PAGLAPIT KAY KRISTO
Nawawalan tayo
Tayo ang nawawalan pagka kinaliligtaan natin ang karapatang magsama-sama upang palakasin at pasiglahin ang isa’t isa sa paglilingkod sa Diyos. Ang mga katotohanan ng kanyang Salita ay nawawalan ng bisa at halaga sa ating mga pag-iisip. Hindi na naliliwanagan pa ang ating puso ni kinikilos man ng nagpapabanal na impluensiya ng Kanyang salita, at tayo’y nanghihina sa buhay Kristiyano. Sa ating samahang Kristiyano, ay malaki ang nawawala sa atin, dahil sa hindi natin pagdadamayan sa isa’t isa. Siya na naghihiwalay ng sarili para sa kanyang sarili lamang ay hindi gumaganap ng tungkuling itinakda ng Diyos na kanyang ganapin. Ang matuwid na pagpapaunlad sa mga katutubong hilig natin sa pakikisalamuha sa ating kapuwa tao ay siyang sa ati’y umaakay na makiisang damdamin sa mga iba, at iyan ay isang paraan ng pagpapabuti at pagpapalakas sa atin sa paglilingkod sa Diyos. PK 141.1
Kung magtitipon sana ang mga Kristiyano, at pag- uusapan nila ang pag-ibig ng Diyos, at ang mahahalagang katotohanan ng pagtubos, ay sisigla ang kanilang mga puso, at mapasisigla nila ang isa’t isa. Sa arawaraw ay mararagdagan ang ating pagkatuto sa ating Ama na nasa langit, at magtatamo tayo ng sariwang karanasan tungkol sa Kanyang biyaya; kung magkagayo’y kauuhawan nating ibalita ang Kanyang pag-ibig; at pagka ganito ang ginawa natin ay magagalak at sisigla ang ating mga puso. Kung si Jesus ang malimit nating iisipin at sasabihin at bihira ang ating sarili, ay mararagdagan ang Kanyang pakikiharap sa atin. PK 141.2