PAGLAPIT KAY KRISTO

124/147

Bunga ng pag-aalinlangan

Sa dahilang di maarok ang lahat ng mga hiwaga nito, ay tinatanggihan ng mga eseptiko at ng mga di kumikilala sa Diyos ang salita Niya; at hindi lahat na nagsasabing sumasampalataya sa Biblia ay ligtas na sa panganib na ito. Anang apostol: “Magsipag-ingat kayo, mga kapatid, baka sakaling mayroon sa kanino man sa inyo ng isang pusong masama na walang pananampalataya, na naghihiwalay sa inyo sa Diyos na buhay.” Hebreo 3:12. Matuwid ang pag-aralan ng masinop ang mga itinuturo ng Biblia at siyasatin ang “malalim na bagay ng Diyos,” ayon sa inihahayag sa Kasulatan. 1 Corinto 2:10. Bagaman “ang mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Diyos,” ang mga bagay na hayag (naman) ay nauukol sa atin.” Deuteronomio 29:29. Subali’t gawain ni Satanas ang isinsay ang mga kapangyarihan ng pag-iisip na sumisiyasat. Sa pag-aaral ng katotohanang ipinakikilala ng Biblia ay may kapalaluang napapalahok, kaya ang mga tao’y nayayamot at humihinto pagka hindi nila maipaliwanag ang bawa’t bahagi ng Kasulatan ng ayon sa kanilang ikasisiya. Totoong ikinahihiya nilang aminin na hindi nila napag-uunawa ang mga salitang kinasihan. Ayaw nilang maghintay ng matiyaga hanggang sa loobin ng Diyos na marapat ng ihayag sa kanila ang katotohanan. Ipinalalagay nilang sapat na ang sarili nilang karunungan upang kanilang mataho ang buong Kasulatan, at dahil sa kanilang pagkabigo ay tinalikdan na nila tuloy ang kapangyarihan nito. Tunay nga na ang marami sa mga kuru-kuro at aral na karaniwang ipinalalagay na mga hango sa Biblia ay walang pinagtitibayan sa mga iniaaral nito, at tunay nga na kasalungat pa ng buong patotoo ng kinasihang salita. Ang mga bagay na ito ang palaging pinagbubuhatan ng ipinag-aalinlangan at ikinababakla ng marami. Subali’t hindi maipararatang iyan sa salita ng Diyos kundi sa pilipit na pagpapaliwanag ng mga tao. PK 151.2