PAGLAPIT KAY KRISTO
Mangagalak kayo
Noong unang panahon ay ganito ang ipinagbilin ng Panginoon sa bansang Israel, pagka sila’y nagkakatipon upang sumamba sa Kanya: “Doon kayo kakain sa harap ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo’y mangagagalak sa lahat na kalagyan ng inyong kamay, kayo at ang inyong mga sambahayan, kung saan kayo pinagpala ng Panginoon mong Diyos.” Deuteronomio 12:7. Yaong ginagawa sa ikaluluwalhati ng Diyos ay dapat ga- wing may kagalakan, may awit ng pagpupuri at pagpapasalamat, hindi sa kalungkutan at kapanglawan. PK 143.2
Ang ating Diyos ay magiliwin at mahabaging Ama. Ang paglilingkod sa Kanya ay hindi dapat ituring na isang gawaing nakalulungkot ng puso at nakagugulo sa pag-iisip. Dapat maging isang kaluguran ang sumamba sa Panginoon at tumulong sa Kanyang gawain. Hindi ibig ng Diyos na ang Kanyang mga anak, na pinaglaanan Niya ng napakalaking kaligtasan, ay ituring Siya na tulad sa isang mahigpit, at mapaghanap na kapatas. Siya ang pinakamabuti nilang kaibigan; at pagka sila’y sumasamba sa Kanya ay maaasahang Siya’y sasa kanila, upang sila’y pagpalain at aliwin, na pinupuno Niya ng ligaya at pag-ibig ang kanilang mga puso. Nais ng Panginoon na ikaaliw ng Kanyang mga anak ang sila’y maglingkod sa Kanya, at magtamo ng lalong malaking kaligayahan kaysa kahirapan sa Kanyang gawain. Hangad Niya na ang mga lumalapit upang sumamba sa Kanya ay mag-uwi ng mahalagang mga isipang ukol sa Kanyang pagkakandili at pag-ibig, upang maaliw sila sa lahat nilang ginagawa sa arawaraw, at magkaroon ng biyaya upang magawang may pagtatapat at walang-daya ang lahat ng bagay. PK 144.1