PAGLAPIT KAY KRISTO
Kahanga-hangang aklat
Ang Biblia ay naghahayag ng katotohanan sa isang simpling paraang at sa walang-pagkukulang na pagtugon sa pangangailangan at hangarin ng puso ng tao, na siyang nagpapanggilalas at gumagayuma sa mga may napakataas na pinag-aralan, at sa kabilang dako naman ay tumutulong sa mga mababa at hindi nagsipag-aral, upang kanilang makilala ang daan ng kaligtasan. Gayon may ang mga katotohanang ito na binigkas sa simpling mga pangungusap ay tumutukoy sa mga paksang napakadakila at napaka malawak, napakalayong maabot ng kapangyarihan ng pang-unawa ng tao, na anupa’t mapaniniwalaan lamang natin ang mga ito, sapagka’t Diyos ang nagpahayag. Sa ganya’y nalalahad sa atin ang panukala ng pagtubos, upang makita ng bawa’t tao ang mga hakbanging gagawin niya sa pagsisisi sa harapan ng Diyos at sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo, upang siya’y maligtas sa paraang itinakda ng Diyos; datapuwa’t sa ilalim ng mga katotohanang ito, na napakadaling maunawa, ay nalalagay ang mga hiwagang lumulukob sa Kanyang kaluwalhatian—mga hiwagang dumadaig sa pag-iisip na nagsisiyasat, subali’t nagdudulot ng paggalang at pananampalataya sa taong taimtim ang pusong humahanap ng katotohanan. Kung kailan niya lalong sinasaliksik ang Biblia ay saka naman lalong nagtitibay sa kanyang pag-iisip na ito nga ay salita ng Diyos na buhay, at ang pagmamatuwid ng tao’y yumuyuko sa harap ng karangalan ng banal na pahayag. PK 150.1
Ang kilalaning hindi natin ganap na maaabot ang mga dakilang katotohanan ng Biblia ay pag-aming hindi malirip ng kapos nating pag-iisip ang walang-hanggan: na ang tao, sa kanyang maigsing pagkakilala, ay hindi makauunawa ng mga layunin ng Katalinuhang walang-hanggan. PK 151.1