PAGLAPIT KAY KRISTO

111/147

Huwag papigil sa anuman

Kailangan ang sipag sa pananalangin; huwag kayong papigil sa anumang bagay. Gawin ninyo ang bawa’t pagsisikap upang mamalaging bukas ang pakikipagusap ng inyong kaluluwa kay Jesus. Samantalahin ninyo ang bawa’t pagkakataon, na kayo’y makaparoon sa dakong pinagdadausan ng panalangin. Yaong talagang nagsisihanap sa Diyos, ay makikita sa pulong-panalangin, tapat sa pagganap ng kanilang tungkulin, at masikap at sabik na makuha ang lahat ng kapakinabangang matatamo nila. Gagamitin nila ang lahat ng pagkakataon na lumagay sa lugar na katatanggapan nila ng mga sinag ng liwanag na nagmumula sa langit. PK 136.1

Dapat tayong manalangin sa tahanan na kasama ang sambahayan; at higit sa lahat ay huwag nating kalilig- taan ang lihim na panalangin, sapagka’t iyan ang buhay ng kaluluwa. Hindi makalulusog ang kaluluwa pagka kinaliligtaan ang panalangin. Ang panalangin sa loob ng sambahayan o ang panalangin sa harapan ng madla, ay hindi sapat. Sa pag-iisa, ay buksan ninyo ang inyong puso sa sumisiyasat na paningin ng Diyos. Ang lihim na panalangin ay dapat marinig ng Diyos lamang na dumirinig ng panalangin. Walang mausisang tainga ang dapat makarinig ng dalahin ng ganyang panalangin. Sa lihim na pananalangin ang kaluluwa ay laya mula sa anumang impluensiya sa palibot, at laya rin sa anumang kagusutan. Banayad, nguni’t maalab na aabot ito sa Diyos. Masarap at namamalagi ang impluensiyang magmumula sa Kanya na nakakakita sa lihim, na bukas ang pakinig upang dinggin ang panalanging umiilanglang buhat sa puso. Sa pamamagitan ng mahinahon at malinis na pananampalataya, ay nakikipag-usap sa Diyos ang kaluluwa, at nagtitipon siya sa sarili ng mga sinag ng banal na liwanag upang sa kanya’y magpalakas at umalalay sa pakikilamas kay Satanas. Ang Diyos ang ating muog ng kalakasan. PK 136.2