PAGLAPIT KAY KRISTO

121/147

Hindi natin malalaman ang lahat

Ang salita ng Diyos, gaya ng likas Niya na nagsalita nito, ay nagpapakilala ng mga hiwagang hindi ganap na matatarok ng mga taong dahop sa kaalaman. Ang pagpasok ng kasalanan sa sanlibutan, ang pagkakatawang-tao ni Kristo, ang pagpapanibago ng pagkatao, ang pagkabuhay na mag-uli, at marami pang ibang mga paksang ipinakikilala sa loob ng Biblia, ay mga hiwagang napakalalim na hindi kayang ipaliwanag ng pagiisip ng tao, o maunawa mang lubusan. Datapuwa’t wala tayong katuwiran na ating pag-alinlanganan ang salita ng Diyos dahil sa hindi maabot ng ating pag- iisip ang mga hiwaga ng Kanyang banal na kalooban. Sa sanlibutang ito ay lagi tayong nasa gitna ng mga hiwagang hindi natin matarok. Ang pinakamaliit na anyo ng buhay ay naghaharap ng isang suliraning hindi kayang ipaliwanag ng mga lalong pantas na pilosopo. Saan mang dako ay may mga kagilagilalas na bagay na hindi abot ng ating pagkukuro. Dapat baga naman tayong magtaka kung tayo’y makasumpong sa sanlibutang ukol sa espiritu ng mga hiwaga na hindi natin maaaring maarok? Ang ikinahihirap ay nasa kahinaan at kakitiran ng pag-iisip ng tao. Sa loob ng Kasulatan ay binigyan tayo ng Diyos ng sapat na katibayan ng banal na likas nito, at hindi natin dapat pag-alinlanganan ang Kanyang salita dahil sa hindi maabot ng ating pag-iisip ang lahat ng hiwaga ng Kanyang banal na kalooban. PK 148.2