PAGLAPIT KAY KRISTO
Manalanging nag-iisa
Manalangin kayo sa inyong silid; at sa araw-araw na inyong paggawa, ay limitan ninyo ang pagtawag sa Diyos. Sa ganitong paraan lumakad si Enok na kasama ng Diyos. Ang ganyang mga lihim na dalangin ay pumapaitaas na tulad sa mabangong kamanyang na pumapailanglang sa harapan ng luklukan ng biyaya. Hindi madadaig ni Satanas ang tao na ang puso ay sumasa Diyos. PK 137.1
Walang panahon o dako man, na roo’y hindi nababagay ang magpailanglang ng isang dalangin sa Diyos. Walang makapipigil sa atin sa pagpapailanglang sa Diyos ng isang maningas na panalanging nagmumula sa kaibuturan ng ating puso. Sa mataong lansangan, o sa gitna man ng pakikipagkalakalan, ay makapagpapailanglang tayo ng isang dalangin sa Diyos, at makahihingi ng banal na patnugot, gaya ng ginawa ni Nehemias, noong sabihin niya ang kanyang kahilingan sa haring si Artajerjes. Maaaring isagawa ang pananalangin saan man tayo naroon. Palagi nating buksan ang pintuan ng ating puso, at ipailanglang ang ating paanyaya na si Jesus ay pumasok at manirahan sa ating kaluluwa na isang panauhing mula sa langit. PK 138.1