PAGLAPIT KAY KRISTO

101/147

Sa mga taong karaniwan

Ang Biblia ay hindi sinulat para sa pantas lamang, kundi ito ay iniukol sa mga taong karaniwan. Ang mga dakilang katotohanang kinakailangan sa ikaliligtas ay pinakaliwa-liwanag na gaya ng katanghaliang tapat; at walang magkakamali ni maliligaw liban sa mga sumusunod sa kanilang sariling haka sa halip na sa malinaw na nahahayag na kalooban ng Diyos. PK 123.2

Hindi natin dapat tanggapin ang patotoo nino man tungkol sa kung ano ang itinuturo ng Kasulatan, kundi tayo na rin ang mag-aral ng salita ng Diyos. Kung pababayaan nating iba ang mag-isip para sa atin, ay malulumpo ang ating mga lakas at uurong ang ating mga kakayahan. Ang dakilang mga kapangyarihan ng pagiisip ay manghihina ng malaki dahil sa hindi paggamit sa mga salaysaying marapat pagtimuan ng pag-iisip, na anupa’t mawawala na tuloy ang kanilang kakayahang umunawa sa malalim na kahulugan ng salita ng Diyos. Lalawak ang pag-iisip pagka ginagamit sa pagaaral ng tungkol sa pagkakaugnay ng mga suliranin ng Biblia, na ipinaparis ang talata sa kapuwa tala- ta, at ang mga bagay na ukol sa espiritu sa mga bagay na ukol sa espiritu. PK 123.3

Wala nang makapagpapalakas na mabuti sa pag-iisip ng tao na sadyang pinanukala na di gaya ng pag-aaral ng Kasulatan. Walang ibang aklat na katulad nito na may angking napakalaking kapangyarihan upang padakilain ang mga isipan, palusugin ang mga pagkukuro, na gaya ng mararangal at malalawak na katotohanang linalaman ng Biblia. Kung ang Salita ng Diyos ay pinag-aaralang gaya ng nararapat gawin, ay magkakaroon ang mga tao ng malawak na kaalaman, marangal na likas, at matibay na adhika, na bihirang makita sa panahong ito. PK 124.1