PAGLAPIT KAY KRISTO

102/147

Huwag magmadali

Nguni’t sa nagmamadaling pagbasa ng Banal na Kasulatan ay maliit lamang ang pakinabang na natatamo. Maaaring mabasa ng isang tao ang buong Biblia ng tagpusan, at gayon pa man ay hindi niya makita ang kagandahan nito o maunawa kaya ang malalim at natatagong kahulugan. Ang isang talata na pinag-aralan hanggang sa mapag-unawang mabuti ang kahulugan, at mapagkilala ang kaugnayan niyaon sa panukala ng pagliligtas, ay lalong mahalaga kaysa matulin na pagbasa ng maraming pangkat na walang tiyak na layunin at walang malinaw na aral na nakuha. Dalhin ninyong lagi ang inyong Biblia. Pagka nagkaroon kayo ng panahon, basahin ninyo; itanim ninyo sa alaala ang mga talata. Kahi’t na kayo’y naglalakad sa mga lansangan, ay maaaring makabasa kayo ng isang talata at mabulaybulay, at sa gayo’y makikintal ito sa pag-iisip. PK 124.2

Hindi tayo matututo kung wala tayo niyaong taim- tim na pagdidili-dili at pag-aaral na linalakipan ng panalangin. Ang ilang bahagi ng Kasulatan ay napakalinaw na at hindi mapagkakamalian; nguni’t may mga iba namang talata na ang kahulugan ay hindi agad matatarok sa minsang pagbasa, sapagka’t malalim. Ang isang talata ay kailangang iparis sa ibang talata. Dapat magkaroon ng maingat na pagsasaliksik at pagkukurong may panalangin. At ang ganyang pag-aaral ay gagantihin ng sagana. Kung paanong natutuklasan ng magmimina ang mga ugat ng mahalagang mina na natatago, ay gayon nakakasumpong ng mga katotohanang napakamahalaga ang matiyagang nagsasaliksik ng salita ng Diyos, na nakakubli sa paningin ng di maingat na naghahanap. Ang mga salitang kinasihan, pagka minumuni-muni, ay matutulad sa mga batis na umaagos mula sa bukal ng buhay. PK 124.3