PAGLAPIT KAY KRISTO

105/147

Hinihintay tayo ng diyos

Ang Ama nating nasa langit ay nakalaang sa ati’y magbigay ng kapuspusan ng Kanyang pagpapala. Karapatan natin ang uminom ng marami sa bukal ng walang-hanggang pag-ibig. Nakapagtataka nga na bihirang-bihira tayong manalangin! Handa, at nalalaan ang Diyos na makinig sa taimtim na panalangin ng ka- liit-liitan sa Kanyang mga anak, subali’t hayag na hayag ang malaki nating pag-aatubili na ipaalam sa Diyos ang ating mga kailangan. Ano ang iisipin ng mga anghel sa langit sa kaawa-awa at mahinang mga tao, na sinasalakay ng mga tukso, yayamang ang puso ng Diyos na binubukalan ng walang-hanggang pag-ibig ay nasasabik sa kanila, handang magbigay ng higit sa kanilang mahihingi o maiisip, subali’t bahagya na silang manalangin at napakaliit ang kanilang pananampalataya? Ang mga anghel ay nagigiliw na yumukud sa harapan ng Diyos; ini-ibig nilang mapalapit sa Kanya. Itinuturing nila na ang pakikipag-usap sa Diyos ay siyang pinakamataas nilang kagalakan; subali’t ang mga taong taga lupa, na nangangailangan ng napakalaking tulong na walang ibang makapagbibigay liban sa Diyos lamang, ay waring nasisiyahang lumakad kahit wala sa kanila ang liwanag ng Kanyang Espiritu, na siyang pakikisama ng Kanyang pakikiharap. PK 129.2