PAGLAPIT KAY KRISTO
Pakaingatang malinis ang sarili mula sa karumihan
Bagaman at nalilibot tayo ng marumi at masamang hangin ng kasalanan, ay di kinakailangang sanghapin natin ang karumihan nito, kundi maaaring makapamuhay tayo sa malinis na hangin ng langit. Masasarhan natin ang bawa’t pintong pinapasukan ng maruruming haka at mga pangit na isipan, sa palagi nating paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na dalangin. Yaong mga tao, na ang puso ay bukas upang tumanggap ng kandili at pagpapala ng Diyos, ay lalakad sa isang lalong banal na dako kaysa nasa lupa, at sila’y laging makakaugnay ng langit. PK 138.2
Dapat tayong magkaroon ng lalong malinaw na pagkakilala kay Jesus, at lalong ganap na pagkaunawa ng kahalagahan ng mga katotohanang walang-hanggan. Ang kagandahan ng kabanalan ay siyang dapat pumuno sa puso ng mga anak ng Diyos; at upang ito’y maganap ay kailangan nating hanapin ang mga banal na pahayag tungkol sa mga bagay na banal. PK 138.3
Buksan natin at itaas ang ating kaluluwa upang tayo’y bigyan ng Diyos ng hangin ng langit na masasagap. Maaaring malapit na malapit tayo sa Diyos, na anupa’t sa tuwing darating ang pagsubok na hindi natin inaasahan ay pipihit agad sa Kanya ang ating mga isip, gaya ng katutubong pagpihit ng bulaklak sa araw. PK 139.1