PAGLAPIT KAY KRISTO
Malimit na alalahanin ang diyos
Kung aalalahanin lamang natin ang Diyos sa tuwing magkakaroon tayo ng katunayan ng pagkakandili Niya sa atin, ay maiingatan natin Siyang palagi sa ating mga isip, at ikagagalak nating Siya’y pag-usapan at purihin. Pinag-uusapan natin ang mga bagay na makalupa, sapagka’t ito’y kinatutuwaan natin. Pinag-uusapan natin ang ating mga kaibigan, dahil sa mahal sila sa atin; ang ating mga kaligayahan at mga kalungkutan ay kabuklod ng sa kanila. Gayon may malaking di hamak ang ating katuwiran na umibig sa Diyos kaysa umibig sa ating mga kaibigan dito sa lupa; at dapat sanang maging isang baga’y na katutubo sa lahat sa buong sanlibutan na Siya ang maging una sa ating mga pagiisip, pag-usapan ang Kanyang kabutihan at salitain ang Kanyang kapangyarihan. Hindi Niya inadhika na ang mayamang mga pagpapalang ipinagkaloob Niya sa atin ay siya na lamang kaukulan ng ating mga pagiisip at pag-ibig, na anupa’t wala na tayong maiukol sa Diyos; iyan nga ang dapat na magpaalaala sa atin sa Kanya, at magtali sa atin sa mapagkandili nating Ama sa kalangitan sa pamamagitan ng mga panaling pagibig at pasasalamat. Totoong napakalapit sa kapatagan ng lupa ang ating kinaroroonan. Tumingala nga tayo sa langit, doon sa nakabukas na pinto ng santuariyo na roo’y nagliliwanag ang kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Kristo, na siyang “nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya.” Hebreo 7:25. PK 142.1
Dapat nating dagdagan ang pagpupuri sa Diyos “dahil sa Kanyang kagandahang-loob at dahil sa Kanyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao.” Awit 107:8. Ang ating mga pulong pagtatalaga ay hindi nararapat na mabuo na lamang sa paghingi at pagtanggap. Huwag nga nating isiping palagi ang sariling mga pangangailangan, at di na ginugunita ang mga kapakinabangang tinatanggap natin. Hindi rin naman napakalimit na tayo’y manalangin, gayon may babahagya ang ating pagpapasalamat. Palagi tayong tumatanggap ng awa ng Diyos, subali’t magpasalamat tayo dili at bahagya na nating purihin Siya sa lahat ng ginawa Niya sa atin. PK 143.1