PAGLAPIT KAY KRISTO
Ang pakay ni jesus
Nang ilarawan ni Jesus ang Kanyang pakay sa pagparito sa lupa, ay sinabi Niya: “Ako’y pinahiran Niya [ng Ama] upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha; Ako’y sinugo Niya upang pagalingin ang wasak na puso, at ipangaral sa mga bihag ang pagkaligtas, at sa mga bulag ang pagkakita, upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi.” Lukas 4:18, talatang Griego. Ito ang Kanyang gawain. Siya’y naglibot na gumagawa ng mabuti, at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ni Satanas. May mga nayong hindi nagkaroon sa isa mang bahay ng daing ng maysakit; sapagka’t nagdaan Siya roon at pinagaling Niya ang lahat ng may karamdaman. Ang Kanyang ginawa ay nagpatunay na Siya’y pinahiran ng langis ng Diyos. Ang pag-ibig, habag, at pakikiramay ay nangahayag sa lahat Niyang ginawa; ang Kanyang puso ay may awang nakikiramay sa mga anak ng mga tao. Ibinihis Niya ang katutubo ng tao, upang madama Niya ang mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang pinakadukha at pinakamababa ay hindi nangilag na lumapit sa Kanya. Pati ng maliliit na bata ay naganyak na lumapit sa Kanya. Ibig nila ang sumampa sa Kanyang mga tuhod, at tumitig sa Kanyang mapag-isip na mukha, na nagliliwanag sa pag-ibig. PK 12.2