PAGLAPIT KAY KRISTO
Humingi sa ngalan ni jesus
Ani Jesus: “Magsihingi kayo sa Aking pangalan: at sa inyo’y hindi Ko sinasabi, na kayo’y idadalangin Ko sa Ama; sapagka’t ang Ama rin ang umiibig sa inyo.” “Kayo’y hinirang Ko, ... upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga, at manatili ang inyong bunga; upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay Niya sa inyo.” Juan 16:26,27; 15: 16. Datapuwa’t ang manalangin sa pangalan ni Jesus ay hindi ang pagbanggit lamang sa pangalang iyan sa pasimula at sa katapusan ng panalangin. Iyan ay ang manalangin sa pag-iisip at sa diwa ni Jesus, samantalang sumasampalataya sa Kanyang mga pangako, umaasa sa Kanyang biyaya at gumagawa ng Kanyang mga gawa. PK 140.1
Hindi ang ibig sabihin ng Diyos ay ang maging ermitanyo o monghe ang sinuman sa atin, at lumayo na sa sanlibutan, upang maitalaga natin ang ating mga sarili sa pagsamba. Ang kabuhayan ay dapat na matulad sa kabuhayan ni Kristo—na nasa pagitan ng bundok na panalanginan at ng mga tao. Yaong walang gi- nagawa kundi manalangin ay madaling titigil sa pananalangin, o kaya’y magiging walang kabuluhang paulit-ulit ang mga panalangin niya. Pag lumalayo ang mga tao sa pakikisama sa mga iba, malayo sa naabot ng tungkuling Kristiyano at pagpapasan ng krus; pagka huminto na sila sa masipag na paggawa para sa kanila, ay nawawalan sila ng maidadalangin, at walang naguudyok sa kanila upang magtalaga. Ang mga panalangin nila ay magiging pansarili at sakim. Hindi nila maidalangin ang mga pangangailangan ng sangkatauhan, o ang pagtatayo man ng kaharian ni Kristo, at humingi ng lakas na magagamit sa paggawa. PK 140.2