PAGLAPIT KAY KRISTO
Dumalangin bago mag-aral
Ang Biblia kailan man ay hindi nararapat na pag-aralan na walang kalakip na panalangin. Bago natin buksan ang mga dahon nito ay dapat muna nating hingin ang pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at ito’y ipagkakaloob. Nang lumapit si Natanael kay Jesus, ay sinabi ang ganito ng Tagapagligtas: “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya’y walang daya!” Ang wika ni Natanael: “Saan mo ako nakilala?” At sumagot si Jesus: “Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng higos, ay nakita kita.” Juan 1:47, 48. At makikita rin naman tayo ni Jesus sa mga lihim na dakong panalanginan, kung hihingan natin Siya ng liwanag, upang makilala natin kung alin ang katotohanan. Mga anghel na buhat sa sanlibutan ng kali- wanagan ay siyang sasa mga taong nagmamakaamong humingi sa Diyos ng Kanyang pamamatnugot. PK 125.1
Ibinubunyi at niluluwalhati ng Banal na Espiritu ang Tagapagligtas. Tungkulin Niya ang iharap si Kristo, ang kadalisayan ng Kanyang katuwiran, at ang dakilang kaligtasan natin sa pamamagitan Niya. Ani Jesus: “Kukuha Siya sa nasa Akin, at sa inyo’y ipahahayag.” Juan 16:14. Ang Espiritu ng katotohanan ang siyang tanging magaling na tagapagturo ng banal na katotohanan. Oh anong laki ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, palibhasa’y ibinigay Niya ang Kanyang Anak upang mamatay dahil sa atin, at ibinibigay Niya ang Kanyang Espiritu upang maging guro at patnugot ng tao. PK 126.1