PAGLAPIT KAY KRISTO
Kabanata 11—Tanging karapatan ng pagdalangin
Sa pamamagitan ng kalikasan at banal na pahayag, sa pamamagitan ng Kanyang banal na kalooban, at sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, nagsasalita Siya sa atin. Subali’t hindi pa rin sapat ang mga ito; kailangan din namang sa Kanya’y ipahayag natin ang buong nilalaman ng ating puso. Upang magkaroon ng buhay at lakas na ukol sa espiritu ay kinakailangang tayo’y magkaroon ng tunay na pakikiugnay sa ating Ama na nasa langit. Maaaring matawag sa Kanya ang ating mga isip; mabubulaybulay natin ang Kanyang mga ginawa, ang Kanyang mga kahabagan, at ang Kanyang mga pagpapala; nguni’t sa tunay na kahulugan ay hindi ito ang pakikipag-usap sa Kanya. Upang makipag-usap sa Dios, ay dapat magkaroon tayo ng sasabihin sa Kanya hinggil sa lagay ng ating talagang kabuhayan. PK 127.1
Ang panalangin ay ang pagbubukas ng puso sa Diyos na gaya ng sa isang kaibigan. Hindi sa iyan ay kailangan upang maipakilala sa Diyos kung ano ang lagay natin, kundi upang matanggap natin Siya. Ang panalangin ay hindi siyang nagbababa sa Diyos sa atin, kundi iyan ang nagtataas sa atin sa Kanya. PK 127.2
Noong narito pa si Jesus sa ibabaw ng lupa, ay itinuro Niya sa Kanyang mga alagad kung paano ang pananalangin. Pinagbilinan Niya sila na iharap sa Diyos ang kanilang mga kinakailangan sa araw-araw, at ila- gak ang lahat nilang pag-aalaala sa Kanya. At ang ipinangako Niya sa kanila, na didinggin ang kanilang mga karaingan, ay ipinangangako rin naman sa atin. PK 127.3
Si Jesus na rin, noong tumatahan pa Siyang kasama ng mga tao ay malimit manalangin. Nakiisa ang ating Tagapagligtas sa ating mga pangangailangan at mga kahinaan, sapagka’t Siya’y naging isang namamanhik at humihiling, na humihingi sa Kanyang Ama ng sariwang lakas, upang Siya’y makayaong laan sa tungkulin at pagsubok. Siya ang ating halimbawa sa lahat ng bagay. Siya’y kapatid natin sa ating mga kahinaan, “na tinukso sa lahat ng mga paraang gaya rin naman natin;” nguni’t palibhasa’y walang kasalanan, ay umurong ang Kanyang pagkatao sa kasamaan; binata Niya ang mga pakikilaban at pasakit sa Kanyang kaluluwa sa isang sanlibutang makasalanan. Dahil sa Kanyang pagkatao ay naging isang pangangailangan at isang karapatan sa ganang Kanya ang pananalangin. Nakasumpong Siya ng kaaliwan at kaligayahan sa pakikipag-usap sa Kanyang Ama. At kung ang Tagapagligtas ng mga tao, ang Anak ng Diyos, ay nakaranas na kailangan Niya ang panalangin, di lalo pang kailangan ng mahina at makasalanang tao ang maalab at palaging pananalangin. PK 129.1