PAGLAPIT KAY KRISTO

108/147

Kailangan ang pananampalataya

Ang ikalawang sangkap ng nagtatagumpay na panalangin ay ang pananampalataya. “Ang lumapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos, at Siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa Kanya’y nagsisihanap.” Hebreo 11:6. Ang wika ni Jesus sa kanyang mga alagad ay ganito: “Lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin. Marcos 11: 24. Tapat ba ang ating paniniwala sa Kanyang mga salita? PK 133.1

Ang pangako ay malawak at hindi nahahangganan, at Siya na nangako ay tapat. Pagka hindi natin tinatanggap iyong mga bagay na ating hinihingi sa sandaling hingin natin, ay manampalataya pa rin tayo na dinirinig ng Panginoon ang ating pagsusumamo, at talagang sasagutin Niya ang ating mga dalangin. Napakadalas nating magkamali at napakaigsi ang abot ng ating tingin, na anupa’t kung magkabihira’y humihingi tayo ng mga bagay na hindi magiging isang pagpapala sa atin, at dahil sa pag-ibig ng ating Ama na nasa langit ay sinasagot Niya ang ating mga panala- ngin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng ikabubuti natin—alalaong baga’y iyong talagang hihingin natin, kung taglay ang paninging pinapagliwanag ng Diyos, ay makikita natin ang tunay na lagay ng lahat ng bagay. Kung wari manding hindi sinasagot ang ating mga panalangin, ay panghawakan pa rin natin ang pangako; sapagka’t hindi sasala na darating ang panahon ng pagsagot, at tatanggap tayo ng pagpapala na lubhang kailangan natin. Datapuwa’t sa pagsasabi na palaging ibibigay sa atin ang ating idinadalangin, ayon sa paraang ibig natin, ay pagsasapantaha. Ang Diyos ay napakamatalino at hindi Siya mangyayaring magkamali, at napakabuti Niya kaya hindi Niya ipagkakait ang anumang mabuting bagay sa lumalakad ng matuwid. Kaya nga’t huwag kayong mangambang magkatiwala sa Kanya, bagaman hindi ninyo agad nakikita ang sagot sa inyong mga dalangin. Umasa kayo sa Kanyang tiyak na pangako: “Magsihingi kayo at kayo’y bibigyan.” Mateo 7:7. PK 133.2