PAGLAPIT KAY KRISTO

119/147

Magtitipon sa palibot ng krus

Dapat tayong magtitipon sa palibot ng krus. Si Kristong nabayubay sa krus ang dapat na maging paksa ng pagbubulaybulay, pag-uusapan, at ng ating pinakamasayang damdamin. Dapat nating itanim sa ating alaala ang bawa’t pagpapalang tinatanggap natin sa Diyos, at pagka nakikilala natin ang malaki Niyang pag-ibig, ay dapat na bukal sa kaloobang ipagkatiwala natin ang la- hat ng bagay sa kamay na napako sa krus dahil sa atin. PK 144.2

Ang kaluluwa ay maaaring mapataas na lalong malapit sa langit sa pamamagitan ng mga pakpak ng pagpupuri. Sa mga tahanan sa kalangitan ay sinasamba ang Diyos na may awitan at tugtugan, at sa pagpapahayag natin ng ating mga pasasalamat ay natutulad ang ating pagsamba sa ginagawang pagsamba ng tanang mga anghel sa langit. “Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa Diyos.” Awit 50:23. Magsiharap tayo sa ating Maykapal na may magalang na katuwaan, at may “pagpapasalamat at tinig na mainam.” Isaias 51:3. PK 145.1