PAGLAPIT KAY KRISTO

114/147

Hindi napapagod ang diyos

Lagi ninyong iharap sa Diyos ang inyong mga pangangailangan, mga katuwaan, mga kalungkutan, ang inyong pag-aalaala, at mga pangamba. Hindi siya marunong mabigatan, hindi siya marunong mapagod. Siyang nakakaalam ng bilang ng buhok ng inyong ulo ay hindi magwawalang-kibo sa mga pangangailangan ng kanyang mga anak. “Lubos ang pagkahabag at ang pagkamaawain ng Panginoon.” Santiago 5:11. Ang puso Niyang maibigin ay nakikilos ng ating mga kalumbayan, kahit na ng pagbigkas lamang natin sa mga ito. Dalhin ninyo sa Kanya ang lahat ng bagay na gumugulo sa inyong pag-iisip. Sa Kanya ay walang napakalaking dalahin, sapagka’t Siya ang umaalalay sa mga sanlibutan, at pinangangasiwaan Niya ang lahat ng kapakanan ng santinakpan. Pagkaliit-liit man ng alin mang bagay na may kinalaman sa ating ikapapayapa, ay napupuna niya. Walang napakadilim na pangkat sa ating karanasan na hindi Niya mababasa; walang kagulumihanang napakahirap na di niya mahuhusay. Walang kapahamakang sasapit sa kaliit-liitan sa Kanyang mga anak, walang pag-aala-alang makagugulo sa kaluluwa, walang kagalakang makapagpapasaya, walang taimtim na panalanging namumutawi sa mga labi, na hindi minamatyagan ng Ama nating nasa langit, o kaya’y hindi Niya agad pinapansin. “Kanyang pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian Niya ang kanilang mga sugat.” Awit 147:3. Ang mga pagkakaugnay ng Diyos at ng bawa’t kaluluwa ay napakalinaw at napakaganap, na anupa’t waring wala nang iba pang kaluluwang pinagbigyan Niya ng Kanyang Anak liban sa isang iyan. PK 139.2