PAGLAPIT KAY KRISTO
Patawarin ang mga lba
Pag tayo’y lumalapit sa Diyos upang humingi ng habag at pagpapala, ay dapat suma ating mga puso ang isang diwa ng pag-ibig at pagpapatawad. Paano natin maidadalangin ang “ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin” (Mateo 6:12), kung tayo’y nag-iimpok ng pagtatanim ng loob laban sa iba? Kung inaasahan nating sasagutin ang ating mga panalangin, ay dapat na patawarin natin ang mga iba sa paraan at sukat na gaya ng inaasahan nating pagpapatawad naman sa atin. PK 135.1
Ang pagtitiyaga sa pananalangin ay ginawang isang kondisyon ng pagtanggap. Dapat tayong manalanging palagi, kung ibig nating lumago sa pananampalataya at karanasang Kristiyano. Dapat tayong “magmatiyagain sa pananalangin,” at “manatili kayong palagi sa pananalangin, na kayo’y mangagpuyat na may pagpapa- salamat.” Roma 12:12; Colosas 4:2. Pinapayuhan ni Pedro ang mga nanampalataya, na sila’y “mangagpuyat sa pananalangin.” 1 Pedro 4:7. Ipinagbilin ni Pablo, na sa “lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos.” Filipos 4:6. “Nguni’t kayo, mga minamahal,” ani Judas, “papagtibayin ninyo ang inyong sarili sa inyong lubhang banal na pananampalataya, na manalangin sa Espiritu Santo, na magsipanatili kayo sa pag-ibig sa Diyos.” Judas 20, 21. Ang panalanging walang patid ay siyang walang kasira-sirang pakikipagkaisa ng kaluluwa sa Diyos, na anupa’t ang buhay na mula sa Diyos ay dumadaloy sa ating kabuhayan: at mula sa ating kabuhayan ay dumadaloy namang pabalik sa Diyos ang kadalisayan at kabanalan. PK 135.2