PAGLAPIT KAY KRISTO

120/147

Kabanata 12—Dapat gawin sa pag-aalinlangan

Marami, lalo na sa mga bata pa sa buhay Kristiyano, ang malimit na binabagabag ng mga isipang nagmumungkahi ng eseptisismo. Sa Biblia ay maraming bagay ang hindi nila maipaliwanag o maunawa man, at ginagamit ni Satanas ang mga ito upang sirain ang kanilang paniniwala na ang Kasulatan ay isang pahayag na buhat sa Diyos. Nangagtatanong sila: “Paano ko maaalaman ang tunay na daan? Kung tunay nga na ang Biblia ay Salita ng Diyos, paanong mawawala sa akin ang mga pag-aalinlangan at kagulumihanang ito? PK 147.1

Kailan man ay hindi hinihingi ng Diyos na tayo’y magsipaniwala ng hindi muna Siya nagbibigay ng sapat na katibayang mapagsasaligan ng ating pananampalataya. Ang pamamalagi ng Kanyang pagka-Diyos, ang Kanyang likas, at ang katotohanan ng Kanyang salita, ay pawang pinagtitibay ng patotoong kinikilala natin, at ang patotoong ito ay sagana. Gayon may hindi inaalis ng Diyos ang pagkaari ng pag-aalinlangan. Ang ating pananampalataya ay dapat mabatay sa katunayan, hindi sa pagpapakitang tao. Ang mga may ibig magalinlangan ay makapag-aalinlangan subali’t ang talagang naghahangad na makakilala ng katotohanan, ay makakasumpong ng saganang katibayang mapagsasaligan ng kanilang pananampalataya. PK 147.2

Hindi ganap na maaabot ng dahop na pag-iisip ang likas o ang mga gawa ng Isang Walang-hanggan. Sa la long matalas na pag-iisip, sa pinakamatalinong tao, ang Isang banal na iyan, ay dapat manatiling nababalot ng hiwaga. “Masusumpungan mo ba ang Diyos sa pagsasaliklik? Masusumpungan mo ba sa kasakdalan ang Makapangyarihan sa lahat? Mataas na gaya ng langit; anong iyong magagawa? Malalim kaysa Sheol; anong iyong malalaman?” Job 11:7, 8. PK 147.3

Ang sigaw ni apostol Pablo ay ganito: “Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Oh, di matingkalang mga hatol Niya, at hindi malirip na Kanyang mga daan!” Roma 11:33. Bagaman at “mga ulap at kadiliman ay nasa palibot Niya, katuwiran at kahatulan ay patibayin ng Kanyang luk-lukan.” Awit 97:2. Maaaring maabot ng ating pagiisip ang Kanyang mga pagpapasunod sa atin, at ang mga layunin na ikabubuti natin kung ating maalaman; at ang hindi natin maabot ay dapat na nating ipagkatiwala sa kamay na may walang-hanggang kapangyarihan, at sa pusong puno ng pag-ibig. PK 148.1