PAGLAPIT KAY KRISTO

4/147

Tayo’y natatali sa kanya

Itinali ng Diyos ang ating mga puso sa Kanya sa pamamagitan ng di-mabilang na mga tanda ng Kanyang pag-ibig sa langit at sa lupa. Sa pamamagitan ng mga bagay ng kalikasan, at ng pinakamataos at pinakamasarap na pagmamahalan dito sa lupa na maaaring sumilid sa puso ng mga tao ay sinikap Niyang pakilala sa atin. Subali’t ang mga ito’y di-ganap na naglalarawan ng Kanyang pag-ibig. Bagaman naibigay na ang lahat ng katunayang ito, ay binulag ng kaaway ng kabutihan ang mga pag-iisip ng mga tao, na anupa’t kinatakutan nila ang Diyos; ipinalagay na Siya’y mabagsik at hindi nagpapatawad. Hinila ni Satanas ang mga tao sa paniniwala na ang pangunang likas ng Diyos ay kabagsikan,—isang matigas na hukom, marahas at mahigpit na maniningil. Inilarawan niya ang Manglalalang na isang Diyos na laging nanunubok ng mga kamalian at pagkukulang ng mga tao, upang lapatan Niya sila ng mga hatol. Kaya nga, upang maalis ang maitim na sapot na ito, sa pamamagitan ng pagpapakita sa sanlibutan ng hindi matingkalang pagibig ng Diyos, ay naparito si Jesus upang tumahan sa gitna ng mga tao. PK 11.1

Bumaba ang Anak ng Diyos mula sa langit upang ipakilala ang Ama. “Walang taong nakakita kailan man sa Diyos; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala.” Juan 1:18. “Sino may hindi nakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.” Mateo 11:27. Nang hilingin ng isa sa mga alagad na: “Ipakita Mo sa amin ang Ama, ay tumugon si Jesus: “Malaon nang panahong ako’y inyong nakakasama, at hindi mo Ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama, bakit sinasabi mo: Ipakita Mo sa amin ang Ama?” Juan 14:8, 9. PK 12.1