabahagi sa ligaya ng kabanalan. PK 17.2
Ang halagang ibinayad sa pagtubos sa atin, ang hindi matingkalang paghahain ng ating Ama na nasa langit sa pagbibigay ng Kanyang Anak upang mamatay para sa atin, ay nararapat magdulot sa atin ng mararangal na pagkakilala sa maaaring abutin natin sa pamamagitan ni Kristo. Nang makita ng kinasihang apostol na si Juan, ang taas, lalim, at luwang ng pagibig ng Ama sa napapahamak na sangkatauhan, ay sumamba siyang lubos at gumalang; at palibhasa’y hindi siya makakita ng agpang na pangungusap upang ipahayag ang kadakilaan at kagandahan ng pag-ibig na ito, ay tinawagan niya ang sanlibutan upang ito’y masdan. “Masdan ninyo kung gaanong pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Diyos.” 1 Juan 3:1. Kaylaki ng pagpapahalaga nito sa tao! Sa pamamagitan ng pagsuway, ang mga anak ng mga tao ay naging mga alipin ni Satanas. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa tumutubos na alay ni Kristo ang mga anak ni Adan ay mangyayaring maging mga anak ng Diyos. Sa pagkakatawang-tao, ay itinaas ni Kristo ang katauhan. Ang nagkasalang mga tao ay napalagay sa lugar na maaari silang maging karapat-dapat sa pangalang “mga anak ng Diyos,” sa pamamagitan ng pakikiugnay kay Kristo. PK 18.1