PAGLAPIT KAY KRISTO
Mahalagang aral ukol sa atin
Kung mangakikinig lamang tayo ay mahalagang mga aral ng pagtalima at pagtitiwala ang sa ati’y ituturo ng mga ginawa ng Diyos. Mula sa mga bituin, na sa buong panahon ay nagsisitunton sa itinadhanang daan nila sa kalawakang walang landas, hanggang sa kaliitliitang atomo, ang mga bagay ng kalikasan ay tumatalima sa kalooban ng Maykapal. Inaalagaan at inaalalayan ng Diyos ang lahat ng bagay na nilalang Niya. Siyang umaalalay sa di mabilang na mga sanlibutang nasa buong kalawakan, ay siya rin namang nagkakaloob ng mga kinakailangan ng maliit na maya na masiglang umaawit ng munti niyang awit na walang takot. Pagka nagsisitungo ang mga tao sa kanilang gawain araw-araw, gaya ng pagka sila’y nananalangin; pagka sila’y nahihiga kung gabi, at pagka bumabangon sila sa umaga; pagka ang mayaman ay nagpapasasa sa kanyang palasyo, o pagka tinitipon ng isang maralita ang kanyang mga anak sa palibot ng dulang na dahop sa mga pagkaing kinakailangan—bawa’t isa sa kanila ay magiliw na tinutunghayan ng Ama sa kalangitan. Walang tumutulong luha na di pansin ng Diyos. Walang ngiting hindi Niya tinatandaan. PK 118.1
Kung lubos lamang na sasampalatayanan natin ang bagay na ito, ay mapapawi ang lahat ng hindi marapat na pag-aalaala. Ang ating mga kabuhayan ay hindi mapupuno ng pagkabigo, na gaya ngayon; sapagka’t ang lahat ng bagay, malaki o maliit man, ay malalagay sa mga kamay ng Diyos, na hindi nagugulumihanan dahil sa maraming pag-aalaala, o nanglulumo man dahil sa bigat ng mga ito. Sa gayon ay ating tatamasahin ang isang kapahingahan ng kaluluwa na malaon ng hindi dinaranas ng maraming tao. PK 118.2