PAGLAPIT KAY KRISTO
Kabanata 10—Ang pakakilala sa diyos
Marami ang paraang ginagamit ng Diyos upang pakilala sa atin at tayo’y maihatid sa pakikipagkaisa sa Kanya. Ang katalagahan ay walang likat na nagsasalita sa ating mga sentido. Sa nakabukas na puso ay makikintal ang pag-ibig at kaluwalhatian ng Diyos na gaya ng nahahayag sa mga ginawa ng Kanyang mga kamay. Mauulinigan at mauunawa ng sinumang nakikinig ang mga pasabi ng Diyos sa pamamagitan ng mga bagay ng katalagahan. Ang mga luntiang kaparangan, ang matataas na punong-kahoy, ang mga buko at bulaklak, ang dumaraang alapaap, ang lumalagpak na ulan, ang lumalagaslas na batis, at ang mga luwalhati ng kalangitan, ay pawang nagsasalita sa ating mga puso, at inaanyayahan tayo, na makipagkilala sa Kanya na gumawa ng lahat ng ito. PK 117.1
Binuo ng ating Tagapagligtas ang mahalaga Niyang mga aral sa pamamagitan ng mga bagay ng katalagahan. Ang mga punong-kahoy, ang mga ibon, ang mga bulaklak sa libis ng kabundukan, ang mga burol, ang mga dagat-dagatan, at ang magandang langit, at sampu ng mga nangyayari at nakalilibot sa kabuhayan sa araw-araw, ay mga iniugnay Niya sa mga salita ng katotohanan upang malimit na magunita ng mga tao ang Kanyang mga iniaral, maging nasa gitna man sila ng mga pag-aalaala sa araw-araw na pagpapagal. PK 117.2
Nais ng Diyos na pahalagahan ng Kanyang mga anak ang mga ginawa Niya, at sila’y malugod sa simple at mahinhing kagandahan na ipinalamuti Niya sa ating tahanang lupa. Siya’y maibigin sa maganda, at higit sa lahat ng nasa labas na kagandahan, ay iniibig Niya ang magandang likas; ibig Niyang paunlarin natin sa ating kabuhayan ang kalinisan at kasimplihan, na siyang tahimik na mga kariktan ng mga bulaklak. PK 117.3