PAGLAPIT KAY KRISTO

97/147

Isipin ang sanlibutang darating

Pagka nalulugod ang inyong mga sentido sa nakagagayumang kagandahan ng lupang ito, ay isip-isipin ninyo ang sanlibutang darating, na hindi makakakilala ng dungis ng kasalanan at kamatayan sa buong panahong walang katapusan; na doo’y ang mukha ng katalagahan ay hindi na magtataglay ng anino ng sumpa. Ilarawan ninyo sa inyong pag-iisip ang tatahanan ng mga maliligtas, at alalahanin ninyong ito’y magiging lalong marilag kay sa mailalarawan ng pinakamatalino ninyong pagkukuro. Sa sari-saring kaloob ng Diyos na nalalagay sa katalagahan ay napakalabong sinag lamang ng Kanyang kaluwalhatian ang nakikita natin. Nasusulat: “Hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anumang mga bagay na inihanda ng Diyos sa nangagsisiibig sa Kanya.” 1 Corinto 2:9. PK 119.1

Ang makata at ang nag-aaral ng mga bagay ng katalagahan ay may maraming sinasabi tungkol sa kalikasan, subali’t ang Kristiyano ay siyang nagtatamasang lubos sa kagandahan ng lupa, palibhasa’y nakikilala niya ang ginagawa ng kamay ng kanyang Ama, at kan- yang nakikita ang pag-ibig ng Diyos na nasusulat sa bulaklak, sa damo at sa punong-kahoy. Sinuman ay hindi ganap na makakakilala sa kahalagahan ng burol at libis, ng ilog at dagat, kung hindi niya titingnan ang mga iyon na tagapagpahayag ng pag-ibig ng Diyos sa tao. PK 119.2

Nagsasalita sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng likha ng Kanyang kalooban, at sa pamamagitan ng paggawa ng Kanyang Espiritu sa ating puso. Sa ating sariling mga kalagayan, sa mga pagbabagong nangyayari sa araw-araw sa ating paligid-ligid, ay makasusumpong tayo ng mahalagang mga aral, kung nakalaan lamang ang ating mga puso upang unawain ang mga ito. Sa pagtalunton ng mang-aawit sa mga ginawa ng Diyos ay sinabi Niya: “Ang lupa ay puno ng kagandahang-loob ng Panginoon.” Awit 33:5. “Kung sino man ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.” Awit 107:43. PK 120.1