PAGLAPIT KAY KRISTO

99/147

Ang patotoo ni jesus

Tungkol sa mga kasulatan ng Matandang Tipan, at lalo na ng Bagong Tipan, ay ganito ang sinabi ni Jesus: “Ang mga ito’y siyang nagpapatotoo tungkol sa Akin” (Juan 5:39), ang Manunubos, na gitna ng ating mga pag-asa sa buhay na walang-hanggan. Oo, si Kristo nga ang sinalita ng buong Biblia. Mula sa unang ulat na tungkol sa paglalang—sapagka’t “alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala Siya” (Juan 1:3)—hanggang sa kahuli-hulihang pangako: “Narito, ako’y madaling pumaparito” (Apokalipsis 22:12), ay binabasa natin ang tungkol sa Kanyang mga ginawa, at naririnig natin ang Kanyang tinig. Kung ibig ninyong makilala ang Tagapagligtas, pag-aralan ninyo ang mga Banal na Kasulatan. PK 121.1

Punuin ninyo ang inyong buong puso ng mga salita ng Diyos. Iyan ang tubig ng buhay na nakapapawi ng matinding uhaw. Iyan ang tinapay ng kabuhayan na buhat sa langit. Sinabi ni Jesus: “Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang Kanyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.” At ipinaliwanag Niya ang ibig Niyang sabihin, sa pananalitang ito: “Ang mga salitang sinalita Ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.” Juan 6:53, 63. Binubuo ang ating mga katawan ng ating kinakain at iniinom; at kung ano ang totoo sa kabuhayang ukol sa laman, ay siya rin namang totoo sa kabuhayang ukol sa espiritu; ang ating binubulaybulay ang siyang umaanyo at nagpapalakas sa ating kabuhayang ukol sa espiritu. PK 121.2